You are on page 1of 1

Katangian ng Awit

Ang awit ay isang uri ng tulang pasalaysay na binubuo ng tig-aapat na taludtod ang bawat saknong, na ang bawat taludtod
ay may lalabindalawahing pantig, at ang tradisyonal na dulong tugma ay isahan (aaaa, bbbb, cccc, at iba pa).
Karaniwang paksa ng awit ang pakikipagsapalaran ng bayani, ngunit ang iba'y tumatalakay din sa mga alamat at
relihiyosong tula. Sa pag-aaral ng batikang mananaliksik Damiana L. Eugenio, ang "awit" ay walang ikinaiba sa "korido",
maliban lamang sa bilang ng pantig sa bawat taludtod. Ang awit, gaya ng korido, ay nagtataglay ng tatlong elemento. Una,
ang pag-iibigan. Ikalawa, ang relihiyoso at pangangaral. At ikatlo, ang kahima-himala at kagila-gilalas.
Inilalahad ng awit ang pag-ibig ng magsintahan o magkabiyak, ang pag-ibig ng anak sa magulang, at ang pag-ibig sa
lupang sinilangan. Samantala, nabubudburan naman ng mga pangangaral ang ilang usapan sa loob ng mga taludtod, ngunit
ang ganitong gawi'y hindi lamang mauugat sa banyagang imluwensiya ng relihiyosong pangangaral dahil nagtataglay na
ang mga katutubong tula, gaya ng tanaga, dalit, at diona, ng gayon at maihahalimbawa ang naitala sa Vocabulario de la
lengua Tagala (1860) nina Fray Juan de Noceda at Fray Pedro Sanlucar. Ang kahima-himala at kagila-gilalas sa mga awit ay
may kaugnayan sa puwersang sobrenatural, gaya ng diyos o santo, na namamagitan sa mga tao at pangyayari
sa pamamagitan ng himala. Nagkakaroon ng lakas ang mga tao, at malulutas nila ang mga balakid sa landas ng kanilang
pangarap.
Nananatiling lihim din magpahangga ngayon kung sino ang kumatha ng karamihan sa mga awit na nalathala noong siglo 19
pababa. Pinakapopular sa lahat ang Florante at Laura ni Francisco (Balagtas) Baltazar na itinuring ni Jose Rizal na
pinakamahusay na awit noon, at nagtataglay ng mga diwaing masasalamin umano sa lipunan.

You might also like