You are on page 1of 1

Ikaw, ang susi sa pagpapakatao

“Madali ang maging tao, ngunit mahirap magpakatao.” Bakit nga ba tayo nagpapakatao? Para
kanino? Para saan? Palagi nang umiikot sa akin ang ideolohiyang pagpapakatao, ngunit
hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mabigyan ito ng sapat na rason kung bakit nga ba ang
isang indibidwal ay nagpapakatao.

Ang pagiging tao ay may ibang kahulugan sa pagkatao at pagpapakatao. Tayo, bilang tao, ay
nagtataglay ng iba’t ibang katangian at personalidad na s’yang nagbubuklod sa ating lahat.
Hindi ibig sabihin ng pagpapakatao ay ang pagkakaroon natin ng maayos at natural na
kaanyuan bagkus ito ay tumutukoy kung paano tayo makiramdam at kilalanin ang dangal ng
isang tao na nakakasalamuha natin. Sa katunayan, kung tutuusin, ang pagpapakatao ay may
iilan na lang ang nakakaalam at nagpapahalaga dahil sa paglago ng mga di-mabuting ugnayan,
diskriminasyon, kawalan ng respeto at lahat ng di-maayos na pakikitungo sa iba.

Lahat ng tayo ay may taglay na pagpapakatao. Bilang kawangis ng ating D’yos, kasama
n’yang hinulma ang ating kakayahan at dangal sa lahat ng bagay at sa lahat ng tao. Ang
pagpapakatao ay hindi lamang sa pagiging uri o anyo ng isang tao kundi, ito ay ang
pagkakaroon natin ng kamalayan sa kung ano ang posibleng mangyari na hindi naman natin
inaasahan sa pagdating ng panahon. Nakikita ito hindi lamang sa panlabas ngunit ito ay likas sa
kaloob-looban nating mga indibidwal na higit pang dapat suriin at pag-aralan upang
mapagyabong pa ito. Dito nakasalalay kung magiging anong uri ng tao tayo batay sa
personalidad na ipinapakita natin sa iba.

Gaya nga ng nabanggit, ang pagpapakatao na tinataglay natin ngayon ay handog ng Diyos at
likas na ito sa ating pagkatao. Nasa atin na ito kung paano natin maipapamalas at
maisasabuhay ang mga karapatan, responsibilidad at kalayaan ng bawat isa sa atin. Hindi
kailanman ay tayo ay magagabayan at matuturuan ng mga taong umaalalay sa pagkatao natin
bagkus, ito ay nasa atin pa rin kung ano ang dapat gawin at kung ano ang dapat linangin upang
maiwasan natin ang mga maling pagpapasya at makaapak ng ibang tao.

Sa paglalahat, madali ang maging tao kung may kamalayan at kaalaman ka tungkol sa
kakayahan mong mailahad ang pagkakaroon mo ng dangal at respeto sa ibang tao. Mahirap
magpakatao dahil, ito ang s’yang sumusukat sa kakayahan natin na matugunan anuman ang
hinihingi ng sitwasyon. Ito ay makakamit lamang kung tayo ay magsisikap at magpupunyagi sa
mga bagay na maaaring makatulong sa atin upang paunlarin at pagtibayin ang ating
personalidad na s’yang magiging daan upang maging ganap na isang marangal at may
kakayahang magmahal sa kahit anumang ikilos niya. Hindi mo kailangang gawin ang mga
bagay na magpapaganap sa iyo bilang isang makatao, kailangan mo itong linangin at pag-
aralan ng masusi upang makamit anuman ang iyong nais masungkit sa dulo.

You might also like