You are on page 1of 4

Patungkol sa Intelektuwalismo at Wika ni Renato Constantino

Jomer G. Bongalos

Dalawa ang layunin ng may-akda sa sanaysay na ito: 1) maipakita ang koneksyon at epekto ng
wika sa tradisyong intelektuwal ng isang bansa, at 2) maipakita ang kawalang kakayahan ng
wikang banyaga sa pag-unlad ng isang bansa at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling
wikang pambansa na siyang magpapaunlad nito. Ang dalawang layunin na ito ay maaring
magsilbing isang reaksyunaryong o etnosentrikong pananaw kumporme sa konteksto, ngunit sa
ating kalagayan bilang isang semikolonyal na bansa, ang pambansang layunin laban sa
imperyalismo ay hindi mapagmataas bagkos ay isang mapagpalayang hangarin.

Nilinaw rin ni Constantino ang pagkakaiba ng karanasang kolonyal sa mga karatig na bansa, na
tinawag niyang ‘indirect colonialism’.Ang mga bansang nakapaloob sa anyong kolonyal na ito
ay “hinayaang manatili ang institusyon at wika ng taumbayan,” ayon sa may-akda. Ngunit ayon
sa kasaysayan, ginamit at nagsilbing wikang opisyal ang wikang kolonyal at nagamit rin ang
nasabing wika ng mga elite, mapabanyaga man o hindi, partikular ang wikang Dutch sa
Indonesia nang masakop sila ng mahigit tatlong siglo (Paauw, 2009). Tulad din ang karanasang
ito sa pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas at ang wikang kolonyal rin ay hindi napalaganap
bilang wika ng karamihan, dahil nakareserba ito para sa elite o ruling class.

Ayon rin sa may-akda, nagsimula ang pagpapalaganap ng wikang banyaga at pag-ukit ng


institusyong panlabas sa ating pag-iisip sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Katulad sa
wikang Dutch sa Indonesia, madaling natanggal sa ating bansa ang wikang Espanyol hindi
lamang dahil sa ito ay hindi naukit sa kultura ng karamihan, bunga rin ito ng kawalang
presensyang internasyunal. Samakatuwid, mas madaling natanggal ng Indonesia ang wikang
Dutch kaysa sa India o Malaysia na tanggalin ang Ingles (Dardjowidjojo, 1998); ganoon din ang
naging kalagayan ng mga Pilipino sa naunang wika ng kolonisador at sa wikang Ingles.

Ayon rin sakanya, nagkukulang ang mga Pilipino ng tinatawag na ‘intellectual tradition’ at ito
ang sanhi kung bakit ‘walang karanasang intelektuwal sa kahulugan at layunin’ at kung bakit
hindi napapansin ang mga ‘problemang panlipunan’. May limang dahilan ng pagkawala ng
tradisyong ito: 1) dahil ang mga kontribusyon ng ating kababayan sa mundo ng kaisipan ay hindi
nabibigyang pansin at importansya sa ating kasalukuyang akademya, 2) ang pagtangkilik sa
‘mababaw na kaisipan’ na mula sa mga salita ng may-akda ay ang “mga pelikula o palabas sa
telebisyon na simpleng mga pormula ang ginagamit sa paglutas ng mga problemang personal,”
3) ang pagpapalaganap ng miseducation ng mga tinatawag niyang ‘mental technicians’ na bunga
ng pagkabiktima sa ‘kolonyal na kamalayan’, 4) ang pangangalaga sa status quo na
nagpapalaganap ng anti-intellectualism, na naglalayong pigilan ang pagusbong ng progresibong
pag-iisip na kayang magpabago at “magluwal ng bagong kamalayan”, at 5) “ang pagtanggap at
pagkaalipin sa wikang banyaga.” Mas naging kritikal ang akda sa panlimang dahilan at ito ang
nagsilbing koneksyon ng wika at intelektuwalismo.

Ang kahulugan ng intelektuwalismo ayon kay Constantino ay ang pagkakaroon ng ‘malalim na


kaisipan’ na hindi direktang nabanggit ang kahulugan ngunit ayon sa aking suri, ito ay ang
kaisipang kayang umunawa at mag-isip ng lunas sa mga suliraning panlipunan. Kung hindi natin
magagamit ang mga impormasyong nakukuha natin, na sinabi ng may-akda na napipigilan dulot
ng paggamit ng wikang banyaga at ng ‘mekanikal na paraan ng pag-aaral,’ hindi rin ito
maituturing na isang tradisyong intelektuwal.

Sang-ayon ako sa kawalan ng intelektuwalismo at pag-usbong ng anti-intellectualism sa bansa.


Nakikita rin ito sa pang-araw-araw na diskurso, partikular sa mga bernakular na pag-uusap, i.e.
“edi wow” at “ikaw na!” Sa larangan ng akademya ay nakikita rin ang pagpigil sa malayang pag-
iisip, at nakakulong ang ating kaisipan sa mga ideyang nakahain na isusubo na lamang, partikular
sa larangan ng agham panlipunan.

Sa ikalawang layunin ng sanaysay ay ipinakita ng may-akda ang kahalagahan ng pagkakaroon ng


pambansang wika upang paunlarin ang pambansang kaisipan. Ayon sakanya, “ang mahabang
kasaysayan ng paggamit ng Ingles ay di nagbunga ng kaunlaran.” Katulad ng sinabi kanina, hindi
madaling matanggal sa sistemang kolonyal ang Ingles dahil sa presensya nito sa buong daigdig;
dahil narin sa globalisasyon, mas lalong napaigting ang kapit ng wika sa ating bansa dahil
nagsisilbi itong instrumento upang magkaroon ng komunikasyon sa iba pang bansang
gumagamit nito. Samakatuwid, hindi na natin kayang gawin ang nagawa ng mga maunlad na
bansa tulad ng Japan, Taiwan at Korea dahil nga sa pagusbong nito; naging pangangailangan na
ang paggamit ng wikang banyaga, o ang wikang pandaigdig sa diplomasya at ekonomiya ng
isang bansa. Dagdag pa rito, hindi nakaranas ang mga nasabing bansa ng kolonyalismo upang
maikumpara ang pag-unlad nito sa kasalukuyang kalagayan ng mga bansang nakaranas nito.

Isa rin naging balakid sa pagkakaroon ng maayos na pambansang wika ay ang pagkakaroon ng
iba’t ibang wika at dialekto sa bansa, dahil ang Pilipinas ay isang arkipelago na may iba’t ibang
kultura, at ang pagpili sa pambansang wika ay lubhang mahirap at nagbunga pa ito ng oposisyon
mula sa iba sa ibang lalawigan na may ibang sinasalitang wika. Nabuo rin ang katagang
“Imperyalismong Tagalog” sa kadahilanang kahit wikang Filipino na ang pambansang wika,
nakondisyon na ang mga tao sa wikang tagalog kaya iyon parin ang itinatawag ng mga Pilipino
at maging mga dayuhan (P. Constantino, 1996).

Kung tunay ngang mapagpalaya ang wika, maipapalaya rin ba nito ang bayan mula sa
umuusbong globalisasyong nagpapatuloy at nagpapatibay ng paniniil ng mga malalakas na bansa
sa mga mas maliit at mas mahihina? Lingid sa nilalaman ng akdang ito ang isyu ng globalisasyon
na umiiral sa buong daigdig sa kasalukuyan, at ang pambansang wikang mapagpalaya ay tila
isang reaksyunaryong at etnosentrikong ideya na lamang sa kanilang angking realidad.

Mga Sanggunian:

Constantino, Renato. (1996). Intelektuwalismo at Wika. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino,


No.1 8-12. http://journals.upd.edu.ph/index.php/djwf/article/view/4939/4451

Paauw, Scott. (2009). One land, one nation, one language: An analysis of Indonesia’s national
language policy. University of Rochester Working Papers in the Language Sciences, 5(1),
2-16. http://www.rochester.edu/college/cls/assets/pdf/working/Paauw.pdf

Dardjowidjojo, Soenjono. (1998). Strategies for a Successful National Language Policy: the
Indonesian Case. International Journal of the Sociology of Language 130.

Constantino, Pamela C. (1996). Wika Bilang Kasangkapang Panlipunan: Wikang Pambansa


Tungo sa Pangkaisipan at Pang-ekonomikong Kaunlaran nasa Mga Piling Diskurso sa
Wika at Lipunan, Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza, mga ed. University of
the Philippines Press: Quezon City.

You might also like