You are on page 1of 4

Ang Siopao na Ayaw sa Batang Matakaw Ni Amamg Medina

Narrator: Dito sa bakery ni Aling Bising, maarte at mayabang ang mga siopao. Ayaw nila sa mga batang matakaw. Siopao 1: Kung anu-ano ang kinakain ng mga batang matatakaw. Ayaw naming makihalo sa mga pagkaing nasa tiyan nila! Siopao 2: Lalo na yong mga batang malalaki ang tiyan, yong mga pulubi sa kalsada! Naku, siguradong puro bulate ang laman ng tiyan ng mga yan! Sayang ang mga sustansiya natin kung sa mga bulate lang mapupunta! Ensaymada: Ang aarte nyo naman! Nilikha tayo at niluto para kainin ng sinumang tao. Wala nang pili-pili pa! Pan de sal: Siyanga! Tayong mga tinapay ay para sa lahat. Layunin nating busugin ang sinumang kumain sa atin at palakasin sila sa mga sustansiyang makukuha nila sa atin, pulubi man o mayaman. Siopao 3: Tse! Sinasabi nyo lang yan dahil ang mumura ninyo, puwede kayong bilhin ng kahit na sino. Siopao 1: E, kami? Bongga ang aming presyo! Hindi lahat ay maaaring makatikim ng taglay naming sarap! Siopao 2: Saka, para ano pa at nilikha kaming makikinis at mapuputi ang kutis? Natural, para kainin kami ng mga taong malilinis at mapuputi, tulad ng mayayaman. Narrator: Walang nakakaalam kung saan nakuha ng mga siopao ang ganoong paniniwala. Tinimpla naman sila nang tama, minasang mabuti ng mga panadero at niluto sa oven nang may sapat na init. Ano ang nangyari at naging mapait ang kanilang pag-uugali? Hindi tuloy maiwasan ng ibang mga tinapay na kainisan sila. Pudding: Masyado silang matapobre! Monay: Akala mo kung sino sila! Pan de siosa: Ang pinagkaiba lang naman nila sa atin ay may palaman silang karne. Pan de coco: Pero sapat na ba yon para magmalaki sila nang ganyan?

Lahat: Hindi! Narrator: Minsan, isang batang nagtitinda ng diyaryo ang napadaan sa bakery. Hindi ito kabataan, pero halatang matakaw. Kung makatitig sa mga tinapay, kulang na lang ay dukutin nito ang mga iyon at kainin kaagad. Inis na inis ang mga siopao sa bata. Siopao 3: Huwag sana tayong bilhin at kainin ng batang yan. Siopao 1: Hindi tayo nararapat sa tiyan ng batang yan. Kadiri! Narrator: Pero nang makita ng bata ang sioapao, mukhang nagustuhan din sila nito. Nakita pa nilang inilabas nito ang dila na para bang takam na takam itong matikman sila. Sigawan silang mga siopao. Halos magtago sila sa likod ng isat isa. Siopao 2: Eeek! Ayokong mabili ng batang yan! Siopao 3: Eeek, ayaw ko rin! Pan de sal: Magsitigil nga kayo. Huwag kayong mag-alala at nagsabi na ang bata kay Aling Bising na kami ang bibilhin niya. Narrator: Napabuntong-hininga ang mga siopao. Siopao 1: Hay, salamat! Mabuti na lang at mahal ang ating presyo, Pan de sal lang ang kayang bilhin ng batang dukha. Narrator: Pero nangako ang bata. Batang Matakaw: Kapag nagkapera ako, titikman ko rin kayong mga siopao. Narrator: Alalang-alala tuloy ang mga siopao Siopao 2: Sana, hindi siya magkapera. Siopao 3: Wala sanang bumili ng mga papel na itinitinda niya Narrator: Pero tuwing umaga ay laging dinadalaw ng batang nagtitinda ng diyaryo ang mga siopao sa bakery. Bawat araw, bumibili ito ng isang tinapay kay Aling Bising, at pataas ng pataas ang panlasa nito! Pamahal nang pamahal ang binili nito! Bawat tinapay ay nais nitong matikman.

Siopao 1: At hindi malayong tayo ang susunod. Narrator: hanggang sa dumating nga ang pinakatatakutang araw. Nagbalik sa bakery ang batang nagtitinda ng diyaryo upang tuparin ang isang pangako. Ang matikman ang maputi at makinis na siopao! Pinakatitigan pa nito ang mga siopao, pagkatapos ay ngumiti. Nang makita ng mga siopao ang maruming ngipin ng bata ay nandiri sila. Naghisterya ang isa sa kanila Siopao 2: Ayoko! Ayokong mapunta sa batang yan! Ilabas nyo na ako rito! Narrator: Pero batid ng mga siopao na wala na silang magagawa. Buo at sapat na ang dalang pera ng bata. Iniabot nito iyon kay Aling Bising at saka itinuro ang siopao na nagustuhan nito. Agad na hinagod ni Aling Bising mula sa eskaparateng kinalalagyan nilang mga siopao ang naibigan ng bata. Sigawan silang mga siopao. Pero walang naririnig si Aling Bising. Awang-awa ang mga siopao sa kasama nila habang iniaabot ito ni Aling Bising sa maruming kamay ng bata. Siopao 1&3: Paalam, Asado! Malas mo lang at ikaw ang naibigan ng batang yan. Narrator: Tuwang-tuwa namang pinagmasdan ng bata ang biniling siopao. Sa wakas ay makakatikim na rin ito ng siopao. Dahan-dahan pa nitong inamoy iyon. Batang Matakaw: Hmm, sarap. Narrator: Pigil ang hininga ng ibang mga siopao habang pinapanood nila ang nakatakdang sapitin ng kasamahan nila. Maging ang ibang mga tinapay ay nanonood din sa pagkain ng bata sa siopao. Unti-unting inilapit ng bata ang katakam-takam na siopao sa bibig nito. Isa...Dalawa...Tatlo. Kakagatin na lamang nito ang malambot na laman nang bigla itong matigilan! Nagtaka ang mga siopao sa nasaksihan. Bakit tumigil ang bata? Nagbago ba ang isip nito kay Asado?
3

Maging ang ibang mga tinapay ay nagtaka rin. Noon nila napansin ang presensiya ng iba pang mga bata. Dalawang batang pulubi ang nasa di-kalayuan ng batang nagtitinda ng diyaryo. Nakatingin ang mga ito habang gutom na gutom. Noon nagdalawang-isip ang batang nagtitinda ng diyaryo. Kakainin ba niya ang siopao at hahayaan ang mga batang pulubing nakatingin habang kumakain siya? O titiisin na lamang niya ang sarili at ipagkaloob ang siopao sa mga batang mas gutom pa sa kanya? Isa iyong desisyong napakahirap gawin! Ang laking gulat ng lahat nang makita nilang ibinibigay ng batang nagtitinda ng diyaryo ang siopao sa dalawang batang gusgusin. Siopao 1: Hindi ko maintindihan. Akala ko ba ay gustung-gusto tayong tikman ng batang yan? E, bakit niya tayo ipinamigay sa iba? Pan de sal: Hindi nyo talaga maiintindihan ang ginawa ng batang yan dahil buong buhay ninyo ay wala kayong ibang inisip kundi ang mga sarili nyo. Siopao 3: Anong ibig nyong sabihin? Pan de sal: Ang batang inaayawan ninyo... Ang batang pinandidirihan ninyo... Ang batang ayaw ninyong kumain sa inyo...ay isang batang mabuti at dakila, dahil marunong siyang magbigay sa kapwa. Ibang tinapay (pudding, ensaymada, monay, pandesal at pan de siosa): Natutuwa kaming lahat at kahit paano ay naging bahagi kami ng katawan ng batang yan. Ang taglay naming sustansiya ay hindi nasayang dahil ang binigyan nito ang lakas ay isang batang maipagmamalaki sa kanyang kabutihan. Narrator: Natahimik ang mga siopao. Napahiya sila sa kadakilaang ipinamalas ng batang kanilang pinandirihan at inayawan. Kaya nang muli nilang masdan ang bata, nakita nilang nakangiti uli ito sa kanila. Batang Matakaw: Pagbilhan uli ng isa pang siopao, Aling Bising. Narrator: At lahat silang mga siopao ay nag-unahang makuha ni Aling Bising upang ibigay sa batang bayani.

You might also like