You are on page 1of 4

PO AT OPO SA DUGO NG LIPING BAYANIHAN

ng Sangapulo Lucinda Ocampo

Isang gawing nakasanayan na sa ating mga Pilipino ay ang pagsabi ng po


at opo sa mga nakatatanda. Nagtatawagan din tayo ng kuya at ate, tito at tita, tay
at nay, boss at madam, pogi at maganda, bagaman hindi naman magkaano-ano.
Bahagi na ng ating malawak na kultura ang pagiging magalang. Ang katangian
nating ito ang nagbibigay ng kaibahan sa mga Pilipino sa ibang lipi ng tao.
Ang wika at kultura ay magkabuhol, parang mag-asawang magkatambal
sa diskarte upang mabuhay. Samakatuwid ay pinapasigla ng ating mabuting
pananalita ang kultura ng bayan ng mga bayani. Ayon kay Alfred Whitehead
(1947), ang wika ay kabuuan ng kaisipan ng lipunang lumikha nito; bawat wika
ay naglalaman ng kinaugaliang palagay ng lahing lumikha nito. Hindi man
napapansin at hindi man naipagpapagmamalaki ng karamihan sa atin, ang po at
opo ay nakaugalian na ng mahabahaba nang salinlahing Pilipino na mula pa sa
pinag-ugatan ay may kultura nang napakagalang at napakamapagkumbaba.
Ang po at opo ay di umanong nagbuhat mula sa apo at oo apo, na sa
kinalaunan ay umikli lamang. Ito ay dahil sa dalas ng paggamit, tulad ng nangyari
sa paggamit ng silent K sa Ingles, kung saan dahil mas madaling bigkasin ang
knife bilang nayf kaysa sa unang bigkas nito na ku-nayf ay nawala ang
tunog ng titik k. Kung susuriin muli ang halimbawang ito, nagbabago ang wika o
salita sa dalas ng paggamit nito. Ang apo sa sinaunang wikang katutubo ay
maaaring magpakahulugan sa Maykapal o sa matanda o sa isang panginoon. Isa
itong ebidensya na mula pa sa sinauna nating kinabihasnan ay nakatatak na sa
isang Pilipino ang pagiging magalang at mapagkumbaba, bilang mga taong
naniniwala sa halaga ng karangalan sa pagpapakababa.
Isa pang gawi na hindi dapat kaligtaan ng isang Pilipino ay ang
pagmamano sa nakatatanda. Kabahagi ng paghatid ng pananampalatayang

Kristyano, ang mga Espanyol ang nagturo sa atin sa pagmamano, na nag-umpisa


sa paghalik sa mga kamay ng mga prayle. Kung ikukumpara ang nakasanayang
pagmamano natin sa mga Espanyol maging sa ibang kanluraning bansa, tanging
ang mga iginagalang sa Simbahang Katoliko lamang ang hinahandugan ng
ganitong pagpapakita ng mabuting-asal. Naging kultura na ng mga Pilipino ang
humingi ng pahintulot sa mga nakatatanda upang basbasan sila para sa biyaya at
mabuting kapalaran. Ang kaugaliang ito ay hindi lamang nag-uudyok ng
paggalang sa mga nakatatanda, kung hindi pati rin ang pagkilala sa karunungan
na naipon sa di mabilang na uban ng kanilang buhok sa bawat araw ng parehong
pagsubok at biyaya, at kasawian at mainam na kapalaran.
Ang isang banyaga sa ating bansa ay hindi malilimutan ang kanyang
pagdayo hindi lamang dahil sa mga sining na likas na kanyang makikita sa
Pilipinas na lupain ng gintot bulaklak, ngunit pati na rin sa pag-ibig na nasa
kanyang palad, ika nga ng makatang si Huseng Batute. Kilala ang mga Pilipino sa
kagandahang-loob at sa magiliw na pagtanggap sa mga bisita. Isang kahihiyan sa
isang Pilipino ang hindi magpakita ng respeto at hiya sa napadayo. Bukod dito,
hindi matitiis ng isang Pilipino ang kapanabikang makakilala ng mga tao at
maipakilala rin ang sarili sa mga ito. Alinman sa dalawang kadahilanang ito, hindi
maikakailang bukas ang tahanan ng isang Juan Dela Cruz kahit pa siya ay
mangutang para sa maipapakain sa mga bibisita. Ang tahanan ng isang Pilipino ay
laging para sa mga tao.
Nang ang tahanan ng isang Juan ay gawa pa sa kawayan at pawid, hindi
na kinakailangan ng de-gulong na asero upang ihatid ang maglilipat-bahay sa
bagong lupang katitirikan ng mapagtanggap na pamilya. Ang kailangan lamang
ay ilang matitikas na balikat, at sapat na maihahandog para sa meryenda. Ang
bayanihan ay ang pakikipagkapwa-tao na hanggang ngayon ay nakapagpapatindig
sa balahibo ng mga dayuhang pinagpalang makakita nito.
Likas ang pagiging matulungin ng lahing kayumanggi, na hanggang
ngayon ay sapat na ang isang monay at inumin, o kahit man lang ng isang
matamis na ngiti, o ng matimyas na pagsabi ng Salamat, bilang gantimpala sa

isang kawanggawa. Hindi lamang ito, ang bayanihan ay kumakatawan sa samasamang pagkilos kahit nabibigatan na, kahit ang lalakarin pa ay isang milyang
buhangin at bato, kahit nabibilad sa matalim na sikat ng araw, alang-alang lamang
sa hangaring maitawid ang isang tahanan sa isang mas mainam na katatayuan.
Nakalulungkot mang isipin, subalit sa panahon ngayon na semento at
graba na ang mga gahiganteng mga tahanang naiilawan na ng samut saring
inobasyon, tila unti-unting naging mabigat at matigas na rin ang mga kamay ng
isang Pilipino, at maging ang dilang datiy tikom sa poot ay nakakukuryente na.
Saksi ang kontemporaryong may-akda na si Bob Ong sa pagbabagong
kultural na ito. Naibahagi niya sa kanyang aklat na Stainless Longganisa, na
pagkatapos niyang tumulong sa isang tao ay tinanong siya nito ng, Bakit? Ayon
pa sa kanya, Ang hindi ko lang maintindihan e kung bakit mas abala ang mga tao
sa pagtatanong kung bakit meron silang mga kapwang tumutulong, sa halip na
tanungin ang sarili nila kung bakit sila e hindi. Masama na ba talaga sa panahon
ngayon ang gumawa ng mabuti at kailangan mo na itong ipaliwanag? Oo at
nakaligtas ang po at opo, ang kuya at ate, ang pagmamano, at ilang bakas ng
bayanihan kahit ilang kaharian na ang sumakop sa ating Pilipinas na minumutya,
ngunit makaliligtas pa kaya ang mga ito sa pagbabago ng kultural na gawi ng mga
kabataang pinagkatiwalaan ni Gat Jose Rizal?
Tulad ng wika, ang kultura ay namamatay. Kung ang isang gawi na
tumatatak sa ating magandang pinaglinangan ay hindi na nakikita sa ating mga
kilos, ito ay tuluyang mawawala. Malilimutan ito tulad sa paglimot sa isang
kaibigan na napakatagal nang hindi na nakikita.
Hindi man nakalimbag sa kasaysayan ang mga ito bilang dakilang gawa,
hindi dapat malimot ng isang Pilipino ang dumadaloy naman sa kanyang mga
ugat. Ang pagtalima sa karunungan na nakaguhit sa mga linya ng pangong ilong,
ng kulay ng nabilad na balat, ng basag-basag na talampakan, ay hindi maipipilit
sa isang indibidwal. Subalit parang pintig ng puso at sigaw ng tambuli, ito ay
mabubuhay at patuloy na mabubuhay kung ito ay pinaninindigang pakinggan ng

pandama. Hindi mapapatid ang lubid na maghahatid sa mga binhi na


magpapasibol sa mabuting-asal kung ang pagpapatibay rito ay maituturo sa
pamamagitan ng pagpapakita sa mga ito sa bawat salin-lahi ng Pilipino.
Isang karangalan na ang mga mabubuting kultura ay maipasa sa anak
hanggang sa apo sa dulo ng mga daliri ng mga paa. Hindi ito mawawala kung
hindi mismo ang Pilipino ang magtuturok ng lason sa mga ugat niya. Ang
paggalang, pakikipagkapwa-tao, pagkagiliw at pagkakawang-gawa ay hindi
maglalaho sa dugo ng iyong lipi kung ang mga ito ay patuloy na isasabuhay, hindi
lamang dahil sa hangaring mapanatili ang mga sinulat ng naunang kabihasnan,
kung hindi upang ang mayaman at napakabuti nating kultura ay matingkad pa rin
hanggang sa magpakailanmang henerasyon.

You might also like