Mula sa kahariang Berbanya ay may isang pamilya na ubod ng bait.Sila’y sina
Haring Fernando Donya Valeriana at ang kanilang mga anak ay sina Don Pedro, Don Diego at Don Juan. Ang tatlong prinsipeng ito ay bihasa sa paghawak ng sandata. Minsan isang gabi, ang hari ay nanaginip na si Don Juan ay sinaktan ng dalawang tampalasan at kanilang inihulog sa balon. Ito ang naging dahilan kung bakit siya’y nagkasakit. Napag-alaman na ang maaari lamang makapagpagaling dito ay ang awit ng Ibong Adarna na matatagpuan sa bundok ng Taborsa puno ng Piedras Platas.Inatasang hanapin niDon Pedro ang ibon ngunit siya’y naging bato lamang. Sumunod na ipinadala ay si Don Diego ngunit pareho lamang ang naging kapalaran nila ni Don Pedro. Kung kaya, sa ayaw at sa gusto ng hari ay napilitang bigyan ng pahintulot si Don Juan na hulihin ang Ibong Adarna at hanapin ang kanyang dalawang kapatid. Dahil na rin sa kabutihang taglay ni Don Juan ay natulungan siya ng ermitanyo sa kanyang pakay. Ngunit inalihan ng inggit si Don Pedro kung kaya pinagbalakan nila ito ni Don Diego ng masama upang di sila lumabas na kahiya-hiya sa kanilang amang hari. Nang sila’y makabalik sa kaharian, ang sakit ng hari ay lalo pang lumubha dahil sa di nila mapaawit ang ibon. Samantala, si Don Juan ay pinagyaman ng isang matanda kung kaya siya ay gumaling at madaling nakauwi sa kaharian. Dito na nalaman ng hari ang katotohanan sapagkat pagkakita pa lang ng Ibong Adarna kay Don Juan ay nagsimula na itong umawit na ang nilalaman ay isang pagtatapat ng mga naganap. Kundi kay Don Juan, malamang na naparusahan na ang kanyang dalawang kapatid. Pinabantayang mabuti ang Ibong Adarna sa tatlong magkakapatid upang di ito makawala dahilan sa ito ang nakapagpagaling sa hari. Ngunit dahil sa pangalawang kabuktutan ni Don Pedro ay lumipad ang ibon at si Don Juan ang napahamak. Naglayas na lamang si Don Juan sapagkat takot siya sa kaparusahang igagawad sa kanya ang hari sa pagkawala ng ibon. Ipinahanap ng hari si Don Juan kina Don Pedro at Don Diego. Nagkita ang tatlong magkakapatid sa Armenya at napagpasyahang doon na lamang manirahan. Nakakita sila ng balon at tanging si Don Juan lamang ang nagkaroon ng pagkakataong makababa sa loob nito. Dito ay natagpuan niya sina Donya Juana at Donya Leonora at binantayan ng higante at ng serpiyente. Ngunit dahil sa galing niya ang bawat isa ay nailigtas ang dalawang prinsesa. Dito na sumunod ang ikatlong kabuktutang ginawa ni Don Pedro at Don Juan. Pinutol niya ang lubid na pinaglalambitinan ni Don Juan nang ito’y bumalik sa loob ng balon upang kunin ang naiwang singsing ni Donya Leonora. Madaling napaibig ni Don Diego si Donya Juana kung kaya pagbalik sa kaharian ay agad silang nagpakasal samantalang si Donya Leonora sa kabila ng panunuyo ni Don Pedro ay di naman niya naibigan. Samantala, si Don Juan ay tinulungan ng enkantadong lobo kung kaya madaling nagbalik ang kanyang lakas. Dumating ang Ibong Adarna at sinabing may isang prinsesa sa Reyno delos Cristales na siya niyang talagang kapalaran. Di nagdalawang –salita ang ibon at ito’y kanyang hinanap. Ngunit ubod pala ng bagsik at lupit ang ama ng prinsesang ito. Ngunit sa kabila ng napakaraming pagsubok sa kanya ng haring Salermo ay napagtagumpayan niya ito sa tulong ni Maria Blanca na anak ng hari. Ngunit dahil sa kahigpitan ng hari ay tumakas ang dalawa na taglay ang sumpa ng ama na gagapang si Maria Blanca na parang kuhol at malilimutan siya ni Don Juan. Nang sumapit ang dalawa sa kaharian ng Berbanya ay saglit muna iniwan si Maria sa isang nayon upang mabigyan ng magandang pagsalubong ang prinsesa sa kaharian. Pagsapit ni Don Juan sa palasyo ay agad sumalubong ang inang reyna at si Leonora kung kaya nakalimutan niya si Maria. Itinakda ang kasal nina Don Juan at Donya Leonora. Dumalo si Maria na suot ang emperatris. Pinilit niyang makaalala si Don Juan sa nakaraan sa pamamagitan ng dala niyang handog. Ipinilit naman ni Leonora ang kanyang karapatan. Nagpasya ang Arsobispo na dapat na maikasal si Leonora kay Don Juan. Dito na nagalit si Maria at pinabaha ang buong kaharian. Dito na natauhan si Don Juan at ipinasya niyang pakasal na kay Maria samantalang si Leonora ay kay Don Pedro. Pumalit na hari ng Berbanya si Don Pedro samantalang si Don Juan ay ginawang hari sa Reyno Delos Cristales. BUOD NG FLORANTE AT LAURA
Ang kuwento ng Florante at Laura ay nagsisimula sa isang madilim na gubat sa
may dakong labas ng bayang Albanya, malapit sa ilog Kositong na ang tubig ay makamandag. Dito naghihimutok ang nakataling Florante na inusig ng masamang kapalaran. Ang mga gunita niya ay naglalaro sa palagay niya ay nagtaksil na giliw na si Laura, sa kanyang nasawing ama, at kahabag-habag na kalagayan ng bayan niyang mahal. Sa gubat ay nagkataong may naglalakad na isang Moro na nagngangalang Aladin. Narinig niya ang tinig ni Florante at dali-dali niya itong tinunton. Dalawang leon ang handang sumakmal sa lalaking nakatali. Pinatay ni Aladin ang dalawang mababangis na hayop at kanyang kinalagan at inalagaan si Florante hanggang sa muling lumakas. Ikinuwento ni Florante ang kanyang buhay. Siya ay anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca. Muntik na siyang madagit ng buwitre at iniligtas siya ng kanyang pinsang si Menalipo na taga-Epiro. Sinambilat ng isang halkon ang kwintas niyang diyamante. Pinadala siya ng kanyang ama sa Atena upang mag-aral sa ilalim ng gurong si Antenor. Natagpuan niya doon ang kanyang kababayang si Adolfo na kanya ring lihim na kaaway. Iniligtas siya ni Menandro sa mga taga ni Adolfo nang minsang magtanghal sila ng dula sa kanilang paaralan. Tapos ay nakatangap si Florante ng liham tungkol sa pagkamatay ng sinisinta niyang ina. Pagkabalik niya sa Albanya kasama ang matalik niyang kaibigang si Menandro, pinatay niya si Heneral Osmalik na kumubkob sa Krotona. Nagkaroon siya ng mga tagumpay sa labimpitong kahariang di-pa-binyagan matapos niyang iligtas si Laura sa hukbo ni Aladin na umagaw sa Albanya nang siya’y nakikipaglaban sa ibang bayan. Natalo din niya ang Turkong hukbo ni Miramolin at iba pa. Nagwakas ang kanyang pagsasalaysay sa pandarayang ginawa sa kanya ni Adolfo matapos kunin ang trono ng Albanya at agawin sa kanya si Laura. Nagpakilala ang Moro na siya’y si Aladin, kaaway na mahigpit ng relihiyong Kristiyano at ng bayan ni Florante. Ang kanyang kapalaran ay sinlagim ng kay Florante. Inagaw sa kanya ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab ang kanyang kasintahang si Flerida. Pagkatapos ng pagsasalaysay ay narinig nila ang dalawang tinig na nag-uusap. Tumayo ang dalawang lalaki at nakita nila sina Laura at Flerida na nag-uusap. Si Flerida’y tumakas sa Persya upang hanapin si Aladin at nang mapagawi siya sa may dakong gubat ay nasumpungan niya si Laura na ibig gahasain ni Adolfo, pinana niya ito at naligtas si Laura sa kamay ng sukab. Ikinuwento ni Laura ang paghuhuwad ni Adolfo sa lagda ng kanyang ama upang madakip si Florante. Isinalaysay niya ang pamimilit ni Adolfo sa kanya at pagdadala sa gubat. Sa ganoon ay nabatid nina Florante at Aladin na ang kani-kanilang mga katipan ay pawang tapat sa kanila. Sina Florante at Laura ay matagumpay na naghari sa Albanya at sina Aladin at Flerida, pagkatapos na maging binyagan at pagkamatay ni Sultan Ali- Adab, ay naghari sa Persya. BUOD NG NOLI ME TANGERE
Pagkatapos ng pitong taong pag-aaral sa Europa ay bumalik sa Pilipinas ang
binatang si Juan Crisostomo Ibarra. Dahil dito’y naghandog ng piging si Kapitan Tiyago kung saan inanyayahan niya ang ilang kilalang tao sa kanilang lugar. Sa piging ay hinamak ni Padre Damaso si Ibarra ngunit sa halip na patulan ay magalang na lamang itong nagpaalam sa kadahilanang siya ay may mahalaga pang lalakarin. Si Ibarra ay may magandang kasintahan, siya si Maria Clara na anak-anakan ni Kapitan Tiyago. Dinalaw ni Ibarra ang dalaga kinabukasan pagkatapos ng piging. Inalala nila ang kanilang pagmamahalan at maging ang mga lumang liham bago pa mag- aral sa Europa si Ibarra ay muling binasa ni Maria Clara. Sa daan bago umuwi si Ibarra ay inilahad ni Tinyente Guevarra ang sinapit ng ama ng binata na si Don Rafael Ibarra na noon ay isang taon nang namayapa. Ayon sa Tinyente, pinaratangan ni Padre Damaso si Don Rafael na isang Erehe at Pilibustero dahil hindi umano ito nagsisimba at nangungumpisal. Nangyari ang lahat ng ito matapos ipagtanggol ni Don Rafael ang isang bata sa kamay ng isang kubrador na aksidenteng nabagok ang ulo kaya namatay. Dahil sa pangyayaring iyon ay nagkaroon ng imbestigasyon habang nakakulong ang Don. Nagsilabas din ang ilan sa mga lihim na kaaway ni Don Rafael at pinaratangan pa ng kung anu-ano. Labis na naapektuhan ang kanyang ama sa mga pangyayaring iyon kaya naman habang nakakulong, siya ay nagkasakit at iyon ang naging dahilan ng kanyang kamatayan. Di pa nakuntento si Padre Damaso at ipinahukay ang labi ni Don Rafael upang ipalipat sa libingan ng mga Instik. Dahil sa malakas na ulan ng panahong iyon, sa halip na mapalipat ay itinapon n lamang ang bangkay sa lawa. Imbes na maghiganti, ipinagpatuloy ni Ibarra ang nasimulan ng kanyang ama. Nagpatayo siya ng paaralan sa tulong ni Nol Juan. Noong babasbasan na ang paaralan ay muntikan ng mapatay si Ibarra kung hindi lamang siya nailigtas ni Elias. Sa halip na si Ibarra ay ang taong binayaran ng lihim na kaaway ng binata ang siyang namatay. Muling pinasaringan ni Padre Damaso ang binata. Hindi na sana ito papansinin ni Ibarra ngunit ng kanyang ama na ang hinahamak nito ay ‘di siya nakapagpigil at tinangkang sasaksakin ang pari. Napigilan lamang siya ng kasintahang si Maria Clara. Dahil sa pangyayaring iyon ay itiniwalag ng Arsobispo sa simbahang katoliko si Ibarra. Sinamantala ni Padre Damaso ang pangyayaring iyon at iniutos sa ama-amahan ni Maria Clara na huwag ituloy ang pagpapakasal ng dalaga kay Ibarra. Sa halip ay kay Linares na isang binatang Kastila umano ipakasal ang dalaga. Dahil sa tulong ng Kapitan Heneral ay napawalang-bisa ang pagka-eskomulgado ni Ibarra at muli siyang tinanggap sa simbahan.
Ngunit, sa di naasahang pagkakataon ay muli siyang hinuli at ikinulong dahil
naparatangan siyang nanguna umano sa pagsalakay sa kuwartel. Habang ginaganap ang handaan sa bahay ni Kapitan Tiyago para sa kasunduang pagpapakasal nina Linares at Maria Clara ay nakatakas si Ibarra sa tulong ng kanyang kaibigan na si Elias. Bago tuluyang tumakas ay nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap ng lihim sina Ibarra at Maria. Isinumbat niya sa dalaga ang liham na ginamit ng hukuman laban sa kanya ngunit mariin itong itinanggi ni Maria. Aniya’y inagaw lang umano sa kanya ang liham ng binata kapalit ng liham ng kanyang ina na nagsasabi na si Padre Damaso ang tunay niyang ama. Dagdag pa ng dalaga, kaya daw umano siya magpapakasal kay Linares ay para sa dangal ng kanyang ina. Ngunit ang pagmamahal niya kay Ibarra ay di magbabago kailanman. Pagkatapos nito’y tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila sa bangka at tinunton ang Ilog Pasig hanggang makarating sa Lawa ng Bay. Pinahiga ni Elias si Ibarra at tinabunan ng damo. Ngunit naabutan sila ng tumutugis sa kanila. Naisip ni Elias na iligaw ang mga humahabol sa kanila. Pagkaraan ay lumundag siya sa tubig at inakala ng mga humahabol sa kanila na ang lumundag ay si Ibarra. Pinagbabaril si Elias hanggang sa ang tubig ay magkulay dugo. Nabatid ni Maria Clara ang diumano’y pagkamatay ni Ibarra. Nalungkot siya at nawalan ng pag-asa kaya hiniling niya kay Padre Damaso na ipasok na lang siya sa kumbento dahil kung hindi ay wawakasan na lamang niya ang kanyang buhay. Natunton ni Elias ang maalamat na gubat ng mga Ibarra. Dito ay nakita niya si Basilio at ang kanyang walang buhay na ina na si Sisa. Noche Buena na noon samantalang si Elias ay sugatan at hinang-hina. Bago pa siya nalagutan ng hininga ay nasabi niya na kung hindi man daw niya makita ang bukang-liwayway sa sariling bayan, sa mga mapalad, huwag lamang daw limutin nang ganap ang mga nasawi sa dilim ng gabi. Iyon ang huling mga salitang lumabas sa bibig ni Elias. BUOD NG EL FILIBUSTERISMO
Nagsimula ang lahat makalipas ang labintatlong taon mula ng mamatay sina Sisa at Elias.
May isang bapor na kung tawagin ay Bapor Tabo na naglalakbay sa pagitan ng
Maynila at Laguna. Ilan sa mga sakay nito ay ang mag-aalahas na si Simoun, Basilio, at Isagani. Nang makarating si Basilio sa San Diego ay dinalaw niya ang puntod ng kanyang ina sa libingan ng mga Ibarra. Sa ‘di inaasahang pangyayari ay nagkita sila ng mag- aalahas na si Simoun. Nakilala niyang ito ay si Crisostomo Ibarra na nagbabalatkayo. Upang maitago ang lihim ni Ibarra, tinangka niyang patayin si Basilio. Ngunit hindi ito natuloy kaya hinimok na lamang ni Simoun si Basilio na makiisa sa kanyang layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila. Tinanggihan ito ng binata dahil nais niyang makatapos sa kanyang pag-aaral. Samantala, habang ang Kapitan Heneral ay nagliliwaliw sa Los Baños, ang mga mag-aaral na Pilipino ay naghain ng isang kahilingan upang magtatag ng isang Akademya ng Wikang Kastila. Hindi ito napagtibay sa kadahilanang ang mga pari ang mamamahala dito. Sa gayon ay hindi sila magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamamalakad ng nasabing akademya. Muling nagkita si Simoun at Basilio at muli niyang hinimok ang binata na umanib sa binabalak niyang panghihimagsik at manggulo sa isang pulutong na sapilitang magbubukas sa kumbento ng Sta. Clara upang agawin si Maria Clara. Ngunit hindi ito nangyari dahil nang hapong din iyon ay binawian ng buhay si Maria Clara. Sa kabilang dako, ang mga mag-aaral naman ay nagdaos ng isang salu-salo sa Panciteria Macanista de Buen Gusto. Ito ay sa kaadahilanang masama ang kanilang loob dahil sa kabiguang maipatayo ang Akademya ng Wikang Kastila. Sila ay nagkaroon ng talumpati sa loob ng Panciteria kung saan tahasang tinuligsa ng mga mag-aaral ang mga pari. Nalaman naman ito ng mga prayle. Kinabukasan, sa mga pinto ng unibersidad ay natagpuan ang mga paskin na naglalaman ng mga pagtuligsa at paghihimagsik. Ibinintang ito sa mga kasapi ng kapisanan ng mga mag-aaral. Dahil dito ay ipinadakip ang mga mag-aaral at nadamay sa mga dinakip si Basilio. Labis itong ipinagdamdam ng kanyang kasintahan na si Juli. Bagama’t urong-sulong ay tuluyan ng nilapitan ni Juli si Padre Camorra upang hingian ng tulong na mapalaya si Basilio. Pinilit din siya ni Hermana Bali dahil ang akala nito’y ang pari lamang ang nag-iisang maaring lapitan para sa kalayaan ni Basilio. Upang mapawalang-sala ang mga estudyante ay nilakad ng kani-kanilang mga kamag-anak ang pagpapalaya sa mga ito. Naiwan si Basilio sa kulungan dahil wala siyang naging tagapagmagitan. Naisagawa ni Padre Camorra ang panghahalay kay Juli. Dahil sa pangyayaring iyon ay tumalon sa bintana ng kumbento ang dalaga na siyang naging dahilan ng kanyang kamatayan. Patuloy pa rin si Simoun sa pagbabalak ng paghihiganti sa pamahalaan. Upang matuloy ang kanyang balakin ay nakipagsanib siya sa negosyo ni Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Nagawa niyang ipagkasundo ang kasal nina Juanito at Paulita Gomez. Ninong sa kasal ang Kapitan Heneral. Ang mga may mataas na katungkulan sa pamahalaan ay inanyayahan din niya sa piging na idaraos. Makalipas ang dalawang buwan ng pagkakakulong ay nakalaya din si Basilio sa tulong ni Simoun. Dahil sa mga pangyayari sa kanyang buhay pati na rin ang pagkamatay ng kanyang kasintahang si Juli ay tuluyan na siyang umanib sa balakin ni Simoun na paghihimagsik. Sinamantala na ni Simoun ang pagkakataong iyon at ipinakita sa binata ang bomba na kanyang ginawa. Lampara ito na hugis granada at kasinalaki ng ulo ng tao. Ihahandog niya ang magarang ilawang ito sa ikakasal na sina Juanito at Paulita. Ang ilawan umano ay magbibigay ng isang maningning na liwanag at pagkaraan ng dalawampung minuto ay manlalabo. Kapag itinaas ang mitsa upang paliwanagin ay puputok ito at ang granada ay sasabog. Kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng kiyoskong kakanan dahilan upang walang sinumang makaligtas sa mga bisita. Kapag narinig naman ang malakas na pagsabog ng dinamita sa lampara ay magsisilbi itong hudyat para simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni Simoun. Araw na ng kasal nina Juanito at Paulita at mag-iikapito na noon ng gabi. Palakad- lakad si Basilio sa tapat ng bahay na pagdarausan ng piging. Nanaog na rin si Simoun upang lisanin ang bahay dahil sa nalalpit na pagsabog. Aalis na sana si Basilio ngunit natanawan niya si Isagani, dating kasintahan ni Paulita. Pansamantalang nalimot ni Basilio ang kanyang kabiguan sa buhay kaya ipinagtapat nito kay Isagani ang magaganap na pagsabog. Binalaan niya si Isagani na kung maari ay umalis na din upang hindi na madamay pa. Sakto naman at nanlalamlam na noon ang lampara kaya iniutos ng Kapitan Heneral kay Padre Irene na pakitaas ang mitsa ng ilawan. Ngunit inagaw ito ni Isagani, tumakbo sa asotea at inihagis ang lampara sa ilog. Hindi natuloy ang balakin ni Simoun na paghihimagsik. Tumakas siya patungo sa bahay ni Padre Florentino, isang paring Pilipino. Nang malapit ng dumating ang mga huhuli kay Simoun ay uminom ito ng lason upang huwag na siyang abuting buhay ng mga ito. Dito na rin niya ipinagtapat sa pari ang kanyang katauhan. Mula nang siya ay bumalik sa Pilipinas buhat sa Europa labintatlong taon na ang nakalipas, ang pag-iibigan nila ng kasintahang si Maria Clara, at pagbabalatkayo niya na mag-aalahas sa pakay na mapaghigantihan ang Pamahalaan sa pamamagitan ng isang paghihimagsik. Pagkatapos na mangungumpisal ay namatay na si Simoun. Ang mga naiwang alahas naman ni Simoun ay itinapon sa dagat ni Padre Florentino.