You are on page 1of 14

POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 1

MUNGKAHING PARAAN NG PAGSASALIN SA TALAAN NG


NUTRISYON (NUTRITION FACTS) NG LIMANG PILING
PRODUKTO NA LUMALABAS SA PAMILIHAN BILANG AMBAG
SA INTELEKTUWALISASYON NG WIKANG FILIPINO

Tesis na Iniharap sa
Kagawaran ng Filipinolohiya
Kolehiyo ng Artes at Literatura
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
Sta. Mesa, Maynila

Bilang parsyal na kahingian para sa digring


Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya

ni:

Nickole V. Mompil

2018
POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 2

Kabanata 4

RESULTA AT PAGTALAKAY

Sa kabanatang ito inilatag ang lahat ng datos na nakalap ng mananaliksik. Dito

inilatag kung paano gamitin ang mungkahing proseso ng pagsasalin sa mga

nasa talaan ng nutrisyon na maaaring makaambag sa intelektwalisasyon ng

wikang Filipino.

Kahalagahan ng pagsasalin sa mga salitang nakatala sa Talaan ng Nutrisyon

Ang pananaliksik na ito na may pamagat na Mungkahing Paraan ng

Pagsasalin sa mga Nakasulat sa Talaan ng Nutrisyon Bilang Ambag sa

Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino ay nakabatay o nakaubod sa Artikulo

XIV Seksyon 6 ng Konstitusyong 1987. Dito nakasulat sa batas ng Pilipinas

ang diskripsyon ng wikang Filipino. Mas pinagtuunan ng pansin ng

mananaliksik ang katagang “patuloy itong (wikang Filipino) lilinangin at

payayabungin batay sa mga buhay na wika sa Pilipinas at iba pang mga wika.”

Upang makamit ang kalinangan at pagyabong ng wikang Filipino, kailangang

makamit nito ang antas ng intelektuwalisasyon at maisangkot sa pagkamit ng

antas na ito ang iba pang mga buhay na wika sa Pilipinas. Isa sa mga paraan

ay ang magamit ito sa mga controlling domains ayon kay Sibayan (2009). Isa

sa mga nabanggit na controlling domains ay ang negosyo at agham at

teknolohiya. Kaya mahalagang maisalin ang mga nasa Talaan ng Nutrisyon

dahil parte ito ng negosyo at ng agham at teknolohiya. Ginagamit ang Talaan

ng Nutrisyon sa mga produktong ipinamimili bilang pagpapakita ng mga


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 3

element o nutrisyong pumapasok sa katawan ng isang tao kada kakainin nito

ang produktong kanyang binili. Isa pa, ang mga salitang nakatala sa Talaan ng

Nutrisyon ay nakapaloob sa larangang agham at teknolohiya. Kabilang ang ilan

sa mga salitang nakapaloob sa Talaang ng Nutrisyon sa tala ng mga elemento.

Ang iba nama’y nasa larang ng nutrition and dietetics. Ang mga larang na ito ay

kabilang sa mga paksang teknikal na mahalagang mapasok ng wikang Filipino,

dahil nga parte ang mga ito ng controlling domains ng lipunan. Ngunit, dahil

nga karamihan sa mga salitang isinalin ng mananaliksik ay wala pang

katumbas sa kasalukuyang ortograpiyang Filipino, dito pumapasok ang

kahalagahan ng kataga sa Artikulo XIV Seksyon 6 ng Konstitusyong 1987 na

“lilinangin at payayabungin batay sa mga buhay na wika sa Pilipinas at iba

pang wika.” Ayon sa paliwanag ni Almario (2016) ang mga buhay na wika sa

Pilipinas ay ang iba pang mga wika bukod sa Tagalog na pinagbatayan ng

wikang pambansa at ang iba pang mga wika batay pa rin kay Almario ay siya

namang mga wikang labas sa wikang nagmula o ubod sa Pilipinas. Kaya naisip

ng mananaliksik na ibatay ang mga salitang wala pang katumbas o salin sa

Filipino sa iba pang mga wika sa Pilipinas. Dito na pumapasok ang mga

nabuong paraan ng mananaliksik mula sa pinakabasikong paraan ng

pagsasaling inilatag ni Almario (2016) na pagtutumbas, panghihiram at

paglikha na ikinabit o iniugnay ng mananaliksik sa mga etimolohiya ng mga

salitang isinalin at wala pang katumbas sa wikang Filipino. Tinawag ito ng

mananaliksik na Etimolohikal na Pagtutumbas kung ang salitang isasalin ay


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 4

mayroong isang etimolohiya lamang at Etimolohikal na Pag-uugnay naman

kung ang salitang isasalin ay mayroong dalawa o higit pang etimolohiya.

Sa kabuuan, dahil nga nakasandig ang pananaliksik na ito sa disiplinang

Filipinolohiya ni Bayani Abadilla, ang pagsasalin sa mga salitang nakasulat sa

Talaan ng Nutrisyon ay isang hakbang patungo sa hinahangad ng disiplinang

Filipinolohiya na magamit ang wikang Filipino sa lahat ng larangan na maaaring

ikabit sa intelektuwalisasyong binanggit ni Sibayan.

Salin sa mga nakasulat sa Talaan ng Nutrisyon ng limang piling produkto

Dito inilatag ng mananaliksik ang mga salitang nabuo, o naging

panumbas sa mga salita o terminolohiyang nakasulat sa Talaan ng Nutrisyon

sa limang piling produkto gamit ang mungkahing paraan ng pagsasalin na

Etimolohikal na Pagtutumbas at Etimolohikal na Pag-uugnay kung ang

salitang isinalin ay wala pang katumbas sa Filipino. Kung mayroon naman na

ay ginamit lamang ang paraang pagtutumbas para maisalin ang mga ito.

Siyentipikong Termino Salin


1. Calories Bohot

Matrix 2: Salin sa Calories

Batay sa Visayan-English Dictionary ay nagmula sa Wikang Bisaya ang

Bohot na ang ibig sabihin ay init. Isinalin ito mula sa etimolohiya ng salitang
POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 5

Calorie na “Calor.” Ayon sa websayt na Etymonline ay nagmula ito sa wikang

Latin na ang ibig sabihin ay init. Ginamit ang Etimolohikal na Pagtutumbas sa

salitang Bohot upang matumbasan nito ang salitang Calories.

2. Saturated Fat Hinumul na taba

Matrix 3: Salin sa Saturated Fat

Batay sa “A Dictionary of Cebuano Visayan,” ang salitang hinumul ay

nagmula sa salitang ugat na “humul” ng wikang Cebuano na ang ibig sabihin

ay “babad sa tubig” na nilapian ng gitlaping -in-. Ginamit ang Etimolohikal na

Pagtutumbas ang saturated ng Ingles na nagmula naman sa salitang ugat nito

na “saturate.” Batay sa websayt na Etymonline, ang etimolohiya ng salitang

“saturate” ay “saturates” na nagmula sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay

“ibabad nang tuluyan.” Samantala, ginamit naman ang pagtutumbas sa

salitang “fat” na ang katumbas ay “taba” batay sa (TAGALOG) ng Ingles at

malawakang ginagamit na sa ortograpiyang Filipino.

3. Cholesterol Apdolapuyot

Matrix 4: Salin sa Cholesterol


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 6

Ang apdolapuyot ay pinaghalong “apdo” at “lapuyot.” (TAGALOG)Ang

apdo ay -- na tumutukoy sa parte ng katawan ng tao malapit sa bandang atay.

Tumutulong ito sa pagtunaw ng kinain ng isang tao. Ang lapuyot nama’y

nagmula sa wikang Bisaya na ang ibig sabihin ay “malapot” ayon sa “Visayan-

English Dictionary.” Ginamit ang etimolohikal na pag-uugnay dahil nagmula

sa dalawang salita ang etimolohiya ng cholesterol batay sa websayt na

Etymonline. Ang “cholesterol” ay nagmula sa salitang “khole” na ang ibig

sabihin ay “bile” o “gall” at “steros” na ang ibig sabihin ay matigas na parehong

nagmula sa wikang Latin. Mas ikinunsidera ng mananaliksik ang katangian ng

cholesterol na may pagkamalapot kaya pinili ng mananaliksik ang lapuyot ng

Bisaya kaysa maghanap ng salitang ang ibig sabihin ay matigas.

4. Sodium Lihiya

Matrix 5: Salin sa Sodium

Batay sa “A Dictionary of Cebuano Visayan” ang Lihiya ay salitang

Cebuano na ang ibig sabihin ay caustic soda. Ginamit ang bagong hulog na

paraan ng paglikha sa salitang Lihiya upang bigyan ito ng panibagong

kahulugan at gamiting salin sa salitang Sodium. Ang sodium ay nagmula

mismo sa salitang soda at isa ang caustic soda sa mga pangunahing

pinagkukunan ng Sodium.
POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 7

5. Fiber Lanot

Matrix 6: Salin sa Fiber

Batay sa “Visayan-English Dictionary,” ang lanot ay salitang Bisaya na

ang ibig sabihin ay mga “hibla ng isang halaman.” Ginamit ang bagong hulog

na paraan ng paglikha sa salitang lanot upang bigyan ito ng panibagong

kahulugan at gamiting salin sa fiber. Ang fiber ay nutrisyong nagmula sa mga

halaman na may porma na pahibla-hibla. Nakatutulong ito upang mas madaling

matunaw mga pagkaing kinain ng isang tao. Kaya napili ng mananaliksik ang

lanot dahil nga ito ay hiblang nagmula sa halaman at ang fiber ay isang

nutrisyong nagmula sa mga halaman na ang porma o itsura ay pahibla.

6. Carbohydrates Karbolan-aw

Matrix 7: Salin sa salitang Carbohydrates

Ang Carbohydrates ay nagmula sa dalawang salita batay sa websayt na

Etymonline, ang una ay ang carbon na nagmula sa wikang Ingles na ang ibig

sabihin ay uling, o baga. Pangalawa naman ay ang hydrate, isang elementong

nabubuo kapag ang isang substance ay hinalo sa tubig. Nagmula ang hydrate

sa hydor ng wikang Griyego na ang ibig sabihin ay tubig. Ginamit ang


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 8

etimolohikal na pag-uugnay at pinagdugtong ang salitang “karbon” na

hiniram mula sa carbon at “lan-aw” ng wikang Hiligaynon. Ginamit ang

panghihiram na proseso sa carbon dahil ginagamit naman na sa iba’t ibang

mga wika sa Pilipinas ang karbon, halimbawa ay sa Tagalog, Cebuano at iba

pang wika. Nakalagay na rin sa Diksyunaryong “English-Hiligaynon” ang entri

na karbon, bilang panumbas sa carbon. Samantala, ang lan-aw naman batay

pa rin sa “English-Hiligaynon” ay salitang Hiligaynon na nangangahulugang

basa o matubig.

7. Sugar Asukal

Matrix 8: Salin sa Sugar

Ginamit ang pagtutumbas sa salitang sugar. Batay sa UP

Diksyunaryong Filipino ay asukal ang katumbas ng sugar sa wikang Filipino.

8. Calcium Bukay

Matrix 8: Salin sa Calcium

Batay sa “Visayan-English Dictionary” ang bukay ay salitang Bisaya na

tumutukoy sa isang puting bato o “chalk.” Ginamit ang bagong hulog na paraan

ng paglikha sa salitang bukay upang bigyan ito ng panibagong kahulugan at


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 9

maging salin sa salitang calcium. Ang etimolohiya ng calcium ay “calx” na

nagmula sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay “chalk” o “limestone” batay sa

websayt na Etymonline.

9. Iron Puthaw

Matrix 9: Salin sa Iron

Batay sa “A Dictionary of Cebuano Visayan,” ang “puthaw” ay salitang

Cebuano na ang ibig sabihin ay bakal. Ginamit ang paraan na bagong-hulog na

paraan ng paglikha upang bigyan ng bagong pakahulugan ang salitang

“puthaw” at magamit ito bilang panumbas sa “iron” ng Ingles. Ang iron batay sa

websayt na Etymonline ay nagmula sa “isern” ng Proto-Germanic na ang ibig

sabihin ay bakal o sandatang gawa sa bakal. Mayroong teorya na ang salitang

ito ay maaaring nanggaling sa “isarnon” ng mga Celtic at hiniram lamang ng

Proto-Germanic na ang ibig sabihin ay banal at makapangyarihan. Ngunit hindi

ginamit ng mananaliksik ang salitang “bakal” ng wikang Filipino upang

magkaroon ng distinksyon ang salitang puthaw bilang panumbas sa nutrisyon

na iron. Iniwasan ding magkaroon ng kalituhan dahil ang kadalasang

kahulugan ng bakal sa Filipino ay “steel” sa Ingles o ‘yung kagamitan sa

pagtatayo ng mga bahay at iba pang istruktura.


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 10

10. Dietary Fiber Pangdiyetang Lanot

Matrix 10: Salin sa Dietary Fiber

Tinatanggap na sa ortograpiyang Filipino ang “diyeta na nagmula sa

wikang Espanyol bilang salin sa “diet” ng English na siyang salitang ugat ng

“dietary.” Kaya naman ito ang ginamit na salin ng mananaliksik sa salitang

“dietary.” Mas pinili ng mananaliksik na gamitin na lamang ang hiniram at

inangkin nang salita kaysa bumuo ng panibagong kahulugan sa ibang salita

bilang salin sa “dietary” upang hindi maging nakakalito at hindi makaranas ng

kritisismong naranasan ng maugnaying Filipino. Nilapian lamang ng unlaping

“pang-.” Ang “lanot” naman ay hinango ng mananaliksik sa naunang

mungkahing salin para sa salitang “fiber.”

11. Potassium Kulonabo

Matrix 11: Salin sa Potassium

Ang kulonabo ay dalawang pinagdugtong na salita, ang “kulon” na batay

sa “English-Hiligaynon” ay salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay “pot” o

kawali at ang “abo” naman ay nagmula sa wikang (TAGALOG) na tumutukoy

sa mga naiiwang bagay mula sa nasunog na kahoy at tumutukoy rin sa kulay.

Ito ay ginagamit na sa ortograpiyang Filipino. Ginamit ang etimolohikal na


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 11

pag-uugnay at pinagdugtong ang dalawang salitang ito upang makabuo ng

salin sa potassium. Ang etimolohiya ng potassium batay sa websayt na

Etymonline ay “potash” ng wikang Ingles na nagmula naman sa “potaschen” ng

wikang Dutch na ang ibig sabihin ay “pot ashes.” Ang potassium ay kadalasang

nakukuha sa mga abo ng kahoy na ibinabad sa tubig at pinakuluan sa kawali,

Isang salita lamang ang etimolohiya ng salitang potassium ngunit dalawang

salita ang ibig sabihin. Ito ang naging basehan ng mananaliksik upang gamitin

ang etimolohikal na pag-uugnay upang maisalin ang potassium.

Karagdagang dahilan pa ay ang kawalan ng direktang salin ng etimolohiya nito

na “potash” sa mga wikang sinaliksik ng mananaliksik.

Ito ang mga salitang kinalabasan gamit ang mga mungkahing paraan ng

mananaliksik sa pagsasalin sa mga nakasulat sa Talaan ng Nutrisyon.

Makikitang hangga’t maaari ay pinanatili ng mananaliksik ang leksikal na

kahulugan ng mga salitang binigyan ng bagong hulog dahil iniiwasan ng

mananaliksik na maging katulad ng mga salita ni Gonzalo Del Rosario ang mga

salitang mabubuo gamit ang mungkahing paraan ng pagsasalin. Ang unang

persepsyon ng mananaliksik ay kung ang etimolohiya ng mga salitang isinalin

ay isa lamang, isang salita lamang din ang dapat maging katumbas nito. Dahil

dito, marapat na Etimolohikal na Pagtutumbas ang siyang gamiting paraan.

Ngunit may mga espesyal na kasong katulad ng salitang potassium na kahit pa

isang salita lamang ang etimolohiya nito ay ginamit pa rin ng mananaliksik ang

Etimolohikal na Pag-uugnay na nakadisenyo para sa mga salitang mayroong


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 12

dalawa o higit pang etimolohiya. Dahil ito sa etimolohiya ng potassium na

potash na ang mismong kahulugan ay pot ashes. Isang salita pero dalawang

salita ang kahulugan, kaya naman dito ibinatay ng mananaliksik ang paggamit

ng Etimolohikal na Pag-uugnay.

Ang paraang etimolohikal na pagtutumbas at etimolohikal na pag-uugnay,

bilang mungkahing paraan ng pagsasalin sa Talaan ng Nutrisyon

Ang dalawang mungkahing paraan ng pagsasalin ng mananaliksik para

sa mga salitang nakatala sa Talaan ng Nutrisyon na wala pang katumbas sa

wikang Filipino ay ang Etimolohikal na Pagtutumbas at Etimolohikal na

Pag-uugnay. Nabuo ang dalawang mungkahing paraan na ito mula sa

basikong paraan ng pagsasaling inilatag ni Almario sa Batayang Pagsasalin,

Ilang Batayan at Babasahin Para sa Baguhan (2016) na pagtutumbas,

panghihiram at paglikha. Ang pinagbatayang mga yugto ng pagsasalin ay

ang yugto ng pagtutumbas na pagtuklas ng panumbas sa iba pang mga wika

sa Pilipinas at sa yugto ng paglikha na bagong-hulog. Ang isa sa mga

suliraning kinaharap ng mananaliksik ay mayroong mga salita na nakatala sa

Talaan ng Nutrisyon na wala pang katumbas sa wikang Filipino. Kaya naman

naisip ng mananaliksik na imbis na ang mismong mga salitang nakatala sa

Talaan ng Nutrisyon na wala pang katumbas ang isalin ay inalam na lamang ng

mananaliksik ang etimolohiya ng bawat salitang wala pang katumbas at dito

ibinatay ang magiging salin. Dito nabuo ang mga mungkahing paraan ng

pagsasaling binanggit sa taas. Ito ang naging paraan ng mananaliksik upang


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 13

masagot ang suliraning paano nga ba maisasalin ang mga salitang wala pang

katumbas na nakatala sa Talaan ng Nutrisyon.

Pagsasalin sa Talaan ng Nutrisyon bilang ambag sa intelektuwalisasyon ng

wikang Filipino.

Ayon kay Alfonso O. Santiago (1997) “kailangan samakatwid, ng Filipino

ang Intelektuwalisasyon. At ito’y matatamo lamang sa pamamagitan ng

paggamit nito sa mga paksang teknikal” (p. 117). At sa ganitong paraan ng mga

pagsasalin ay maaaring makamit ng wikang Filipino ang intelektwalisasyon.

Ang mga pagtatangkang tulad ng pananaliksik na ito ay isa sa mga maliliit na

hakbang na maaaring gawin upang unti-unting yumabong ang wikang Filipino.

Dahil nga nakasaad sa Artikulo XIV Seksyon 6 ng Konstitusyong 1987 na

“patuloy itong lilinangin at payayabungin batay sa mga buhay na wika sa

Pilipinas at iba pang mga wika” mahalagang isangkot ang iba pang mga wika

sa Pilipinas bilang batayan ng pagsasalin. Sa paraang ito ay makakamit o mas

mapapalawak pa ang “bahaghari ng wika” na binanggit ni Almario (sinipi sa

Santos, 2003). Bukod pa rito, ang mungkahing paraan ng pagsasaling ito na

nakasandig sa Artikulo XIV Seksyon 6 ng Konstitusyong 1987 ay maaaring

magamit sa mga controlling domains na binanggit ni Sibayan (2009). Mga

larang na batayan upang maituring na intelektuwalisado ang isang wika. Batay

kay Sibayan, kapag nagamit na ang isang wika sa mga controlling domains ay

maituturing na itong intelektuwalisado dahil ito ang mga larang na nakakabit sa


POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS 14

teknikal na paksa. At panghuli, ang mungkahing paraan ng pagsasalin na

inihayag sa pananaliksik na ito ay nakasandig sa disiplinang Filipinolohiya ni

Bayani Abadilla. Ang Filipinolohiya ay disiplinang naglalayong magamit ang

wikang Filipino sa iba’t ibang larangan. Kasama rito ang mga larang na

nabanggit ni Sibayan na kabilang sa mga controlling domains. Kaya maaaring

makapag-ambag ang mungkahing paraan ng pagsasalin na ito sa

intelektuwalisasyon ng wikang Filipino, dahil maaaring mapasok ng wikang

Filipino sa paraan ng pagsasaling wika ang mga larang na nabanggit ni

Sibayan na kabilang sa mga controlling domains kapag ang mungkahing

paraan ng pagsasaling inilatag ng mananaliksik ay patuloy na gagamitin.

You might also like