You are on page 1of 3

Republic of the Philippines

Institute of Graduate Studies


SULTAN KUDARAT STATE UNIVERSITY
ACCESS, EJC Montilla, Tacurong City

MARK Y. GARCIA MAT-FILIPINO


FIL 603 – Mga Kaparaanan sa Pagpapaunlad ng Wika G. Joevic F. Hurtada, MAT

ANG INTELEKTWALISASYON NG WIKANG FILIPINO

Pangunahing adyendang pangwika ng bansa ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino


sa layuning magamit ito bilang wika ng karunungan at iskolarling talakayan. Ipinahayag ito sa
Kautusang Pangkagawaran Blg. 52. 1987:

“Ang mga tunguhin ng Patakaran sa Edukasyong Bilinggwal ay:

1. Pagpapahusay ng pagkatuto sa pamamagitan ng dalawang wika upang matamo ang


mas mataas na edukasyon gaya ng itinakda ng Konstitusyon 1987;
2. Pagpapalaganap ng Filipino bilang wika ng literasi;
3. Paglinang ng Filipino bilang linggwistikong sagisag ng pambansang pagkakaisa at
pagkakakilanlan;
4. Paglinang at pagpapayabong ng Filipino bilang wika ng pangkarunungang
pagpapahayag na nangangahulugan ng patuloy na intelektwalisasyon nito.”

Nang simulang iimplementa ang Patakarang Edukasyon Bilinggwal noong 1974, ang
gawaing pang-intelektwalisasyon ay ipinamahala sa mga guro sa batayang edukasyon. Ngunit
napansin na mabagal ang pagsulong nito kaya ipinag utos ng DECS na ang pagsulong ng
Gawain ay pangungunahan ng institusyon sa antas tersyarya at susuporta lamang ang mga
nasa elementary at sekundarya alinsunod sa DECS Order 52, 1987.

KAHULUGAN NG INTELEKTWALISASYON

Sa paliwanag nina Espiritu at Catacataca (2005), ito ay pumapaloob sa apat na


dimensyon: seleksyon, estandardisasyon, diseminasyon at kultibasyon. Sa kultibasyon
papasok ang konsepto ng intelektwalisasyon. Ani Neustupny (1970), ang kultibasyon ay isang
proseso na nagmumula sa kodifikasyon ng wika tungo sa kultibasyon at elaborasyon nito.

Sa paglinang ng wikang pambansa ng Pilipinas, marami nang naisagawa at at


isinagawa simula pa noong 1937 na ideklara ang Tagalog bilang batayan ng wikang
pambansa hanggang sa pagkodifika ng wika na inihudyat ng paglabas ng Balarila ng Wikang
Pambansa noong 1940 at pagsisimula ng pagtuturo ng wikang pambansa nang mga taon ding
iyon hanggang sa pana-panahong rekodifikasyon.

Tulad ng nabanggit na, ang pinakamahalagang adyendang kailangan matamo ay ang


intelektwalisasyon ng wika na bahagi ng dimensyong kultibasyon. Ang kultibasyon ng wika ay
kinapapalooban ng pagbuo ng mga rejister sa wikang iyon para sa iba’t ibang intelektwal na
disiplina o lawak ng ispesyalisasyon para magamit ang wika sa pagkatuto at maging
tagapagdaloy ng karunungan. Sa kabuuan, nangangahulugan lamang na ang tanging layunin
ng intelektwalisasyon ay upang magampanan ng wika ang kanyang mga tungkulin sa mga
gumagamit nito.

ANG INTELEKTWALISADONG WIKA

May apat na katangian ang isang intelektwalisadong wika. Una, aktibo, marami at
malawak ang gumagamit ng wika partikular na ang pasulat na anyo kaysa pasalita.
Pangalawa, ang wika ay estandardisado. Ibig sabihin, walang kalituhan kaugnay sa
palabaybayan nito, nararapat na ito ay kodipikado sa mga diksyonaryo at iba pang referensiya.
Pangatlo, ang wika ay nararapat na may kakayahan na maisalin sa iba pang
intelektwalisadong wika. At panghuli, ang wika ay nararapat na maunlad at tanggap sa iba’t
ibang rejister na ang ibig sabihin ay nagagamit ito sa iba’t ibang larangan o bahaging-
larangan. Mahalaga ito sa konsepto ng intelektwalisasyon dahil tumutukoy ito sa lawak ng
gamit ng wika.
Samantala, iminungkahi naman ni Sibayan (sa Francisco, 2010) ang mga tiyak na
referensiya upang masubok kung intelektwalisado ba talaga ang wikang Filipino.

1. Nagagamit ba ang Filipino bilang pangunahing wika ng instruksyon mula sa


kindergarten hanggang level pampamantasan?
2. Ang Filipino ba ay ang pangunahing wika sa trabaho kung saan Ingles ang
kasalukuyang gamit?
3. Ang Filipino ba ay ang nais at mithiing wika ng mga Pilipino upang magamit sa kanilang
sosyo-ekonomiko at intelektwal na pag-unlad?

Ayon kay Sibayan (sa Francisco, 2010), mahirap makamit ito subalit ito ang mga
katangian ng isang intelektwalisadong wika na maaring magamit bilang kontroling na domeyn
ng isang bansa. Sa kasalukuyan, ang Filipino ay kinakaharap ang napakaraming problema,
kung kaya, hindi maiiwasang maging mabagal ang tinatahak nitong landas tungo sa
intelektwalisasyon. Ilan sa mga problema ay ang mga sumusunod:

1. Kulang ang “political will” sa pag-iintelektwalays nito.


2. Kulang ang suportang ibinibigay ng mga nasa industriya, komersyo, negosyo at iba pa.
Ingles pa rin ang ginagamit sa mga larangang ito bilang pangunahing midyum ng
komunikasyon.
3. Kulang sa pondo mula sa pamahalaan kaugnay sa pagpapalawak ng gamit ng Filipino
sa iba’t ibang ahensiya nito gayundin ang mga sapat na treyning.
4. Mismong ang akademiya ay may kakulangan tungo sa intelektwalisasyon ng Filipino. Ito
ay sa apektong pagdevelop ng mga libro na naka-Filipino.
5. Dagdag pa ang mismong Pangulo ng bansa na nagnanais na ibalik ang Ingles bilang
pangunahing midyum ng pagtuturo. Mula ito sa kanyang EO 210 na pagpapalakas sa
gamit ng Ingles.

Ang mga ito ay refleksyon ng realidad na kasalukuyang kinakaharap ng wikang Filipino.


Isang nakalulungkot na pangyayari dahil hindi masalamin ang kahalagahan ng pagkakaroon
ng isang pambansang wika na siyang makapagbubuklod at magbibigkis sa isang kulturang
maka-Pilipino na kakikitaan sana ng ating identidad.
Tinalakay rin sa sanaysay “Pilipino Para Sa Mga Intelektwal,” ni Rolando S. Tinio ang
dalawa sa maraming mga hadlang na kinahaharap ng wikang Filipino tungo sa
intelektwalisasyon nito. Una, ipinalalagay ng mgaPilipino na walang kakayahan ang kanilang
wika bilang wikang intelektwal. Atikalawa, nangangamba ang mga Pilipino na maiwan sa
kaunlarang pag-iisipkung tumiwalag tayo sa wikang Ingles

Bilang pangwakas, isang hamon sa kasalukuyan sa mga Pilipino partikular na sa mga


guro kung paano ba magiging intelektwalisado ang wikang Filipino. Nagbigay rin ng mga
mungkahi si Sibayan kaugnay rito:

1. Kinakailangan ng mga tagatangkilik at tagapagpaunlad nito.


2. Kinakailangan ng mga praktisyuner at employer na naniniwala sa epektibong gamit ng
Filipino sa anyong pasulat hindi lamang sa pagtuturo gayundin sa pagkatuto.
3. Hindi lamang sa mga disiplinang teknikal gamitin ang Filipino, bagkus, magamit ito sa
iba pang disiplina.
4. Kinakailangan ng mga pablisher na handang maglathala ng mga publikasyon sa
Filipino.
5. Kinakailangan din ng mga taong handang ponduhan ang programang pang-
intelektwalisasyon.
6. Ang Filipino ay kailangang tanggap ng nakararaming bilang ng mga Pilipino lalo na sa
erya ng kontroling na domeyn ng wika.
7. Pagkamahinahon ay higit na kailangan din. Ang Filipino ang hindi magiging ganap na
intelektwalisado sa madaling panahon.
8. Huwag magturo ng Filipino kung walang libro o materyal na nakasulat sa Filipino.

Ang mga mungkahing ito na inilahad ni Sibayan ay ang mga maaaring mapagnilayan ng
bawat Pilipino habang patuloy na dinidivelop ang wikang Filipino. Magsilbi sana ito gabay
nating lahat tungo sa mabilis at malawakang estandardisasyon at intelektwalisasyon ng ating
wika – ang wikang magsisilbing tagapagbuklod sa lahat ng mamamayan ng bansang ito tungo
sa iisang mithiin makabansa.

TALASANGGUNIAN

AKLAT

Catacataca, Pamfilo D. at Espiritu, Clemencia C. 2005. Wikang Filipino: kasaysayan at pag-


unlad. Manila: Rex bookstore, Inc.

Garcia, Teresita P. et al. 2012. Ang akademikong Filipino sa komunikasyon. Malabon: Mutya
Publishing House, Inc.

INTERNET

Francisco, Christian George C. (Setyembre 2010). Ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino.


Nakuha noong Disyembre 15, 2016 sa https://www.scribd.com/ANG-WIKANG-
FILIPINO-MULA-SA-KONSEPTO-NG-PAGPAPLANONG-PANGWIKA

You might also like