You are on page 1of 2

Ano ang konsensya?

Ang konsensya ay ang sangkap ng ating katauhan na nagdudulot ng galit sa ating pagiisip at paguusig ng
budhi sa tuwing atin itong nilalabanan at nagdudulot naman sa atin ng kasiyahan at magandang
pakiramdam kung ang ating mga gawa, pagiisip at pananalita ay sumasang ayon sa ating pananaw sa
moralidad o sa ating sariling pamantayan ng mabuti at masama. Ang salitang Griyego sa bagong Tipan na
isinalin sa salitang ‘konsensya” ay suneidēsis, na nangangahulugan na “kaalaman sa moralidad” o
“kamalayan sa moralidad.” Ang konsensya ay gumagana kung ang gawa, pagiisip at pananalita ng isang
tao ay sumasang ayon o sumasalungat sa isang pamantayan ng mabuti at masama.

Walang salitang Hebreo sa Bagong Tipan na katumbas ng salitang Griyegong suneidēsis sa Bagong Tipan.
Ang kawalan ng salitang Hebreo para sa salitang konsensya ay maaaring dahilan sa pananaw ng mga
Hudyo sa mundo na pangkomunidad sa halip na pang indibidwal. Itinuturing ng mga Hudyo ang kanilang
sarili bilang miyembro ng isang komunidad na may kaugnayan sa kanilang Diyos at sa kanyang mga
Kautusan, sa halip na bilang mga indibidwal. Sa ibang salita, ang mga Hebreo ay nagtitiwala sa kanilang
sarilng katayuan sa harapan ng Diyos kung ang Israel o mga Hebreo ay may magandang pakikisama sa
Diyos sa kabuuan bilang isang bansa.

Ang konsepto ng Bagong Tipan ay mas pumapabor sa pagiging indibidwal ng tao at kinasasangkutan ito
ng tatlong pangunahing katotohanan. Una, ang konsensya ay ang kakayahan na ibinigay ng Diyos sa mga
tao upang magsuri ng kanilang sarili. Binanggit ni Pablo ang kanyang sariling konsensya ng ilang beses na
“malinis” o “malinaw” (Gawa 23:1; 24:16; 1 Corinto 4:4). Siniyasat ni Pablo ang kanyang sariling
pananalita at mga gawa at natagpuan ang mga iyon na sumasang ayon sa kanyang pamantayan ng
moralidad at pagpapahalaga, na ayon sa pamantayan ng Diyos. Tinitiyak ng konsensya ni Pablo ang
katapatan ng kanyang puso.

Ikalawa, inilalarawan ng Bagong Tipan ang konsensya bilang isang saksi. Sinabi ni Pablo sa mga hentil na
ang kanilang konsensya ang sumasaksi sa presensya ng kautusan ng Diyos na nakasulat sa kanilang mga
puso, bagamat hindi nila alam ang tungkol sa Kautusan ni Moises (Roma 2:14-15). Inilarawan din niya
ang kanyang sariling konsensya bilang saksi sa kanyang pagsasabi ng katotohanan (Roma 9:1) na
namuhay siya ng may kabanalan at buong katapatan sa kanyang pakikitungo sa mga tao (2 Corinto 1:12).
Sinabi din niya na ang kanyang konsensya ang nagpapatunay sa kanya na ang kanyang mga gawa ay
hayag sa Diyos at siya ring saksi sa konsensya ng ibang tao (2 Corinto 5:11).
Ikatlo, ang konsensya ay alipin ng pananaw sa moralidad at pagpapahalaga ng isang indibidwal. Ang isang
taong may mali o mahinang pagpapahalaga sa moralidad ay mayroon ding isang mali at mahinang
konsensya, habang ang isang taong may malinaw na pagpapahalaga sa moralidad ay nagbubunga ng
isang matibay na pagpapahalaga sa tama at mali. Sa pamumuhay Kristiyano, ang konsensya ay maaaring
itinutulak ng mababaw na pangunawa sa mga katotohanan ng Kasulatan at maaring magbunga sa
paguusig ng budhi at pagkapahiya sa sarili. Ang paglago sa pananampalataya ay nakapagpapatibay at
nakapagpapalakas ng konsensya.

Ang huling gawain ng konsensya ay ang tinutukoy ni Pablo sa kanyang katuruan tungkol sa pagkaing
inihandog sa mga diyus diyusan. Itinuro niya na dahil ang mga diyus diyusan ay hindi tunay na Diyos,
walang problema kung ang mga pagkain man ay inihandod sa diyus diyusan o hindi. Ngunit may ilan sa
iglesya sa Corinto na mahina pa ang pangunawa at naniniwala na totoong “diyos” o talagang umiiral ang
mga diyus diyusang iyon. Ang mga mananampalatayang ito na may mahinang pananampalataya ay
nanghihilakbot na isipin man lang ang tungkol sa pagkain ng mga pagkaing inihandog sa diyus diyusan
dahil sa ang kanilang konsensya ay inuusig ng pamahiin at maling pananaw. Dahil dito, hinimok ni Pablo
ang mga may malawak na pangunawa na huwag gamitin ang kanilang kalayaan sa pagkain na maaaring
magdulot ng pagkatisod sa pananampalataya ng mga kapatiran na may mahinang konsensya. Ang aral ay
ito: kung malinis ang ating konsensya dahil sa ating lumalagong pananampalataya at pangunawa, hindi
tayo dapat maging sanhi ng pagkatisod ng mga mananampalatayang may mahinang konsensya.

Ang isa pang pagtukoy sa Bagong Tipan sa salitang konsensya ay tungkol sa isang “manhid” na konsensya
o konsensyang walang pakiramdam na tila baga tulad sa nagbabagang bakal na may tatak (1 Timoteo
4:1-2). Ang ganitong klase ng konsensya ay matigas na tulad sa kalyo, at hindi na nakakaramdam ng
anumang paguusig. Ang taong may “manhid” na konsensya ay hindi na nakikinig sa paguusig ng kanyang
budhi at maaaring magkasala ng hindi nababagabag sa resulta ng kanyang ginawa at dinaya na ang
kanyang sarili na walang problema ang kanyang kaluluwa at tinatrato ang ibang tao ng walang habag at
walang pakialam sa kanilang pakiramdam.

Bilang mga Kristiyano, dapat nating panatilihing malinis ang ating konsensya sa pamamagitan ng
pagsunod sa Diyos at sa pagpapanatili ng ating maayos na relasyon sa Kanya. Magagawa natin ito sa
pamamagitan ng pagsasapamuhay ng Kanyang mga salita, at sa patuloy na pagpapanibago at
pagpapalambot ng ating mga puso. Isaalang-alang nating ang mga kapatiran na may mahinang
konsensya at tratuhin natin sila ng may pag-ibig at kahabagan.

You might also like