You are on page 1of 3

ANG BUOD NG IBONG ADARNA

Si Haring Fernando at si Reyna Valeriana ng kahariang Berbanya ay may tatlong anak na lalaki: sina Don Pedro,
Don Diego at Don Juan. Payapa ang kaharian; nasisiyahan ang lahat.
Ngunit nagkasakit ang hari at ayon sa mangggagamot ng kaharian, iisa ang makalulunas dito: ang awit ng
Ibong Adarna.
Unang naglakbay ang panganay na si Don Pedro upang hanapin ang mahiwagang ibon. Mahigit na tatlong
buwan siyang naglakbay bago narating ang bundok Tabor na kinaroroonan ng Piedras Platas, ang punungkahoy
na tahanan ng Ibong Adarna. Namumukod ito sa iba pang mga puno dahil sa mayabong na mga dahong
kumikinang na tulad ng dyamante lalo’t natatamaan ng araw. Sa ilalalim ng nasabing puno nagpahinga ang
prinsipe hanggang sa makatulog ng mahimbing. Hindi na tuloy niya namalayan ang pagdating ng isang
napakagandang ibon, ang pag-awit nito nang pitong beses at ang pitong beses na pagpalit ng kulay ng balahibo
pagkaawit. Pagkaraan, nagbawas ang ibon at pumatak sa natutulog na prinsipe ang dumi nito. Noon din, naging
bato si Don Pedro.
Nainip ang kaharian sa di pag uwi ni Don Pedro kaya’t ipinadala ng hari ang pangalawang anak, si Don
Diego. Limang buwang naglakbay ang prinsipe hanggang sa sapitin niya ang bundok Tabor. Ngunit tulad ng
nakatatandang kapatid, naging bato rin si Don Diego sapagkat nakatulog siya sa lambing ng awit ng ibon.
Nang di makabalik ang dalawang kapatid, si Don Juan naman ang naglakbay. Sa kanyang paglalakbay, di
nakalilimot si Don Juan na tumawag sa Birhen. Apat na buwan siyang naglalakbay nang makatagpo niya sa isang
landas ang isang matandang ketongin. Pinakain ito ni Don Juan at bilang ganti sa kabutihang loob ng prinsipe,
pinapunta ito ng matanda sa isang ermitanyo na nagtagubilin kung paano mahuhuli ang ibong Adarna. Matapos
hulihin ang mahiwagang ibon, binuhusan ni Don Juan ng tubig ang dalawang malaking bato sa ilalim ng Piedras
Platas at pagdaka’y nagbalik sa dating anyo sina Don Pedro at Don Diego.
Sa landas pauwi, binugbog nina Don Pedro at Don Diego ang bunsong kapatid upang mapasakanila ang
karangalan sa pagkahuli sa Ibong Adarna. Iniwan ng dalawa na pasa-pasa at ni hindi na makabangon si Don Juan.
Ngunit pagsapit sa Berbanya, ayaw umawit ng Adarna, na naging isang pangit na ibon. Samantala, pinagyaman
ng isang matanda si Don Juan kaya’t nakauwi rin ito. Pagkakita ng ibon kay Don Juan, agad nitong inawit ang
tunay na pangyayari. Nang malaman ng hari ang katotohanan, iniutos nitong ipatapon ang dalawang anak na
naglilo, ngunit nakiusap si Don Juan na patawarin na ang dalawa. Mula noon, gabi-gabi’y naghahalili ang
magkakapatid sa pagbabantay sa Ibong Adarna. Isang gabi, pinawalan nina Don Pedro at Don Diego ang ibon
upang palitawing nagpabaya sa tungkulin si Don Juan. Nang malamang nakawala ang Ibong Adarna, kusang
lumayo si Don Juan upang pagtakpan ang kasalanan ng mga kapatid. Ipinahanap ng hari ang bunso at nagkita-
kita ang magkakapatid sa bundok ng Armenya.
Nakakita sila ng isang napakalalim na balon na walang tubig. Bumaba si Don Juan sa balon at ang nakita
roon ay palasyong yari sa ginto’t pilak na kinaroroonan ng magkapatid na Juana at Leonora. Napatay ni Don
Juan ang higante at serpyenteng may pitong ulo na nag-tatanod sa dalawang dalaga. Pagkaraan, isinama niya
ang dalawang dilag sa itaas ng balon.
Pagkakita sa magkakapatid, agad umibig si Don Pedro kay Leonora at si Don Diego kay Juana. Muling
nagbalak ng masama ang dalawang prinsipe. Nang muling bumaba sa balon si Don Juan upang balikan ang
singsing na naiwan ni Leonora, biglang pinutol ni Don Pedro ang lubid na gamit nito sa pagbaba kaya’t nahulog
ang prinsipe at nagkabali-bali ang mga buto. Sa kapipilit ni Don Pedro, sumama na rin sa Berbanya si Leonora,
matapos pagbilinan ang engkantadang lobo na gamutin si Juan.
Nakauwi ang magkapatid kasama ang dalawang dilag. Ikinasal sina Don Diego at Juana. Si Leonora ay
nakiusap na hayaan muna siyang tupdin ang panatang mamuhay nang mag-isa sa loob ng pitong taon bago
magpakasal kay Don Pedro. Ang totoo, hinihintay ni Leonora ang pagbabalik ni Don Juan.
Samantala, gumaling si Don Juan nang gamutin ng engkantadang lobo. Dumating ang ibong Adarna at
sinabi kay Don Juan na limutin na si Leonora at hanapin ang Reyno de los Cristal na kinaroroonan ng napa-
kagandang prinsesang si Maria Blanca, anak ni Haring Salermo. Naglakbay nang napakalayo si Don Juan, at sa
tulong ng mga ermitanyo ay nakarating sa inihimaton ng Ibong Adarna. Pag-ibig sa unang pagkikita ang nadama
ng prinsipe at prinsesa ngunit malupit ang ama ng babae. Bawat manliligaw ay pinararaan sa pagsubok at
ginagawang bato kapag di nakapasa.
Sa tulong ng mahika blanka ni Maria, nalampasan ni Don Juan ang sumusunod na mga pagsubok:
pagpatag sa bundok upang pagtaniman ito ng trigo, na ang bunga ay ginamit sa paggawa ng tinapay na inihain
sa almusal ng hari; 2) pagbabalik sa 12 negrito na pinawalan sa dagat; 3) pag uusod ng bundok sa tapat ng
palasyo; 4) paggawa ng palasyo kastilyo sa dagat; 5) pagbabalik sa dating lugar ng bundok na ginawang kastilyo;
6) paghanap sa dagat ng dyamanteng singsing ng hari; at 7) pagpapaamo sa simarong kabayo na sa katunayan
ay si Haring Salermo mismo na nag-ibang anyo. Lahat ng ito ay ipinagawa sa loob lamang ng magdamag. Sa
kapabayaan ni Don Juan, naputol ang isang hintuturo ni Maria sa ikaanim na pagsubok, at ang putol na
hintuturong ito ang naging palatandaan ni Juan nang papiliin siya sa tatlong prinsesa na nakakulong sa isang
kwarto at hintuturo lamang ang nakalabas.
Bagama’t nakapasa sa mga pagsubok si Juan, tumanggi pa rin ang hari na ipakasal dito ang anak na
prinsesa, kaya’t nagtanan ang dalawa. Nagkasakit si Haring Salermo hanggang sa mamatay.
Nang sumapit sa Berbanya ang dalawa, iniwan muna ni Don Juan si Maria sa nayon at mag-isa siyang
umuwi upang maghanda ng maranyang pagsalubong sa prinsesa. Pagdating ni Juan sa palasyo, agad itong
niyakap ni Leonora at ang prinsipe naman ay nakalimot kay Maria. Inihanda ang kasal nina Don Juan at Leonora.
Sa araw ng kasal, dumating si Maria at naghandog ng palabas na nagpapaalala kay Juan ng nakaraan.
Isinalaysay naman ni Leonora ang ginawa niyang pagtulong kay Juan at ang matiyaga niyang paghihintay sa
pagbabalik nito. Nang ipasya ng arsobispo na kay Leonora ipakasal si Juan, nagalit si Maria at pinabaha ang
buong kaharian. Noon nagpasya si Juan na kay Maria magpakasal. Si Leonora naman ay nagpakasal na kay Don
Pedro.
Ipinamana kay Don Pedro ang kaharian ng Berbanya. Bumalik sa Reyno de los Cristal sina Juan at Maria
at naghari roon ng mapayapa.

BUOD NG FLORANTE AT LAURA


Sa gitna ng isang malawak na gubat sa labas ng kaharian ng Albanya na nababagtas ng ilog Kositong
makamandag ang tubig, ay nakagapos ang isang kaawa-awang tao sa isang puno ng Higera. Siya si Florante,
anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca. Unti-unting pinapanawan ng buhay si Florante dahil ang gubat ay
sadyang nakakatakot. Mga mababangis na hayop ang gumagala dito, ang huni ng mga ibon ay nakakalunos at
ang malalaking punongkahoy ay tunay na nakakasindak.
Sa isang di sinasadyang pagkakataon, napapunta ang isang Persyanong Moro sa dakong kinalalagyan ni
Florante. Ito ay si Aladin, anak ni Sultan Ali-adab, na nagpaka-layu-layo sa sariling bayan dahil sa sama ng loob
sa ginawang pang-aagaw ng ama sa kanyang kasintahang si Flerida. Nadinig lahat ni Aladin ang mga panaghoy
ni Florante tungkol sa kanyang mga kahirapan at siya ay lubos na naawa. Tinunton niya ang pinanggagalingan
ng tinig at nakita ang dalawang leong naka-akmang pumaslang kay Florante. Mabilis na pinaslang ni Aladin ang
mga leon. Kinalagan niya ang gapos ni Florante at pinagpilitang pahimasmasan siya. Yayamang dumidilim na
noon, dinala ni Aladin si Florante sa may dakong pinasukan nito sa gubat at doon ay magdamag siyang
binabantayan. Kinabukasan ay nagkakuwentuhan silang dalawa.
Nagkwento si Florante ng kanyang naging buhay. Kinakitaan daw siya, mula nang pagkabata, ng mga katangiang
pangmaharlika; isinalaysay niya kung paano muntik nang madagit siya ng isang buwitre kung hindi lamang
napana ito ng kanyang pinsang si Menalipo, na taga-Epiro; binanggit din niya ang paghatid ng isang ibong arkon
sa kanyang dibdib ng isang kupidong diyamante. Ipinadala siya sa Atenas upang doon ay mag-aral. Dito ay
nadatnan niya si Adolfo, anak ng Konde Sileno na taga-Albanya din, na hinahangaan ng mga guro at mga kamag-
aral dahil sa katalinuhan niya at pagka-uliran sa pagkilos at pananalita. Labing-isang taong gulang lamang noon
si Florante at si Adolfo ay labing-tatlo na; ngunit sa loob ng anim na taong masugid na pag-aaral, nadaig ni
Florante si Adolfo sa karunungan at kagalingan. Hindi naglaon at lumabas ang likas na pagkatao ni
Adolfo. Kinasuklaman niya ang mga tagumpay ni Florante. Kaya nga sa isang dulang itinanghal, sa halip na
sundin ang hinihingi ng papel, tinotohanan niyang saksakin si Florante. Mabuti na lamang at nailigtas siya ni
Menandro, pamangkin ng kanyang gurong si Antenor. Kinabukasan din ay pinauwi si Adolfo sa Albanya.
Namalagi pa ng isang taon si Florante sa Atenas. Samantala, nakatanggap siya ng masamang balita mula sa
kanyang ama na namatay ang kanyang mahal na ina. Kahit na siya ay nagdadala ng malaking sama ng loob,
hinintay pa niya ang pasiya ng kanyang ama. Dumating lamang ang isang sulat makatapos ang dalawang buwan
na nagsasabing umuwi na si Florante sa Albanya.
Ipinatawag ni Haring Linseo ang Duke Briseo sa Albanya sapagka't ang kaharian ng Krotona ay sinalakay ng
hukbo ng Persiyanong Heneral Osmalik. Sa unang pagkikita ng Haring Linseo kay Florante, itinanong agad nito
kung sino si Florante. Sinabi nitong napanaginipan daw niya ang taong mamumuno sa hukbo ng Albanya laban
sa kaaway at ito'y kamukhang-kamukha ni Florante. Ipinakilala ng Duke ang kanyang anak sa
hari. Nagsipagpulong ang mga pinuno at napagpasiyahang si Florante nga ang magdadala ng hukbo ng
Albanya. Samantala, sa palasyo ay napukaw ang puso ng binata ng magandang anak ng hari, si Laura. Namalagi
ng tatlong araw si Florante sa palasyo; nguni't naging kasintahan lamang niya si Laura pag-alis na niya. Ito ay
nagpabaon ng luhang tanda ng pagmamahal niya sa binata.
Nakasagupa nina Florante ang mga kalaban; limang oras na naglaban sina Florante at Osmalik. Hindi nagtagal,
bangkay na itinanghal ang ganid na Persiyano. Nanatili pa ng limang buwan si Florante sa Krotona. Labis siyang
nanabik kay Laura kaya't nagdumaling bumalik sa Albanya. Sa kanyang pagdating, ikinagulat niya ng husto nang
makitang bandila na ng mga Moro ang nagwawagayway sa kaharian ng Albanya. Pinatigil niya agad sa paanan
ng isang bundok ang kanyang hukbo. Nakita niya dito ang isang babaeng pupugutan na lamang ng ulo ng mga
kalaban. Kanyang mabilis na sinagip ang inuusig. Anong laking pagkamangha nang makita ng lahat ang babae:
si Laura! Nagsipagtakbuhan ang hukbo ng kalaban, napinamumunuan pala ni Aladin. Nabawi ang
palasyo nina Floranate at nailigtas ang mga ibinilanggo : sina Haring Linseo, Duke Briseo at Adolfo.
Hindi pa halos natatahimik ang kaharian ng Albanya ay may isang hukbo na naman ang sumalakay; ito ay ang
hukbong pinamumunuan ni Miramolin. Sa madugong paglalaban ay nagapi nina Florante ang mga
kalaban. Nguni't may sunod-sunod pang mga hukbo ang nagtangkang sumalakay sa kaharian. Labimpito silang
lahat; at lahat din silaay pawang natalo ni Florante!
Habang nasa Etolya si Florante, nakatanggap siya ng sulat buhat sa monarka ng Albanya na nagsasabing
madaling magbalik sa Albanya. Nabigla si Florante pagdating niya. Tatlumpung libong sandatahan ang dumakip
sa kanya at dali-daling ipiniit siya sa bilangguan. Hindi niya alam na sa mga pakana ni Adolfo ay napatay pala nito
ang mahal na hari maging ang Duke Briseo at ito ang siyang umagaw sa trono. Ikinulong si Florante nang labing-
tatlong araw; pagkatapos ay ipinag-utos na igapos siya sa gitna ng kasindak-sindak na gubat upang doon ay
masila ng mababangis na hayop. Magdadalawang araw na siya sa gubat na iyon.
Isinalaysay naman ni Aladin ang kanyang mga karanasan. Siya ang anak ng balitang Sultan Ali-adab. Napadpad
siya sa gubat dahil sa matinding sama ng loob sa kanyang ama. Ang kanyang kasintahang si Flerida ay ninasang
agawin sa kanya ng sariling ama. Sa tindi ng pagnanasa ng sultan, naghanap ito ng dahilan upang masarili ang
dalaga. Sa pamamagitan ng pagsisiyasat, natuklasan nitong nagpunta sa Persya si Aladin at iniwan ang kanyang
hukbo sa Albanya. Kaya nang maagaw ni Florante ang Albanya at matuklasan niyong si Aladin ay umurong sa
labanan, ipinalagay ni Sultan Ali-adab na iyon ay isang pagkamakasalanan, at hinatulang pugutan ng ulo ang
sariling anak. Nguni't nang gabi ding iyon, tumanggap si Aladin ng isang mensahe na siya ay ipinatatapon sa
ibang lupa. Ang bilin ay huwag na siyang babalik sa Persya kung nais pa niyang mabuhay. Ang paglilibot niya ay
may anim na taon na ngayon.
Habang nagku-kwentuhan sina Florante at Aladin, nadinig nila ang pag-uusap ng dalawang tao. Ang isa ay
nagsasalaysay kung paano nalaman nitong ipapapatay ang kasintahan nitong nasa bilangguan. Dahil dito
pumayag itong makasal sa hari. Pinawalan naman ang kasintahang nabibilanggo. Noong gabing iyon ay
tumakas ito sa pagbabalatkayo bilang isang gerera. Madaming taon na ito ngayong naglalagalag, haggang sa
magkita ang dalawa sa pook na ito. Samantala, dahan-dahang nilapitan nina Florante at Aladin ang nagsisipag-
usap. Anong laking tuwa nang makita nilang ang nagsisipag-usap ay walang iba kundi sina Laura at Flerida!
Ikinuwento ni Laura kung ano ang nangyari sa kanya. Sinabi niya kung paano naagaw ni Adolfo ang trono, kung
paano pinugutan ng ulo ang hari. Sinabi din niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante sa Etolya upang ipaalam
ang mga nangyayari sa Albanya nguni't ito ay hindi nakaabot kay Florante. Samantala, natapos na noon ang
limang buwang taning ni Adolfo kay Laura upang mapag-aralan ang handog na pag-ibig nito. Wala nang paraang
nalalabi kay Adolfo upang mahimok si Laura; kaya't sa kailaliman ng gabi ay pinilit nitong dalhin siya sa gubat
upang doon ay siraan ng puri. Siya namang pagdating sa gubat ni Flerida. Nakita niyon ang kabuktutan
ni Adolfo. Sa isang pagsibat niyon ay napatay agad si Adolfo.
Habang nagpapalitan ng kani-kanilang karanasan ang apat, nagsidating sina Menandro, kasama ang buong
hukbo ng Albanya. Pinaghahanap nila si Adolfo upang maibalik ang dating katahimikan ng
Albanya. Nagsipagsigawan ang buong hukbo sa tuwa nang makita ng lahat na buhay sina Florante at
Laura. Ipinagbunyi nilang lahat ang magkasintahan. Pagkaraan ay nagbalik silang nagsisipagbunyi sa
palasyo. Hindi nagtagal at nakasal sina Florante at Laura. Itinanghal na hari ng Albanya si Florante; si Laura, ang
reyna. Sina Aladin at Flerida naman ay pinag-isang dibdib din matapos mabinyagan upang maging ganap na
Kristiyano. Bumalik silang dalawa sa Persya nang mamatay ang Sultan Ali-adab, at doon sila ay namuno sa
sariling kaharian.

You might also like