You are on page 1of 15

Aug 26, '08 9:46 AM

Ang Wikang Filipino sa Edukasyong Panteknolohiya


for everyone
Ang Wikang Filipino sa Edukasyong Panteknolohiya:
Isang Teknolingguwal na Pagtalakay
Christian George C. Francisco
Tagapangulo, Kagawaran ng Filipino at Panitikan
Pamantasang De La Salle-Dasmarinas

Isandaan at walumpu (180) sa humugit-kumulang na anim na libong buhay na


wika sa daigdig ay matatagpuan sa Pilipinas. Ang ganitong sitwasyon ay maituturing
na isang penomenong pangwika na nagaganap sa isang lipunan. Sa katunayan, bawat
wika sa mundo ay maikakategorya batay sa uri nito. May mga wikang
intelektuwalisado at malawakang ginagamit sa iba’t ibang antas ng komunikasyong
pasalita at pasulat, halimbawa nito ay ang English, French, Spanish at German.
Samantala, may mga wika rin na masasabing intelektuwalisado subalit limitado ang
gamit sa mga bansang mauunlad gaya ng wikang Korean at Niponggo (tonal languages
kung ituring ang mga ito). Higit sa lahat, may tinatawag na papaunlad na mga wika sa
mundo na karaniwang matatagpuan sa Asya gaya Filipino, Malay at iba pa. Tinawag
itong papaunlad dahil patuloy itong dinedebelop sa pamamagitan ng mga
lingguwistikong pag-aaral hinggil sa mga kalagayang pangwika sa ating bansa.
Pinatutunayan lamang nito na bawat wika ay may kani-kaniyang papel na
ginagampanan sa tinatawag nating pangkat-wika o speech community. Kung kaya, sa
larangan ng lingguwistiks, walang tinatawag na superyor at/o inferyor na wika.
Nangangahulugan lamang na ang isang wika ay nararapat na mabisang tugunan ang
pangangailangan ng mga gumagamit nito. Halimbawa, ang paggamit ng Filipino ay
nakatutugon sa mga personal na pangangailangan ng mga Pilipino. Ang mga
pangangailangang ito ay tumutukoy sa kanyang emosyon, paniniwala at mga
adhikaing nais niyang personal na maipaabot sa kanyang kapwa. Sa kabilang banda,
ginagamit naman natin ang English (American English ang tinutukoy ko rito at hindi ang
ibang varayti ng English sa mundo) para sa ating instrumental na pangangailangan. Sa
pamamagitan nito, malayang nagagawa ng mga Pilipino na makipagtalastasan tungo sa
paghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Nagsisilbi itong instrumento sa pang-
empleyong perspektiba gayundin naman sa aspektong pangsosyalisasyon.
Bunsod ng ganitong sitwasyon ang pagpapakita ng halaga sa pagkakaroon ng
sarili o pampersonal na wika, pambansang wika at mga wikang global. Marami man
ang wika sa buong daigdig gayundin sa Pilipinas, hindi maaaring pagkumparahin ang
bawat isa. Dahil ang WIKA MO, ang tumutulong sa iyo upang lubos mong
maiparamdam ang nais mo sa pinakamabisang paraan. Bukod pa, hatid din nito ang
kristalisado at awtentikong mensahe na hindi kayang maibigay ng kahit na anong
banyagang wika. Ang WIKANG FILIPINO naman ang nagsisilbing wika ng
nagkakaisang bansa. Ito rin ang wikang nagiging daluyan ng mga mahahalagang
impormasyong politikal at sosyal na kayang-kayang maipaabot anumang antas ng
kabuhayan ang iyong kinabibilangan. Ang pagsulong at pagtangkilik sa wikang ito ang
tutulong sa bawat Pilipino na maunawaan ang mga pinakamahihirap na konsepto ng
mundo. Higit sa lahat, ang WIKA NG MUNDO ang siyang nagiging tagapag-ugnay sa
mas malawak na impormasyon. Nagagawa nitong maging kongkreto ang global village
kung saan bawat tao ay malayang nauunawaan ang wika, kultura gayundin ang mga
paniniwala ng iba’t ibang nasyon.
Gayumpaman, bahagi ng global na kalakaran ang dimensyong teknolohikal na
ang bawat kultura sa mundo ay nagpapakita ng kani-kanilang pekulyaridad sa aspekto
ng popular na paniniwala kung saan bahagi ang pag-aaral ng wika. Sa bahaging ito,
malawakang nakikisangkot ang akademiya upang matugunan ang mga kailanganing
pedagohikal. Kung kaya, minsan na ring naipahayag ni Tony Blair na, “Ang ginawang
pagbabago ng teknolohiya sa takbo ng buhay ng tao ay hindi matatawaran lalo na sa
larangan ng edukasyon. Sadyang mawawalang-saysay ang husay at galing ng susunod
na henerasyong propesyonal gaya ng mga titser kung patuloy itong sasandig sa mga
tradisyonal na kaparaanan.” Sa katunayan, halos lahat ng bansa sa buong daigdig ay
nagpapasiklaban sa tinatawag na “battlefields of learning” nang sa gayon ay huwag
silang mahuli kaugnay sa mga bagong kaalamang hatid ng Information and
Communications Technology. Isang halimbawa nito ay ang world wide web (www) na
tinatayang pinakamalaking imbakan ng impormasyon sa buong mundo. Sa
pamamagitan nito, nagagawa ng tao na makaakses sa anumang uri ng datos o
kaalaman na naisin niya.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinanghahawakan ng mga techie
(eksperto sa teknolohiya) na ang modernong panahon ay mahigpit na nakasalalay sa
mga inobasyong ihahatid pa ng teknolohiya. Paliwanag nila, ito ay isang
komprehensibong paghahanda kaugnay sa iba’t ibang oportunidad ng pagkatuto na
ang makikinabang ay ang sangkatauhan partikular na ang akademiya. Hindi na naman
bago sa atin ang mga termino gaya ng information age, e-class, multimedia, e-mail, on-
line/distance learning education, cybernetics, web page, hypermedia at marami pang
iba. Bagama’t may mga iilan pa rin marahil na napapabalikwas at hayagang
tinatalikuran ang magandang dulot teknolohiya. Sa ganitong pagkakataon, binigyang
pansin nina Caroll at Witherspoon (2002) na sa loob ng klasrum ng bawat eskwela,
lahat tayo ay pawang mga estudyante, nagkataon lamang na ang iba ay baguhan at ang
iba ay eksperto na. Sa kasalukuyang panahon, kitang-kita ito sa bawat klasrum sa
Pilipinas. Kadalasan, ang mga titser ang siyang nalalagay sa alanganing posisyon kapag
usaping teknolohiya na ang nakalatag. Naniniwala naman si Reksten (2000) na kung
magkakaroon ng pagtutulungan sa paggamit ng teknolohiya, mas magiging madali ang
pagkatuto dito. Sa madaling sabi, ang pagsasanib-pwersa ng titser at ng mga
estudyante ay mainam tungo sa mas makabuluhang talakayang pangklasrum. May
kakayahan kasi ang teknolohiya na maiangat ang pag-iisip ng mga estudyante lalo na
kung ito ay maayos na naidisenyo sa kurikulum.
Samantala, sa pag-aaral na isinagawa nina Norton at Wiburg (2003), ang
konsepto ng teknolohiya ay maitutumbas sa salitang technique na ang ibig sabihin ay
ang tamang paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng
tao sa kanyang mga gawain. Ang angkop at tamang pagpili ng teknolohiya na ating
gagamitin sa ating mga klase ay nararapat ding isaalang-alang nang sa gayon ay mas
epektibo itong mailapat sa bawat aralin. Nagagawa kasi nito na mas maging
produktibo pa ang kalidad ng edukasyon ng isang lipunan. Bukod dito, mas
napapabilis din nito ang akses ng bawat estudyante at titser sa impormasyon saan
mang dako ng daigdig. Ayon nga kay Villacorta (2003), ang edukasyon ay ang
pagpapaabot sa mga mag-aaral ng mga kaalaman, kakayahan at kaugaliang higit na
magbibigay sa kanila ng pagkakataong maging produktibo at makabayang
mamamayang makapag-aambag sa kaunlaran ng kanilang lipunan. Ibig sabihin, ang
edukasyon ay ang pagbibigay sa mga mag-aaral ng karunungan bilang produkto o end
result ng kaakuhan ng isang indibidwal. Nangangahulugan lamang ito na sinumang tao
na sumailalim o sasailalim sa gawaing ito ay hindi matatakasan ang mga pagbabago sa
kanyang paniniwala at mga ideolohiya sa buhay na makakaapekto hindi lamang sa
kanyang sarili bagkus sa lipunang kanyang ginagalawan.
Sa katunayan, marami ng mga pananalig pampagtuturo ang nabago ng
modernong panahon na nagdulot ng malaking impak sa edukasyon. Ilan sa mga ito ay
ang sumusunod:

1. Linyar tungo sa Hypermedia na Pagkatuto. Pagpapakita ito ng kumbensyonal


na pamamaraan ng pagtuturo gamit ang mga libro at iba pang tradisyonal na
parapernalya bilang mga pangunahing instrumento ng pagtuturo. Samantala,
ang hypermedia na paraan ng pagkatuto ay tumutukoy naman sa gamit ng
telebisyon, iba’t ibang larong panteknolohiya gayundin ang gamit ng Internet sa
loob ng klasrum.
2. Simpleng Instruksyon tungo sa Pagtuklas ng Kaalaman. Ipinapakita naman
dito ang magkatuwang na debelopment ng pagtuturo at pagkatuto. Sa
kasalukuyang mga pananalig ng pagtuturo, mas ninanais na ngayon ng mga
estudyante na matuto sila mula sa sarili nilang mga karanasan at mga pagtuklas.
Dahil dito, mas nagiging mabisa at episyente ang kanilang pagkatuto sapagkat
awtentiko ang bawat karanasan nila.
3. Pagtuturong Nakapokus sa Titser tungo Pagkatutong Nakasentro sa
Estudyante. Gamit ang mga makabagong teknolohiya, magaganap ang
pagtuturong nakasentro sa estudyante dahil sa kanila nagmumula ang aksyon o
inisyatibo. Subalit, hindi nangangahulugang kaunti na lamang ang papel ng
titser sa loob ng klasrum, bagkus, mas magiging malawak pa ito dahil siya ang
magsisilbing gabay ng kabuuang talakayang ilalahad ng mga estudyante.
4. Mula Paaralan tungo sa Panghabambuhay na Pagkatuto. Dito ay binubuwag
ang paniniwalang sa paaralan lamang magsisimula at magtatapos ang
pagkatuto, bagkus, gamit ang mga makabagong teknolohiya, dulot ang
panghabambuhay na pagkatamo ng mga kaalaman sa mundo. Nagsisilbi rin
itong hamon sa mga estudyante gayundin naman sa mga titser upang patuloy na
tumuklas ng mga bagong kaalaman sa kanilang paligid.
5. Tortyur na Paraan ng Pagkatuto tungo sa Pangkasiyahang Pagkatuto. Isa sa
mga makabagong inobasyon na isinasagawa ng mga paaralan sa kasalukuyang
panahon ay kung paano matututo ang mga estudyante sa paraang
napahahalagahan nila ang bawat sandaling pananatili nila sa loob o labas man
ng klasrum. Sabi nga, “teachers are also entertainers.” Ang entertainment ay malaki
ang naitutulong upang ma-motivate sa pag-aaral ang mga estudyante.
6. Ang Paniniwalang Titser bilang Tagapaghatid ng Impormasyon tungo sa
Pagiging Facilitator. Sa panahon ng impormasyon, nararapat na malinaw ang
papel ng titser na siya ay hindi lamang simpleng tagapaghatid ng impormasyon
sa mga estudyante. Nararapat niyang panghawakan na siya ay facilitator na
gagabay at magsisilbing konsultant ng kaalaman sa klasrum.

Tinatayang ang mga nabanggit na pagbabago ay ang mga modernisadong


perspektibo ng edukasyon sa modernong panahon. Bagama’t ang ilan sa mga ito ay
lantaran na rin namang nagagamit ng maraming titser sa kasalukuyan. Gayumpaman,
hindi rito nagtatapos ang ating gawain, bagkus, nararapat pa ring maglaan ng
pagtataya o ebalwasyon kung mahusay bang nagamit ang teknolohiya sa isang
partikular na aralin.
Sa puntong ito, makikita ang kahalagahan ng integrasyon ng teknolohiya sa
wika partikular sa aspektong pansarili, panlokal at pangglobal. Higit pa, sa kalakarang
global kung saan lubos ang kontribusyong inihahatid ng Information and
Communications Technology. Ito ang mga bumubuo sa isang lipunang lubos na
pinahahalagahan ang konseptong teknolingguwal. Kung saan, pinalalakas ang
ugnayan ng mga wikang ginagamit katuwang ang lantarang pakikilahok sa global
village. Sa huli, isang katotohanan na kung ang isang lipunan ay marunong
magpahalaga sa kung anumang wikang mayroon sila ay isang lipunang naniniwala sa
pag-unlad ng kanilang kabuhayan at kaakuhan.

Maraming salamat!

8 comments share

Aug 26, '08 9:44 AM


Konsentriko Modelo...
for everyone
0 comments share

Aug 26, '08 9:33 AM


Mga Kasalukuyang Perspektiv...
for everyone
MGA KASALUKUYANG PERSPEKTIV GAMIT ANG TEKNOLOJI SA PAGTUTURO
NG PAGBASA AT PAGSULAT

Christian George C. Francisco


ccfrancisco@mail.dasma.dlsu.edu.ph
Kagawaran ng Filipino at Panitikan
Pamantasang De La Salle – Dasmarinas

“Ang ginawang pagbabago ng teknoloji sa takbo ng buhay ng tao ay hindi matatawaran


lalo na sa larangan ng edukasyon. Sadyang mawawalang-saysay ang husay at galing ng
susunod na henerasyong profesyunal gaya ng mga titser kung patuloy itong sasandig sa mga
tradisyonal na kaparaanan. ”

Tony Blair
Prime Minister, UK

Magandang hapon sa inyong lahat!

Kakambal na marahil ng titser ang iba’t ibang hamong kinakabaka niya sa


tuwing siya ay haharap sa kanyang mga estudyante sa araw-araw na pagtuturo. Sa
kasalukuyan, ang mga hamong ito ay hindi lamang nakakahon sa aralin na kanyang
idedeliver bagkus sa mga estratehiya na aangkop dito. Kung tatanawin, ang mag-isip
ng isang partikular na estratehiya at dulog pampagtuturo ay isang mabigat na gawain
para sa mga titser. Gayumpaman, gaano man kabigat ang gawaing ito ay patuloy pa rin
ang mga titser sa pag-iisip, pagdidiskubre at walang humpay na sumusubok sa mga
makabagong inoveysyon sa larangang pedagojikal maiangat lang ang kalidad ng
pagkatuto ng bawat estudyante.

Sa totoo lang, malaki na ang naidulot at maidudulot pa ng modernong panahon


kaugnay sa uri ng edukasyon sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng daigdig. Tinatanaw
ng mga eksperto sa teknoloji na ang modernong edukasyon ay mahigpit na nakasalalay
sa gamit ng teknoloji. Isa rin itong puspusang paghahanda sa pagdidisenyo ng iba’t
ibang oportunidad sa pagkatuto na kapwa tao at kultura ng isang lipunan ang silang
pangunahing magbebenefit. Sa kabilang banda, sa tuwing maririnig natin ang salitang
moderno, agad natin itong ikinakabit sa salitang teknolohiya, hi-tech, cybernetics,
Internet, e-mail, global village, information age, multimedia, hypermedia at kung anu-
ano pang mga terminong bago sa ating mga pandinig. Kung kaya, sa oras na mangyari
ito, ang iba ay agad na napapabalikwas at babalik na lamang sa mga kinagawian nilang
estratehiya. Ayon nga kina Caroll at Witherspoon (2002), sa loob ng klasrum ng bawat
eskwela, lahat tayo ay estudyante, nagkataon lamang na ang iba ay baguhan at ang iba
ay eskperto na. Sa kasalukuyang panahon, kitang-kita ito sa bawat klasrum sa Pilipinas.
Kadalasan, ang mga titser ang siyang nalalagay sa alanganing posisyon kapag usaping
teknoloji na ang nakalatag. Naniniwala naman si Reksten (2000) na kung magkakaroon
ng pagtutulungan sa paggamit ng teknoloji, mas magiging madali ang pagkatuto dito.
Sa madaling sabi, ang pagsasanib-pwersa ng titser at ng mga estudyante ay mainam
tungo sa mas makabuluhang talakayang pangklasrum. May kakayahan kasi ang
teknoloji na maiangat ang pag-iisip ng mga estudyante lalo na kung ito ay maayos na
naidisenyo sa kurikulum.

Mula sa kompleks na konsepto ng teknoloji, simulan natin itong hubaran mula


sa kanyang kahulugan, gamit, dulot at mga benepisyong hatid nito sa mga titser sa
makabagong panahon. Ayon kina Norton at Wiburg (2003), ang pinagmulan ng
kahulugan ng technology ay ang salitang technique na ang ibig sabihin ay ang tamang
paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa
kanyang mga gawain. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga benepisyong dulot ng
teknoloji sa buhay ng mga tao:

1. Nagagawa ng teknoloji na gawing isa ang kalat-kalat na lipunan sa mundo sa


pamamagitan ng tinatawag na global village.
2. Nagsisilbing tulay ang teknoloji upang makalikha ang isang individwal ng isang
bagay kung saan maipamamalas niya ang kanyang galing at kakayahan tungo sa
produktibong kaparaanan.
3. Ang teknoloji ay may kakayahan na gawing mas produktibo pa ang kalidad ng
edukasyon ng isang lipunan. Mas napapabilis kasi nito ang akses ng bawat
estudyante at titser sa informasyon saan mang dako ng daigdig.

Matapos nating makita ang mga benepisyong dulot ng teknoloji, marahil ang
susunod na tanong na naglalaro sa isipan ng bawat isa ay “paano ako magsisimula?”
Ang pagkatuto sa teknoloji ay hindi nagaganap sa isang kisapmata lamang lalo na kung
aplikasyong pangklasrum ang pag-uusapan. Una sa aking listahan ay ang atityud, ito
ay tumutukoy sa pagbabago ng pananaw kaugnay sa isang bagay. Ang pangamba sa
paggamit ng anumang uri ng teknoloji ang siyang kauna-unahang bagay na nararapat
nating alisin dahil hindi ito nakatutulong sa paglago natin bilang mga profesyunal. Sa
oras na maalis ang nabanggit na paniniwala, maaari nang iaplay ang Limang Level ng
Pagpapatibay (Five Levels of Adoption) nina Caroll at Witherspoon (2002).
1. Panimulang Level – Ito ang yugto ng pagkatuto sa teknolojji na
kinapapalooban ng mga pangamba at takot sa paggamit nito gayundin sa mga
termino tulad ng word processing, e-mail at Internet.
2. Level ng Pagpapatibay – Ito ang yugto kung saan unti-unti nang binubuksan
ng isang titser ang kanyang kamalayan sa paggamit ng teknoloji subalit walang
involvment ang mga estudyante.
3. Level ng Pag-angkop – Ang yugtong ito ay ang pagbibigay-puwang ng titser
sa paggamit ng teknoloji bilang dagdag kagamitang panturo. Sa puntong ito,
may nagaganap nang involvment sa pagitan ng mga estudyante.
4. Level ng Paglalaan – Sa level na ito ay malalim na ang paraan ng paggamit ng
teknoloji kung saan nagaganap ang tinatawag na on-line collaboration sa
pagitan ng titser at estudyante. Kadalasan itong inihahalintulad sa on-line
learning/forum/discussion o distance learning education.
5. Level ng Pagbabago – Sa bahaging ito, tuwiran nang nagaganap ang inisyatibo
mula sa titser upang lantarang baguhin ang set-up ng klasrum kung saan ang
paggamit ng teknoloji ay normalisado na sa pagitan ng titser at mga
estudyante.

Gaya ng aking nabanggit kanina, hindi sa pamamagitan ng isang kisapmata


lamang maaakwayr ang pagkatuto sa teknoloji, ito ay isang proseso na dumadaan sa
limang level. At sa bawat level na aking nabanggit, makikitang gradwal nating
makakamit ang kasanayan at kahusayan sa paggamit ng teknoloji sa ating klasrum.
Sapagkat, tanggapin man natin o hindi, kailangan nating yapusin nang bahagya kundi
man buo ang pagbulusok ng teknoloji sa ating panahon. Unang-una, ang mga kabataan
ay lantad na ang oryentasyon sa larangang ito. Pangalawa, hindi na kontrolado
ninuman ang mga pagbabagong hatid ng teknoloji sa larangan ng pagkatuto. Sa
katunayan, naglahad sina Norton at Wiburg (2003) ng walong pagbabago sa pagkatuto
gamit ang teknoloji. Ang mga ito ay ang sumusunod:

1. Mula sa Linyar tungo sa Hypermedia na Pagkatuto. Pagpapakita ito ng


konvensyonal na pamamaraan ng pagtuturo gamit ang mga libro at iba pang
tradisyonal na parapernalya bilang mga pangunahing instrument ng pagtuturo.
Samantala, ang hypermedia na paraan ng pagkatuto ay tumutukoy naman sa
gamit ng televisyon, iba’t ibang larong panteknoloji gayundin ang gamit ng
Internet sa loob ng klasrum.
2. Mula sa Simpleng Instruksyon tungo sa Konstruksyon at Pagtuklas ng
Kaalaman. Ipinapakita naman dito ang magkatuwang na development ng
pagtuturo at pagkatuto. Sa kasalukuyang mga pananalig ng pagtuturo, mas
ninanais na ngayon ng mga estudyante na matuto sila mula sa sarili nilang mga
karanasan at mga pagtuklas. Dahil dito, mas nagiging efektiv at efisyent ang
kanilang pagkatuto sapagkat awtentik ang bawat karanasan nila.
3. Mula sa Pagtuturong Nakafokus sa Titser tungo Pagkatutong Nakasentro sa
Estudyante. Gamit ang mga makabagong teknoloji, magaganap ang pagtuturong
nakasentro sa estudyante dahil sa kanila nagmumula ang aksyon o inisyativ.
Subalit, hindi nangangahulugan kaunti na lamang ang papel ng titser sa loob ng
klasrum, bagkus, mas magiging kompleks pa ito dahil siya ang magsisilbing
gabay ng kabuuang talakayang ilalahad ng mga estudyante.
4. Mula sa Simpleng Pagtanggap ng Materyal Pangkaalaman upang Matuto
tungo sa mas Malawak at Masikot na Pagtanggap ng Iba’t ibang Kaalaman.
Dahil sa lawak ng kaalamang hatid ng teknoloji, mas nagiging mahalaga at
kritikal ang papel ng titser, nararapat na siya ay maging sintesayzer ng buong
talakayan. Kung kaya, mahalaga na ang bawat titser ay updated din sa mga
inovasyong pangkaalaman.
5. Mula Paaralan tungo sa Panghabambuhay na Pagkatuto. Dito ay binubuwag
ang paniniwalang sa paaralan lamang magsisimula at magtatapos ang
pagkatuto, bagkus, gamit ang mga makabagong teknoloji, dulot ang
panghabambuhay na akwisisyon ng mga kaalaman sa mundo. Nagsisilbi rin
itong hamon sa mga estudyante gayundin naman sa mga titser upang patuloy na
tumuklas ng mga bagong kaalaman sa kanilang paligid.
6. Mula one-size-fits-all na uri ng edukasyon tungo sa Pagdevelop ng mga
Makabagong Kaparaanan ng Pagkatuto. Kung dati ay nakakahon lamang ang
paraan ng pagtuturo, ngayon, gamit ang teknoloji, nadedevelop ang iba’t ibang
kakayahan at karanasan ng mga estudyante batay sa kanilang mga pinagmulan,
talento at mga estilo ng pagkatuto.
7. Mula sa Tortyur na Paraan ng Pagkatuto tungo sa Pangkasiyahang Pagkatuto.
Isa sa mga makabagong inoveysyon na isinasagawa ng mga paaralan sa
kasalukuyang panahon ay kung paano matututo ang mga estudyante sa paraang
naeenjoy nila ang bawat sandaling pananatili nila sa loob o labas man ng
klasrum. Sabi nga, “teachers are also entertainers.” Ang enterteynment ay malaki
ang naitutulong upang mamotiveyt sa pag-aaral ang mga estudyante.
8. Mula sa Paniniwalang Titser bilang Tagapaghatid ng mga Informasyon tungo
sa Titser bilang Fasiliteytor. Sa panahon ng informasyon, nararapat na malinaw
ang papel ng titser na siya ay hindi na lamang simpleng tagapaghatid ng
informasyon sa mga estudyante. Nararapat niyang panghawakan na siya ay
fasiliteytor na gagabay at magsisilbing konsultant ng kaalaman sa klasrum.

Ang mga paniniwalang nabanggit ay ang dulot ng teknoloji bilang makabagong


perspektiv ng edukasyon sa modernong panahon. Manapa’t ang ilan sa mga ito ay
nagagamit na ng ilan sa atin sa tuwing tayo ay nagkokondak ng klase. Ang nararapat
ngayon nating tingnan dito ay gaano ba natin kaepektibo itong nagagamit o
napapraktis? Sapagkat mahalaga rin na sumailalim ang ating mga gawaing pangklase
sa evalwasyon nang sa gayon ay makita natin ang kalakasan gayundin naman ang
kahinaan ng ilan sa mga ginagamit nating estratehiya.

Matapos alamin ang iba’t ibang kaparaanan kung paano magsisimula, kabatiran
sa mga inoveysyon sa larangan ng edukasyon at teknoloji, marahil ang sunod na
katanungan ay “anu-ano naman ang mga halimbawa ng teknoloji na maaari nating
magamit sa loob ng klasrum?” Simple lamang ang sagot diyan, MARAMI!
Napakaraming varayti ng teknoloji na tiyak at pihadong malaki ang maitutulong sa
ating pagtuturo. Subalit, akin lamang tatalakayin sa inyo ang ilan sa mga ito na tiyak
namang aplikabol o akma sa pangkalahatang uri ng edukasyon sa Pilipinas. Batay nga
sa matandang kasabihang Pilipino, “kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot!” Sa
madaling salita, hindi man kasing advans ang teknoloji natin kumpara sa ibang bansa,
imaksimays pa rin natin kung ano ang mayroon tayo sa ating mga paaralan upang
maipamulat at maipamalas din naman natin sa ating mga estudyante ang ating
kakayahan at kasanayan sa paggamit ng mga ito. Ilan sa maaari nating gamitin ay ang
mga sumusunod:

(KAAKIBAT NG BAWAT AYTEM AY ANG PAGPAPAKITA NG SAMPOL NA VISWAL


BILANG BAHAGI NG LEKTYUR-DEMO)

1. Televisyon, Pelikula at mga Vidyo Materyal. Bagama’t ang mga ito ay


palasak nang ginagamit sa ating bansa lalo sa ibang bansa, malaki pa rin ang
dulot ng mga ito bilang ispringbord at balon ng karunungan sa pagtalakay ng
iba’t ibang araling pangklase. Isang partikular na halimbawa nito ay ang mga
komersyalays na mga programa sa televisyon na nagtuturo ng iba’t ibang
aralin. Ilan lamang ang Sineskwela (siyensa at teknolohiya), Math-tinik
(matematiks), Epol – apol (Ingles), Art angel (Sining) at marami pang iba na
sigurado akong familyar kayong lahat. Nagagamit naman natin ang mga
pelikula sa pagtalakay ng literaturang lokal o banyaga na siya namang
tumutulong sa paghubog ng atityud ng ating mga estudyante. Samantala,
ang mga vidyo materyal naman ay tumutukoy sa mga awtentikong mga
palabas na maaaring sariling likha ng titser o maaari rin naman na likha ng
mga malikhaing kaisipan ng mga estudyante. Sa pagtataya, nagagawa kasi ng
tatlong midyang nabanggit na mas palakasin at patatagin ang kaalaman ng
mga estudyante. Dahil bukod sa diyalogo, ito ay lantad na nalalapatan din
ng viswal na may aksyong kaakibat gayundin ng tunog na nakapagbibigay
buhay at kulay sa kanilang napapanood. Sa pamamagitan nito, tiyak ang
paghuli o pagkaptyur sa kanilang emosyon tungo sa mas malalim na
komprehensyon.
2. Gamit ang Kompyuter Grafiks. Sa pamamagitan ng mga grafiks na hatid ng
Information and Communications Technology (ICT), mas nag-eeksplor ang
mga estudyante na nagbubunsod sa pagdiskubre nila sa sarili nilang mga
karanasan at kaparaanan na hindi kayang ibigay ng simpleng talakayang
pangklasrum gayundin ng mga libro. Nabibigyan din nito ng pagkakataon
ang mga mag-aaral na makapamili ng mga gawain na sasalamin sa kanilang
individwalidad. Dagdag pa, ang mga estudyante ay nagiging tagalikha,
tagamasid at tagapag-alam ng kaalaman.
3. Word Processors, Desktop Publishers at Web-Based Editor. Masakit man sa
pandinig ang mga terminong ito, manapa’t, ginagamit na rin natin ang mga
ito bilang mga kagamitang panturo sa ating mga estudyante. Ang word
processor ay isang programa sa kompyuter na tumutulong sa computer user
na makalikha ng isang komposisyon, makapag-edit, makapag-revays,
makapag-format gayundin ang makapag-print ng mga dokumento.
Samantala, ang desktop publisher naman ay tumutulong sa computer user
upang makapagprodyus ng mga dokumento o materyal tulad ng isinasagawa
ng mga profesyunal sa larangan ng teknoloji. Samantala, ang web-based
editor naman ay tumutulong sa mga computer user na lumikha ng mga web
page (pahinang bumubungad sa atin sa tuwing tayo ay mag-iinternet) kung saan
maaari tayong mag-post ng mga informasyon tulad ng mga tula, sanaysay,
pananaliksik at marami pang iba na orihinal na gawa ng ating mga
estudyante. Sa pamamagitan nito, mamomotiveyt pa natin sila na makalikha
ng iba’t ibang uri ng gawain dahil makikita at mababasa ang kanilang ginawa
saan mang panig ng daigdig. Subalit, nararapat din nating ikonsider ang mga
konseptong ilalahad natin sa web page nang sa gayon ay hindi tayo
makapagbigay ng maling informasyon sa mga makakabasa nito.
4. Ang Internet. Tinatawag itong interlinked network of networks kung saan
ang isang kompyuter ay nakalink o konektado sa pag-akses ng iba’t ibang
informasyon sa buong mundo. Kaya nitong makipapalitan ng data saan
mang kompyuter yunit nakabase ang isang kompyuter. Sa pamamagitan ng
World Wide Web (www), nagagawa nitong ibigay ang napakaraming imbak
na informasyon sa mundo. Ito kasi ang tinatawag ng pinakamalaking
imbakan ng informasyon na nalikha ng sangkatauhan. Gamit ito, nagagawa
ng mga estudyante na makakuha ng napakaraming informasyon sa paraang
mabilis at efisyent. Subalit nararapat ding isaisip na hindi lahat ng
informasyong taglay ng WWW ay totoo. Kinakailangan din na maging mapili
tayo sa pagkuha ng mga ito.
5. Presentasyong Gamit ang Powerpoint. Ito na marahil ang isa sa
pinakakomong gamitin hindi lamang mga presenter, estudyante, gayundin
ng mga titser. Nagagawa ng program ng powerpoint na maging malikhain
ang mga computer user nito dahil na rin ang mismong user ang lumilikha ng
presentasyon gamit ang iba’t ibang viswal, disenyo gayundin ang tunog na
kanyang ilalapat sa tinatawag na slide. Kung likas namang hindi malikhain
ang user, ang program ng powerpoint ay may mga ready-made slides din
kung saan pupunan na lang ng user ng teksto ang mga slide.

Isang pagpapatunay lamang ito na ang ating panahon ay panahon ng mga visual
learners. Mas nagugustuhan ng mga estudyante gayundin nating mga titser ang mga
presentasyong pangklase na ginagamitan ng viswal na materyal mula sa teknoloji. Ang
mga piktyur at tunog ay ilan lamang sa mga viswal na representasyon na may
malaking papel na ginagampanan sa pang-araw-araw na komunikasyon. Bukod pa rito,
gamit ang mga grafiks at multimedia mula sa Internet, nagagawa ng titser na mailahad
ang mayayamang kultura ng iba’t ibang bansa. Maaari rin tayong makalikha ng mga
personalays na materyal, gaya ng nametags ng mga estudyante, flashcards, handouts,
instructional video, on-line instruction at higit sa lahat ang virtual field trips kung saan
gamit ang teknoloji, maaari tayong makarating saan mang sulok ng daigdig. Sa bahagi
naman ng mga estudyante, hinahayaan ng teknoloji na mas maging malikhain pa sila
sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang report, makabuo ng mga kwento at iba
pang bagay kung saan maipamamalas nila ang kanilang pagiging masining.
Binibigyang-kalayaan din ng teknoloji ang mga estudyante na magkaroong ng palitan
ng informasyon gamit ang electronic mail, makadevelop ng mga demonstrasyong
viswal at maiangat ang kakayahan sa komunikasyong pasulat at pasalita.

Sinang-ayunan naman ito nina Kemp at Smellie (1994), anila, ang bisa ng
pagsasama-samang piktyur, salita at tunog ay may kakayahang maiangat ang emosyon,
mabago ang atityud at magdulot ng motivasyon sa mga tagatanggap nito (estudyante).
Tumutulong ito sa pagdevelop ng positibong saloobin sa bahagi ng mga estudyante. Sa
pagdevelop ng anumang kagamitang pampagtuturo gamit ang teknoloji,
kinakailangang isaalang-alang ang mga sumusunod:

1. Masinsing pagpili at pag-oorganays ng magiging kontent nito.


2. Magkaroon ng istandard na deliveri kaugnay sa instruksyon.
3. Siguraduhing akma ang gamit ng mga salita sa pagdevelop ng anumang
kagamitang panturo.
4. Upang maging interaktiv ang klase, gawing batayan ang ilang teorya ng
pagkatuto.
5. Tantyahin ang haba ng presentasyon. Iakma lamang sa antas o level ng mga
estudyante upang hindi ito kabagutan.
6. Siguraduhing balanse ang gamit ng viswal sa mga tekstong nakapaloob dito. Sa
elementarya, mas mainam ang maraming grafiks. Sa kabilang banda, sa hayskul,
gawin na lamang itong minimal. Sa kolehiyo naman, kadalasang graf at mga
teybol ang nagsisilbing grafiks sa mga presentasyong pangklase.

Sinumang nagnanais na dumivelop ng isang programang pampagtuturo, isang


paradaym ang nais kong imungkahi upang mas maging konkreto at epektibo ang isang
kagamitang pampagtuturong nakabatay sa teknoloji (technology-based visual aids).
Tinawag ito nina Norton at Wiburg (2003) mula kay Fardouly (1998) na ADDIE, isa
itong akronim para sa Analysis, Design, Development, Implementation at Evaluation.
Bininyagan ko naman itong 5P sa Filipino na tumatayo sa Pagsusuri, Pagdidisenyo,
Pagdivelop, Pag-atake at Pagtataya.
5P NG KAGAMITANG PAMPAGTUTURO NA NAKABATAY SA
TEKNOLOJI

PAGSUSURI

☺ Pagtukoy sa mga gagamit (learners)


☺ Pagtiyak sa mga bagay na alam na nila
☺ Katangian ng pagkatuto
☺ Pangunahing kailanganin nila
☺ Mga dahilan ng pangangailangan

PAGDIDISENYO AT PAGDIDIVELOP

☺ Nararapat na matukoy rito ang layunin na sasaklawin ng kagamitang


pampagtuturo na ididivelop.
☺ Sistematikong pag-alam sa kakayahang nais idevelop sa mga estudyante.
☺ Wastong Pagkakasunud-sunod ng kontent ng ididivelop na materyal.
☺ Pagtiyak sa mga teknik tungo sa pagkamit ng mga layunin.
PAG-ATAKE

☺ Tumutukoy ito kapwa sa titser at mga estudyante kung paano nagaganap


ang eksekyusyon gamit ang dinivelop na materyal.
☺ Sa puntong ito nagaganap ang presentasyong pangklase at papel ng titser
bilang tagapagmaniobra ng buong sesyon ng klase.

PAGTATAYA

☺ Tumutukoy ito sa evalwasyon kapwa ng titser at estudyante kaugnay sa


kabisaan ng dinivelop na materyal. Layunin nitong maging batayan sa
pagpapalakas ng gamit ng teknoloji tungo sa malalim pang pagkatuto.

Ang paradaym na aking inilahad ay magsilbi sanang gabay sa bawat titser na


naririto ngayon tungo sa pagdevelop ng isang makabuluhang instructional media.
Unti-untiin na rin nating baguhin ang ating mga gawi at paniniwala na mahirap
matutuhan ang teknoloji. Tanging pagtanggap, pagkamulat at walang humpay na
pagpapraktis gaya ng ating mga estudyante ang siyang mga pangunahing sangkap
tungo sa mas malalim na oryentasyon ukol dito. Gayumpaman, sa pagwawakas ng
lektyur na ito, nais ko pa ring iparating sa inyong lahat na anumang uri ng teknoloji
ang dumating o malikha ng sangkatauhan, tiyak na wala pa ring tatalo sa husay ng
mga Pilipinong titser sa paghubog ng kamalayan ng isang individwal. Dahil tayo ay
likas na malikhain, mapamaraan at higit sa lahat, kaya nating lusubin ang kaakuhan ng
bawat estudyante natin na hindi kayang gawin ng teknoloji. Lagi nating isaisip na
BONUS lamang ang teknoloji tungo sa mas ikagaganda pa ng mga talakayang
pangklasrum.

Maraming salamat po!

Lektyur na binasa sa pambansang seminar na inisponsoran ng Kagawaran ng Filipino ng


Pamantasang Normal ng Pilipinas mula ika-18 hanggang ika-20 ng Hulyo, 2006 na may
temang “Katok at Liglig sa Sariling Pananalig sa Pagtuturo ng Pagbasa at Pagsulat.”

MGA REFERENS

Caroll, J.A. at Witherspoon, T.L. (2002). Linking technology and


curriculum, 2nd ed.Ohio: Prentice hall.
Cutler, W.E. (1993). Triple your reading speed. NY: prentice hall.
Francisco, C.C. (2005). Gamit ng walong dagdag na letra ayon sa 2001
revisyon… Master’s thesis. DLSU-D. Cavite.
Kemp, J. (1994). Planning, producing and using instructional
technologies, 7th ed. USA: Harper collins.
Healy, A.E. at Walusayi, M. (1997). Strategies for writing: a basic
approach. USA: NTC publishing group.
Lipson, M.Y. at Wixson, K.K. (2003). Assesment and instruction of
reading and writing difficulty: an interactive approach.USA:
Pearson education, inc.
McWhorter, K.T. (1996). Efficient and flexible reading. USA: Harper
collins.
Norton, P. at Wiburg, K.M. (2003). Teaching with technology:
designing opportunities to learn 2nd ed. Canada: Wadsworth.
Reksten, L.E. (2000). Using technology to increase student learning.
USA: Corwin press inc.
Ryan, S. et.al. (2000). The virtual university. UK: Kogan page.

Anumang konsern kaugnay sa papel na ito ay malayang makapaglalahad sa mga


sumusunod na kontak:

ccfrancisco@mail.dasma.dlsu.edu.ph
cgcfrancisco@yahoo.com
mobile # 09198317403

You might also like