You are on page 1of 5

Artikulo 1

Ang lahat ng tao'y isinilang ng malaya at may pantay na karangalan at karapatan.


Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat makitungo sa bawat isa sa diwa ng pagkakapatiran.
Artikulo 2

Ang lahat ay naaangkop sa lahat ng karapatan at kalayaang nasasaad sa Pahayag na ito, ng walang anumang uri ng
kaibhan, tulad ng lahi, kulay ng balat, kasarian, wika, relihiyon, pulitikal o ibang palagay, pambansa o panlipunang
pinagmulan, pag-aari, pagsilang o anupamang kalagayan. Dagdag pa rito, walang anumang pagkakaiba ang dapat likhain
sa batayang pulitikal, nasasakupan o pangkalahatang kalagayan ng bansa o teritoryong kinabibilangan ng isang tao, ito
man ay independyente, pinagtitiwalaan, di-makapamahala-ng-sarili o sa ilalim ng anumang takda ng pagsasarili.

Artikulo 3
Ang lahat ay may karapatan sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng tao.

Artikulo 4
Walang sinumang dapat ipailalim sa pang-aalipin o pambubusabos; ang pang-aalipin at pangangalakal ng alipin ay dapat
ipagbawal sa lahat ng anyo nito.

Artikulo 5
Walang sinumang dapat dumanas ng pahirap o ng malupit, di makatao o mapag-aglahing pagtrato o pagpaparusa.

Artikulo 6
Ang lahat ay may karapatang kilalanin saanman bilang tao sa harap ng batas.

Artikulo 7

Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan ng walang anumang diskriminasyon sa pantay na
proteksyon ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na proteksyon laban sa anumang diskriminasyon na lumabag
sa Pahayag na ito at laban sa anumang pang-uudyok sa gayong diskriminasyon.

Artikulo 8

Ang lahat ay may karapatan sa mabisang pagtulong ng mga may-kakayahang pambansang hukuman para sa mga kilos na
lumalabag sa mga batayang karapatang ipinagkaloob sa kanya ng konstitusyon o ng batas.

Artikulo 9

Walang sinumang dapat ipailalim sa di-makatwirang pagdakip, pagkapiit o pagkakakulong.

Artikulo 10

Ang lahat ay may karapatan sa ganap na pagkakapantay sa isang patas at hayagang pagdinig ng isang independyente at
walang kinikilingang hukuman, sa pagpapasiya ng kanyang mga karapatan at tungkulin at ng anumang isinampang
kasong kriminal laban sa kanya.

Artikulo 11
(1) Sinumang kinasuhan ng pagkakasalang mapaparusahan ay may karapatang ipagpalagay na walang kasalanan
hanggang sa mapatunayang nagkasala ayon sa batas sa isang hayagang paglilitis kung saan nasa kanya ang lahat ng
garantiyang kinakailangan para sa depensa.

(2) Walang sinumang dapat ituring na may kasalanan sa anumang pagkakasalang mapaparusahan dahil sa mga gawa o
pagkaligta na di bumuo ng isang pagkakasalang mapaparusahan, sa ilalim ng pambansa o pandaigdigang batas, sa
panahong iyon ay naisagawa. O kaya'y ipatupad ang mas mabigat na parusa kaysa sa pinaiiral noong panahong
naisagawa ang may-parusang pagkakasala.

Artikulo 12

Walang sinumang dapat ipailalim sa di-makatwirang pakikialam sa kanyang pribadong buhay, pamilya, tahanan o
pakikipaglihaman, maging sa pagbatikos sa kanyang karangalan at pangalan. Ang lahat ay may karapatan sa proteksyon
ng batas laban sa mga ganitong pakikialam o pagbatikos.

Artikulo 13

(1) Ang lahat ay may karapatan sa malayang pagkilos at pananahan sa loob ng hangganan ng bawat bansa.

(2) Ang lahat ay may karapatang umalis ng anumang bansa, maging ng sariling bansa, at bumalik sa kanyang bansa.

Artikulo 14

(1) Ang lahat ay may karapatang maghanap at matamasa sa ibang mga bansa ang pagpapaampon mula sa pag-uusig.

(2) Ang karapatang ito'y di maipapakiusap sa mga kaso ng pag-uusig na totoong nagmumula sa mga krimeng di-pulitikal
o sa mga gawaing salungat sa hangarin at simulain ng Nagkakaisang Bansa.

Artikulo 15

(1) Ang lahat ay may karapatan sa nasyonalidad.

(2) Walang sinumang di-makatarungang aalisan ng kanyang nasyonalidad o pagkaitan ng karapatang palitan ang kanyang
nasyonalidad.

Artikulo 16

(1) Ang mga lalaki at babaeng may sapat na gulang, nang walang anumang paghadlang dahil sa lahi, nasyonalidad o
relihiyon, ay may karapatang makapag-asawa at magkaroon ng pamilya. Sila'y naaangkop sa pantay na karapatan sa pag-
aasawa, habang may-asawa at sa pagkabuwag nito.
(2) Ang pag-aasawa'y dapat lamang pasukin kung may malaya't ganap na pagsang-ayon ng kani-kanilang
mapapangasawa.

(3) Ang pamilya ang likas at batayang pangkat ng lipunan at may karapatang maproteksyunan ng lipunan at ng Estado.

Artikulo 17

(1) Ang lahat ay may karapatang magkaroon ng pag-aaring kanya lamang at maging kasama ang iba.

(2) Walang sinuman ang di-makatarungang aalisan ng kanyang pag-aari.

Artikulo 18

Ang lahat ay may karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang pagpapalit ng
relihiyon o paniniwala, at kalayaang, maging sa sarili lamang o kasama ang iba pa sa pampubliko man o pribado,
maipahayag ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pagtuturo, pagsasabuhay, pagsamba at pagdiriwang.

Artikulo 19

Ang lahat ay may karapatan sa malayang pananaw at pagpapahayag; kasama sa karapatang ito ang kalayaang tanganan
ang pananaw ng walang pakikialam at ang maghanap, tumanggap at magbahagi ng impormasyon at kaisipan sa
pamamagitan ng anumang media at ng walang pagsasaalang-alang sa mga hangganan.

Artikulo 20

(1) Ang lahat ay may karapatan sa kalayaan sa mapayapang pagtitipon at samahan.

(2) Walang sinumang dapat piliting maging kabilang sa isang samahan.

Artikulo 21

(1) Ang lahat ay may karapatang maging bahagi sa pamahalaan ng bawat bansa, direkta man o sa pamamagitan ng
malayang pagpili ng kinatawan.

(2) Ang lahat ay may karapatan sa pantay na pagkamtan ng pampublikong serbisyo sa kanyang bansa.

(3) Ang kalooban ng mga tao ang dapat maging batayan ng kapangyarihan ng pamahalaan; ang kaloobang ito ay dapat
maipahayag sa pana-panahon at tunay na halalan na dapat ay sa pamamagitan ng daigdigan at pantay na karapatang
maghalal at dapat isagawa sa pamamagitan ng lihim na pagboto o ng kaparehong malayang patakaran ng pagboto.

Artikulo 22

Ang lahat, bilang kasapi ng lipunan, ay may karapatan sa panlipunang seguridad at may karapatan sa pagsasakatuparan,
sa pamamagitan ng pambansang pagsisikap at pandaigdigang pagtutulungan at alinsunod sa mga organisasyon at
rekurso ng bawat Estado, ng karapatang pang-ekonomya, panlipunan at pangkalinangan, kailangang-kailangan oara sa
kanyang dangal at sa malayang pag-unlad ng kanyang pagkatao.

Artikulo 23

(1) Ang lahat ay may karapatan sa pagtatrabaho, sa malayang pagpili ng pagtatrabahuhan, sa makatarungan at mainam
na kalagayan sa pagtatrabaho at sa proteksyon laban sa kawalan ng trabaho.

(2) Ang lahat, ng walang diskriminasyon, ay may karapatan sa pantay na sahod para sa kasukat na trabaho.

(3) Ang sinumang nagtatrabaho ay may karapatan sa makatarungan at mainam na kabayaran na magtitiyak sa kanyang
sarili at sa kanyang pamilya ng pamumuhay na nararapat sa dangal ng tao, at may dagdag, kung kinakailangan, ng iba
pang paraan ng panlipunang proteksyon.

(4) Ang lahat ay may karapatang magbuo ng at sumapi sa mga unyon para sa proteksyon ng kanyang interes.

Artikulo 24

Ang lahat ay may karapatan sa pahinga at malayang oras, kasama ang makatwirang pagtatakda ng oras-paggawa at
pana-panahong bakasyon ng may bayad.

Artikulo 25

(1) Ang lahat ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan niya at ng
kanyang pamilya, kasama ang pagkain, pananamit, paninirahan at pangangalagang pangkalusugan at kinakailangang
panlipunang serbisyo, at ang karapatan sa seguridad sakali mang mawalan ng trabaho, pagkakasakit, pagkakaroon ng
kapansanan, pagkabalo, pagtanda o pagkukulang sa kabuhayan sa mga kalagayang di niya hawak.

(2) Ang pagiging ina at ang kamusmusan ay may karapatan sa di-pangkaraniwang pangangalaga at pagtangkilik. Lahat ng
bata, ito ma'y isinilang sa loob o sa labas ng kasal, ay dapat magtamasa ng kaparehong panlipunang proteksyon.

Artikulo 26

(1) Ang lahat ay may karapatan sa edukasyon. Ang edukasyon ay nararapat na walang bayad, kahit man lang sa
elementarya at panimulang antas. Ang edukasyon sa elementarya ay dapat kunin ng lahat. Ang edukasyong teknikal at
prupesyunal ay nararapat na nakukuha ng pangkalahatan at ang mas mataas na edukasyon ay dapat na pantay na
nakakamtan ng lahat sa batayan ng merito.

(2) Ang edukasyon ay dapat umakay tungo sa ganap na pag-unlad ng pagkatao ng tao at sa pagpapatibay ng paggalang
sa karapatang pantao at batayang kalayaan. Dapat nitong itaguyod ang pagkakaunawaan, pagpapaubaya at
pagkakaibigan ng lahat ng bansa, mga lipi o relihiyosong pangkat, at itaguyod ang mga gawain ng Nagkakaisang Bansa
para sa pagpapanatili ng kapayapaan.

(3) Ang mga magulang ang may pangunahing karapatang pumili kung anong uri ng edukasyon ang nararapat ibigay sa
kanilang mga anak.

Artikulo 27

(1) Ang lahat ay may karapatan sa malayang paglahok sa buhay pangkalinangan ng pamayanan, matamasa ang mga
sining at makapagbahagi sa mga nagawa ng agham at ng mga kapakinabangan ng mga tao.
(2) Ang lahat ay may karapatan sa proteksyon ng kapakanang moral at materyal na ibinunga mula sa anumang akdang
pang-agham, pampanitikan o pansining kung saan siya ang may-akda.

Artikulo 28

Ang lahat ay may karapatan sa isang panlipunan at pandaigdigang kaayusan kung saan ang mga karapatan at kalayaang
nakasaad sa Pahayag na ito ay ganap na naisasakatuparan.

Artikulo 29

(1) Ang lahat ay may mga tungkulin sa pamayanan kung saan yaon lamang malaya at ganap na pag-unlad ng kanyang
pagkatao ang maaaring maganap.

(2) Sa paggamit sa kanyang mga karapatan at kalayaan, ang lahat ay nasasakop lamang ng ilang limitasyon na tinukoy ng
batas para sa layunin lamang ng pagtitiyak ng nararapat na pagkilala at paggalang sa mga karapatan at kalayaan ng iba at
ang pagkakamit ng nararapat na rekisitos ng moralidad, pampublikong kaayusan at pangkalahatang kagalingan sa isang
lipunang demokratiko.

(3) Ang mga karapatan at kalayaang ito ay di dapat gamitin ng salungat sa layunin at prinsipyo ng Nagkakaisang Bansa.

Artikulo 30

Walang anuman sa Pahayag na ito ang dapat ipakahulugan na nagpapahiwatig para sa anumang Estado, pangkat o tao
ng anumang karapatang kumilos sa anumang aktibidad o magsagawa ng anumang aksyong may layuning magwasak sa
alinmang karapatan at kalayaang nakasaad dito.

You might also like