You are on page 1of 1

ALAMAT - SI MALAKAS, SI MAGANDA, AT ANG PAGDAMI NG TAO

Si Malakas, Si Maganda, At Ang Pagdami Ng Tao


NANGYARI naman na mag-asawa nuon ang hangin dagat at ang hangin lupa, at
may anak sila, si kawayan. Isang araw, lumulutang si kawayan sa tabi ng dagat
nang nabangga niya ang paa ng lawin. Nagulat, nasaktan at nagalit, pinagtutuka
ng lawin ang kawayan hanggang nabiyak ito. Kaginsa-ginsa, lumitaw sa isang
piraso ang isang lalaki, si Malakas. Sa kabilang bahagi, lumabas naman ang
isang babae, si Maganda. Sila ang 2 Unang Tao sa daigdig.
IPINATAWAG naman ng lindol ang lahat ng ibon at isda upang pag-usapan kung
ano ang dapat gawin sa 2 tao. Ipinasiya nila na dapat mag-asawa sina Malakas
at Maganda. Nangyari nga ito at marami silang naging mga anak, na pinagmulan
ng ibat ibang tao sa daigdig ngayon.
Pagtagal, nayamot ang mag-asawang Malakas at Maganda sa dami ng kanilang
mga tamad at walang-pakinabang na mga anak. Nais nilang palayasin lahat
subalit hindi nila alam kung saan itatapon ang mga ito kaya nagtiyaga na lamang
ang mag-asawa.
Dumami pa uli nang dumami ang mga anak sa paglipas ng panahon at nangyari
na hindi na nakaranas ng tahimik sina Malakas at Maganda.
Isang araw, hindi na nakatiis si Malakas at, dampot ang isang bakawan, pinaghahataw ang mga bata. Takbuhan sa takot ang mga anak at nagtago sa ibat ibang
lugar. Ang iba ang nagtago sa mga silid ng bahay, ang iba ay sumingit sa mga
dingding. Ang iba ay nagkubli sa mga kalan sa cocina. Ang ibang anak ay
tumakas sa labas, habang ilan ay tuluyang lumayas sa dagat.
Sa ganitong paraan, nagka-iba-iba ang mga tao na kumalat sa daigdig. Ang mga
nagtago sa mga silid ang naging mga pinuno sa mga pulo. Ang mga sumingit sa
dingding ang naging mga alipin. Ang mga nagkubli sa mga kalan ay naging mga
negro. Ang mga tumakas sa labas ang naging mga malaya. Pagkaraan ng
maraming taon, ang mga anak ng lumayas sa dagat ay bumalik, at sila ay mga
maputing tao, ang mga dayuhan.

You might also like