You are on page 1of 4

Filipino

Baitang 10 • Yunit 20: Tula Bilang Panitikang Oral

Ang Awit ng Ina sa Kaniyang Panganay


Song of a Mother to Her Firstborn: A Didinga or Lango Cradle Song
Salin sa Ingles ni Jack H. Driberg
Salin sa Filipino ni Kristine Mae N. Cabales

Mangusap ka, aking mahal na anak.


Mangusap, gamit ang iyong mga mata,
Mga matang nakangiti sa tuwina
Na ‘sing ningning ng mga mata ng toro ni Lupeyo.

Kausapin mo ako, o anak ko.


Damhin ang aking dibdib ng maliliit mong mga kamay
Na kay lakas at kay tatag kahit pa mumunti.
Kamay na balang araw ay makikidigma, anak
At magpapagalak sa iyong ama.
Tingnan mo kung gaano ka kasabik na hawakan ako
Tila nais nang humawak ng sibat-pandigma.
O anak, bibigyan ka ng ngalang pangmandirigma,
At magiging pinuno ka ng iyong mga kasama.
At ang iyong anak, at ang anak ng iyong mga anak,
Ay maaalala at aalalahanin ka sa iyong paglisan.
Ngunit ako, lagi’t lagi kong maaalaala
Ang iyong mga kamay na kay higpit
Kumapit sa akin.
Maaalala ko kung paano kang sumandig sa aking balikat
Tititigan ako’t paglalaruan ang aking dibdib
Ng mumunti mong mga bisig.
At ‘pag pinangalanan ka na bilang dakilang mandirigma,
Luluha ako kasabay ng pag-alaala sa iyo.
Ngunit paano ka ba namin pangangalanan, munting mandirigma?
Filipino

Baitang 10 • Yunit 20: Tula Bilang Panitikang Oral


Halika’t tingnan natin kung ano ang magandang ngalan.
Hindi maaaring kahiya-kahiyang pangalan, sapagkat
Ikaw ang una kong anak.
Hindi gaya ng pagpapangalan sa anak ni Nawal,
Kalulugdan ka ng Diyos natin kaysa sa kanila.
Pangangalanan ka ba naming “Hibang” o “Walang Halaga”?
Dapat ka bang pangalanan, gaya ng mga anak ng kamalasan,
O wari’y ngalang katumbas ng dumi ng hayop?
Ang poo’y ‘di nangangailangan ng panlilinlang, anak:
Para sa iyo’y kasaganahan ang nais.
Huhugasan ang iyong kamay at dadamtan ng kariktan.
Mag-aalab ang iyong mga mata,
Maging ang mumunting sibol sa kumukunot mong kilay–
Hindi ba’t ito ang palatandaan na ika’y kanilang
pinanday?
Binigyan ka nila ng kagandahan at lakas, anak.
At ang karunungan ay unti-unti nang mababakas sa
iyong mga mata,
At sa iyong pagtawa.

Kaya paano ka nga ba namin pangangalanan?


Ikaw ba’y ama ng iyong ama, o ng kaniyang kapatid, o ng
ibang tao man?
Kaninong kaluluwa ang iyong taglay, munting
mandirigma?

Na ang kamay na may tangan-tangan ng sibat ay


nangungunyapit sa aking dibdib.
Na nananahan sa iyo at nagmamadali sa pagsibol, gaya
ng mga binhi ng nagdaang taon.
Tahimik ka, ngunit ang iyong mga mata’y nag-iisip,

2
Filipino

Baitang 10 • Yunit 20: Tula Bilang Panitikang Oral

Nag-iisip at nangniningning gaya ng mga mata ng nakamasid na


Leopardo sa kasukalan ng gubat.
Kung magkagayon, hayaan na lamang na ang araw ng pagpapangalan sa iyo
Ang magsabi sa amin.

O anak ko, ngayon higit kailanman ang kagalakan ko’y lubos.


Isa na akong ganap na asawa–
Hindi lang pinakasalan, kundi isa nang Ina.
Maging mayabong ka at marikit, anak kong pinakananais.
Ika’y magbunyi, gaya ng aking pagbubunyi.
Maging masaya, tulad ng aking kagalakan.
Magmahal, sapagkat tayo’y minamahal.
Anak, may pagmamahal na mula sa aking irog.
Ngunit ngayon, ngayo’y napagtanto ko, buo na ang aking pagmamahal.
Ngayon, at ngayon lamang, ako ay kaniya nang asawa, at ina ng kaniyang panganay na
anak.

Ang kaniyang kalul’wa’y panatag sa iyo anak, at ako,


Sa akin, sa akin ka nagmula, anak.
Kung gayon, ako pala’y minamahal din.
Ako’y dapat na magalak.
Ako’y kaniyang kabiyak.
Kung gayon, isa itong karangalan sa akin.

Ingatan mo ang kaniyang dambana kung siya’y lumisan na


Tuwinang gugunitain nang may sakripisyo’t pag-aalay
Aking anak, lagi mong alalahanin ang kaniyang ngalan.
Mabubuhay siya sa iyong panalangin, anak.
At pagkakalooban na siya ng buhay na walang hanggan
Ikaw ang kaniyang panangga, ang sibat, at kaniyang pag-asa

3
Filipino

Baitang 10 • Yunit 20: Tula Bilang Panitikang Oral


Bilang pagtubos sa kaniyang kamatayan.
Sa pamamagitan mo, siya’y mabubuhay nang muli,
Sa batis ng buhay.
At ako, na ina ng kaniyang panganay.
Humimbing ka anak, ikaw na anak ng kariktan, tapang,
At kasaganahan, humimbing ka.

Sagutin Natin
1. Sino ang nagpapahayag ng awit?
2. Kanino inuukol ang awitin?
3. Ano ang paksa ng awit?

You might also like