You are on page 1of 23

Sipi mula sa Representasyon ng Kulturang Pilipino sa Tatlong Pelikulang Animasyon ni Perry

Neslynn H. Duran

Kabanata 2: KASAYSAYAN NG ANIMASYON


A. Maikling Kasaysayan ng Animasyon Bago ito Dumating sa Pilipinas
Kapag sinabing animasyon sa panahon natin ngayon, maraming bagay ang napapaloob
dito tulad ng mga komersyal na mapapanood natin sa telebisyon. Meron ito sa ating mga
kompyuter kapag nakikita natin ang paggalaw ng logo ng Microsoft at sa paglalaro ng mga
computer games. Ngunit, maging sa labas ng ating mga tahanan ay makikita natin ito tulad sa
mga modernong stoplight ngayon kung saan makikita natin ang paggalaw ng mga paa ng pigura
ng isang taong kulay berde na nagbibigay senyales na pwede nang tumawid. Sabi nga sa
depinisyon ng animasyon, ito ay serye ng mga larawan na pinagtagpi-tagpi upang makagawa ng
isang ilusyon na ang larawan pinapakita ay gumagalaw at tila may buhay. Ngunit, bago marating
ng animasyon ang stado na meron nito ngayon, nagdaan muna ito sa ibat ibang pagbabago.
Samakatuwid, may mayaman itong kasaysayan na magbibigay sa atin ng kaalaman kung
papaano ito napagbuti sa pagdaan ng panahon.
Sinasabing ang sinaunang anyo ng animasyon noong unang panahon ay nagmula sa
pagkakaimbento ng Thaumatrope. Ito ay naimbento ng doktor na si John Paris bilang isang
laruan noong kalagitnaan ng dekada ng 1820. Isa itong laruan kung saan may dalawang imahe sa
magkabaliktarang bahagi ng isang disko at may dalawang lubid sa gilid nito kung saan pwedeng
itong iikot. Ang konsepto nito ay makikita sa isang barya na umiikot na parang trumpo kung saan
nagiiba iba ang imahe dahil sa nagpapalit palit na mga larawan.

Ngunit, ang unang kagamitan na gumawa ng mga tunay na animated na larawan ay ang
Phenakistoscope noong 1832. Sinasabing nagmula ang konsepto nito kay Peter Mark Roget dahil
sa teorya niyang Persistence of Vision na pinerpekto naman ng Belgian na si Joseph Plateau sa
pamamagitan ng Phenakistoscope.1 Sa taong rin iyon ay sinasabing nakagawa ang taga-Austria
na si Simon von Stampfer ng parehong aparato. Ang Phenakistoscope ay binubuo ng isang
gulong na nakakabit sa isang hawakan. Ang umiikot na disko ay naglalaman ng hanay ng mga
larawan na bubuo ng isang larawang gagalaw oras na paikutin ito, iharap sa salamin at silipin sa
bingas na nasa gilid ng gulong. Ang mga bingas nito ay nagsisilbing shutter sa isang movie
projector na siyang nagbibigay sa tumitingin ng abilidad na makita ang imaheng pinapakita ng
hindi tatagal sa isang segundo kaya naman sa mabilis na paglipat ng mga larawan ay nagbibigay
ito ng ilusyon ng isang larawang gumagalaw.
Matapos maimbento ang Phenakistoscope, ang sumunod na importanteng imbensyon sa paggawa
ng mga larawang animasyon ay ang Zoetrope. Kilala rin ito bilang Wheel of Life na naimbento
noong 1834 ni William G. Horner ng Inglatera. Binago ni Pierre Desvignes ang disenyo nito sa
Pransya noong 1860. Isa itong umiikot na dram na may hanay ng mga larawan sa loob at tulad
ng Phenakitoscope ay may mga bingas sa pwedeng silipan upan makita ang gumagalaw na
larawan sa loob oras na paikutin ito. Halos kapareho rin ng konseptong nito ang imbensyon ng
amerikanong si Coleman Seller na Kinematoscope noong 1861 kung saan nagpapakita ito ng
mga stereoscopic na mga larawan mula sa ibang disenyo ng pagkakagawa nito.2

1 Understanding Animation ni Paul Wells. Pahina 12.


2 Ibid.

Bago pa man maibento ang mga movie camera noon, ginawa naman ni Edward Muybridge na
hanayin ang serye ng mga litrato na nagpapakita ng ibat ibang posisyon ng isang kabayo na
tumatakbo. Kinuha niya ito sa pamamagitan ng pagkonekta ng shutter ng mga kamerang
nakaposisyon sa daanan ng isang kabayong tumatakbo upang sa pagtakbo nito ay matapakan
niya ang mga lubid at makuhanan nito ang kanyang pagtakbo. Nagmula ang konseptong ito
upang mabigyang linaw ang isang argyumento sa pagitan ni Gobernador Leland Stanford ng
California at ng isang bilyonaryo. Sinasabing nais patunayan ni Stanford na sa pagtakbo ng isang
kabayo, may sandali na lahat ng paa nito ay nakaangat sa lupa. Napatunayan ito ni Muybridge sa
kanyang ginawang eksperimento ng pagkuha ng mga larawan ng isang tumatakbong kabayo.
Dito niya naimbento ang Zoopraxiscope kung saan naipakita niya ang pag-aaral niya tungkol sa
mga kilos sa isang antipara.
Isa rin sa pinanggalingang konsepto ng animasyon ay ang flip book o kilala rin bilang
Kineograph. Ito ay ang serye ng larawan sa isang libro kung saan kapag pinilantik ng mabilis ang
mga pahina ay magbubuo ng isang larawang gumagalaw. Sinasabing binigyan ito ng patent
noong 1868 ngunit bago pa lamang patentehan ito ay lipana na ang teknik sa paggawa ng mga
sinaunang anyo ng animasyon.
Napaghusay pa ang teknolohiyang animasyon sa pagkakaimbento ng Praxinoscope kung
saan pinalitan ng salamin ang mga bingas na nagpapakita ng paggalaw ng mga larawan. Dito
naimbento ang mga pelikula noong pinaghusayan ni Emile Reynauld ang teknolohiyang ito sa
pamamagitan ng pagbuti ng imbensyon dahil nagawa niyang ipakita ito sa isang screen kung
saan maraming tao ang maaaring makapanood. Ang imbensyon na ito ang nagbigay daan upang
mabuksan ang unang sinehan sa Pransya noong 1892. Bagamat sandaling oras lamang tumatagal
ang mga palabas na ito, naging patok ito sa mga tao. Ngunit tulad rin imbensyon ng unang

animasyon mula sa mga aparatong ito, nagsilang rin ito sa sinaunang cinema photography na
sinasabing mastinangkilik ng mga manonood dahil sa realismong pinapakita rito.3
Gayunpaman, makikita ang manipestasyon ng animasyon noong panahong ito sa mga pelikula ni
Georges Mlis. Siya ang unang nakadiskubre ng mga animation effects sa mga pelikula tulad ng
dissolve, stop-motion photography, split screen, fast and slow motion, at ang pagmamanipula ng
mga eksena sa pamamagitan ng paggamit ng backdrop. Marami pang teknik na nadiskubre si
Mlis na nagpapakita ng sinaunang paggamit ng animasyon sa paggawa niya ng mga pelikula
ngunit hindi pa kinikilala noon ang animasyon bilang isang midyum. Ayon nga kay Paul Wells,
ang papel ni Mlis sa kasaysayan ng animasyon ay ang pagiging pundasyon ng kanyang mga
gawang pelikula upang kilalanin sa isang estetikong pagtingin ang animasyon at hindi lamang sa
teknikal na aspeto.
Sa pagpasok ng dekada ng 1900 umusbong ang mga sinaunang pelikulang animasyon.
Ang gawa ni J. Stuart Blackton na Humurous Phases of Funny Faces noong 1906 ang unang
pelikulang gawang animasyon dahil sa pagguhit niya ng mga mukha gamit ang chalk at
pagpapakita ng pagkilos nito.
Ang gawa ni Winsor McCay, na noon ay nasa ilalim ng gabay ni Blackton, ay isa ring
mahalagang pananda sa kasaysayan ng animasyon sapagkat siya ang gumawa ng mga sinaunang
pelikulang animasyon na nagustuhan ng mga tao. Ayon nga kay Michael Barrier, siya ang
pinakaunang Amerikanong animator of consequence. Mapapabulaanan ito sa deskripsyon ni
Paul Wells sa kanyang mga pelikula na nagpapakita ng mga malinaw na naratibong na
nakahihikayat upang magustuhan ito ng manonood. Sinasabing ang pinakaimportanteng gawa ni
3 Ibd.

McCay ay ang Gertie the Dinosaur noong 1914 kung saan pinapakita dito ang malarong
karakter ng dinosaur na si Gertie. Dito nabuo ang konsepto ng anthromorphism kung saan
napapakita nito na ang mga nilalang maliban sa tao ay nagkakaroon ng pag-uugali at mga
abilidad na kaya lamang ng tao sa tunay na buhay.
Sa Pransya naman, nakumpleto naman ni Emile Cohl ang kanyang pelikulang
Fantasmagorie noong 1908. Ito ang ay halo ng live action at stop motion technique na kagaya rin
ng paggawa ng pelikula ni Georges Mlis. Ngunit, ang naging importansya ng gawa ni Cohl sa
kasaysayan ng animasyon ay ang konsepto niya ng pagguhit sa papel upang makagawa ng mga
pelikulang animasyon. Ang kanyang Fantasmagorie (1908) at ang pinakaunang cartoon series na
The Newlyweds (1913) ang nagbigay sa kanyang reputasyon bilang unang animator na gumamit
ng papel sa paggawa ng animasyon.
Ang animasyon ng mga dekada ng 1910 at 1920 ay nagsilbing isang eksperimentasyon
para sa pagdiskubre hindi lamang sa epektibong paggawa ng animasyon kung hindi sa paglalaro
sa nilalaman nito. Dahil mabusisi at matrabaho ang paggawa ng animasyon, umaabot lamang ang
mga pelikulang ito ng ilang minuto at nagtatampok lamang ito ng mga mababaw na mga
senaryo. Sa pagdiskubre ng mas magandang pamamaraan sa paggawa ng animasyon, ang
kontribusyon ni Earl Hurd ay importante sa kasaysayan ng animasyon sapagkat siya ang
nakaimbento ng teknik ng pagguhit sa mga magkakahiwalay na celluloid sheets at kukuhanan ng
nakapatong sa isang naguhitan nang background. Malaki ang kontribusyon ng teknik na ito para
sa maramihang produksyon ng mga animated cartoons sa sumunod nitong henerasyon.
Mga taon ng 1920 ng kinilala at tinangkilik ng publiko ang animated character na si Felix
the Cat na gawa ng New York producer na si Pat Sullivan at orihinal na ginuhit ni Otto Messmer.

Siya ang unang superstar ng animasyon dahil nagawa niyang makipag-usap at makakonek sa
mga manonood sa pamamagitan ng mga eksena na nagpapakita ng kanyang abilidad mag-isip at
magbigay ng solusyon. Bagamat hilaw pa rin ang teknolohiya sa paggawa ng animasyon ng mga
panahong ito, ang mga palabas ni Felix the Cat ay isang kontribusyon sa pagpagpapahusay sa
animated acting.
Ang mainit na pagtanggap ng mga manonood kay Felix the Cat ay nagpausbong upang
magfokus hindi lamang sa teknikal na aspeto sa paggawa ng animasyon ang mga sinaunang
animator kung hindi sa nilalaman din ng kanilang mga gawa. Maraming bagong teknik ang
nadiskubre para sa mabilis na produksyon animasyon ngunit dahil sa paulit-ulit at halos pareparehong uri ng pagpapatawa o eksenang pinapakita, kinakailangang maging malikhain at
orihinal sa materyales ng mga animator upang maging patok ito sa mga manonood.
Nagawa itong lagpasan ni Walt Disney sa kanyang gawa na Steamboat Willie (1928) na
unang tinampukan ng popular hanggang sa panahon ngayon na animated character na si Mickey
Mouse. Ang mahalagang kontribusyon ng gawang ito ni Walt Disney ay sa larangan ng
paglalapat ng musika at tunog sa mga pelikulang animasyon. Bago pa lamang ang Steamboat
Willie, marami ng pelikulang animasyon ang may tunog at gumagamit ng musika sa kanilang
mga palabas sa teatro ngunit ang kinaibahan ng Steamboat Willie ay ang sinkronisasyon nito sa
imaheng pinapakita. Nakatama ang tyempo ng mga tunog at musika at makatotohanang
nagsasalita ang pangunahing karakter nito na si Mickey. Bagamat mabusisi at matrabaho ang
paggawa nito, naging inspirasyon ito sa pagpapahusay lalo ng animasyon na magdudulot sa
tinatawag na golden age ng developmental animation sa mga susunod na dekada.

Ang kasikatan ni Mickey Mouse ay nagbigay daan sa pagsilang ng iba pang mga
animated character mula sa ibang mga animation studio na nagbibigay imitasyon sa karakter ni
Mickey na naiiba lamang sa mga lilom ng pagpapatawa. Ang ilan dito ay sina Oswald Rabbit na
orihinal na gawa ni Walt Disney na pinagpatuloy ni Walter Lantz, Bosko na mula sa Looney
Toons nina Warner Bros., at ang mga animated character na mula sa sa producer na si Charles
Mintz na sina Krazy Cat at Scrappy. Ang kasikatan rin ni Mickey ang nag-udyok kay Walt
Disney na gawin ang Silly Symphonies na maglalaon ay dadagdag sa mga pangunahing karakter
ng Walt Disney sa mga animasyon na ito tulad nina Donald Duck, Pluto, Goofy at marami pang
iba.
Sa dekada ng 1930 kung saan kasagsagan ng ikalawang World War, ang naging sikat na
cartoon character ay sina Popeye at Betty Boop na gawa ng magkapatid na Fleischer. Naging
importanteng elemento na rin ang musika noong mga panahong ito at ang kantang Whos Afraid
of the Big Bad Wolf mula sa Three Little Pigs ni Walt Disney ay naging patok sa publiko bilang
isang awiting pantanggal stress mula sa digmaang nagaganap.
Habang lipana ang sinasabi animation industrial revolution sa Estados Unidos, ito naman
ang panahon kung saan ang Europa at Asya ay patuloy na nageeksperimento sa paggamit ng ibat
ibang midyum sa pagpapahusay ng paggawa ng animasyon. Ang mga teknik tulad ng printscreen
at woodcut ay pinageeksperementohan at ang stop motion naman ay hinahasa. Ang epekto ng
depresyon mula sa ikalawang World War ay magbibigay daan upang magamit ang animasyon
para sa sariling ekspresyon na siyang magiging golden age sa sinasabing cartoon entertainment.
Ang dekada ng 1930 ay isang mahalagang panahon rin kung saan umusbong ang
paglalagay ng kulay sa mga animasyon na nakadagdag sa panlasa ng mga manonood. Naging

makulay ang animasyon hindi lamang sa paglalagay ng kulay dito ng mga tagaguhit ngunit dahil
sa paghusay ng mga personalidad ng mga tinatampok na mga animated character. Ang paggamit
rin ng multi-plane at stereotypical na background ay isang naging mainam na teknik upang
magkaroon ng ilusyon ng lalim sa pagitan ng background at ng karakter sa bawat eksena. Ang isa
sa mahalagang pangyayari rin sa dekadang ito ay ang pagpapalabas ng pinaka-unang full length
animated film na Snow White ng Walt Disney noong 1934. Sa panahon kung saan ang uso ay
ang paggawa ng mga maiikling pelikula, ang pagpapalabas ng Snow White ay naging patunay na
posibleng gumawa ng isang mahabang bersyon ng mga pelikulang animasyon na maganda ang
yari at sinkronisado ang pagkakagawa. Bagamat naghihikahos sa pondo ang mga animation
studio, produktibo ang pag-unlad ng animasyon bilang isang midyum.
Sa Europa, ang dekada na ito ang marker sa paggawa ng Hungarian na si George Pal ng
puppetoons kung saan kailangan ng paggawa ng mga eskultura na siyang kukuhanan ng mga
larawan at pagagalawin. Ito ay isang istilisado na stop motion photography. Ang animasyon
naman sa Soviet Union ay nag iba ng pokus mula sa mga eksperimental at avante gard na estilo
tungo sa pagpapakita ng socialist realism para sa pagsulong ng nasyonalismo sa bansa. Sa Asya
naman ay ginamit ito bilang palabas na nagpapakita ng mga katutubong kwento. Madalas itong
napapaloob sa mga alamat at mga kakatuwang animasyon ng mga hayop na nagpapakita ng
komedya at aral para sa mga bata pero meron ring mga gawa na para sa pagpapakita
nasyonalismo at tema tungkol sa militar.
Sa pagpasok ng dekada ng 1940, patuloy ang epekto ng ikalawang World War hindi
lamang sa lipunan ngunit kahit sa industriya ng animasyon. Ang positibong pagtanggap ng mga
manonood sa mga gawa ng Walt Disney ay nagbigay daan upang umusbong ang ibat ibang
animation

studio na naging kakompetensiya ng Walt Disney sa larangan ng paggawa ng

animasyon. Ngunit, marami ang nabigo sa kanilang pagtangka at kung meron mang nagawang
sabayan ang kasikatan ng Walt Disney, hindi nito mahihigitan ang kontribusyon nito sa larangan
ng animasyon. Gayunpaman, may kanya kanyang importanteng kontribusyon ang mga animation
studio na ito upang mapaghusay ang paggawa ng animasyon.
Ang pagpapatawa sa mga manonood ay naging isang trend na sa mga gawang animasyon.
Gayun din ang mga gawa ng Walt Disney ngunit ang kinaibahan nito pagdating sa nilalaman ay
hindi lamang sa pagkonek sa mga manonood sa pamamagitan ng katatawanan ngunit pag-apila
sa emosyon o sentimyento ng mga manonood. Sinasabing ang mga kakompitensyang animated
character nina Mickey Mouse ay mababa ang kalidad at walang substansya sa personalidad na
pinapakita na kinaibahan ng mga karakter ng Walt Disney.
Sa pagpatak ng 1940 at ang panahon ng ikalawang World War, nag-iba ang tema ng mga
gawang animasyon. Ang mga kwento sa mga animasyon ay pumapatungkol sa nagaganap na
digmaan kung saan ang tinatampok ay mga kwento ng mga buhay ng mga sundalo at ang epekto
ng digmaan sa lipunan. Ang Disney ng mga panahon na ito ay isa sa mg gumawa ng mga
ganitong pelikula kung saan nanalo ito ng parangal mula sa Academy Award para sa maikling
pelikula nitong Der Fuehrers Face ng 1943.
Kahit na ramdam ang depresyon noong panahon na ito, pinalabas ng Disney ang mga
pelikulang Dumbo at Bambi. Sa dekada rin na ito naging patok at nagsimulang maging mainit na
kakompetensya ng Disney ang Warner Bros. dahil sa superstar nitong si Bugs Bunny na gawa ni
Tex Avery. Iba ang pag-atake ng Warner Bros. sa nilalaman ng kanilang mga animasyong
ginagawa. Kumpara sa Disney, ang pamamaraan ng pagkonekta ng Warner Bros. sa mga
manonood ay sa pamamagitan ng pagpapatawa. Masasabing bayolente at nakaiistorbo ang mga

eksena pinapakita sa pagpapatawa nila sapagkat naglalagay sila ng mga senaryo kung saan
nagsasakitan ang kanilang mga karakter. Yaon lamang, dahil sa likas na abilidad ng animasyon
bilang isang metapisikal na realidad ay matugumpay na kumagat sa panlasa ng mga manonood
ang mga karakter na si Bug Bunny at Daffy Duck na gawa naman ni Friz Freleng.
Ang dekada ng 1940 ang dekada rin na ginawa ng Fleischer Studios ang sikat na sikat na
Superman series. Dito rin lumabas ang catoon na Tom and Jerry ni William Hanna at Joseph
Barbera na gustong gusto ng mga batang manonood dahil sa mga nakakatawang eksena ng isang
pusa at daga na nagbabawian at nagsasakitan sa isat isa. Kasama ng ibang mga animasyon, ang
tema ng mga palabas ng mga panahong ito ay naghahatid ng mga mensahe ukol sa digmaan sa
pamamagitan ng mga kakatawa at mahusay na teknolohiya. Samantala, mga dekada rin na ito
noong nagsimula ang industriya ng animasyon sa Canada, isa sa mga bansa na magiging
dominante sa larangan ng animasyon sa susunod na mga dekada. Ang pagkakabuo ng National
Film Board of Canada o NFB ay isang mabisang paraan upang mapalago at mahikayat ang mga
filmmaker na subukan ang animasyon.
Sa katapusan ng dekada ng 1940 ay sumulpot ang marami pang studio, ganoon rin ang
ibat ibang mga karakter na magiging popular kahit ilang dekada na ang nakalipas. Lumaki pa
lalo ang pamilya ng Warner Bros. sa pagkakadagdag ng mga karakter na sina Sylvester the cat,
Tweetie Bird, Yosemite Sam, Road Runner at iba pa. Ang Disney naman ay nagsimula namang
gumawa ng mga pelikula na may halong live-action at animasyon. Dito rin sila nagsimulang
mag-eksperemento sa ibaibang teknik na animasyon na nagpapakita ng surreal abstractions at
mga literal na naratibo na kanilang pinagsasama sama upang maging ng isang pelikula. Ito rin
ang panahon na nagbukas na muli ang internasyunal na merkado sa katatapos na digmaan na

siyang nagbigay daan upang magkaroon ng interaksyon at makasali ang iba pang mga bansa sa
Europa at Soviet Union sa pagpapakita ng kanilang mga gawang animasyon.
Ang dekada ng 1950 ay sinasabing panahon kung saan nagsimulang lumago at tumaas
muli ang antas ng animasyon. Kung sa mga nakalipas na mga dekada, ang Disney ang naghahari
pagdating sa larangan ng animasyon, ang kanilang reputasyon ay nahamon ng sumulpot ang
United Prodcutions of America o UPA. Sinasabing ang UPA ay nagmula sa naganap na strike sa
Disney noong taong 1941 mula sa ilang mga empleyado nito na siyang bumuo sa UPA ngunit
sumulpot lamang sila matapos ang ikalawang digmaan. Ang mga gawa ng UPA ay naging
maspopular noong panahong ito dahil bago ang kanilang inihahain sa publiko.
UPAs approach to limited animation relied on graphic technique, color and stylized motion
to caricature the world rather than imitate it. 4

Ang gawa ng UPA na Magoo series ay nagbigay sa kanila ng dalawang gantimpala mula sa
Academy Awards ngunit pagdating sa dekada ng 1960 ay humina rin ang kasikatan nito at
nawala sa mainstream media animation. Gayunpaman, ang naging epekto nito sa industriya ng
animasyon ay malaki at nahikayat nito ang iba pang mga animator na maging malikhain at
tuklasin ang potensyal ng animasyon sa larangan ng midya.
Maliban sa pagsulpot ng UPA at ang epektong idinulot nito sa pagpapaunlad ng animasyon, ang
animasyon sa telebisyon noong panahong ito ay nagkaroon ng pagbabago sa sistema dahil
masnapabilis na ang paggawa nito. Bagamat bumaba ang pondo para dito na nagkaroon ng
epekto sa kalidad ng paggawa ng animasyon, ang sistema na ito ay bumagay upang madalas na
maipapanood ito sa publiko na ang naging target na manonood ay ang mga bata. Ang
4 Beck, Jerry, ed. Animation Art: From Pencil to Pixel, the History of Cartoons, Anime
and CGI. New York: Harper Design International, 2004. Print.

pangyayaring ito rin ay nagbukas ng maraming oportyunidad para mapaglawak ang animasyon
bilang isang midyum na siyang nagdulot upang magkaroon ng maraming trabaho para sa mga
nagnanais maging bahagi ng paggawa ng animasyon.
Ang sumunod na dekada ay hudyat ng paglipat ng animasyon bilang isang teknolohiyang
dominado ng Amerika patungo sa isang internasyunal na industriya dahil sa kompetisyong dulot
ng paghahain ng ibat ibang bansa sa kani-kanilang gawang animasyon. Ang Zagreb Film mula
sa Yugoslavia ang kauna-unahang non-Hollywood film na nanalo sa Oscar sa pamamagitan ng
kanilang gawa na Ersatz noong 1962. Dito rin nagsimula ang pagsikat ng Anime, isang estilo ng
animasyon sa Japan na orihinal na tinawag na doga o ang ibig sabihin ay gumagalaw na mga
larawan. Bagamat matagal na ang animasyon sa Japan ay una silang kinilala dahil sa mga gawa
ni Osamu Tezuka na kinikilala bilang God of Comics at Disney ng Japan. Ang China, Pransya,
at Britanya ay nagsimula rin sa paghain at pagpapakilala ng kanilang mga sariling gawang
animasyon.
Ang pagkakaroon ng internasyunal na industriya sa animasyon ay nagbigay daan upang
magkaroon ng mataas na demand sa pagbuo ng mga studio at pag-upa sa mga ilustrador. Ang
malakas na palitan ng mga bagong ideya at mga teknik sa animasyon sa pagitan ng mga bansa ay
nagbigay buhay upang magkaroon ng mga international festivals. Dito simulang kinilala ang
animasyon bilang isang anyo ng sining.
Ang mga sumunod na dekada ay transpormasyon ng animasyon bilang isang anyo ng
sining na diktado ng teknolohiya at ng mga negosyanteng nakikipagsapalaran sa industriyang ito.
Sa pagdaan ng mga panahon, kasama ang animasyon sa napaghusay sa pamamagitan ng mga
bagong pamamaraaan sa teknolohiya na siyang pang-akit nito sa mga manonood. Ang mataas na

demand sa produksyon nito ay nagbigay daan sa mga kumpanya na palawakin ang kanilang mga
sangay sa pamamagitan ng pagtayo ng mga studio sa ibang bansa at pag-upa sa mga trabahador
para sa mababang presyo. Ang pagkakatatag ng industriya ng animasyon sa Pilipinas ang isa sa
resulta ng mga ito.

B. Kasaysayan ng Animasyon sa Pilipinas


Ang kasaysayan ng animasyon sa Pilipinas ay nagsimula sa mga cartoonist o mga
tagagawa ng mga komiks. Sinasabing ang komiks ang naging pundasyon upang magkaroon ng
animasyon sa Pilipinas. Ito ang nagsilbing instrumento upang mapaghusayan ng mga Pilipino
ang kanilang talento sa pagguhit at pagkukwento. Ang komiks ay isang mainam na midyum kung
saan naipahahatid sa pamamagitan ng mga serye ng larawan na magkakahanay, na maaaring may
salita o wala, ang isang salaysay.
Matapos ang pagkolonisa ng Espanya sa Pilipinas, ang Amerika ang sumunod na
sumakop at nag-impluwensya sa mga Pilipino. Bagamat binigyan nila ng kalayaan at edukasyon
ang mga Pilipino upang pamunuan ang kanilang sariling bayan, hindi maikakaila kung papaano
kinolonisa ng Amerika ang Pilipinas sa pamamagitan ng paggamit ng mga yaman nito at pagimpluwensya sa takbo ng ekonomiya ng bansa. Gayunpaman, ang pagdating ng mga Amerikano
sa Pilipinas ay naging tulay upang makatawid sa modernismo ang bansa. Kung ang naging
epekto ng Espanya sa Pilipinas ay relihiyon at piyudalismo, ang Amerika naman ay edukasyon at
kapitalismo. Ang pagtatayo ng mga negosyo at pagbuhay sa mga ibat ibang industriya ang

nagbigay daan sa pagkakaroon ng pangangailangan sa advertising na naging panimula sa


cartooning.5
Si Antonio S. Velasquez na kinikilalang Ama ng Tagalog Komiks ay nagsimula sa paggawa ng
mga cartooned advertising. Gumawa siya ng mga cartoon karakter para sa mga produkto tulad ng
gamot pambata na Tiki-Tiki na pinangalan niyang Tikboy, "Aling Adina Comadrona" para sa
mga produkto ng United Drug, Charity ng Philippine Charity Sweepstakes at marami pang iba.
Ngunit, siya ay maskilala bilang sa kanyang paggawa ng popular na komiks na Kenkoy na
inilabas noong 1928. Kasama niya rito ang manunulat na si Romuald Ramos at linggo-linggo
itong inilalabas sa publikasyon ng tagalog na magazine na Liwayway bilang Ang Kabalbalan ni
Kenkoy. Ang komiks na nagpauso sa carabao english at steryotipikal na pananamit ng isang
Pilipinong nanggagaya ng Amerikano, ang Kenkoy ay isang salamin ng kontradiksyon ng
Pilipinong nagpapadala sa pamumuno ng Amerika.6 Ang matagumpay na pagtanggap at
pagtangkilik ng mga mambabasa ang nagbunsod upang lumaganap ang industriya ng komiks at
mahikayat ang ibang Pilipino na maging comic artist din at gumawa ng sarili nilang mga komiks.
Isa sa mga naging prominenteng pangalan sa larangan ng cartooning ay si Lauro Zarate Alcala o
maskilala bilang Larry Alcala. Ang kanyang mga komiks na Mang Ambo, Asiong Aksaya,
Kalabog en Bosyo at Slice of Life ay naging popular at minahal ng madlang Pilipino. Noong
dekada ng 1950, isa siya sa grupo ng mga unang Pilipinong sumubok sa paggawa ng animasyon.
Taong 1953 noong gumawa si Alcala ng 8mm na black and white na pelikula na nagpapakita ng

5 Beginnings of Philippine Animation ni Roland Tolentino.


6 Tolentino, Roland. "Beginnings of Philippine Animation." bulatlat. N.p., 7-13
October 2001. Web. 23 Feb 2013. <
http://www.bulatlat.com/archive1/034roland.html>.

isang babeng naglalaro ng jump rope at isang lalaking naglalaro naman ng yoyo. Gumawa rin
siya ng mga animated na cartoon para sa pagendorso ng mga produkto ng Darigold Milk noong
1957 at Caltex noong 1965. Noong 2007 ay pingaralan siya ng Lifetime Achievement Award
ng Animahenasyon, isang taunang animation festival at kompetisyon dahil sa kanyang
mahalagang kontribusyon sa industriya ng komiks at animasyon.
Taong 1955 naman noong ginawa ni Jose Zabala Santos at Francisco Reyes ang isang
anim na minutong animasyon tungkol sa sikat na katutubong kwentong Juan Tamad. Si Jose
Zabala ay isang cartooninst na nagsimula sa Sampaguita magazine noong 1932. Siya ang
nagpasikat sa cartoon na Lukas Malakas sa Liwayway Magazine. Tulad ni Larry Alcala, isa rin
siyang kartunist na naging animator sa pamamagitan ng pagsabak sa advertising noong napunta
siya sa Manalang advertising agency noong 1948. Umalis din siya rito at sumunod na nagtrabaho
sa Philippine Manufacturing Company (PMC) kung saan ginawa niya kasama si Reyes ang Juan
Tamad bilang isang produkto ng PMC. Isa itong 35mm na pelikula na pinroseso sa Amerika
ngunit sinasabing hindi ito naipalabas sa publiko.7
Ang iba pang naunang Pilipinong sumubok gumawa ng animasyon ay sina Jerry Navarro at
Vicente Penetrante.8 Mga dekada ng 1950 ay nagsisimula na ang mga Pilipino sa paggawa ng
animasyon ngunit dahil sa kamahalan ng mga kagamitan, kaya lamang ng mga naunang animator
na gumawa ng animasyon gamit ang mga mababang kalidad na kagamitan. Makikita na
7 "Animation Council of the Philippines honors Zabala." Animation Council of the
Philippines, Inc.. N.p., 30 Oct. 2009. Web. 23 Feb 2013.
<http://www.animationcouncil.org/news.php?p=140>.
8Garcia, Jr., Leonardo. An in-depth Study on the Animation Industry In the
Philippines. De La Salle University, Print.
<http://dirp4.pids.gov.ph/ris/taps/tapspp0102.pdf>.

kakulangan sa pondo ang pangunahing problema ng mga animator ng panahong ito sa paggawa
at paghasa ng kanilang kaalaman sa animasyon na magpasahanggang ngayon ay makikita pa rin
na problema ng kasalukuyang henerasyon. Gayunpaman, ang animasyon ng mga panahong ito ay
ginagamit na sa pelikula bilang special effects tulad ng pelikulang Ibong Adarna na pinalabas
noong 1941.
Ang sumunod na dekada naman ang marka ng pagdating ng animasyong Hapon o maskilala
bilang anime sa Pilipinas. Katapusan ng dekada ng 1960 noong nagsimula ito at napagtibay pa
ng dekada ng 1970 dahil sa mga palabas Speed Racer, Gigantor, Astroboy at marami pang iba.
Ito rin ang tinatawag na robot era dahil sa kasikatan dulot ng mga anime na Voltes V at Mazinger
Z na sanhi sa sa pagkakaroon ng produksyon ng mga fanzines, mga nakasaling komiks at model
kits. Habang nasa pantayog na estado ang lagay ng animasyon ng Japan noong mga panahong
ito, ang animasyon naman sa Pilipinas ay nagsisimula pa lamang na lumipad at maipakilala sa
publiko.
Taong 1974 noong pinalabas ang pitong minutong animasyon sa pelikula ni Nora Aunor
na Annie Batungbakal. Si Nonoy Marcelo naman ay nakagawa naman ng animnapung minuto ng
animasyon na itinatampok ang kwento ng epikong bayani ng mga ilokano na si Lam-Ang na
pinamagatang Biag ni Lam-Ang.
Ang dekada rin na ito ay ang panahon ng pamumuno ni Pangulong Ferdind E. Marcos at
makikita na ginamit niya sa kanyang pamumuno ang animasyon upang isulong ang kanyang
layunin na Bagong Lipunan. Bilang may karanasan at pinag-aralan mula sa New York Film
School, si Nonoy Marcelo ay kinomisyon para sa paggawa ng mga animasyon para sa
administrasyon ni Marcos. Isa dito ay ang animnapung minutong pelikulang animasyon niya na

pinamagatang Tadhana na binase sa pagkakasulat ni Marcos ng kasaysayan ng Pilipinas. Ginawa


ito para sa selebrasyon ng ika-anim na taong deklarasyon ng martial law at ang panganay ni
Marcos na si Imee Marcos ang naging producer nito. Walang natirang kopya nito ngunit naitala
ito sa video broadcast ni Teddy Co.
Ayon kay Noel Vera, isang kritiko at bihasa sa larangan ng pelikula na nakapanood sa
nasabing pelikula,
Marcelo's film is less an account of history than it is a gleefully, unashamedly jaundiced
interpretation of it--sixty minutes of editorial cartoons, improvising brilliantly. 9

Bagamat ginawa ito para sa planong serye ng mga pelikulang animasyon sa ilalim ng
administrasyong Marcos, isang beses lamang itong pinalabas. Marami pang ginawang animasyon
si Marcelo para sa pagpapakilala ng mga proyekto ng administrasyon Marcos ngunit kilala rin
siya bilang komik artist sa diyaryo na Tisoy na nagdodokumento at naguuyam sa pamumuno ng
naturang presidente.
Mga dekada ng 1980 ng magsimulang magkaroon ng industriya ng animasyon dahil sa
pagbubukas ng mga kumpanya mula sa ibang bansa ng mga animation studio sa Pilipinas. Unang
nagbukas ay ang Burbanks Studio noong 1983 na sangay mula sa isang kumpanya ng animasyon
mula sa Australia. Sumunod ay ang AsianAnimation o kilala rin bilang Optifex International,Inc.
Ang Optifex ay isang kumpanya na pagmamay-ari ng isang Pilipino na si direk Chito Roo. 10
Ang dalawang studio na ito ang naging pundasyon upang matuto at mahasa ang mga Pilipino sa
9 Vera, Noel. "Nonoy Marcelo for National Artist!" Critic After Dark. blogspot, 13 Aug
2009. Web. Web. 18 Feb 2013. <http://criticafterdark.blogspot.com/2009/08/nonoymarcelo-for-national-artist.html>.
10 Interbyu mula kay Tito Romero.

animasyon na nagbunga ng pagkakatatag ng maraming mga studio sa sumunod na dekada.


Gayunpaman, ang mga studio na ito ay nakapokus sa pagtanggap ng mga trabaho mula sa ibang
bansa.
Ang pagkakaroon ng maraming studio sa Pilipinas ay isang indikasyon ng mabilis na pag-unlad
ng animasyon. Dito nagsimula ang tinatawag na Golden Age ng produksyon ng animasyon sa
bansa.11 Bagamat malaking bagay ang outsourcing sa paggawa ng animasyon dahil ang
pangunahing market nito ay ang mga kumpanya mula sa ibang bansa na nagkokomisyon para sa
paggawa ng kanilang mga palabas, may mga Pilipino pa rin na naglabas ng kanilang sariling
gawang animasyon.
Dekada ng 1980 noong pinalabas ang kauna-unahang cartoon para sa telebisyon na gawang
Pilipino. Ito ay ang Panday noong 1987 na ginawa ni Gerry Garcia na pinagbibidahan ni
Fernando Poe Jr. Maliban dito ay nagkaroon rin ng animasyon ng Captain Barbel na
pinagbidahan naman ni Dolphy.12Ang mga gawa ni Gerry Garcia ay masasabing una sa
industriya ng animasyon sa bansa pagdating sa kategorya ng orihinal na nilalaman.
Maliban sa Panday na ginawa niya para sa telebisyon, siya rin ang nagdirek ng pelikulang Isko:
Adventures in Animasia. Ang pelikulang ito ay halo ng live-action at animasyon at nakatulong
niya dito si Elmaurie Galvez na siyang responsable sa visual effects nito. Dahil hindi pa pamilyar
ang mga Pilipino sa computer ng mga panahon na ito, ang teknik na kanilang ginamit sa

11Dimaranan, Grace. "The Philippine Animation Industry: More than 25 years of


Quality Creative Talent." Web. 15 Enero. 2013.
<http://siteresources.worldbank.org/EDUCATION/Resources/2782001121703274255/1439264-1242337549970/Philippines_Animation_Industry.pdf>.
12 Kapuso Mo Jessica Soho episode tungkol sa animasyon sa Pilipinas.

paggawa ng animasyon sa pelikula ay ang tradisyunal na cel-animation na inabot ng 2 taon,


kasama na ang kabuuan sa paggawa ng pelikula. Ito ay ipinalabas at naging kalahok sa Metro
Manila Film Festival noong taong 1995 at nakatanggap ito ng dalawang parangal na Best Visual
Effects at Best Special Effects mula sa FAMAS noong 1997.
Bagamat nauna ang Isko sa paggamit ng animasyon bilang malaking bahagi ng isang
pelikula, ang kinikilala bilang kauna-unahang Pilipinong pelikula animasyon ay ang Adarna: The
Mythical Bird na gawa rin ni Gerry Garcia. Ang pelikula na ito ay base popular na kwento ng
Ibong Adarna. Si Gerry Garcia ang nagsulat at nagdirek nito sa ilalim ng FLT Productions at
Guiding Light Productions. Ginawa ito mula 1995 hanggang 1997 at nakatanggap ito ng espesyal
na parangal mula Metro Manila Film Festival noong ika-27 ng Disyembre taong 1997. Ito ay
naisama sa Asian Collection ng 7th Hiroshima Animation Festival sa Japan ng sumunod na
taon.13 Ito ang kinikilala bilang kauna-unahang full-length Filipino animated film sapagkat
purong animasyon ang pagkakagawa sa pelikula at walang halong elemento ng live-action.
Ang mga gawang ito ay malaking hakbang tungo sa pag-unlad ng animasyong Pilipino sa
paggawa ng orihinal na nilalaman. Gayunpaman, nakalulungkot mang aminin ngunit hindi ito
masyadong pumatok sa masang Pilipino. Nabigo itong akitin ang mga manonood na maengganyo sa gawang animasyon ng kanilang mga kababayan kaya hindi naging talamak ang
paggawa ng orihinal na nilalaman sa industriya ng animasyon sa Pilipinas.
Ang kinahina ng mga Pilipinong animator sa pangangailangan sa paggawa ng animasyon
para sa kanilang bansa ang siyang ikinalakas naman nito pagdating sa demand ng ibang bansa
13 Reyes, Ted. "Filipino Animator Fights For History." Filipino Freelance Animation
Artists. blogspot, 4 Nov 2009. Web. Web. 3 Mar 2013.
<http://filipinoanimators.blogspot.com/2008/11/filipino-animator-fights-forhistory.html>.

partikular na sa mga kumpanyang nagmula sa Amerika at Europa. Dito nagmula ang


pagkakatayo ng maraming studio sa bansa dahil sa kalamangan ng mga Pilipino sa maraming
bagay. Ang mabilis na pag-intindi ng mga Pilipino sa wikang ingles, pamilyaridad sa kulturang
Amerikano, at magandang kalidad ng trabaho para sa masmababang presyo ang ilan sa mga
dahilan kung bakit masgusto ng mga kumpanya na ito na magtayo ng mga studio sa Pilipinas
imbis na sa ibang bansa.14
Ang kalamangan na ito ang nagdulot upang tuluyang magtayo maging ang mga bigating
pangalan sa industriya ng animasyon tulad ng Disney at Warner Bros. ng kanilang mga studio sa
Pilipinas. Ang trend na ito ay nagpatuloy at nagbigay daan sa pagkakatayo ng marami pang
studio na pagmamay-ari ng mga kumpanya mula sa ibang bansa. Nguit, sa katapusan ng dekada
ng taon 1990, nagkaroon ng malaking pagbabago sa industriya ng animasyon sa Pilipinas.
Malaki ang ikinababa ng pangangailangan sa paggawa ng animasyon na nagdulot ng financial
stress at pagkalugi sa maraming studio sa Pilipinas kaya marami ang nagsara dito, kasama na ang
Disney at Warner Bros. na lumipat ng kanilang mga studio sa China at India dahil sa murang
sahod sa mga manggagawa ng mga bansang ito. Malaki ang ikinabagsak ng industriya ng
animasyon sa Pilipinas dahil dito. Mga taong 2002 ng magsimulang bumangon itong muli sa
pagdating ng maraming mga bagong proyekto mula sa mga foreign investors.
Bagamat maraming nagsarang studio sa Pilipinas dulot ng depresyon, may mga studio pa
rin na nalagpasan ang paghihirap na ito sa industriya at hanggang ngayon ay aktibo sa kanilang
operasyon. Ngayon ay mga bigating pangalan na sila sa industriya ng animasyon at kinikilala
14 Tschang, Ted. "Production and Political Economy in the Animation Industry: Why
Insourcing and Outsourcing Occur." Industrial Dynamics, Innovation and
Development. June 14-16, 2004. Print.
<http://www.druid.dk/conferences/summer2004/papers/ds2004-92.pdf>.

bilang mahalagang komponent sa industriya dahil sa kanilang reputasyon. Isa rito ay ang FilCartoons na itinatag ni Jerry Smith noong 1988. Ito ang pinakapopular at pinakamalaking
animation studio noong panahong iyon at ang mga gawa nila karamihan ay para sa Hana
Barbera.15 Isa ring kilalang kilalang studio ay ang Toei Animation Phils., Inc. na dating kilala
bilang EEI-Toei. Ito ang pinaka-unang sangay ng Toei Animation, isang kumpanya mula sa
Japan na kilala sa buong mundo dahil sa mga sikat na anime nito tulad ng One Piece. Itinatag ito
noong ika-17 ng Nobyembre 1986.16
Ayon kay Tito Romero, isa sa mga naunang Pilipino animator sa bansa na nagtrabaho sa Optifex,
ang oryentasyon ng paggawa ng animasyon sa bansa ay service-oriented. Ang paggawa ng
animasyon ay may tatlong hakbang na sinusunod at ito ay ang pre-production, production at post
production. Ang malakas na aspeto ng outsourcing ng industriya ang nagdulot upang mahasa sa
production ang mga Pilipino dahil ito ang naging pagsasanay sa kanila ng industriyang
kinalakihan nila. Ngunit, ang pagpokus ng industriya sa pagbibigay ng serbisyo sa ibang bansa
ang nagpahina rin dito sa paggawa ng mga animasyon para sa mga manonood na Pilipino.
Ayon kay Romero, karamihan pa rin sa mga animator ngayon ay gumagawa ng
animasyon mula sa komisyon ng ibang mga kumpanya mula sa ibang bansa. Sa kanila
manggagaling ang pre-production at ang post-production kaya naman pagdating sa mga ganitong
bagay ay mahina ang mga Pilipino dahil hindi sila nahasa sa aspetong ito ng paggawa ng
animasyon. Nakapanghihinayang lamang dahil bagamat ang mga Pilipino ang responsable sa
production ng mga gawang animasyon na ito, hindi ito naisasapubliko dahil ang mga may hawak
15 Interbyu mula kay Tito Romero.
16 Bravo, Ma. Bernadette C. The Influx of Japanese Animation in the Philippines and
Philippine-Japan Cultural Relations. University of the Philippines, 2006. Print.

ng kaparatang magpalathala dito ay ang kumpanya na nagkomisyon nito. Ultimo pagpapalabas


ng mga kumpletong gawa nito ay kailangang bilhin ng mga Pilipino para lamang ito maipalabas
sa Pilipinas.
Ang paggawa ng orihinal na nilalaman para sa mga animator sa Pilipinas ay isang
malaking pagsubok dahil sa kamahalan sa paggawa nito. Wala pa ring naitataguyod na hiwalay
na industriya para sa pagpapalabas nito kaya naman karamihan lang sa mga gawang animasyon
ng mga Pilipino ay panaka-naka lamang. Gayunpaman, sa tulong ng mga organisasyon tulad ng
Animation Council of the Philippines, Inc. na pangunahing tagapangasiwa at tagapagtaguyod sa
mga Pilipinong animator na naglalayong pagyamanin ang industriya ng animasyon sa bansa,
nagkakaroon na ng puwang para sa talento ng mga animator sa paggawa ng orihinal na nilalaman
sa pamamagitan ng pagdiriwang ng mga taunang mga aktibidad tulad ng Animahenasyon. Isa
itong animation festival kung saan hindi lamang kinikilala ang mga Filipino animator at ang
kanilang mga orihinal na mga gawa ngunit isang pagtitipon tipon ng mga animator kung saan
naibabahagi nila ang kanilang kaalaman hindi lamang sa kapwa nila animator ngunit sa susunod
na henerasyon ng mga animator.
Bagamat nakapokus at malaki pa rin ang parte ng outsourcing sa industriya ng animation
ngayon, ang pagpapalabas ng Urduja sa sinehan, pagiging pambato ng Dayo sa 2008 Metro
Manila Film Festival at RPG: Metanoia sa 2010 Metro Manila Film Festival ay magandang
hudyat na patuloy pa rin ang mga Pilipinong animator sa bansa sa paggawa ng sarili nilang mga
gawang animasyon.

You might also like