You are on page 1of 3

Ang Hay sa Bawat Ngiti ni Maa’m

Freegie C. Ejares

Naalala mo pa ba si Maa’m o Sir noong ika’y nasa elementarya pa?


Naalala mo pa ba ang boses ni Maa’m noong panahong galit na galit siya dahil
sa ingay mo sa klase? Ang nandidilat na mga mata ni Sir sa tuwing nahuhuli ka
niyang nangongopya sa pasulit? Naalala mo pa kaya ang mga mumunting bagay
na ginawa nila upang mapabuti ka? Sana naman naalala mo pa...

Sa bawat “Good morning class” niya ay may nakatagong mga problema,


mga problemang matagal na niyang iniinda huwag lamang itong makita ng
kanyang mga estudyante. Sa bawat “Goodbye and thank you” niya ay isang
tunay na pasasalamat, pasasalamat dahil sa wakas ay tapos na ang mahabang
oras ng kanyang pagsasalita sa buong klase. Napakagandang isipin na tila ba
ang sigla parati ni Maa’m. Nagkakasakit kaya siya? Napapagod?

Hindi na bago sa akin na makita si Maa’m na tulala at malayo ang iniisip.


Ano kayang iniisip ni Maa’m? Ang leksyon kaya para bukas? Pero bakit
kadalasan ay may kakaiba sa tuwing siya lang mag-isa? Napapansin kong ang
lungkot-lungkot ng kanyang mga mata. Gusto ko tuloy itanong, Maa’m, ano pong
problema?

Sa sobrang dami ng ginagawa ni Maa’m, naisasantabi na niya ang


kanyang sariling kapakanan at kalusugan. Minsan naman ay napakamalilimutin
niya, sa dami ba naman kasi ng mga iniisip niya – problema sa bahay, sa
pamilya, sa pera at syempre sa eskwelahan. Palagi ko siyang nakikitang pawis
na pawis sa tuwing papasok sa silid ganundin sa paglabas niya. Darating siya sa
paaralan nang napakaayos at napakaganda pero uuwi siyang buhaghag ang
buhok at wala maski lipstick man lang ang natitira sa kanyang mga mapuputlang
labi. Ito ang napapansin kong routine niya araw-araw.
Dumating ang araw at nalaman ko ang dahilan kong bakit pawis na pawis
si Maa’m kapag papasok at lalabas ng silid, kung bakit buhaghag ang kanyang
buhok at maputla ang mga labi tuwing uuwi. Naunawaan ko kung gaano
kapursigido si Maa’m na magturo. Maubos man ang kanyang boses at pawis sa
katawan, gusto niyang mapabuti ang mga estudyante niya. Ang mga personal
niyang isipin ay hindi hadlang sa kanyang pagtuturo, sa kanyang hangad na
bawat estudyante ay may matutunan at hindi mapariwara sa buhay. Kaya pala
Maa’m. Kaya pala sa tuwing makikita kita ay pagod ka, pawis at tila ba ang layo-
layo ng iniisip. Kaya pala nagagalit ka kapag hindi kami nakasasagot sa klase.
Kaya pala tumatahimik ka kapag sobrang ingay na namin. Kaya pala
nagsusungit ka kapag ‘di kami nakakapasa sa mga pasulit. Napapagod ka rin
pala Maa’m. Napapagod ka rin sa amin, sa trabaho mo. Napapagod ka rin
palang gawin ang lahat pero wala kang makitang magandang resulta sa pagod
mo.

Doon ko lang napagtanto na sa bawat ngiti ni Maa’m ay isang


napakahabang Hay. Hay kailan ba matatapos ‘to? O ‘di naman kaya ay Hay
pagod na ako. Minsan naman ay Hay salamat sweldo ko na, pero karugtong
naman nito ang Hay kulang na kulang talaga. Nalaman ko rin ang pinakatotoo sa
mga ngiti Maa’m, ito ay sa tuwing darating ang Sabado at Linggo o ‘di naman
kaya’y tuwing bakasyon. Yaon bang ngiting nagsasabing Hay sa wakas,
makapagpapahinga na rin ako. May bukod-tanging ngiti si Maa’m na gustong-
gusto kong makita, ang pinakapaborito kong ngiti niya na minsan ko lang
talagang makita. Ito ‘yong panahon na nakikita niya kaming kontento at masaya
tuwing magtatapos ang kanyang pagtatalakay. Ang pinakamagandang ngiting
nakita ko mula sa kanya na tila ba sumisigaw ng Hay salamat! May natutunan
din sila. Sa kabila ng mga ‘di maisalitang hinaing ni Maa’m ay hindi siya sumuko,
kinaya niya lahat at kinakaya pa rin niya. Nakakabilib si Maa’m, saludo ako sa
kanya.
Kaya naman Maa’m, salamat. Naging bingi kami sa iyong mga pakiusap
pero salamat dahil hindi ka nagsawang ituro at ibahagi sa amin ang dapat
naming matutunan. Salamat sa pagmulat sa amin sa realidad ng buhay. Salamat
dahil hindi mo kami sinukuan. Salamat Maa’m dahil hinubog mo kami para
marating namin ang kinalalagyan namin ngayon. Maa’m, maraming salamat po.

Maa’m, Sir, ang tawag natin sa kanila, tinaguriang pangalawang


magulang at bayani ng bayan. Nagbibingi-bingihan ang gobyerno sa kanilang
pagsusumamo pero kailanman, hindi nila tinalikuran ang kanilang panunumpa
bilang mga guro. Nanatili pa rin silang tapat sa kanilang serbisyo kahit hindi
sapat ang nakukuha nilang benepisyo. Lingid sa ating kaalaman kung ano ang
kanilang nararamdaman o iniisip. Hindi maikakaila ang pagod na makikita sa
mapupungay nilang mga mata at ang pilit na mga ngiting kanilang dala-dala
maituro lamang kung ano ang dapat matutunan ng mga bata sa loob at labas ng
paaralan. Balot sila lagi ng pangamba sa kung ano ang maaaring kahantungan
ng mga bata sakaling hindi nila maturuan ang mga ito nang tama. Hindi
matutumbasan ng kahit isang sentimo ang bawat butil ng pawis na namumuo sa
kanilang noo sa pag-iisip ng paraan kung paano matutulungan ang batang wala
man lang pakialam sa kanyang kinabukasan. At hindi kailanman masusukat ang
kanilang pagmamahal at pag-aalala sa mga batang itinuturing na rin nilang mga
anak. Ito ang buhay ng isang guro, isang gurong tulad ko.

You might also like