Ang Bayaning Third World ay hindi pangkaraniwang pelikula sapagkat ito'y walang simula,
gitna at wakas. Ito ay tungkol sa dalawang direktor na nais gumawa ng pelikula sa
paggkabayani ni Dr. Jose Rizal. Bago nila simulan, sila ay nangalap ng mga impormasyon. Sa hindi malinaw na paliwanag, kanilang pinagdudahan ang pagkabayani ni Rizal. Nagtakda sila ng imbestigasyon sa pamamagitan ng "pakikipanayam" nila sa mga malalapit na tao sa buhay ng ating bayani na si Teodora Alonzo, ang kanyang ina, mga kapatid na sina Paciano, Trinidad, Narcisa, at ang kanyang kasintahan na si Josephine Bracken. Nakasama rin sa panayam si Vicente Balaguer, isa sa mga testigo sa paggawa ng kanyang retraksyon. Umikot ang takbo ng kaganapan at pinokus sa mga kontrobersyal na isyu tulad ng retraksyon -ang pagbawi niya sa kanyang mga sinabi sa kanyang akdang Noli Me Tangere at El Filibusterismo-, kung pineke ba ang kanyang pirma o hindi, ang kasal nila ni Josephine Bracken, at ang kanyang kasarian. Sa huli mismong si Dr. Rizal na ang kanilang kinausap dahil wala silang makuhang tiyak na sagot sa kanilang mga katunangan. Ngunit ang kanyang mga tugon ay kasing labo ng tubig sa Ilog Pasig- ang daming paligoy-ligoy, di naman natumbok ang mga hinihinging sagot kaya napilitan silang hindi na lang ituloy.
Batid sa kaalaman ng karamihan na si Rizal ay iprinoklamang pambansang bayani.
Simula elementarya, isa na sa mga paksa ng kasaysayan ay ang kanyang buhay at pagkabayani. Ang mga nilalamam ng pelikulang "Bayaning Third World" ay maselan at kinakailangan ng pag-aanalisa ng mga impormasyon. Naglatag ng mga ebidensya kung bakit kaduda-duda ang kanyang pagkabayani. Nakuwestiyon ang kanyang kasarian at siya'y inakusahang bakla. Para sa'kin, hindi hadlang ang pagiging hindi tunay na lalaki sa pagiging isang bayani hangga't siya ay marunong lumaban. Ang kanilang pagsasama ni Josephine Bracken ay naging kontrobersyal na isyu rin sapagkat hindi pa sila dumaan sa sakramento ng matrimonya. Ang pagtira sa iisang bubong ng magkasintahan ay hindi katanggap-tanggap ayon sa kanilang pamantayan pero kung lalaliman natin ang pag-unawa, wala namang mali sa kanilang ginagawa dahil wala naman silang tinatapakang tao. Marahil tutol ang pamilya nila sa kanilang relasyon dahil sa katauhan ni Bracken na pinagbibintangang may karelasyon sa isa sa mga prayle, hindi ito naging hadlang sa kanila. Wala namang saysay ang kontrata ng pagpapakasal kung hindi naman kayo masaya. Ang retraksyon ni Rizal ay isa sa mainit na tinalakay ng pelikula. Ito ay kinailangan ng mga prayle upang ang kasal nila ay maaprubahan ng Arsobispo ngunit ito ay nauwi lamang sa pagtatalo. Kung tunay ngang ikinasal sila ni Josephine, malamang ay mayroon nga talagang retraksyon ngunit noong hinihingi na ang sertipiko ng kasalan ay wala siyang maipakitang papeles sa kadahilanang hindi na raw ito naisagawa sapagkat kinulang na sila sa oras.
Ang retraksyon ay naglalaman ng dokumento na nagsasabing binabawi niya ang
kanyang mga paninira sa simbahan at gobyerno. Hindi rin magkakatugma ang mga patunay Paano nga ba papaniwalaan ang isang bagay kung wala naman ito konkretong patunay at tugmang salaysay? Marahil palsipikado ang kanyang pirma o ang mismong dokumento, ang bayani lamang natin makakapagsabi kung ano ang totoong naganap. Sinasalamin ng kanyang mga sinulat na dalawang nobelang pinamagatang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang naging paniniwala niya tungkol sa lipunan, simbahan at gobyerno. Isiniwalat niya sa kanyang akda ang mga pagmamanipula at pagmamalupit ng mga mapagmataas na mga Kastila. Kung siya man ang tunay na may gawa ng retraksyon, para na rin niyang pinawalang-bisa ang tunay na rason kung bakit siya naging bayani. Siya ang nagpaalab ng damdamin at naging inspirasyon ng rebolusyon na nagbigay daan sa pagdedeklara ng kalayaan. May dalawang paniniwala kung kailan ito ginawa ni Rizal, ang isa ay noong siya ay nasa Dapitan at ang isa naman ay noong siya'y nasa Bagumbayan bago siya paslangin. Magkaiba ang petsa at di rin magkatugma ang mga salaysay ng mga taong kinapanayam. Ang isyung retraksyon ni Rizal ay maraming butas at kuwestiyonableng detalye. Kaya hindi ito pwedeng basta-basta na lamang paniwalaan. Marahil siya ay ginawang bayani noong panahong iyon dahil sa retraksyong kanyang ginawa na pabor sa simbahan at sa gobyerno. Kung ito man ay ginawa niya, para niya na ring inamin na nagpasikat lamang siya, upang mapili siya bilang bayani at halos lahat ng kanyang mga isinulat ay para sa sarili lamang at hindi sa bayan. Ngunit sino nga ba ang nakababatid ng katotohanan kung hindi si Jose Rizal lamang. Ano nga ba talaga dapat ang maging batayan at pamantayan sa pagiging pambansang bayani? Tayo ay may kanya-kanyang interpretasyon at tayo ay may mga pinanghahawakan na rason sa ating mga kanya-kanyang bersyon tayo ng Rizal. Layunin nitong gisingin ang kamalayan ng sambayanan para hindi maiwan sa limot ang ating kasaysayan.