Ricafort, Jessica Katrina B.
4N2
Mga Tula ni Jose Rizal Sa Mga Bulaklak Ng Heidelberg
Pumaroon kayo sa mutya kong bayang pinakamamahal, O mga bulaklak na hasik sa landas niyong manlalakbay, At doon, sa silong ng maaliwalas na langit na bughaw, Sa mga mahal ko'y di nagpapabaya't laging nagbabantay, Inyong ibalita itong pananalig na sa puso'y taglay Ng abang lagalag na di lumilimot sa nilisang bayan. Pumaroon kayo, inyong ibalitang madilim-dilim pa, Kung kayo, sa bati ng bukang-liwayway, ay bumubukad na, Sa pampang ng Neckar na lubhang malamig ay naroon siya, At sa inyong tabi'y inyong namamasid na parang estatuwa, Ang Tagsibol doong hindi nagbabago'y binubulay niya. Inyong ibalitang kung sinisingil na ng bukang-liwayway Ang buwis na bango ng inyong talulot pag ngiti ng araw, Habang bumubulong ang bagong umagang halik ang kasabay Ng "Kung inyo lamang nababatid sana yaring pagmamahal!" Siya'y may bulong ding inaawit-awit sa katahimikan, Kundiman ng puso na sa kanyang wika'y inyong napakinggan. At kung sa taluktok niyong Koenigsthul ay humahalik na Ang mapulang labi ng anak ng araw sa pag-uumaga, At ang mga lambak, gubat at kahuya'y binubusog niya Sa daloy ng buhay na dulot ng sinag na malahininga, Yaong manlalakbay ay bumabati ring puspos ng ligaya Sa araw, na doon sa sariling baya'y laging nagbabaga. At ibalita rin na nang minsang siya'y naglalakad-lakad Sa pampang ng Neckar ay pinupol kayo sa gilid ng landas, Doon sa ang tanod ay ang mga guhong bakas ng lumipas, Na nalililiman ng maraming punong doo'y naggugubat. Ibalita ninyo kung paanong kayo'y marahang pinupol, Pinakaingatang huwag masisira ang sariwang dahon, At sa kanyang aklat ay ipinaloob at doon kinuyom, Aklat ay luma na, datapuwa't kayo'y naroon pa ngayon. Hatdan, hatdan ninyo, O pinakatanging bulaklak ng Rin, Hatdan ng pag-ibig ang lahat ng aking nga ginigiliw, Sa bayan kong sinta ay kapayapaan ang tapat kong hiling, Sa kababaihan ay binhi ng tapang ang inyong itanim; Pagsadyain ninyo, O mga bulaklak, at inyong batiin
Ang mga mahal kong sa tahanang banal ay kasama namin. At pagsapit ninyo sa dalampasigan ng bayan kong irog, Bawa't halik sanang idinarampi ko sa inyong talulot Ay inyong isakay sa pakpak ng hanging doo'y lumilibot, Upang sa lahat nang iginagalang ko't sinisitang lubos Nawa'y makasapit ang halik ng aking pag-ibig na taos. Maaaring doo'y makarating kayong taglay pa ang kulay, Subali't ang bango'y wala na marahil at kusang pumanaw, Wala na ang samyong sa talulot ninyo'y iningatang yaman, Pagka't malayo na sa lupang sa inyo'y nagbigay ng buhay; Iwing halimuyak ang inyong kaluluwa, at di malilisan Ni malilimot pa ang langit na saksi nang kayo'y isilang.
Awit Ng Manlalakbay
Kagaya ng dahong nalanta, nalagas, Sinisiklut-siklot ng hanging marahas; Abang manlalakbay ay wala nang liyag, Layuin, kalulwa't bayang matatawag. Hinahabul-habol yaong kapalarang Mailap at hindi masunggab-sunggaban; Magandang pag-asa'y kung nanlalabo man, Siya'y patuloy ring patungo kung saan! Sa udyok ng hindi nakikitang lakas, Silanga't Kanlura'y kanyang nililipad, Mga minamahal ay napapangarap, Gayon din ang araw ng pamamanatag. Sa pusod ng isang disyertong mapanglaw, Siya'y maaaring doon na mamatay, Limot ng daigdig at sariling bayan, Kamtan nawa niya ang kapayapaan! Dami ng sa kanya ay nangaiinggit, Ibong naglalakaby sa buong daigdig, Hindi nila tanto ang laki ng hapis Na sa kanyang puso ay lumiligalig. Kung sa mga tanging minahal sa buhay Siya'y magbalik pa pagdating ng araw, Makikita niya'y mga guho lamang At puntod ng kanyang mga kaibigan. Abang manlalakbay! Huwag nang magbalik,
Sa sariling baya'y wala kang katalik; Bayaang ang puso ng iba'y umawit, Lumaboy kang muli sa buong daigdig. Abang manlalakbay! Bakit babalik pa? Ang luhang inyukol sa iyo'y tuyo na; Abang manlalakbay! Limutin ang dusa, Sa hapis ng tao, mundo'y nagtatawa.
Kundiman
Tunay ngayong umid yaring dila't puso Sinta'y umiilag, tuwa'y lumalayo, Bayan palibhasa'y lupig at sumuko Sa kapabayaan ng nagturong puno. Datapuwa't muling sisikat ang araw, Pilit maliligtas ang inaping bayan, Magbabalik mandin at muling iiral Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan. Ibubuhos namin ang dugo't babaha Matubos nga lamang ang sa amang lupa Habang di ninilang panahong tadhana, Sinta'y tatahimik, iidlip ang nasa.
Ang Awit ni Maria Clara
Walang kasintamis ang mga sandali sa sariling bayan, Doon sa ang lahat ay pinagpapala ng halik ng araw, May buhay na dulot ang mahinhing simoy na galing sa parang. Pagsinta'y matimyas, at napakatamis ng kamatayan man. Maapoy na halik, ang idinarampi ng labi ng ina Paggising ng sanggol sa kanyang kandungan na walang balisa, Pagkawit sa leeg ng bisig na sabik pa-uumaga na, Matang manininging ay nangakangiti't pupos ng ligaya. Mamatay ay langit kung dahil sa ating lupang tinubuan, Doon sa ang lahat ay pinagpapala ng halik ng araw, Ang mahinhing simoy ns galing sa bukid ay lubhang mapanglaw Sa wala nang ina, wala nang tahana't walang nagmamahal.
Sa Sanggol Na Si Jesus
O Diyos na Sanggol, paano ba kaya't Ang sinilangan Mo ay sabsabang aba? Diyata't di pa man ay pag-alipusta Ang dulot ng Palad sa Iyong pagbaba? Kaylungkot! O hari ng Sangkalangitan, Nagkatawang-tao't sa lupa'y tumahan, Hindi Mo ba ibig na Haring matanghal Kundi Pastol namin na kawan Mong mahal?