You are on page 1of 2

Pagtawid sa Tulay "Ang tula ay tulay ng buhay. Dahil sa tula,nakikilala natin ang ating sarili...

" Sa pagpasok namin sa bulwagan para bang naaalala ko yung mga meetings sa United Nations na nakikita ko minsan sa TV.Naroon sila,mga sikat at respetadong manunula,nakapaikot sa silid,abala sa kanilang usapan na para bang napakahalaga na di dapat palampasin.Na siya namang totoo-ang wikang Filipino,ang ating panitikan,ang mga tula. Nang nakaupo na kami sa itaas ng bulwagan nakuha ko na kung bakit sabik ang aming guro na papuntahin doon.May mga klase pa ang karamihan sa amin...ngunit nang naroon na kami para bang ayaw na kaming pakawalan ng mga upuan.O sabihin na nating ayaw naming umalis.Gaano ba kadalas na makita mo ang mga sikat na makata na magsamasama at makita mo ng malapitan? Aaminin ko na di ko hilig ang mga tula.Kapag nagbabasa ako ng mga tula,mayroong pakiramdam na napipilitan lang ako.Ngunit sa aking obserbasyon ng mga bisita sa bulwagan,nainthindihan ko ang kanilang posisyon.Nakakahanga ang kanilang sakripisyo para maitaguyod ang sining.Di lang sila gumagawa ng tula dahil bugso lang ng kanilang puso.Bawat linya,bawat tugma...mayroong silang nais iparating. Nagkaroon kami ng pagkakataong makilala ang ilan sa mga sikat na makata na naroroon.Siguro sa sobrang star-struck di ko na talaga maalala ang mga nangyari.Nakakatuwa na kahit kami'y mga estudyante lamang ay binigyan nila kami ng oras para batiin ang kumustahin.Akala mo,kapag binabasa mo ang kanilang mga tula,sila'y mga diyos o mga di normal na nilalang.Ngunit sila'y mga normal na tao din pala gaya natin.Mayroon silang sariling buhay,mga hilig,trabaho,mga pinaglalaban.Bawat tulang sinusulat nila(at nababasa natin)ay di lang basta nanggaling sa kawalan.Ito ay likha ng karanasan,repleksyon ng mga karanasan,pilosopiya,mga pangarap. Natuwa ako na buhay na buhay pa ang sining ng tula,lalo na nang napanuod ko ang balagtasan.Nakakatuwang manuod ng ganitong uri ng batuhan ng kuro-kuro.Naaaliw ka na,natututo ka pa.Bigla kong naisip ang fliptop na uso ngayon sa mga bata sa amin.Oo nga naman.Buhay pa ang wika!Kahit na may globalisasyon,laganap pa rin ang ating wika.Buhay pa ang sining ng tula.Sadya lang sigurong sumasailalim ito sa pagbabago;isang ebolusyon,ngunit mananatili sila't mananatili-isang sining ng paglalahad,uri ng pagsasalaysay,paraan ng paglinang ng lipunan at moralidad.

Sadyang tulay sa buhay ang tula-kung dumating ang pagkakataon di ako magaatubiling tumawid sa tulay kung ganoon.

You might also like