You are on page 1of 2

TRANSCENDENCE

Naalala ko nang minsang pag-usapan namin ng bespren kong si Gen ang tungkol sa
transcendence ng Diyos. Sabi ko, ang Diyos ay palagiang kumikilos sa buhay ng mga
tao. Dahil dito, hindi siya puwedeng angkinin ng isang tao o relihiyon, hindi
maaaring sabihin ninuman na sa kanila lamang nananatili at nananahan ang Diyos.
Paano mo aangkinin at pananatiliin ang isang Diyos na transcendent, samantalang ang
konsepto mismo ukol sa transcendence ng Diyos ay tumutukoy sa isang Lumikha na
kumikilos sa buhay ng mga tao, sa lahat ng dako, sa lahat ng panahon.

Maraming implikasyon ang konseptong ito. Nangangahulugan ito na hindi kailanman


puwedeng sabihin ng isang relihiyon na sila lamang ang maliligtas, hindi rin
maaaring sabihin ninuman na siya lamang ang may hawak ng katotohanan. Hindi
puwedeng angkinin, kahit na kailanman ng iisang grupo ang Diyos na lumikha ng lahat
ng bagay dahil naglalakbay siyang kasama ng lahat ng tao. Kumikilos Siya mula sa
akin, patungo sa iyo, patungo sa iba pang mga tao. Hindi siya tumitingin sa
kasarian, sa kulay ng balat, o sa ideolohiya, at mga kredo.

Kapag sinabi ng isang tao o isang relihiyon na nasa kanila lamang ang Diyos,
inaangkin nila ang Diyos at ikinukulong siya sa isang set ng mga paniniwala. Isa
itong malaking pagkakamali dahil hindi mo maaring i-contain ang isang Diyos na
transcendent. Paano mo ipapasok sa isang credo o formula ang Panginoon na siyang
lumikha ng lahat ng bagay.

Kung ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat, ibig sabihin, hindi kailanman
ganap na mauunawaan ng tao ang kabuuang misteryo ng Diyos. Maaring magkaroon tayo
ng panimulang pagsipat sa misteryong ito, ngunit hindi natin kailanman lubos na
mauunawaan ang nasabing misteryo. Mananatili itong misteryo tulad ng pag-ibig o ng
kamatayan.

Sa teolohiyang Kristiyano, ang misteryo ng Diyos ay ipinahayag sa pamamagitan ng


pagkakatawang tao ni Kristo, sa pamamagitan ng pakikipamuhay kasama ng mga tao, ang
kaniyang bayan. Ngunit alalahanin natin na si Kristo ay nabuhay sa isang partikular
na kontextong historikal. Ipinanganak siya sa Judea, bilang isang Hudyo, sa ilalim
ng isang pampolitikang kaayusan. Ang transcendence ng Diyos, na ipinahahayag ni
Kristo ay makikita sa pagbasag niya sa nosyon ng mga Hudyo na sila lamang ang bayan
ng Diyos.

Ipinangaral ni Kristo ang pag-ibig ng Diyos na sumasakop sa lahat ng mga tao.


Nakisalamuha siya, hindi lamang sa mga itinuturing na banal ng lipunan, iyong mga
nagsasabing sumasakanila ang Diyos; kundi maging sa mga taong ipinalalagay na hindi
pinananahanan ng Panginoon: ang mga kolektor ng buwis, mga babae, puta, mga bata.
Ipinahayag ni Kristo ang paghahari ng Diyos sa lahat ng tao at itinuro ang pag-ibig
ng Diyos na sumasakop sa lahat: Hudyo man o Gentil.

Ito ang batayang aral ni Kristo: Na ang Diyos ay pag-ibig at ang pag-ibig na ito ay
sumasakop sa lahat. Hindi sinasabi ng Panginoon na mahal kita dahil banal ka, o
mahal kita dahil maganda ka, o mahal kita dahil maputi ang kulay ng iyong balat, o
mayaman ka, o lalaki ka. Sinasabi ng Panginoon, mahal kita. Iyon lang. Sapat na at
nakasasapat ang pag-ibig bilang esensiya ng Diyos.

Ngunit ang pagmamahal na ito ay nagkaroon ng mga dimensiyong politikal sa pag-usad


ng panahon. Hanggang ngayon, ang pagmamahal ng Panginoon ay itinatali pa rin natin
sa tradisyon. Halimbawa, bagaman sinabi ni Pablo na �wala nang Hudyo o Gentil, wala
nang babae o lalaki, alipin o amo,� hindi pa rin naman natin pinapayagang maging
pari ang mga babae para matamasa nila ang buong kalayaang makapaglingkod sa iglesia
ng Diyos. Tumitingin pa rin ang simbahan, hanggang ngayon sa ayos ng damit at
katayuan sa buhay ng mga tao. Ang kalakhang bahagi ng mga naglilingkod sa parokya
ay mayayaman pa rin, at kulang ang pagsisikap ng simbahan na abutin ang kamay ng
mga naghihikahos. Ang tanging konsuwelo ng simbahan upang masabing sumusunod nga
ito sa panawagan ng Panginoon na maging bahagi ng buhay ng lahat ng tao ay ang
pagbanggit sa simbahan bilang iglesia ng mga dukha, o ang paminsan-minsang
pamimigay ng mga dole-outs. Maliban dito, ang simbahan ay nakabaon na nang husto sa
kaniyang mga tradisyon at paniniwala at maaaring tumutulad na nga sa ilang mga
sekta na nagkukulong sa Diyos sa kanyang mga rebulto, sa kanyang mga dogma at
credo.

Kung ang Diyos ay transcendent at makapangyarihan, paano natin siya maiintindihan?


Paano natin malalaman ang iniisip ng Diyos? Natanggap ko na sa ngayon na ang
Bibliya, bagaman kinasihan ng Diyos, ay hindi maaring magpaliwanag sa buong
kaluwalhatian, hindi maaaring makapagpaliwanag kung paano nag-iisip ang Diyos.
Kulang ang isang buong libro upang ikulong ang kaluwalhatian at pag-iisip ng
Panginoon. Kulang din ang karunungan ng tao upang maintindihan ang karunungan ng
Diyos.

Maaari kayang ang ipinapalagay nating mga likas na katangian ng Diyos, ang mga
batas na ipinatutupad natin sa simbahan, ay hindi talaga nais ng Diyos, kundi
projection lamang ng ating mga iniisip, ng ating kasaysayan, ng ating mga tradisyon
at paniniwala? Ang mga bagay na ina-attribute natin sa Diyos ay batay sa ating mga
iniisip, produkto ng historikal, politikal at ideolohikal na bagaheng dinala natin
sa loob ng matagal na panahon?

Muli kong pinag-iisipan ang mga ito matapos ang kanonisasyon kay San Oscar Romero
at sa gitna ng pag-iisip ukol sa kay raming mga bagay.

Repost ito ng isang lumang Note noong 2011.

[Retrato: The Creation of Adam ni Michelangelo, Sistine Chapel, ca. 1508-1512]

You might also like