You are on page 1of 38

Itaboy ang Kahirapan, Hindi ang Mahihirap

ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP

Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ayon sa gobyerno, kailangang labanan ang kahirapan. Pero ang solusyon nila para labanan ang
kahirapan ay itaboy ang mga mahihirap. Ang pananaw na ito ng gobyerno, pati na rin ng mga kapitalista
at naghaharing iilan sa lipunan, ay makikita sa sumusunod na kwentong bayan:

“Bibisita ang isang hari sa probinsyang kanyang nasasakupan, at ipinabatid niya ito sa mga namumuno
sa bayang yaon. Dahil dito, naghanda ang gobernador ng lalawigan at inatasan ang lahat ng kanyang
mga kabig na kailangang matuwa ang hari sa pagdalaw nito sa kanilang bayan. Ngunit sa dadaanan ng
hari ay may mga barung-barong na pawang mga mahihirap ang nangakatira. Hindi nila maitaboy agad-
agad ang mga tao dahil tiyak na lalaban ang mga ito. Kaya ang ginawa ng gobernador ay pinatayuan ang
paligid nito ng mahabang pader upang sa pagdaan ng hari, ay hindi nito makita ang karumal-dumal na
kalagayan ng mga mahihirap.”

Hindi ko maalala kung saan ko nabasa ang kwentong ito, pero ang aral ng kwentong ito’y nahalukay ko
pa sa aking memorya. Sa esensya, karima-rimarim sa mga mata ng naghaharing uri sa lipunan ang mga
mahihirap dahil ang mga ito’y “nanlilimahid, mababaho, mga patay-gutom at mababang uri”. Kaya
nararapat lamang na ang mga mahihirap na ito’y itago sa mata ng hari, at palayasin o itaboy na parang
mga daga sa malalayong lugar.

Kaya naman pala patuloy ang demolisyon sa panahong ito. Demolisyon ng barung-barong ng mga
mahihirap dahil sila’y masakit sa mata ng gobyerno’t kapitalista. Demolisyong ang pinag-uusapan
lamang ay maitaboy sa malalayong lugar ang mga mahihirap. Demolisyong hindi pinag-uusapan ang
kahihinatnan ng mga mahihirap sa lugar ng relokasyon at pagkalayo nila sa lugar ng kanilang
hanapbuhay.

Kung ganoon, para sa gobyerno’t kapitalista, para labanan ang kahirapan, itaboy ang mahihirap. Ito ang
esensya ng demolisyon.

Pero para sa mahihirap, para labanan ang kahirapan, itaboy ang nagpapahirap. Ito ang esensya ng
rebolusyon.

Teka, hindi pa tapos ang kwento: “Nang dumating ang hari sa bayang nasabi, ipinagbunyi siya ng mga
tao at nakita ang kaayusan at kaunlaran ng lugar. Kaya ang sabi ng hari ay gagantimpalaan niya ang
gobernador dahil sa malaking nagawa niya sa lalawigan. Sa pag-uwi ng hari mula sa maghapong
pagdalaw sa probinsya, napansin niya ang mahabang pader na agarang ipinatayo ng gobernador.
Hiniling niyang makita ang nasa kabila nito. Walang nagawa ang gobernador. Dito’y agad nakita ng hari
ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nakatirang mahihirap sa kabila ng pader. Itinatago pala ng
gobernador ang tunay na kalagayan ng lalawigan. Bumaba ang hari’t nakitang maraming namamayat at
ang iba’y halos mamatay sa gutom, marami ang nagkakasakit at walang nag-aasikaso. Dahil dito, binawi
ng hari ang gantimpalang sana’y ibibigay niya sa gobrnador.”
Sa pinakasimple, para itaboy ang kahirapan, dapat resolbahin ito ng pamahalaan pagkat sila ang
namumuno at nasa poder ng kapangyarihan. Hindi nararapat na basta na lamang itaboy ang mahihirap
pagkat sila’y biktima lamang ng kahirapan, biktima ng bulok na sistemang nag-anak sa kahirapang
kanilang nararanasan. Walang silbi ang isang gobyernong hindi kayang lutasin ang problema ng kanyang
mga nasasakupan. Dahil doon, nararapat lamang silang mawala sa poder.
Pagkamulat

PAGKAMULAT

Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ako lumaki sa iskwater o sa slum area. Ngunit sa aking mga paglalakbay, dahil ako’y layas at hindi
mapirmi sa bahay, marami akong napupuntahang mga lugar at nakikilalang mga bagong kaibigan.
Samutsari ang istorya na minsan, kung aking pagninilayan, ay napapanood ko lamang sa sinehan, o
kaya’y sa telebisyon. Bukod sa isa akong manunulat na naghahanap ng maisusulat, isa rin akong lagalag
na naghahanap ng kabuluhan sa buhay.

Sa paglalagalag ko’y nakarating ako sa Sitio Estero, isang pamayanang itinayo ng mga maralita ilang taon
na ang nakararaan sa lugar na iyon ng Maynila. Maraming pamilya ang nakatira rito. Malapit iyon sa Ilog
Pasig. Tahimik ang komunidad na ito, lalo na sa mga araw ng Lunes hanggang Biyernes. Karaniwang
maririnig lamang ang halakhakan ng mga kalalakihang nag-iinuman kapag araw ng Sabado at Linggo, o
kaya’y tuwing gabi. Maliban sa mangilan-ngilang walang trabaho, ang mga kalalakihan dito’y umaalis sa
madaling-araw ng Lunes upang pumasok sa kani-kanilang trabaho, at kadalasang gabi na ang uwi, o kung
minsan, doon na natutulog sa trabaho (stay-in) at umuuwi lamang tuwing Sabado sa Sitio Estero upang
umalis muli kinalunesan. Naiiwan naman ang mga kababaihan sa pag-aasikaso ng tahanan at pag-aalaga
ng mga bata. Tabi-tabing barung-barong ang mga kabahayan sa komunidad na iyon ng maralita.

Kahit hirap sa buhay, masisilayan mo ang mga ngiti sa kanilang mukha at tila wala silang problema.
Magaling silang magdala ng problema o kaya’y idinadaan na lang nila sa tawa ang hirap nilang dinaranas.
Katwiran nga nila, hirap ka na nga, sisimangot ka pa. Eh, di, hindi ka na naging masaya. Ang kanilang mga
ngiti, kahit medyo kapos sa pang-araw-araw na pangangailangan, ay di nila ipinagdaramot.

Maaaring tingin ng marami, ang mga maralitang nakatira sa barung-barong ay karaniwan na lamang. At
wala ka nang mapipiga pa sa kanila. Kaya bakit pa sila pagtutuunan ng pansin. Sila’y mga patay-gutom,
hampaslupa. At kung anu-ano pang mga katawagang maririnig lamang natin kung ang isa o ilan sa kanila
ay nahuling nang-umit ng pagkain o nagnakaw kaya. Dahil sa ganitong palasak na pagtingin, mismong
ang mga maykapangyarihan ay wala nang pakialam kung masagasaan man nila o mademolis kaya ang
mga maralitang iskwater. Katwiran nila, iskwater naman iyan, kaya dapat mawala dito sa kalunsuran.
Kulang na lang na sabihin nilang mawala na ang mga iskwater sa ibabaw ng mundo.

Ngunit sila’y mga tao ring tulad natin. Maliban doon sa problemang lagi silang walang pera, malalaman
mo lamang ang kanilang mga pansariling problema kung makikihalubilo ka sa kanila.

Maayos silang namumuhay nang makilala ko si Mang Pedro, ang pinuno ng samahang nakatayo roon,
ang Samahang Maralita ng Sitio Estero (SMSE). Nabuo ang kanilang samahan nang minsang may
nakapagsabi na idedemolis ang kanilang lugar. Naalarma sila pagkat wala naman silang paglilipatang
lugar kung sakaling dumating ang mga teroristang demolition team at wasakin ang kanilang tirahan.
Dagdag pa rito, kung sila’y ililipat sa malayong relokasyon, tiyak na mapapalayo sila sa kanilang
pinagkukunan ng ikabubuhay. At di rin sila nakatitiyak na may maayos na serbisyong panlipunan sa
paglilipatang lugar.

Katwiran pa nila, baka mapagaya lamang sila sa mga kakilala nila sa kabilang sityo na nademolis at
nailipat sa isang malayong lugar. Pero dahil walang mapagkunan ng ikabubuhay sa lugar ay nagbalikan sa
dati nilang tirahan upang maging iskwater muli. Hindi naman daw makakain ang bahay na pinaglipatan
nila kung mamamatay naman daw sila sa gutom. Mas gugustuhin nilang maging iskwater na muli basta’t
may pagkukunan ng makakain. Ang mga katwirang ito ang nagpatibay sa ilang mga nakatira roon upang
ipaglaban ang kanilang karapatan sa pamumuhay at paninirahan, bagamat ang marami ay nagkikibit-
balikat na lamang dahil naging manhid na sa mga bantang demolisyon na hindi natutuloy. Hanggang sa
dumating ang araw na di nila inaasahan.

Isang umaga, Lunes, habang wala ang mga kalalakihang nagsipasok na sa trabaho, nabigla ang
pamayanan ng Sitio Estero nang may dumating na mga unipormadong kalalakihang pawang naka-kulay
asul na t-shirt, at may mga hawak ng maso. Nasa likuran nila ang mga unipormadong pulis. Ayon sa
pinuno ng grupong iyon, idedemolis daw ang lugar bilang pagtalima sa utos ni Mayor, dahil gagamitin
daw iyon para tayuan ng mega-pumping.

Medyo makulimlim ang umagang iyon, at tila babagsak ang isang malakas na ulan. Ngunit hindi iyon
alintana ng dalawang panig. Ang isa ay nais sumunod sa nag-utos at nagbayad sa kanila, samantalang
ang isa naman ay nais ipagtanggol ang kanilang karapatang gustong agawin sa kanila.

Hinanapan ng notice of demolition ng isang lider ng samahan ang mga dumating. Walang naipakitang
notice, ngunit nag-umpisa na ang pagdemolis. Nagsigawan at nag-iyakan ang mga kababaihan.
Nagbarikada ang ilang mga kalalakihang natira doon, pero wala silang nagawa sa dami ng mga
unipormadong magdedemolis.

Kahit ang tahimik na si Aling Petra na may apat na anak, kasama ang bunsong dalawang buwang gulang
pa lamang, ay hindi pinatawad ng demolition team. Winasak ang kanyang tahanan. Unang natanggal ang
dingding, sunod ay bubong at ang huli’y ang haligi ng barung-barong. Ang kanyang asawa’y wala roon at
nasa trabaho. Tulad ng maraming pamilyang naroroon, litong-lito siya sa pagsagip sa kanilang kagamitan
dahil medyo umaambon.

Sa kanyang pagkalito kung aling gamit ang uunahin, hindi na niya napansin ang kanyang maysakit na
anak. Kagabi’y inaapoy ng lagnat ang bata, ngunit hindi maitakbo sa ospital dahil walang pera. Kaya’t
nagkasya na lamang si Aling Petra sa pagpapainom sa kanyang bunso ng isang tableta kagabi, kaya
medyo bumaba ang lagnat.

Mahina ang pag-ambon nang idemolis ang kanilang tahanan ng umagang iyon, gayong sinasabi sa batas
na bawal magdemolis kapag masama ang panahon. Saka lamang napansin ni Aling Petra ang maysakit na
anak nang ilibot niya ang kanyang mata kung ano pang gamit ang sasagipin. Dahil natanggal ang bubong
ng kanilang bahay, naambunan ang bata.
Dali-dali niyang kinuha ang sanggol na nakatalukbong ng kumot. Hindi umiiyak ang kanyang bunso.
Natutulog, pakiwari niya. Ngunit nang kanyang pagmasdan ang mukha ng bata, ito’y namumutla.
Nataranta siya. Niyugyog ang sanggol.

“Bunso? Anak? Gising, anak?” Ngunit sawimpalad, hindi na muling masisilayan ni Aling Petra ang
halakhak, iyak at maging ang maamong ngiti ng kanyang munting anghel.

Nagpalahaw ng iyak si Aling Petra, at sa galit ay nagsabing “Bakit ang anak ko pa? Walanghiyang mga
demolition team kayo! Pinatay n’yo ang anak ko! Anak ko!”

Narinig ng kanyang mga kapitbahay ang kanyang palahaw at agad ang mga itong sumaklolo. Nang
makita ng mga myembro ng demolition team ang nangyari, tuloy pa rin ang karamihan sa trabaho na
para bang walang nangyari. Natigil lamang ang pagdemolis nang dumarami na ang mga tao, dahil ang
iba’y nagtawag ng saklolo sa kabilang sityo, at nagbarikada ang mga tao.

Maraming mga kabahayan ang nawasak. Maraming mga kagamitan ang nangawala at ang iba’y nakitang
kinuha ng ilang myembro ng demolition team. At isang walang malay na sanggol ang nawalan ng buhay.
Ah, sadyang terorismo ang demolisyon. Marahas, walang paggalang sa batayang karapatan ng bawat
tao.

Halos madilim na nang dumating si Mang Ramon, ang kabiyak ni Aling Petra. Tulad ng iba pang tagaroon
na kararating lamang mula sa trabaho, nanlumo ito nang malaman ang nangyaring demolisyon, lalo na
nang makitang wala nang buhay ang kanyang bunso. Walang sabi-sabing sinuntok nito ang dingding na
kahoy.

“Hindi ko nailigtas ang anak natin. Patawad. Hindi ko naligtas si Bunso,” ang tanging lumabas sa bibig ni
Aling Petra na halos natuyo na ang luha sa pisngi.

Nakatitig sa kawalan si Mang Ramon. Halata sa kanyang mukha ang pagtitimpi.

Nang gabi ring iyon, nagpulong ang mga lider at kasapi ng SMSE, kasama ang ilang lider sa kabilang
pampang ng ilog na naniniwalang umpisa pa lamang ang pag-atake sa Sitio Estero at susunod na ang
Sitio Ibabaw at Sitio Ilalim.

“Mga kasama, kung hindi tayo magtutulungan, tiyak na isa-isang magigiba ang ating kabahayan. Tama
lamang na kumilos tayo ngayon upang hindi na maulit pa ang karahasang nangyari kanina,” ani Mang
Pedro, ang lider ng komunidad na yaon.

“Dapat din tayong maging handa sa kanilang susunod na pag-atake. Alalahanin natin na walang maayos
na paglilipatan sa atin kung saan mabubuhay tayo ng maayos at malapit sa pinagkukunan ng
ikabubuhay,” dagdag naman ni Mang Danny, ang lider sa Sitio Ibabaw.
Napagkaisahan din sa pulong na bawat isa’y mag-ambag ng anumang makakaya para sa pagpapalibing
sa anak ni Mang Ramon. Napagkaisahan ding bago ilibing ang bata ay dalhin ito sa munisipyo upang
humingi ng katarungan.

Napagkaisahan ding gumawa ng mga placard na nagpapahayag ng kanilang damdamin sa nangyaring


karahasan. Ang ilan dito ay nakasulat: “Negosasyon, hindi demolisyon!” “Itigil ang demolisyon hangga’t
walang relokasyon!” “Ang demolisyon ay terorismo sa maralita. Dapat labanan!” “Teroristang
demolition teams, huwag papasukin!” “Labanan ang teroristang demolisyon!” “Katarungan kay Baby
Angeline na namatay sa demolisyon!”

Mula nang araw na iyon, maraming nagbago. Hindi lamang lumakas ang pagkakaisa ng mga taong
nakatira doon para ipaglaban ang kanilang karapatan. Kundi nagbago rin ang aking pananaw na ang mga
mahihirap pala’y tunay ang pagdadamayan, lalo na’t buhay at karapatan na nila ang nakasalang. Hindi
sila hampaslupa na kadalasang ipinapakita sa mga sinehan at telebisyon. Sila pala’y mga tao ring tulad
ng bawat isa sa atin.

Nakita ko sa kanila na may pagkakamali rin ang pamahalaan, lalo na sa oryentasyon nito kung paano
mabigyan ng solusyon ang kanilang problema sa iskwater. Para sa maralita, dapat na walang iskwater sa
sariling bayan. Pero para sa pamahalaan, dapat umalis ang mga maralitang iskwater sa kalunsuran dahil
nagmumura ang halaga ng lupa para sa negosyo kapag may mga iskwater. Ang problema pa sa
pamahalaan, pabahay lang ang tangi nilang solusyon sa iskwater. Na kung kanilang uugatin lamang ang
problema ng maralitang iskwater, hindi bahay ang dahilan nila kung bakit sila naging iskwater, kundi
pagkukunan ng ikabubuhay. Sila’y nagluwasan sa kalunsuran dahil sa kakapusan ng hanapbuhay sa
kanilang probinsya. Nag-alisan sa mga relokasyon at resettlement area dahil wala sila roong
pagkakitaan. At nagbabaka-sakali sa kalunsuran para hanapin ang inaakala nilang maalwang
pamumuhay.

Ang sitwasyon sa Sitio Estero ay bumagabag sa akin. Iminulat ako ng isang insidenteng hindi ko akalaing
magaganap, kung saan ang karapatan ng maralita sa paninirahan ay nilalabag. Iminulat ako mismo ng
aking paglalagalag, at ng mismong mga maralitang siyang sarili kong kababayan, mga maralitang hindi
dapat naging ‘iskwater sa sariling bayan’.

Natagpuan ko ang aking sarili na nakikiisa na sa kanilang ipinaglalaban. O marahil, ang karanasang iyon
ang nagbigay sa akin ng isang pagpapasiya. Ang mapagpasiyang pakikiisa sa laban ng mga maralita ng
Sitio Estero. At sa laban ng mga tulad pa nila. Kahit hindi ako tagaroon.
Ang Ugat ng Kahirapan

ANG UGAT NG KAHIRAPAN

Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

PAUNAWA: Bagamat ginamit na estilo sa pagsulat dito ay estilong alamat o kwentong bayan, ang
mensaheng nakapaloob dito’y batay sa mga ideya ng maraming mga sosyalistang naghahangad ng
pagbabago sa lipunan.

Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang
ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga
tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay
baka mahanapan nila ito ng lunas.

Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran.

Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa
sa kanila ng Maykapal.

Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa
kamangmangan.

Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran.

Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan.

Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang
magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang
kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng
kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong
iyon upang pumunta sa isang napaka-halagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad
namang nagpaunlak ang taong nasabi.

Ayon sa taong iyon, hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika
ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang
natatanggap na sahod at nananatiling mahirap.

Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng
Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may
mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya.

Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at
napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang kanilang
mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.
Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang
gawin.

Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero
naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa
sa buhay.

Simple lamang kung ano ang ugat ng kahirapan, ayon sa taong nasabi. At ito’y ang pribadong
pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng pabrika, lupain at makina, at para mapawi ang
kahirapan, kailangang pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga ito. Hangga’t hindi pantay ang hatian
ng yaman sa lipunan at habang inaari lamang ng iilan ang mga pabrika, makina’t lupain, marami ang lalo
pang maghihirap pagkat ang nagpapasasa lamang sa mga produktong galing sa mga pabrika at ani sa
mga bukirin ay ang mga may-ari nito. Ang mga kagamitan sa produksyon ay dapat tanggalin sa kamay ng
iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan. Sa gayon, ang mga gumagawa ng yaman ng lipunan, tulad
ng mga manggagawa na ang tanging pag-aari’y ang kanilang lakas-paggawa, ay hindi siyang naghihirap.

Namangha ang mga mananaliksik sa kanyang mga tinuran at hindi nila matanggap ang gayong
kasagutan. Pagkatapos nilang mag-usap ay tuluyan nang naglakbay ang taong iyon upang daluhan ang
isang napakahalagang pagpupulong, habang ang mga mananaliksik naman ay nagsiuwing bigo, pagkat
sila na pawang mga nagmamay-ari ng mga malalawak na lupain, mga pabrika’t makina, ay hindi
makakayang tanggapin na tanggalin sa kanila ang mga ito.

Samantala, ang taong kausap nila kanina ay nakikisalamuha ngayon sa mga kinatawan ng mga
manggagawa mula sa iba’t ibang bansa at kanyang tinalakay ang isang manipesto sa pulong na
tinagurian nilang Unang Internasyunal.
Panawagan Nila'y Katarungan

PANAWAGAN NILA’Y KATARUNGAN

Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

(PAUNAWA: Ang akdang ito'y iniaalay sa lahat ng naghahangad ng naghahangad ng progresong may
hustisyang panlipunan. Binigyang halimbawa lamang dito ang nangyari sa North Triangle sa Lunsod
Quezon, ngunit marami pang kasong ganito ang nangyayari sa iba pang lugar. Nawa’y makakita ang may
mga mata, makarinig ang may mga tenga, makaramdam ang may mga puso, at makaunawa ang
marunong umunawa.)

Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi. Ito’y ipinaglalaban. Kailanman, ang katarungan ay hindi
nahihingi kaninuman, lalo na sa burgesya, lalo na sa naghaharing uri sa lipunan, lalo na sa isang
gobyernong pinatatakbo ng kapital. Sagad na hanggang sa buto, hanggang sa laman, hanggang sa kaliit-
liitang himaymay ng kalamnan ang kaapihang kanilang dinanas. Ang kasalukuyang lipunan ay hindi
parehas.

Nobyembre 25, 1997. Nabigla ang mga taga-North Triangle sa Lunsod Quezon nang biglaang winasak ng
tropa ng demolisyon, kasama ang mga unipormadong pulis, na ginamit pa ang gaya nilang mga
mahihirap, ang kanilang mga tahanan. Pinalayas sila dahil nais ng pamahalaan na pagtayuan ito ng MRT
III, isang makabagong transportasyong tatahak sa kahabaan ng EDSA. Ngunit ayaw lumisan ng mga
nakatirang maralita sa kanilang lugar, dahil walang naganap na matinong negosasyon. Ngunit sila’y
pwersahang pinaalis. Oo, pwersahan! Para silang mga hayop na itinaboy sa kanilang mga tirahan.
Maraming nawalan ng tahanan. Maraming nasaktan! Ni hindi man lang nagbigay ng pagkakataon sa mga
pamilyang naririto na magkaroon ng matinong pag-uusap. May alokasyon daw para sa makataong
relokasyon, pero hindi pala ito totoo. Mahigit sa isanlibong pamilya ang nawalan ng tahanan.
Magpapasko noon nang itinirik ng mga taga-North Triangle ang kanilang pansamantalang silungan sa
mismong harapan ng gate ng Kongreso. Sa ilalim ng init ng araw at sa kalamigan ng gabi, bagamat nasa
loob ng manipis na tabing, ipinagdiwang nila doon ang kapaskuhan at bagong taon. Tunay ngang
kaawaawa ang kanilang kalagayan. Ang kailangan nila’y katarungan.

Ang MRT III ay isang makabagong teknolohiya para sa transportasyon. Malaki ang maiaambag nito sa
tuluy-tuloy na progreso ng ating bansa. Pero progreso para kanino? Sila sa North Triangle ay hindi laban
sa progreso. Ngunit sila’y laban sa progresong walang hustisyang panlipunan! Oo, walang hustisya ang
pagpapademolis sa kanila. Wala silang malilipatan. Walang maayos na pag-uusap. Kung may malilipatan
man, itatapon sila sa malalayong lugar na hindi abot ng kanilang hanapbuhay, hindi abot ng kanilang
nag-aaral na mga anak. Iyan ba, iyan ba ang klase ng progresong ipinagmamalaki ng pamahalaan?

Sa nangyaring ito sa kanila, sino ang magsasabing umiiral ang hustisya? Hanggang ngayon, sumisigaw
sila ng katarungan, dahil labing-apat na ang namatay sa kanila. Labing-apat na! oo, labing-apat!
Labingdalawa sa mga namatay ay pawang mga bata. Mga batang wala pang muwang sa mundong ito!
Mga batang sana’y magiging kaagapay ng kanilang mga magulang. Mga batang mayroong mumunting
pangarap na gusto nilang abutin. Halos sila’y namatay sa sakit sa loob ng sira-sirang tent sa mismong
harapan ng Kongreso. Sila na namatay dahil tinanggal ng burgesyang ito ang kanilang dapat sana’y
makataong karapatan sa paninirahan. Sila na namatay dahil hindi maipaospital at maipagamot ng
kanilang mga magulang dahil nawalan din ng hanapbuhay. Mahal pa naman ang pagpapagamot. Dahil sa
mismong ospital, kailangan mo munang magdeposito bago ka magamot. Ganyan kaganid ang sistema ng
burgesya. Halos lahat ay may katapat na pera. Oo, ang burgesyang ito ang dahilan. Pinatay ng
burgesyang ito ang pangarap ng kanilang mga magulang! Oo, ang burgesyang ito, ang marahas na
kapitalistang sistemang ito ang dahilan ng kanilang pagkamatay!

Hihintayin pa ba nating may mamatay pa? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa
ginawang makahayop na pagpapalayas sa kanila? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa
kapabayaan ng pamahalaan? Hihintayin pa ba nating ito’y maging labinlima, dalawampu, limampu,
isandaan? Hihintayin pa ba nating mangyari rin ito sa iba dahil may kinikilingan ang batas? May halaga
pa ba ang buhay sa lipunang ito? May halaga pa ba ang buhay sa mapang-aping sistemang ito? Nasaan
na ang katarungan?

Hindi mababayaran gaano mang halaga ng ginto o salapi ang nararamdamang sakit ng isang magulang.
Hindi nito mapapantayan ang halaga ng buhay na nalagas dahil sa kainutilan ng gobyernong ito sa
kapakanan ng mga mahihirap. Nasaan na ang katarungang sinasabi ng gobyernong ito, ng gobyernong
“para sa mahirap” kung lagi itong nakalingon sa mga taong tumulong sa pagpipinansya ng kanyang
kandidatura noong eleksyon? Buti pa ang mga ngising-asong kapitalista, nalilingon, napapasalamatan.
Pero ang mga mahihirap na nagkandahirap magdikit ng kanyang mga mukha sa pader at magbigay ng
kanyang polyetos dahil sa kanyang pangakong “para sa mahirap” ay hindi man lamang natinag para
intindihin ang kanilang abang kalagayan. Aaahhh, laway lang pala ang islogang “para sa mahirap”.

Kanino pa sila tatakbo kung ang mismong namumuno sa pamahalaan na siyang kanilang ibinoto nuong
halalan, pinaghirapang maipanalo, dahil ang kandidatong ito raw ay “para sa mahirap”, ay hindi sila
matulungan sa kanilang mga problema? Kanino pa sila susuling? Saan pa sila pupunta? Sa Presidential
Action Center ba na pinagpapasa-pasahan lamang sila? Sa HUDCC? Sa mga ahensya ng gobyerno? O
kakapit na lang sila sa patalim? Sa dulo ng baril? O lalahok sila sa isang madugong rebolusyong papawi sa
pagsasamantala ng tao sa tao?

Paano kaya kung sa burgesya ito mangyari? Tiyak na ito’y pakikinggan, kung paanong agarang
imbestigasyon agad ang ginawa ng burgesya sa pagkamatay ng isang Ong, o isang Charlene Sy, mga
batang anak-mayaman. Magkaibang taon at lugar, pero parehong kinidnap ngunit napatay ng kidnaper
nang hindi kaagad makapagbigay ng ransom ang kanilang mga magulang. Sa bawat pagkamatay ng mga
anak-mayamang ito, pinag-usapan sa mga pahayaga, radyo at telebisyon, at nagluksa ang bayan. Ano
ang kaibahan ng pagkamatay ng isang Ong, ng isang Sy, sa labing-apat na batang mahihirap na namatay
nang dinemolis ang kanilang mga tahanan? Ano ang kaibahan ng nabanggit na dalawang batang anak-
mayaman sa labing-apat na batang mahihirap? Pare-pareho silang biktima ng sistemang umiiral. Ang
una’y biktima ng mga naghahangad ng ransom upang yumaman, samantalang ang huli’y biktima ng
kahirapan.
Anong klaseng sistema ito na pinaiiral lang sa palad ng mga maysalapi? Hindi na nga pantay ang
distribusyon ng yaman sa lipunan, pati ang batas ay mayroon na ring kinikilingan! Anong klaseng
gobyerno mayroon tayo!? Ang gobyernong ito na sumisigaw ng progreso, pero isang progresong huwad,
progresong makaisang panig, progresong walang hustisyang panlipunan! Magkano na ba ang buhay
ngayon? Katarungan, nasaan ka na? katarungan, sadya bang wala ka nang nakikita kaya’t lagi nang
nakapiring ang iyong mga mata? Katarungan, bulag ka na bang talaga? Katarungan, magkano ka na?

Kapag nakidnap ay isang batang mayaman, mabilis pa sa alas-kwatro’y nandiyan kaagad ang lahat ng
pwersa ng pulisya at pamahalaan upang magsagawa ng imbestigasyon at hulihin kaagad ang maysala.
Kapag namatayan ng bata ang isang pamilyang mahirap, nasaan ang hustisya? Kapag namatay ay isang
batang mahirap dahil sa kapabayaan ng gobyernong ito, nasaan ang hustisya? Nasaan ang hustisyang
itinuturo ng burgesya sa kanilang mga eskwelahan? O sadyang bulok ang sistema ng edukasyon sa ating
bansa, kaya hindi nila alam na ang hustisya’y para sa lahat? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng iba’t
ibang relihiyon? O baka naman ang itinuturo ng relihiyon ay “magtiis ka muna, anak, dahil hindi dito ang
ating mundo.” O baka naman sila’y katulad ng mga pariseo at hentil na tinuligsa ni Hesus dahil ang
kanilang kabanalan ay pagpapakitang-tao lamang? Anong klasng hustisya ang itinuturo sa mga Law
Schools, o sa akademya ng militar at pulis? O baka naman ang itinuturo sa kanila’y hindi hustisya para sa
lahat, kundi kung papaano dedepensahan ang pribadong pag-aari ng mga naghaharing-uri, hindi ang
ipagtanggol at ipaglaban ang buhay at karapatan ng mamamayan? Anong klaseng hustisya ang pinaiiral
ng burgesya? Sa kasalukuyang sistemang kapitalismong umiiral ngayon, maaasahan pa ba natin ang
hustisyang ito? Tunay ngang malupit ang sistemang ito!

Ang mga maralitang taga-North Triangle ay sa harapan na ng Kongreso nagtayo ng kanilang


pansamantalang tahanan. Ngunit nasaan ang mga kongresistang halos linggu-linggo’y naririto sa
Kongresong ito? Nasaan sila? Sila ba’y kasama na rin sa mga bulag at bingi, gaya ng karamihan sa ating
pamahalaan? Ilang beses na ba nilang dinaanan ang mga bahay-bahayang ito kung papasok sila sa
kanilang malalamig na opisina sa Kongreso? O baka naman lagi silang absent, kaya hindi nila napapansin
ang mga paghihirap ng mga maralitang taga-North Triangle? O baka naman natulad na rin ang mga
kongresistang ito sa mga kapitalistang balyena? Silang mga kongresistang nangakong tutulong sa mga
mahihirap nuong panahon ng halalan, nasaan sila sa laban ng mga maralitang ito? Nasaan sila sa laban
ng iba pang maralitang nawalan at mawawalan din ng tahanan? Nasaan na rin ang mga taga-media? Sila
na may sinumpaang tungkuling ipagtatanggol ang katotohanan, nasaan sila? Ah, sana’y hindi lang
nagpapasarap ang mga taga-media’t kongresistang ito.

Ang nangyari sa North Triangle ay simbolo ng pagkamatay ng karapatang pantao. Tuwing ika-10 ng
Disyembre ay “International Human Rights Day”, pero para saan? Kung sila ngang taga-North Triangle na
nagtirik na ng kanilang pansamantalang tirahan sa harapan mismo ng gate ng Kongreso ay hindi
mapansin at mabigyan ng kasagutan ang kanilang mga kahilingan, eh, paano na iyung iba pang
madedemolis din? Sila na ang tanging hangad lamang ay simpleng pamumuhay at kabutihan ng kanilang
mga anak. Sila na ang hangad ay ipaglaban ang kanilang karapatan. Sila na ang tanging hangad ay
katarungan para sa kanilang mga namatay na anak! Kanino pa sila dudulog, kung mismong gobyerno ay
bulag kahit nakakakita, at bingi kahit naririnig na ang hinaing ng mga mahihirap? Ang gobyernong ito na
hindi nga pipi dahil sigaw ng sigaw ng progreso, pero progresong hindi para sa lahat! Progreso para
kanino? Hustisya para kanino? Para lang sa mga maypera. Para lang sa mga kauri nila. Para lang sa mga
kapitalistang hindi na makontento sa laksa-laksa nilang kinikita. Laksa-laksa nilang tinutubo. Sa
nangyaring ito, ang mismong karapatang pantao ng karaniwang mamamayan ay harap-harapang
niyuyurakan. Paano na kaya kung ang nangyari sa kanila’y mangyari din sa iyo, sa pamilya mo, sa mga
mahal mo sa buhay? Oo, tama ka. Hindi nga makatao ang sistemang ito, ang sistemang umiiral sa ating
lipunan. Inutil na lang siguro ang maniniwalang makatwiran pa ang sistemang ito. Panahon na upang
baguhin ang sistema, ang paghahari ng burgesya, ang marahas na paninibasib ng kapital.

Kailangan nang baguhin ang lipunan. Kailangan nang tapusin ang mga pagsasamantala at mismong bulok
na kultura ng mismong mga naghahari sa lipunan. Ngunit magagawa lang ito kung ang uring inaapi ay
lalaban sa uring mapang-api, uring mapagsamantala, uring kapitalista. Panahon na upang magising ang
uring anakpawis sa kinahihinatnan ng kanyang kapwa anakpawis. Panahon na upang lumaya ang mga
anakpawis mula sa kuko ng mga mapang-api.

Kaya para sa mga aktibistang gaya ko, hanggang sa huling sandali man ng aming buhay, ipaglalaban
namin ang pagbabago, hindi lang ng pamahalaan, kundi pagpawi ng burgesyang naging dahilan ng
maagang pagkamatay ng labing-apat na batang ito. Hindi ko kailanman pinangarap maging isang
aktibista, ngunit dahil nakikita at nararamdaman ko ang kainutilan ng umiiral na sistema ng lipunan, mas
ninais ko pa na makiisa sa mga mahihirap na ito, sa mga pakikibakang ito, kaysa manatiling nasa panig ng
burgesya na wala namang saysay ang pagkatao dahil bulag at bingi sa mga nangyayari sa paligid. Isang
burgesyang walang katiting na karangalan dahil binulag na ng pag-iisip kung paano laging magkakamal
ng mas malaking tubo at hindi iniisip kung sino ang mapeperwisyo. Isang burgesyang ang nakikita lang ay
ang kinang ng ginto at ang naririnig lang ay ang kalansing ng salapi. Ayaw kong maging bahagi ng
sistemang yumuyurak sa dignidad ng aking kapwa. Para sa mga naghaharing uri sa lipunan, ang tingin
nila sa mga mahihirap ay mga aliping sagigilid, walang dangal, patay-gutom, madaling mabili pati
kaluluwa, at walang karapatan sa mundo. Para sa aming mga aktibista, pantay-pantay dapat ang
pagtingin sa lahat, dahil ang bawat tao ay may dignidad, may karangalan, may damdamin. Kaya’t dapat
lang umiral ang hustisya para sa lahat.

Alam namin, malagutan man kami ngayon ng hininga, may magpapatuloy pa rin ng aming mga
pangarap. Hangga’t nananatili ang ganitong uri ng sistema sa lipunan, patuloy na magsusulputan ang
mga bagong aktibista. Na katulad namin ay naghahangad din ng pagbabago at pagkakapantay-pantay ng
karapatan. Alam namin, nauunawaan kami ng aming sariling pamilya, lalo na ng sariling inang
nagmamahal sa amin. Dahil alam nila, ito’y hindi lang para sa amin. Ito’y para rin sa mga susunod na
henerasyon. Para sa aming magiging mga anak, mga apo. Hangga’t nananatili ang marahas na sistemang
kapitalismo na yumuyurak sa ating dangal at unti-unting pumapatay sa ating pagkatao, mananatiling
buhay ang aming mga pangarap. At patuloy namin itong ipaglalaban. Hanggang sa huling pugto ng
aming hininga. Alam ko, kasama kita sa pakikibakang ito.
Sa Iyo ang Batas, Sa Akin ang Katarungan

SA IYO ANG BATAS, SA AKIN ANG KATARUNGAN

Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ang buong lupain ng Santa Barbara ay akin!” Ito ang mariing pahayag ni Don
Facundo sa kanyang mga tauhan. Kaaalis lamang ng kanyang mga tauhan sa mansyon nang maya-maya’y
dumating ang hinihintay na panauhin ng Don.

“Salamat naman, Daniel, at pinaunlakan mo ang aking paanyaya na mag-usap tayo hinggil sa
pagkakautang ng namayapa mong ama.”

“Sumainyo nawa ang katarungan, Don Facundo!” Ito ang agad na bati ni Daniel San Rafael.

“Bata, tila may kahulugan ang iyong pagbati. Alalahanin mo, Bata, dapat mong pagbayaran ang malaking
pagkakautang ng iyong ama sa akin.”

“Ganoon ba, Tanda? Ngunit hanggang ngayon ay di ko pa rin nalalaman kung sino ang maykagagawan ng
pagkamatay ng aking ama. Hanggang ngayo’y sumisigaw ng katarungan ang aking damdamin.”

“Mag-ingat ka sa pananalita mo, Bata. Wala pang taong nangahas na magsalita nang pabalang sa
harapan ko. Alalahanin mo, Bata, marami ka pang kakaining bigas bago mo marating ang kinalalagyan
ko. Kaya kung ako sa ‘yo, magsisipag akong mabuti para mabayaran ko ang aking mga pagkakautang.”

“Hindi ako kumakain ng bigas, Tanda. Isinasaing ko muna. Ikaw nga, palay pa lang, nilalantakan mo na.”

“Hayop ka ring magsalita, ano? Baka hindi mo nakikilala kung sino’ng kaharap mo?”

“Mas masahol pa siguro sa hayop kung makikilala ko nang lubusan kung sinong pumatay sa aking ama.”

“Pinagbibintangan mo ba ako?”

“Ikaw ang maysabi niyan, Tanda. At hindi ako.”

“Alalahanin mo, Bata, ako ang batas sa bayang ito. Kung ano ang gusto ko, makukuha ko. Naiintindihan
mo ba? Kaya mag-ingat-ingat ka sa pananalita mo. Mabuti pang manahimik ka na lang at makinig na lang
sa akin.”

“Ang pagiging tahimik ng isang tao ay nagbabadya ng unos. Pag inilabas niya ang nakatagong poot sa
kanyang dibdib, para itong bulkang sasabog. Alalahanin mo, Tanda, pag sumabog ang isang bulkan,
maraming buhay ang nalalagas. Mabuti bang manahimik na lang? Hindi ako tuod, Tanda.”

“Alam kong hindi ka tuod, Bata. Alam kong malakas ang pakiramdam mo. Kaya pala hindi mo pa alam
hanggang ngayon kung sino ang pumaslang sa iyong ama. Malay mo, ang pumatay sa iyong ama’y baka
mga kakilala rin niyang naiinggit sa kanya. Alalahanin mo, Bata, saan mang gubat ay may ahas.”
“Hindi lang sa gubat may ahas. Mabuti pa nga ang ahas sa gubat, alam mo ang galaw. Pero ang ahas
kayang naglulungga sa bahay na bato, natatahimik kaya ito? Mukhang hindi ito napapakali sa kanyang
kinalalagyan.”

“Aaaahhhh….Bata. Ang dami mo pang satsat! Mabuti pang sipagan mo ang pagtatrabaho sa aking
asyenda hanggang sa mabayaran mo ang pagkakautang ng iyong ama sa akin.”

“Pagkakautang? Ang buhay ba ng aking ama ay di pa sapat na kabayaran. Halos buong buhay niya’y
ginugol niya sa lupaing ito. Ngayon nga’y hindi ko pa rin nalalaman kung ano ang utang ng aking ama.
Basta ang alam ko, bago siya pinaslang, inihabilin niya sa akin ang lupaing minana pa namin sa aming
mga ninuno. Baka ikaw ang may pagkakautang dahil inagaw mo ang lupang ito sa aking ama.”

“Paano mo mapapatunayan iyan. May ebidensya ka ba? Ha? Gusto mo bang ipagdildilan ko sa mukha
mo ang mga papeles na nagpapatunay na amin ang lupaing ito?

“Tanda, baka nakalimutan mo na ang sinabi mo kanina na ikaw ang batas sa bayang ito. Kung ikaw ang
batas dito, kahit ano pang klaseng papeles iyan ay kaya mong ipagawa. Ang nagagawa nga naman ng
pera.”

“Teka muna, Bata. Huwag mo akong pagtataasan ng boses. Nakalimutan mo na yata ang kagandahang
asal na minana mo pa sa iyong mga ninuno. Ang paggalang sa nakatatanda.”

“Hindi ko nakakalimutan iyon, Tanda. Ngunit ang hindi ko maatim ay ang igalang ang mga matatandang
tumatanda ng paurong.”

“Masyado ka nang namimilosopo, Bata. Baka ikaw ang tumatanda ng paurong dahil hanggang ngayon,
hindi ka pa rin umuunlad.”

“Nagsisikap ang mga tao para umunlad, at umalwan ang kanilang pamumuhay. Maraming mahihirap ang
masisipag, at sadyang nagsisikap para makaahon sa kahirapan, kabilang na ang aking mga magulang.
Ngunit dahil sa mga taong ganid, ang aming pamilya’y tuluyang nasadlak sa kahirapan.”

“Tila may ibig kang ipahiwatig, Bata. Baka ayaw mo nang makalabas ng buhay sa asyendang ito.
Alalahanin mong nasa pamamahay kita at kaya kitang ipalapa sa mga alaga kong aso.”

“Ang himig ng pananalita mo’y nagbabadya ng kalupitan. Tunay nga kaya na dito sa bahay na bato
naglulungga ang isang ahas?”

“Sobra ka na, Bata. Hindi ko na mapapalampas ang mga ito.” Sabay bunot ni Don Facundo sa kalibre .45
na nakasukbit sa kanyang baywang.

Bang! Bang! Bang!

Lumatag sa sahig ang katawan ni Daniel habang malakas na tumatawa si Don Facundo.
“Ha! Ha! Ha! O, ano ngayon, pilosopong bata. Naisahan din kita! Uuurin na rin ang iyong katawan tulad
ng ginawa ko sa iyong ama. Tanga ka, Bata! Napakalaki mong tanga! Pumarito ka sa aking tahanan nang
hindi mo dala ang iyong bayag! Ngayon, akin na ang buong lupain ng Santa Barbara. Ha! Ha! Ha!”

Bang!

“Sinong maysabing hindi ko dala ang aking bayag? Ang balang iyan ay para sa hustisya kay ama at sa
lahat ng iyong inapi!”

Humakbang paalis si Daniel na may kasiyahan sa dibdib dahil naipaghiganti na rin niya ang kamatayan ng
kanyang ama, habang inaalis niya ang bullet-proof vest niya sa dibdib.

Habang papalayo’y tinapunan niya ng huling sulyap ang bangkay ni Don Facundo habang umaagos ang
masaganang dugo mula sa bibig nito na tila si Drakula matapos makapambiktima.

“Ngayon, Tanda, sino ang tanga?”


Minsan, sa isang lugar ng demolisyon

MINSAN, SA ISANG LUGAR NG DEMOLISYON

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dumating na ang sheriff dala ang demolition order habang ang mga maralita naman sa lugar na iyon sa
Lungsod Quezon ay nagbarikada na upang depensahan ang kanilang paninirahan sa lugar. Lugar na
tinirhan na ng kanilang mga ninuno animnapung taon na ang nakararaan.

Naisip ng mga karaniwang mamamayang nakatira sa lugar na iyon, "Bakit kami tatanggalin sa aming
tirahan? Dito na kami ipinanganak, dito na kami mamamatay! Mga kasama, ipaglaban natin ang ating
karapatan dito!"

Naghihiyawan ang mga nangaroon, habang kami'y nasa harapan ng barikada kasama ang mga lider ng
komunidad. Nakipag-usap ang mga lider ng komunidad, "Bakit kami paaalisin? Wala na ba kaming mga
karapatan? Mamamayan din kami ng bansang ito, at dito sa lugar na ito namin binuo ang aming mga
pangarap. Dito na lumaki ang aming mga anak. Bakit kami pipiliting alisin? Sino ba iyang hinayupak na
iyang bumili kuno ng lupang aming tahanan?"

Nakakapitbisig ang mga maralita sa pook na iyon. Sumisigaw ang mga nanay, "Di kami iskwater sa
sariling bayan!"

Nasa likuran ang mga demolition team, habang nakaantabay naman ang mga kapulisan sa anumang
mangyayari. Naroon din ang ilang myembro ng media. Di madaan sa pakiusap ang sheriff, ayaw pa
niyang amining malaki ang lagay sa kanya kaya walang puwang ang karapatang pantao ng maralita. Bingi
sa karaingan ng maralita. Sumisigaw siya sa mga residente, "Umalis na kayo sa lugar!"

Nanggigigil ang mga lider, lalo na ang mga nanay.

Nakahanda ang aming pandepensa sa lugar, lalo na ang mga ginawa naming barikada, at meron ding
pillbox bilang pandepensa, habang may mga baril naman ang mga pulis at mga maso naman ang
demolition team.

Nagkagulo sa lugar nang inutos na ng sheriff na lusubin ang lugar. Parang gyera. Nagkaputukan.
Pumasok ang mga demolition team, ngunit di lahat. Nagkabatuhan. Nagkagantihan. Nagpaputok ng baril
ang mga pulis sa ere, habang nagsabugan naman ang mga pillbox. Parang kriminal ang turing sa
maralita, krimen na pala ang maging mahirap at tumira sa isang tahanang nasimulan nila animnapung
taon na ang nakararaan.

Maraming sugatan sa mga demolition team at sa mga residente ng lugar. Kami man ay mga sugat dahil
natamaan ng bato nang iilag namin ang isang buntis sa batuhan.
Ngunit di natinag ang mga residente. Di sila papayag na wasakin na lamang ng kung sinong hinayupak
ang kanilang tahanan, ang kanilang kinabukasan.

Natapos ang araw nang di tuluyang nagigiba ang tahanan ng maralita. Iyon ay dahil sa pagkakaisa ng
mga residente sa lugar. Umalis ang mga demolition team na luhaan, ang sheriff ay nanggigigil, malinis pa
ang mukha dahil di siya nasapak nang kahit sino sa maralita, tulad ng ginawa ni Inday Sara sa demolisyon
sa Davao, kung saan sinuntok niya ang sheriff na nag-utos ng demolisyon.

Natagpuan ng mga residente ang salitang "pagkakaisa at pagtutulungan." Alam nila, alam namin,
bumalik man ang mga hayop na demolition team, kasama ang kanilang among sheriff, naroroon ang
lakas ng pagkakaisa ng mga residente sa lugar upang depensahang muli ang kanilang tahanan at ang
kanilang kinabukasan.

Sa katahimikan ng gabi, nakipagtalakayan tayo sa mga residente. Pinag-usapan kung bakit sila dinarahas.
Ano raw klase ng lipunan at gobyerno mayroon tayo, na pati silang mga maralita ay tatanggalan ng
tahanan. Di na raw ba uso ang pagkilala sa karapatan ng bawat isa? Bakit mas kinakampihan ng mga
sheriff ang mga mayayamang nag-aangkin ng lupa, gayong higit kalahating siglo na silang nakatira sa
lugar? Hanggang sa talakayin natin sa kanila ang ugat ng kahirapan, bakit laksa-laksa ang naghihirap at
pinagsasamantalahan habang may kakarampot na mayayamang naghahari sa lipunan.

Lumipas pa ang ilang araw, dumating muli ang mga demolition team, muling nagkaisa ang mga maralita.
Di nila hinayaang mabuwag ang kanilang pagkakaisa. Kung noon ay wala silang pakialaman, ngayon ay
itinataguyod na nila ang kapakanan ng bawat isa. Di sila papayag na yurakan ng kung sinuman ang
kanilang karapatan. Napalayas nilang muli ang mga demolition team. Nagpatuloy sila sa paglaban at
pagkakaisa, dahil alam nilang tama ang kanilang adhikain. Nagpatuloy sila at magpapatuloy pa hangga't
matamo nila ang katarungan at katiwasayaan at manatili sila sa kanilang lugar. Nasa pagkakaisa ang
tagumpay.
Ang Dalaga sa Bilibid Viejo

ANG DALAGA SA BILIBID VIEJO

Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos mabasag ang panga ni Brando nang masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa
kapapanood niya ng pelikula nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit,
ngunit di nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae.

Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang Bilibid Viejo St. Ayon sa
kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng mga Amerikano ang rebolusyonaryong
bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang kasamang si Lucio De Vega. Naroon ang lumang
kulungan o bilibid, na sa wikang Kastila ay Bilibid Viejo.

Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng University Belt area. Dito nakatira at
laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit
nababagot siya sa gawaing iyon, kaya naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang
natapos at pulos pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At
iyon nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya.

Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng hinoldap niya ay naroon sa
Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay. Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang
maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang
magandang babaeng kayganda ng mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya,
ang tanging babaeng nakagulpi sa kanya. Ngunit nag-aalangan siya dahil nga sa nangyari.

Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy, Brando, gumising ka nga
diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang
ang babaeng nanapak sa kanya ang bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang
nangholdap sa akin nung isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang
pabulyaw na sabi ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon.

“Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod.

Nagpanting sa galit si Aling Emma, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si Brando sa harap ng marami.
Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga
niyang inabutan ng sapak ng babae.

Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa kanyang ina, nais niyang
mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya
muli ang babae. Tila, inaabangan siya. Si Ara. At may kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?”
ani Ara. “Magmeryenda muna tayo. Siyanga pala, si Mina, kasama ko.” Nakipagkamay naman si Mina
kay Brando.
Nahalina si Brando sa magandang ngiti ni Ara at magiliw na pakikitungo nito sa kanya na parang di niya
ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at
Matapang St. “Nakausap namin ang nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong
kahit maysakit siya'y nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting
barya. Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang mo,
mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong ni Ara.

“Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa pambili ng gamot ni ermat. Lagi
kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako makadiskarte ng matino, Bos."

“Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw mo namang mag-aral.”

“Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot ko.”

“Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta anyos ka na, o kaya singkwenta
anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli ni Ara.

Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap. Mahirap naman kung pangarapin
kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko
nito, tagawalis ng kalsada.”

“Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan mong pag-aralan ang lipunang
ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman,
kung bakit naghihirap ang mga masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang may-
ari ng kumpanya? Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong
agad, pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa ospital lang,
tulad ni Gloria.”

“Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera para mabili ko dapat bilhin,”
tumayo na siya’t akmang aalis.

“Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa iyo kahit konti. Nag-
ambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka sana muling manghoholdap, baka
makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis, samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola,
mga dalawang oras lang, tapos pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina.

Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang dalawang ito. Hinoldap na nga niya si
Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito. Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala
sa dalawa. Para itong mga amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at
kaysarap amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon.
Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”
“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya ang nakasulat: “Presyo ng
Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”.

Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan. Kaya makakapangholdap pa
kaya siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya.
Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para
magsalita.

Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang ipaglaban ang ating mga
karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima
ng kontraktwalisasyon ang marami nating manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng
langis at LPG! Apektado ang iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng
mga kauri nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan!
Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang ating kahirapan,
para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong pinahihirapan natin ang ating
kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang
sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami?
Halina, mga kapwa ko kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang
makatarungang lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa
tagumpay!”

Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-ganda ng kanyang sinabi, nanunuot
sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung
kapwa niya mahihirap ang binibiktima niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas
mabuti, makiisa siya kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas?

Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit si Brando, nakatulala kay
Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa
megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko
ng sinabi mo. Ayaw ko nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.”

"Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?"

"Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando.

“Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon, may pag-aaral mamaya sa
tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa
tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang
bumalik ng Bilibid Viejo.

Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga bago niyang
kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng dalagang nakilala niya't nanirahan na
sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.
Ang Apat na Sikreto ng Sahod

ANG APAT NA SIKRETO NG SAHOD

Maikling Kwento

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maaliwalas ang umaga. Walang nakalambong na ulap sa bughaw na langit. Tila kaysarap ng simoy ng
hangin bagamat nasa lungsod ang lugar na puno ng polusyon. Imbes na huni ng mga ibon ay pawang
harurot ng traysikel ang bumubulabog sa katahimikan ng lugar.

Gising na ang mga manggagawa sa piketlayn, habang may ilang di pa makatayo sa pagkagupiling dahil na
rin sa pagod sa nagdaang araw. Nagdagsaan kasi kahapon ang mga manggagawang kasapi ng Bukluran
ng Manggagawang Pilipino, Metro East Labor Federation, at ang pederasyon ng mga nakapiket, ang
Super Federation, na siyang mayhawak ng kaso ng nakawelgang unyon.

Nagsibangon na ang ilang lider dahil sa maagang pagdating ng mga kabataang estudyante mula sa
grupong Piglas-Kabataan o PK. Ang mga ito'y mga anak ng mga lider-maralita ng Zone One Tondo
Organization (ZOTO) at ng pederasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).
Bakasyon noon at isa sa gawain ng mga kabataan ang integrasyon sa hanay ng mga manggagawa, na
taun-taon nilang ginagawa, at nais din nilang kapanayamin ang mga lider ng unyon para sa kanilang
munting dyaryong Piglas. Bakit nga ba nakawelga ang mga manggagawa? Gaano nga ba kahirap ang
buhay sa piketlayn?

"Magandang araw po!" ang bati ni Magda, ang lider ng may pitong kabataang dumalaw sa piketlayn.
"Kami po ang mga lider-kabataan mula sa Piglas-Kabataan. Narito po kami upang makapanayam kayo, at
kahit po sa munting panahon ay makipamuhay sa inyo."

"Ako nga pala si Lena, ang pangulo ng unyon dito sa pabrika. Mabuti naman at napadalaw kayo. Kumain
na ba kayo? Pagpasensyahan nyo muna ang aming agahan, sinangag, tuyo at kamatis."

"Salamat po. Katatapos lang po namin. Bakit po kayo nakapiket ngayon?"

"Nagpiket kami dahil tinanggal kami sa trabaho bilang regular. Ang sabi ng manedsment, pwede naman
daw kaming muling i-rehire pero gagawin na kaming mga kontraktwal. Ang gumagawa ngayon ng aming
trabaho ay yaong mga totoong kontraktwal, kaya kaming mga regular na siyang dapat mayhawak ng
mga makina ay narito't nakapiket."

Siya namang pagdating nina Vilma at Nora, pawang mga instruktor hinggil sa kalagayan ng paggawa.

"Sandali, Magda, ha? Kumustahin ko muna sila." ani Lena. "Kumusta na, Vi at Nors? Sila nga pala yung
mga kabataang estudyante sa pangunguna ni Magda. Baka pwedeng makasama rin sila sa idaraos nating
pag-aaral ngayon."
"Kumusta?" sabay abot ng kamay. "May idaraos nga pala kaming pag-aaral ngayon, tungkol ito sa
paksang Puhunan at Paggawa. Dalo sana kayo."

"Mabuti naman po kami. Mabuti po at may pag-aaral na idaraos, makikinig kami. Alam naming anumang
butil ng kaalamang aming matamo mula sa mga manggagawa ay malaking punong mabunga na ang
aming makakamit."

"O, paano po? Maliit lang naman itong lugar natin kaya tiyak namang magkakarinigan tayo." ani Vi.

Katatapos lamang mag-almusal ng mga manggagawa, kaya naghanap na sila ng maayos na pwesto para
sa pag-aaral. Inilatag ni Nora ang manila paper at tumambad sa mga manggagawa ang pamagat na
malaking nakasulat: Puhunan at Paggawa. Ang mga estudyante naman ay naupo na rin upang matamang
makinig.

"Mga kasama, isang magandang umaga sa ating lahat,” ang bungad ni Vilma. “Tayo ay nabubuhay sa
ilalim ng kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang sistema ng lipunan ay katulad din ng sistema sa pabrika.
Pagkat sa pabrika, sistemang kapitalismo ang pinaiiral. Suriin natin ang buhay sa pabrika. Tumatakbo ang
buhay sa pabrika sa pamamagitan ng dalawang mayor na aspeto: ang puhunan at ang paggawa. Ibig
sabihin, hindi pwedeng isa lang sa kanila. Ang kapitalista ang siyang may-ari ng pabrika at siyang
namuhunan sa makina, hilaw na materyales, at nagbabayad sa sahod ng manggagawa, at ang
manggagawa naman ang nagbebenta ng lakas-paggawa upang tumakbo ang pabrika."

"Sila po pala ang may-ari, e, di sila po ang mapagpasya sa kumpanya", ang sabad ni Ato, isa sa mga
estudyante.

"Alam nyo ba na di tatakbo ang pabrika kung wala ang manggagawa? Anumang gawin ng kapitalista sa
kanyang pera, makina at hilaw na materyales, hindi sila kikita. Di tutubo ang pera, kakalawangin lang ang
makina, at baka masira lang ang mga hilaw na materyales. Tatakbo lang iyan at tutubo lang ang
kapitalista kapag pinagalaw na ng manggagawa ang mga makina," paliwanag ni Vilma.

"Ibig sabihin po pala, tatakbo lang ang pabrika kasi nariyan ang manggagawa," sabad muli ni Ato.

"Tama ka. Kung walang manggagawa, di tatakbo ang pabrika, ngunit pwedeng tumakbo ang pabrika
kahit walang kapitalista. Makagagawa ng produkto ang mga manggagawa dahil sa kanilang lakas-
paggawa na siyang binibili naman ng kapitalista, at ang pambayad sa presyo ng lakas-paggawa ng
manggagawa ang tinatawag na sahod."

Tatangu-tango sina Magda, pati na si Lena at ang iba pang manggagawa.

"Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalista hinggil sa usaping sahod. Una, tinatakpan ng
terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Ibig sabihin, ang
halaga ng lakas-paggawa ang siyang presyong binabayaran ng kapitalista, at ang tawag sa presyong ito
ay sahod. Ikalawa, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ay kapital. Ang sahod ay hindi
lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar
ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng
kanyang kapital," paliwanag pa ni Vilma.

"Di po ba, kaltas sa puhunan ng kapitalista ang sahod? Bakit ito ang pinakaimportante sa kapitalista,
gayong kabawasan nga ito?" Malalim ang pagsusuri ni Magda.

"Magandang tanong," ani Vilma. "Ganito iyan. Ang sahod bilang pera, kapag ginastos na ng
manggagawa, ay nauubos. Pero sa kapitalista, ang sahod ding ito, habang ginagastos ng kapitalista, ay
lumalago. Bakit ka'nyo? Maliit lang kasi ang gastos sa sahod ng manggagawa kumpara sa tubo ng
kapitalista. Magbigay tayo ng halimbawa."

Inilatag na agad ni Nora ang isa pang manila paper, at natambad sa mga manggagawa't kabataan ang
isang kompyutasyon. Pulos numero sa kanang bahagi, habang sa kaliwang bahagi naman ang
kumakatawan sa mga numero.

"Suriin natin ang mga datos batay sa kompyutasyon sa kita ng kumpanyang Goldi. Sa isang
departamento nila, nakakagawa ang mga manggagawa ng 12,000 rolyo ng cake bawat araw, sa loob ng 3
shift. Ibig sabihin, may 4,000 cake ang nagagawa sa bawat shift. Ang halaga ng bawat cake sa merkado
ay P200. May kabuuang 106 na manggagawa na sumasahod ng P450 sa loob ng walong oras na
paggawa, mas mataas ng kaunti sa minimum wage ngayon na P426 dito sa National Capital Region,"
paliwanag ni Vilma, habang matamang nakikinig at nakatitig ang mga manggagawa sa mga numero,
nagsusuri.

"I-multiply natin. Ang halaga ng kabuuang rolyo ng cake ay P2,400,000.00; mula 12,000 rolyo ng cake
times P200.00 halaga ng bawat cake. Gumastos ngayon ang kumpanya ng sahod na P47,000.00 lamang,
mula sa komputasyong P106 manggagawa times P450.00 na sahod kada araw. Ibawas natin ang
kabuuang benta ng cake: 2,400,000.00 minus sahod na P47,700.00, ang kita ng kumpanya o gross profit
ay P2,352,300.00. Ibawas na rin natin dito ang gastos sa buwis, bayad sa kuryente at tubig, gastos sa
depresasyon ng makina, at hilaw na materyales, na nasa kalahati o 50% ng kita. Mula sa gross profit
P2,352,300.00 (kita minus sahod) ibabawas ang kalahati nito o 50%, ang kita ng kumpanya ay
P1,176,150.00 sa isang buong araw. O, di ba, malaki ang tubo ng kumpanya. Paano kung i-multiply mo
pa ito sa isang buwan? E, di limpak-limpak na tubo ito, kumpara sa gastos nila sa sahod," mahabang
paliwanag ni Vilma. Nakakunot naman ang noo ng mga nakikinig. Halatang nagsusuri.

"Mula sa kompyutasyon sa itaas ay dadako naman tayo sa ikatlong katotohanan ng sahod. Tinatakpan
ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng tubo ng kapitalista. Ang gastos sa
sahod ang siyang porsyon ng kapital na pinanggagalingan ng tubo. Sa madaling salita, ang porsyong ito
ng kapital ay walang ambag sa produksyon na ginastos para sa materyales at makina. Ito ang misteryo at
mahika ng kapitalismo. At panghuli sa apat na katotohanan hinggil sa sahod, ang nagpapasahod talaga
sa manggagawa ay ang mismong manggagawa," dagdag pa ni Vilma. "Halina't muli tayong mag-
kompyut." Inilatag ang isa pang manila paper.

"Sa P2,400,000.00 kita ng kumpanya sa isang araw, hatiin natin ito sa 106 manggagawa. Lumalabas na
bawat manggagawa ay kumikita ng P22,641.51 sa bawat araw o walong oras niyang pagtatrabaho.
Hatiin natin bawat oras ang halagang ito: P22,641.51 divided by 8 oras, pumapatak itong P2,830.19
bawat oras. Ibig sabihin, mahigit dalawang libong piso na ang kita ng bawat manggagawa sa isang oras
niyang pagtatrabaho. Hatiin natin ito sa bawat minuto: P2,830.19 divided by 60 minuto. Lumalabas na sa
bawat minuto sumasahod ang manggagawa ng halagang P47.17. At kung hahatiin naman ito sa bawat
segundo: P47.17 divided by 60 segundo, lumalabas na sa bawat segundo ay may 79 sentimo ang
manggagawa," mahabang talakay muli ni Vilma.

Sumabad si Magda na noon din ay nagkokompyut sa papel, "Ibig sabihin po pala, sa P450 sahod ng
manggagawa, kung hahatiin sa P47.17 kita niya bawat minuto, lumalabas pong sa loob lamang ng 9.5
minuto ay nakuha na ng manggagawa ang kanyang sahod. At ang natitirang pitong oras at 50.5 minuto
ay sa kapitalista na napunta. Nakagagalit naman ang ganyang katusuhan ng kapitalista. Dapat nga po
talagang lumaban ang mga manggagawa"

"Tama ka, Magda. Iyan ang halaga ng di bayad na oras ng paggawa. Ibig sabihin, malaki talaga ang
tinutubo ng kapitalista sa bawat araw, at mumo lang ang natatanggap ng manggagawa," ani Vilma.
"Okey, mga kasama, uulitin ko, ha. Ang apat na lihim ng kapitalismo hinggil sa sahod ay ang apat na
katotohanang pilit itinatago nila sa manggagawa. Ang sahod ay presyo. Ang sahod ay kapital. Ang sahod
ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na
nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa ng humamig ng
tubo."

Nagtanong si Jose, isa pa sa mga kasamang estudyante ni Magda. "Bakit po nakapako kasi ang sweldo ng
manggagawa sa P450, di po ba pwede namang taasan ito? Mga P1,000 sa isang araw, para kahit
papaano naman ay mabuhay naman ng maayos ang pamilya ng manggagawa. Sa pagkakaalam ko,
P1,000 ang sinasabi ng NEDA na halagang makabubuhay sa isang pamilya."

Si Nora naman ang sumagot, "Alam nyo, ang minimum wage ay tinatakda mismo ng gobyerno sa
pamamagitan ng Minimum Wage Law, at pinapatupad ito ng Regional Wage Board. Mga kapitalista ang
mayorya sa Kongreso na siyang nagpasa ng batas na ito, kaya anong aasahan natin, kundi pawang mga
batas na pabor sa kanilang uri, pabor sa kapwa nila kapitalista. Bihira nga ang mga batas ngayong
talagang kampi sa manggagawa."

Pinutol ni Vilma ang talakayan, "Sa ngayon ay iyan muna ang ating tatalakayin. May kasunod pa tayong
paksa hinggil naman sa kapitalistang lipunan."

"Pinagnilayan ko pong mabuti ang mga paliwanag ninyo. Tama at lohikal. Nuong bata pa po ako ay
nagtataka na kung bakit kung sinong masisipag ang siyang naghihirap, tulad ng aking amang magsasaka
sa probinsya na madaling araw pa lang ay gising na para bisitahin ang bukid at mag-araro. Napakasipag
pero mahirap pa rin kami. Sa ngayon po, nagpapasalamat po kaming muli sa aming mga natutunan,” ani
Magda, “Handa po kaming kumuha ng iba pang pag-aaral. Naniniwala po kaming ang mga manggagawa
na siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ay di dapat naghihirap.”
Katanghaliang-tapat na kaya nagyaya na si Lena kina Magda, "O, siya. Naghanda na kami ng ating
pananghalian. Kumain muna tayo at saka natin ipagpatuloy ang ating naudlot na kwentuhan kanina."

"Sige po." At masaya nang nagsikuha ng kani-kanilang mga pagkain ang mga kabataang estudyante,
kasama ang mga unyonistang ilang araw na ring nakapiket.
MAIKLING KWENTO: HUSTISYA PARA KAY INA

DISYEMBRE 29, 2012 JEANNY BURCE MGA PUNA

25 VOTES

“Anak!, magtago ka muna.” sabi ng aking ina.

Ako’y nagugulumihanan ngunit, sinunod ko ang kanyang Sinabi, lumilingon-lingon sya sa akin, sabay
humarap sa isang malaking lalaking naka-uniporme. Nagtago ako sa ilalim ng puno, maliit pa ako noon,
alam kong hindi ako makikita roon.

Nakipagusap ng maayos ang aking ina, mahina’t nangungumbinsi ang kanyang boses, tila nakikiusap.
Hindi ko marinig ang kanilang mga sinasabi. Umiling ang lalaki at nagalit, sinigawan ang aking kawawang
ina, dinuro sya, at minura. Ang naintindihan ko lamang ay “Dapat na kayong umalis sa lupaing ito!.”
marahas ang pagkakasabi. Ngunit nang nagtagal ay kumontra ang aking ina, sumigaw at galit na galit.
Alam kong tungkol ito sa pagpapalayas sa amin ng mga buwitreng may-ari ng sakahan. Nagulat ako sa
susunod na pangyayari, naglabas ng baril ang lalaking naka-uniporme, nagulat si ina, kitang-kita ang
pagkatakot sa kanyang mga mata. Hindi ko na binaling ang aking mga mata sa nakababahalang mukha
ng aking ina. Natatakot ako sa mga susunod na mangyayari, gusto kong tumakbo, sumigaw, magwala
para maligtas ang aking ina, ngunit, huli na ang lahat.

“Boom.” putok ng baril kasabay ng tili at pagbagsak ng aking ina sa lupa. Nagulat ako, unti-unting tumulo
ang aking luha at tinitigan ang basag na ulo ng aking ina mula sa kinaroroonan. Umalis ang lalaki,na tila
walang nangyari, tumatawa, maraming sinasabi, hindi ko matanto kung ano ang mga iyon. Tinuon ko
ang pansin sa aking inang naghihingalo, hinawakan ko ang kanyang buhok na puno na ng dugo. May
sinasabi, Malabo, ngunit isang salita lamang ang naintindihan ko – LUMABAN.

Maraming maling balita ang kumalat sa bayan, pinatay raw ng isang NPA, isinakibit-balikat ko na lamang,
wala akong magawa, hindi ako makapagsalita, sabi nila’y na-trauma raw ako. Hindi ko alam ang aking
gagawin, ang alam ko lang na gawin ay lumaban. “Lumaban saan?” Sabi ko sa sarili, sa lalaking iyon?–
siguro. Pero alam kong may mas mahigit pa akong layunin, “lumaban” — para sa ina, para sa lupa, at
higit sa lahat para sa bayan.”

Nang Lumaki ako sinimulan kong maghiganti para sa aking ina, ngunit wala akong napala, tumigil ako ng
ilang taon sa pagaaral, ngunit sa kagustuhang makapagaral, sinoportahan ko ang aking sarili. Walang
gumustong magpaaral sa’kin. Dahilan nila, aktibista ‘raw ako, walang mararating, puro imposibleng
bagay ang hinihingi, marami akong naging kaibigan, mula sa eskwelahan hanggang sa mga grupong aking
kinabibilangan. Nang dumating na sa puntong, wala na akong malalapitan sa paggastos ng aking
matrikula, napagdesisyunan kong magtrabaho o mag-working student.

Dahil may kakayahan naman akong sumulat, nag apply ako sa isang dyaryo. Maliit lang ito’t di kilala,
ngunit balita ko’y mataas naman ‘daw magpasahod, kaya sumige na ako.
“Ako po si Clove- Clove dela Cruz, nag-aapply po para sa posisyong proof-reader.” sinabi ko sa isang
interviewer. Napangiti sya, bakit kaya?

“Maupo ka Ms. Dela Cruz” sabi nya.

Umupo naman ako.

“Mukhang may lahi ka ah?” nakangisi nyang sabi,nainis ako, ayo’ko ng ganitong usapan.

“Ah-Eh, opo, Pinay po ang aking ina at Amerikano naman aking ama.” inis na sabi ko.

“Oh, naka-kuha ang nanay mo ng magandang lahi ah.” tuluyan na akong nabwisit,

“Ginahasa po ang nanay ko noong nasa olonggapo sya.” sabi ko.

Nawala ang ngiti sa kanyang mukha nang nasabi ko iyon. Dumating ang isang matangkad na lalaki.

“Rolando!” sabi nya’ng galit na galit. Umalis si Rolando sa upuang inuupuan, Hindi pala s’ya ang magi-
interview sa’kin, nakahinga ako ng maluwag.

“And you are……?” sabi nya’ng nagsusulat sa isang piraso ng papel.

“ummm, I am Clove dela Cruz” sinabi ko. Wala syang reaksyon tila wala ako sa kanyang harapan,
tumunog ang telepono,

“Hello……. Yes?, …. We have a meeting?…. For what?… okay then, I’ll be there soon.”

“ano? Aalis sya? Hindi pwede! Kailangan ko na ng pera at trabaho para sa susunod na semester.” Nasabi
ko sa sarili ko, dahil sa kadesperaduhan na maka-enroll sa pasukan.

Tumayo sya. Inayos ang gamit at at lumakad papunta ng pinto.

“Sir.” sabi ko.

“What?.” iritableng sabi nya.

“I’m applying as a proof reader!”

Tumango sya, sinuot ang Americana at tumugon “Okay.”

Nagpanting ang aking tenga sa narinig.

“You should be accommodating me, you’re the interviewer right? Please do your job!” sabi ko.

Nagalit sya, alam ko. Inabot nya ang telepono at nag-dial ng numero.

“HR department please.” hindi nagtagal ang usapan at ibinaba nya na ito.
“Is it your first time to apply for a job?” sabi nya.

“No, sir” tugon ko.

“Okay then, sa HR ka dapat pumunta, not directly to the Boss, is it okay, dear?” sarkastikong sabi nya,

Nainis ako. Napahiya at namula, tama nga s’ya. Ngumiti s’ya sa akin at umalis.

Makalipas ang ilang araw, sa wakas, natanggap ‘rin ako. Maganda naman ang sahod buwan-buwan
kasya sa matrikula ng isang Fine Arts students na katulad ko. Ang masama lang ay ang napaka-
aroganteng si Mr. Cruz, Madalas n’ya akong pinapahiya sa harapan ng mga ka-opisina ko at ang malala,
ay napagtanto ko na nagaaral din pala s’ya sa eskwelahang pinapasukan ko. Madalas n’ya akong
minamaliit at pati ang mga babae sa eskwelahan ay kinukutya na rin ako, tinitingnan mula ulo hanggang
paa, kinekwestyon ang mga paninindigan ko at higit sa lahat ay kinukutya ako na anak raw ako ng
digrasyada, hindi naman talaga. Ang tatay ko ang may kasalanan kung bakit ako nabuhay sa ganitong
klaseng pamumuhay, nagiisa at nalulungkot. Pero sa kabila ng lahat, kinakaya ko pa ‘rin…. Para sa aking
ina.

Gabi-gabi’y naiisip ko ang trahedyang sinapit ko at ng aking ina. Sumasariwa pa ang mga oras, panahon,
at pakiramdam na nadarama ko nang nangyari ang trahedyang iyon, na naging daan sa pagkasira ng
buhay ko.

“….Ang pagtago ko sa puno, pagtataas ng boses ni ina sa lalaki, pagsigaw at pagmumura ng lalaki kay
ina…. At ang nakakabinging putok ng baril!….. Pero…. Bakit ganito? Hindi lang isa ang naririnig kong
putok ng baril, binilang ko… isa… dalawa… tatlo.. Apat.. Hindi ko mabilang, sunod sunod, umalis ang
lalaki, lumapit ako sa aking ina, WALA NA SI INA?! Bakit?…. May narinig akong yabag ng paa, malakas…
patakbo. paglingon ko ay nakatutok na sa aking noo ang baril….. Sino ito? Babae… SI INA! Paulit-ulit na
nagsasabing “lumaban” “lumaban” “lumaban” “lumaban”…..”

Napatili ako. Panaginip lang pala.

“Clove!” sabi ng isa kong dorm-mate

“Johanna?, pasensya ka na, Panaginip lang pala.”

“Ano’ng napanaginipan mo?” tanong nya.

“Matulog ka na, maaga pa tayo bukas.” palusot ko.

Hindi ko alam kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng aking panaginip, Hindi ko alam, hindi ko alam.

Pagkalipas ng ilang buwan, naging marahas ang sitwasyon sa pagitan ng mga magsasaka at mga may-ari
ng lupa, nakiisa ako sa kanila, na alam kong iyon ang tama at nakabubuti para sa mga karapatan ng
magsasaka sa lupa at lalung-lalo na sa karapatan ng pagkuha ng hustisya ng aking mahal na ina.
Dahil sa kagustuhang makapagaral, sinubukan kong pagsabaysabayin ang pagaaral, pakikibahagi, at ang
pagtatrabaho. nahirapan ako nang lubusan, lalo na sa trabaho, patuloy pa rin akong pinapahiya ni Mr.
Cruz sa opisina pati na rin sa eskwelahan. Isang araw, pinuna n’ya ang pagiging aktibista ko, pinahiya nya
ako sa lahat ng tao pati na sa kanyang mga kabigan. Wala akong magawa kun’di tumakbo magmukmok
at umiyak.

Ngunit nagulat ako kinabukasan sa taas ng aming paaralan, nang may kumalabit sa akin. Si Mr. Cruz,

“Can I sit with you?.“ ngumiti sya sa’kin,

Hindi ko na lamang s’ya inintindi. Nang magtagal, nagsalita na rin s’ya, nanghihingi ng tawad, sa mga
nagawa nya, at gustong maging magkibigan kami, ipinagkibit-balikat ko ang lahat ng ‘yon dahil, alam
kong wala sya senseridad sa mga sinasabi n’ya, isa pa, di ko matatanggap na pinahiya n’ya ako at ang
prinsipyo ko sa lahat ng tao.

“uhmm.. Clove, pasensya na sa mga sinabi ko aah.” wala pa rin akong tinugon sa kanya.

“Alam mo, ang tapang mo….” sabi nya pa.

Gusto ko sanang sabihin, kung ano ang ibig sabihin nya doon, ngunit, hindi ko pa sya mapapatawad.

“humanga na ako sayo simula pa lang nung una na sinagot-sagot mo ‘ko, kasi…..”

Tumingin sya ng diretso sa’kin ngunit, nakatingin lamang ako sa malayo, kunwaring di ako nakikinig.

“ikaw yung tipo ng babae na….” sabi nya pa.

Nainis ako, gusto ko ng sagutin pero…

“mamahalin ko habang buhay.”

Nagalit ako sa sinabi n’yang ‘yon gusto ko nang umalis pero….

“Clove! Please react.” nakikiusap na sabi n’ya.

“Okay.” at umalis na ako

Alam kong nasaktan ko s’ya pero wala akong pakialam. Hindi s’ya ang prayoridad ko ngayon. Hindi
sya…… at hindi magiging sya.

Hinanap ko ang salarin sa pagpatay sa aking Ina, mga basikong impormasyon, litrato, at trabaho. Tama
nga ako, isa syang sundalo, isa rin sya sa mga may-ari ng lupaing sinasaka namin sa probinsya, ngunit, isa
lamang ang hindi namin maalam, kung na’san na ang kanilang mga angkan, iyon ang dapat kong
malaman, kailangan kong makamit ang hustisya ng aking ina, hindi ako titigil, kahit ano’ng paraan ng
pagkamit nito ay gagawin ko, sa legal man o sa illegal na paraan. Mata sa Mata, Ngipin sa Ngipin. Para sa
aking ina.
Pumunta ako sa aming probinsya kasama ang aking mga kasamahan, tinanong namin kung sinu-sino ang
mga kaanak ng hayop na sundalong pumatay sa aking ina, ngunit wala. Wala silang alam.

Pumunta kami sa aming baryo, lahat ng bahay, mga tao, ay tinanong namin ngunit. Wala, wala pa rin.

Isang matanda ang nakita namin, mukhang pamilyar sa’kin. Isang ala-ala ang dumapo sa isipan ko, sa
gitna ng palayan, sa gabing binaril ang aking ina, Naglalakad kami noon papunta sa punong pinagtaguan
ko, dun, dun ko sya nakita! Alam kong isa itong magandang sinyales sa pagkamit ng hustisya ng aking
ina. Kaya pinuntahan ko sya, ikinwento nya ang mga pangyayari sa aking mga kaibigan hanggang
nagtanong na kami ng mga impormasyon. Kung anong itsura ng lalaki at ano ang pangalan nito.

Pumasok sya’t kinuha ang isang litrato, siguro’y lirato ito ng sundalo. Paglabas nito’y inabot sa’kin ngunit
di ko tinanggap at binigay nya na lamang sa isa sa aking mga kaibigan.

“Clove!, kamukha ng manliligaw mo, oh” sabi ni Johanna.

Nagulat ako, kakaiba ang Naramdaman ko, hindi ko alam kung aatras ba ’ko o hindi, iba ang
nararamdaman ko ngayon….. Parang….

“Ano ho’ng pangalan n’ya?” nasabi ko sa matanda.

“Sandali lang….” pagiiisip ng matanda.

Habang iniisip ng matanda ang ngalan, humihiling ako na…… sana, hindi ‘sya

“Alam ko na!!, ‘yan si Rolando Cruz” sabi ng matanda.

Naisip ko na marami namang Cruz sa buong mundo, baka hindi sya ‘yun.

Ano ba talaga itong nararamdaman ko? Hindi ko maintindihan. Akala ko ba wala syang puwang sa’kin?
Bakit? Bakit?

“Sya nga ata, Clove” sabi ni Alexander.

Wala akong naging reaksyon sa sinabi nya’ng iyon ngunit….. Hindi ko alam!

Kinabukasan,

“Clove!” sabi ni Mr. Robert Cruz

“Kumusta na?” bati nya.

Iniiwaasan ko sya, lumakad ako paalis sa kanya.

“Kilala mo ba itong nasa Larawan?” sabi ni Alexander.

Napatigil ako, hinintay ko ang sagot ni Robert, ngunit….


“Uy! Tatay ko yan ah!.” nagulat ako’t napatakbo sa kanyang sinabi.

“Clove!” tawag ni Robert

Ngunit, tumakbo ako. Hinanda ko na ang aking sarili, tumakbo ako ng tumakbo, papunta sa isang
eskinita, hinanda ko na ang sarili ko sa pagkamit ng hustisya para sa pagkamatay ng aking ina, ngunit
bakit gano’n? parang ayaw ko nang ituloy? Pero hindi! Para sa Hustisya ng aking Ina! Wala akong
pakialam!

“Clove!” sigaw ni Robert.

Hinanda ko na ang gunting na gagamitin ko sa pagsasagawa ng pagpapalaya sa aking ina. Humarap ako
sa kanya, nakita ko ang maamong mukha ni Robert.

“Hindi ko kaya!” sigaw ko.

“Bakit hindi ko kaya? Dapat kaya ko, matagal ko na itong hinihintay!! Dapat kanina pa kita napatay!
BAKIT HINDI KO KAYA???” sabi ko’ng nagwawala at umiiyak.

“Clove, Clove, makinig ka muna! Mahal kita, alam kong mahal mo ‘rin ako!”

Pumiglas ako mula sa pagkakayakap n’ya sa’kin.

“Clove!, tumingin ka muna sa sarili mo? Sinira ng galit mo ang pagkatao mo!, tandaan mo! Hindi
Matatakpan ang galit at poot sa sarili mo kung gagawa ka nang malaking kasalanan! Makinig ka! Bakit di
ka magmove-on! Iba ang kahapon, iba ang ngayon! Kahapon, naroroon ang nanay mo, pero
ngayon……..”

“Ano?” sabi ko na di pa rin kumbensido.

“Nandito na ako!”

Nasiyahan ako sa kanyang mga sinabi, nararamdaman kong mahal ko na s’ya pero.. ……Ang ibig sabihin
lang noon ay pinapabayaan ko na ang Aking ina.

“Paano ang hustisya ni ina?”

“Iapila natin? Hindi ba maaari?, hindi rin naman ako sang-ayon sa aking ama, kailangan n’ya ring
panagutan ang kanyang kasalanan. Kakampi mo ‘ko”

“Ipapakilala mo ba ako sa tatay mo?”

“Kung gusto mo ngayon na, eh.”

Naisip kong magandang ideya iyon upang makapaghiganti laban sa kanyang tatay. Pumayag ako sa
kanyang sinabi, ipapakilala nya ako sa kanyang mga magulang…..

Ito na sana ang maging daan ng Hustisya Para Kay Ina!………MATA SA MATA, NGIPIN SA NGIPIN………
Tigas-ulo

Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz

Suhi nang ipanganak si Sebastian. Una ang paa, sa halip na una ang ulo. Sinubukan ng doktor na
paikutin siya habang nasasa loob pa ng tiyan ng ina, nguni’t hindi ito umobra. Tigas-ulo si Sebastian.
Pinalalabas siya sa “caesarian section” ng ospital na una ang ulo. Gusto niya, una ang paa.

Nang dalawang taong gulang na, si Sebastian ay nakaaakyat na sa mga silya, mesa at kahon. Ang
bata ay uupo muna, gagapang, tatayo, lalakad, at saka aakyat. Ganyan ang unti-unting pag-unlad ng
kanyang kakayahan. Hindi pa man marunong magsalita, pa-ungol-ungol man siya bagama’t nakauunawa
na, ay tigas-ulo na si Sebastian. “Baba!” sabi ng ina. Aakyat pa rin sa mataas na lugar si Sebastian at kung
minsan ay mahuhulog at iiyak. “Iyan na nga ang sinasabi ko, e,” pasubali ng ina, “ang tigas kasi ng ulo
mo.”

Nang siya ay tumuntong na sa ika-pitong taong gulang ay pumasok si Sebastian sa isang


elementarya. Naibigan siya ng mga guro sa dahilang matalino siya. Laging tama ang mga sagot niya sa
“recitation” at pati na sa mga “written tests”. Mahusay ding tumula si Sebastian kung kaya’t sa tuwing
may seremonya sa eskwela ay siya ang pinatutula ng prinsipal.

“Palaging magsusuot ka ng sapatos kapag papasok sa eskwela,” payo sa kanya ng ina. May mga
araw na maulan at bumabaha nang bahagya sa kalye at pati sa loob ng paaralan. Sa gayong kalagayan ay
hindi isinusuot ni Sebastian ang kanyang sapatos upang ang mga ito ay hindi masira sa tubig. Minsan ay
nakatapak ng basag na bote si Sebastian at kinailangang dalhin siya ng ina sa “emergency” upang
mapatigil ang pagdudugo at mabigyan siya ng “antibiotic”upang hindi magka-impeksyon. Suot niya ay
tsinelas at hindi sapatos. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo, Sebastian, kung nakasapatos ka ay hindi
ka matitibo. Tigas-ulo ka kasi!”

Sa “high school” ay naging “star student” si Sebastian. Kapag may paligsahan ang iba’t-ibang “high
school” ay siya ang ipinadadalang kinatawan ng prinsipal na pambato ng eskwela sa mga paligsahan sa
pagtatalumpati o pagtula. Minsan ay dumalaw sa eskwela ang isang pangkat ng “gang members” – mga
maligalig na “teenagers” sila na sa halip na pumasok sa klase ay nagbibigay ng problema sa mga kapuwa
estudyante. Naninigarilyo sila, umiinom ng alak, at nangingikil ng salapi sa mga kapuwa nila estudyante
upang magugulan ang kanilang masasamang bisyo. Nakita nila na may suot na magandang relo si
Sebastian. Nilapitan nila si Sebastian at pinilit na ibigay sa kanila ang relo at kung hindi ay bubugbugin
siya. Pag-uwi ni Sebastian ay ipinagtapat sa ina ang nangyari. “Sabi ko ay huwag mong isusuot sa
eskwela ang relo,” paalaala ng ina.

“E, kung hindi ko po isusuot sa eskwela ang relo ay saan-saang lugar ko pa iyon maisusuot? Bakit
pa binigyan ninyo ako ng relo?” sagot ni Sebastian na papilosopo.

“Ang problema sa iyo, anak, ay tigas-ulo ka. Matalino ka nga, pero hindi ka nakikinig.”
Nang makatapos sa “high school” si Sebastian, siya ay nagbalak na pumasok sa kolehiyo upang
maging isang abogado. Sabi ng ina, “bakit ka mag-aabogado, anak. Tingnan mo ang tatay mo, abogado,
pero walang kaso. Magkomersyante ka, anak. Maraming pera ang kikitahin mo!”

Nag-abogado si Sebastian sapagka’t iyon ang karerang itinuturo sa kanya ng kanyang puso. Nang
makatapos na ay kumuha siya ng “bar exam” at naging isa sa mga “topnotchers”. Natuwa ang ina at
ipinagmalaki siya sa mga kamag-anak at kaibigan.

Lipos ng trabaho at pananagutan ang pagiging isang abogado. Walang tigil ang pag-aaral sa mga
batas at ang pagsulat ng mga demanda, apela, “memoranda”, at kung anu-ano pang papeles na
isinusumite sa korte. Higit na marami ang trabaho kaysa sa kita; katulad halimbawa ng pagtatanggol sa
isang nakasagasa na tsuper ng jeepney. Katungkulan niya bilang abogado ang ipagtanggol ang sino man
na mangangailangan ng kanyang serbisyo. Nguni’t gaano na ang makakayanang ibayad sa serbisyo niya
ng isang “driver” ng jeepney? Naikukuwento niya sa ina ang nararanasang hirap sa piniling karera.

Sumagi sa alaala ng ina, “hindi ba ang sabi ko ay magkomersyante ka, anak? Inibig mong maging
abogado. Tigas-ulo ka kasi. Pangatawanan mo ang iyong ipinasiya.”

Makaraan ang maikling panahon, “Ingat ka, anak, sa pagpili ng mapapangasawa mo,” pakli ng ina
nang makitang si Sebastian ay naniningalang-pugad na, “kung ako ang tatanungin mo, makabubuti na
ang mapapangasawa mo ay kalahi natin.”

Nakilala ni Sebastian si Natividad sa “high school”. Intsik ang tatay niya. Nang sila ay nasa “high
school” pa ay naalaala niya na malimit siyang dalhan ng regalo ni Natividad. Regalong pagkain.
Nagdadala ang dalagita sa eskwela ng pansit gisado na may bola-bola at ito’y pinagsasaluhan nila tuwing
“recess”. May pansiterya noon ang tatay ni Natividad na naroroon sa hanay ng mga pansiterya sa
Benavidez, malapit sa kanilang “high school”. Kung araw ng Linggo, makailang ulit din na may
dumarating na tao sa bahay nina Sebastian, at naghahatid sila ng sari-saring pagkaing-Intsik. Padala ni
Natividad.

May “crush” o naiibang pagtingin si Natividad sa kaeskwelang Sebastian. Sa dinami-dami ng


kaeskwela ay bakit si Sebastian lamang ang nabibigyan niya ng pansit? Noong mga panahong iyon ay
wala pang malay sa pag-ibig si Sebastian. Si Natividad ay may higit na maunlad na kamalayan sa pag-ibig,
nguni’t bilang babae ay hindi naman niya maipahayag sa lalaki ang nilalaman ng kanyang dibdib.
Natapos ang “high school”, tinahak ni Sebastian at ni Natividad ang kani-kanilang naiibang landas at
tumakbo ang panahon.

Minsan ay napadpad sa dako ng Benavidez ang batang-batang abogado na si Sebastian. Pumasok


siya sa isang malaking “restaurant” at doon ay nananghali. May magandang dilag na lumapit sa mesa
niya.

“Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw si Sebastian Echavez!” bati ng dilag.


“Napatingin si Sebastian sa nangusap, inalis ang suot na salamin, at sinipat ang kaharap na
magandang dilag. Nag-isip sumandali, bago nasambit ang, “Natividad! Natividad Sy! Laking sorpresa
nito! Kumusta ka na?”

At nanumbalik ang dating pagkakaibigan na sa di malaon ay nauwi sa pag-iibigan. Ang tatay ni


Natividad ay malaking negosyante na. Hindi lamang sa mas malaki na ang “restaurant” niya, ang gusali
na kinalalagyan ng “restaurant” ay pag-aari na niya; samantalang noong araw ay inuupahan lamang niya
iyon. Bukod dito ay may sosyo siya sa mga itinatayong iba pang mga gusali na magiging mga
“commercial centers” sa iba’t ibang panig ng Maynila.

Sa madaling sabi ay naging kabiyak ng puso ni Sebastian si Natividad. Naging engrande ang
kanilang kasal na ang nagbayad sa lahat ng gastos ay ang ama ng babae. “Nakahihiya!” pagtanggi ng ina.
“Sa ating kaugalian, ang magulang ng lalaki ang gumagastos sa kasal!”

“Bayaan na ninyo, Inay. Ibig nilang masunod ang kanilang kaugalian.” Pakiusap ni Sebastian sa ina.

“Parang binibili ka nila, anak. Sabi ko ay huwag kang mag-aasawa ng Instik. Tigas-ulo ka. Ngayon ay
makikibagay ka sa kanilang kaugalian na taliwas sa ating kaugalian.”

Hindi na kinailangan ni Sebastian na magtrabaho pa bilang abogado. Pinakiusapan ng kanyang


biyenan na tumulong na lamang sa pagpapatakbo ng lumalaking negosyo. Hinirang siyang “vice-
president” at “general manager” ng kanilang “family corporation”. Kumita nang malaki si Sebastian at
sila ni Natividad at ang mga naging supling nila ay nagkaroon ng masagana at masayang pamumuhay.

“Naliligayahan ako, Sebastian, sa nangyayari sa iyong buhay. Isang matagumpay na komersyante


ka na! Ang tigas ng ulo mo kasi. Sabi ko ay mag-aral ka ng “commerce”; ipinilit mo na mag-abogado.”
Paalaala ng ina.

“Ngayon, anak, ay ituon mo sa negosyo ang lahat ng iyong nalalaman at lahat ng iyong panahon at
lakas. Huwag mong bibiguin ang iyong asawa at biyenan. Tulungan mo silang mapalago ang kanilang
kayaman,” dagdag pa ng ina.

Noong araw pa ay may pusong-makabayan na si Sebastian. Kaya siya nag-aral ng abogasya ay


upang mairaos ang pagnanasa na matutuhan ang batas at ang “political science” – ang kaalaman tungkol
sa pagpapatakbo ng gobyerno at sa pagsisilbi sa masa. May hangarin siya na magkaroon ng katungkulan
sa pamahalaan at nang siya ay maging instrumento sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng bayan.

Naging masipag na kasapi siya ng Rotary – ang samahan ng mga babae at lalaking propesyonal at
ng mga matatagumpay na negosyante na ang pakay ay ang makatulong sa pagpapabuti ng lipunan. Hindi
naglaon at hinimok siya ng mga kasamahan sa Rotary na tumakbo bilang “congressman” sa kanilang
distrito.
Sumama ang loob ng kanyang biyenan sa pasiya ni Sebastian na kumandidato bilang
“congressman”. “Paano ang hanap-buhay natin? Iiwan mo ang iyong katungkulan sa iyong pamilya
upang kaharapin ang katungkulan sa mga taong hindi mo naman kakilala at hindi mo naman kadugo,”
paghihinanakit ni Mr. Sy.

“Itay, lalo kong mapangangalagaan at mapauunlad ang ating hanapbuhay kung may magagawa ako
sa pagpapaunlad ng trabaho, sa pagkakaroon ng higit na maayos at mapayapang lipunan, sa pagtatatag
ng higit na malusog na ekonomiya . . . Pangmalawakan ang aking pananaw, Itay,” paliwanag ni Sebastian
sa biyenan.

Sabi naman ng kanyang ina, “Sebastian, matanda na ako. Matigas pa rin ang iyong ulo. Ano man
ang sabihin ko sa iyo ay ang kabaligtaran ang iyong ginagawa, sinusunod mo ang ano mang ibigin mo.
Wala akong sama ng loob sa iyo, anak. May mga pagpapasiya ka na maganda ang kinalalabasan. Ang
mga payo ko ay alang-alang sa iyong kabutihan. Nguni’t ako ay tao lamang at kung minsan ay
nagkakamali sa mga payong ibinibigay sa iyo. Kaya mo na ang magpatuloy na walang nagbibigay sa iyo
ng payo. Matalino ka at busilak ang iyong puso. Sundin mo ang ibinubulong sa iyo ng iyong puso at
ikaw’y magtatagumpay. Tigas-ulo ka, anak, nguni’t iya’y katangian mo, aaminin ko sa iyo, na isang
mabuti at kanais-nais na katangian. Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak.”

Napapaluha si Sebastian sa tuwing maaalaala ang sinabi ng ina. Iyon na ang huling pag-uusap nila.
PANGAKO NG MGA KANDIDATO, PANLILINLANG SA MGA TAO

Submitted by Internasyonalismo on Tue, 2010-02-09 11:18

Bersyon na maaaring i-print

Lahat ng mga kandidato ay inaaming dumarami ang naghihirap na mga Pilipino. Ito ang katotohanang
hindi nila kayang itago. Isang katotohanan na lagi na lang may "solusyon" sa panahon ng kampanya ng
eleksyon. Katotohanan na ang "solusyon" diumano ay kung si ganito o si ganoon ang mananalo at
makaupo sa pwesto. Laging ganito ang naririnig at nababasa ng taumbayan, laluna ng manggagawa at
maralita tuwing sasapit ang halalan.

"Malinis na pamahalaan", "matino at tapat na taong nasa pwesto", walang kurakot na gobyerno",
"libreng edukasyon", "trabaho", "tamang sahod", "lupa", "pabahay"..... Ito na ang laging sinasabi ng mga
kandidatong nangangailangan ng boto ng manggagawa at maralita para masungkit nila ang
kapangyarihan sa bulok na pamahalaan.

Bawat isa sa mga kandidato ay nagsasabing "ako at ang aking partido ang may tunay na plataporma at
programa para maiahon ang sambayanan mula sa kahirapan". Ilang dekada na ba nating narinig ang mga
katagang ito? Ilang dekada na ba nating narinig na naghirap diumano ang bansa dahil sa "maling
pamamahala", dahil "hindi mga tamang tao ang naluklok sa gobyerno". Hindi ba't ito lagi ang sinasabi ng
nasa oposisyon na nais palitan ang administrasyon?

Ang administrasyon naman ay laging nagsasabing wala sa kanila ang problema kundi "hindi sapat na
panahon ng panunungkulan" ang siyang dahilan kung bakit ang mga pangako ay hindi natupad. Ang nasa
administrasyon ay sinisisi ang lahat maliban sa kanilang sarili sa mga kapalpakan ng kanilang
"plataporma" at "programa".

Ganito lagi ang eksenang nakikita natin sa kada tatlo at anim na taong palabas ng eleksyon.

Katotohanang matagal na nating alam

Matagal na nating alam na lahat ng mga kandidato ay walang kaibahan sa isa't-isa. Matagal na nating
alam na ang nais lamang nila ay uupo sa pwesto para lalupang magpayaman gamit ang kapangyarihan.

Kaya nga ang iba sa ating mga kapatid ay ginawa na lamang "pantawid-gutom" ang eleksyon dahil alam
nila na walang pagbabagong mangyari sa kanilang hirap na kalagayan matapos ang eleksyon.

Ang puno't dulo ng kahirapan ay ang bulok na sistema ng ekonomiya ng bansa na nagbunga ng bulok na
gobyerno. Walang sinumang "santo" at "santa" ang may kapangyarihang gawing maayos ang
pamahalaan na nakatungtong at nabubuhay mula sa mabangong singaw ng bulok na panlipunang
kaayusan.
Higit sa lahat, wala sa mga "super-hero" na politiko at kapitalistang partido ang kapangyarihan upang
wakasan ang kabulukan ng sistema at estado dahil ito mismo ang pinagtatanggol nila. Ang may
kapasidad lamang nito ay ang uring may istorikal na kapasidad at kapangyarihan upang durugin ang
mapagsamantalang kaayusan: ang uring manggagawa.

Ang panlipunang sistema na nakabatay sa ganansya, sa ganansyang ang tanging pinaggalingan ay ang
libreng paggawa ng masang anakpawis, sa pag-aari ng minorya sa mga kagamitan ng produksyon, na
siyang dahilan ng permanenteng krisis ng sobrang produksyon at patuloy na kawalang kapasidad ng
nakararami na bilhin ang mga batayang pangangailangan, ang tunay na puno't dulo ng korupsyon at
kabulukan ng gobyerno.

Tiwala sa sariling lakas, ibagsak ang sistema ng kapital

Wala sa loob ng gobyerno ang solusyon sa mga problema ng kahirapan. Ang solusyon ay durugin ang
kapitalistang gobyerno at itayo ang kolektibo at rebolusyonaryong kapangyarihan ng manggagawa. Hindi
ito makakamit sa pamamagitan ng eleksyon kahit pa pagandahin ang mga dekorasyon ng mga "radikal"
at "rebolusyonaryo" sa loob ng gobyerno at parliyamento, na siyang ginagawa ngayon ng mga
oportunista at traydor na mga organisasyon ng Kaliwa.

Ang tanging solusyon ay rebolusyon ng manggagawa para wasakin ang kapitalistang mga relasyon.

Subalit, ang malaking hadlang ay ang kawalan ng tiwala ng masang manggagawa at maralita sa kanilang
sariling lakas at pagkakaisa, ang kawalan ng tiwala na kayang-kaya nilang organisahin ang kanilang sarili
at kayang-kaya nilang labanan ang naghahari at mapagsamantalang mga uri sa lipunan.

Ang papel ng Kaliwa at burges na oposisyon ay lalupang itulak ang masa na lubusang mawalan ng tiwala
sa sarili dahil sa ganitong sitwasyon lamang kakapit at maniwala ang masa sa mga panlilinlang at
pagsisinungaling ng mga umaangking "lider", "abanteng destakamento" at "tagapagligtas". Ang mga
"lider" at "kinatawan" ng masa ang "tanging may kapangyarihan" upang iahon ang huli sa kahirapan. At
dahil hindi naman talaga matutupad ang mga pangako, sisihin ng mga "lider" at "kinatawan" ang masa
mismo dahil "hindi aktibong sumusuporta" at "nanatiling pasibo", mas masahol pa, "mababa ang
kamulatan", hindi katulad sa mga "lider" at "kinatawan" na "mataas na ang kamulatan".

Sindak na sindak ang lahat ng mga politiko (Kanan at Kaliwa, administrasyon at oposisyon) na darating
ang panahon na hawakan na mismo ng masa sa kanilang mga kamay ang pagpanday ng kanilang
kinabukasan. Dahil ang ibig sabihin nito ay itinatakwil nan g nakararami ang eleksyon at hinahawakan na
nila ang rebolusyon.

Kaya naman nagtulong-tulong ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri, sa kabila ng kanilang matinding
kompetisyon at siraan na manatiling nakakulong ang malawak na masa sa mga mistipikasyon ng
eleksyon dahil ayaw ng naghaharing uri na tahakin ng masang anakpawis ang kanilang sariling landas,
ang landas ng proletaryong rebolusyon.

You might also like