You are on page 1of 1

Si Aso at Si Ipis

Mataas ang mga punong nakapaligid sa bahay. Malawak din ang


hardin sa likuran. Napaligiran ng mga palay at mga pananim ang bahay ni Mang
Kardo. Sa harap naman, malapit sa pintuan ay ang tulugan ng aso. Maliit lang
ang bahay ngunit parang paraiso ang kapaligiran nito. Nag-iisa kasi ang bahay ni
Mang Kardo sa bundok na iyon at ang kanyang kapitbahay ay sa kabilang
bundok pa nakitira.Araw ng Lunes at abalang nagluluto si Mang Kardo sa loob
ng bahay. Kaarawan kasi ng kanyang apo at isang surpresa ang kanyang
inihanda. Nagluto siya ng pinakamasarap na kanin na kanyang ibinayo lamang
kaninang umaga. Naghanda rin siya ng pinikpikan at nilagyan ng etag upang
mas lalo pang maging masarap ang kanilang ulam. At upang mas lalong maging
masaya ang apo ay nagluto rin siya ng dalawang patong na cake. Binilin niya
ang kanyang aso na bantayan ang kanilang bahay dahil susunduin niya ang
kanyang apo sa kabilang bundok. Sinabi niyang matatagalan pa ito kaya ang aso
muna ang bahala sa kanilang bahay. “Sige, mag-iingat ka sa pagbaba ng bundok,
makakaasa ka na babantayan ko ang bahay pati na rin ang mga niluto mong
mga pagkain,” yan ang sabi ng aso. Naisip niya na siguradong bibigyan naman
siya ng kanyang amo sa inihanda nitong pagkain kaya minabuti niyang bantayan
ng mabuti ang bahay. Tinawag ng Aso ang kaibigang Ipis at sinabing tulungan
siya sa pagbabantay ng bahay. Pinaakyat niya ito sa bubungan ng bahay para
makita niya ang mga taong may masasamang balak at upang masabihan siya
agad. Umakyat nga ang ipis ngunit nakita nito ang cake sa lamesa, bigla siyang
nagutom. Hindi napigilan ni Ipis ang kanyang sarili kaya tinawag niya na rin ang
kanyang mga anak at mga kapamilya na alam niyang gutom din. Kinain nila ang
higit sa kalahati ng cake at humigop ng sabaw ng pinikpikan na may etag.Nang
umuwi si Mang Kardo kasama ang apo nito ay nagulat sila ng makita nila ang
cake at ang ilang putahe na nagkalat. Galit na galit si Mang Kardo. Tinawag niya
ang aso at ikinulong ito sa pag-aakalang ito ang gumawa ng kalokohang iyon.
Alam ng aso na ang kaibigang ipis ang gumawa ng bagay na ito, pero hindi niya
ito sinabi sa kanyang amo.Nakita ng ipis ang paghihirap ng Aso at naawa siya sa
kanyang kaibigan. Nag-isip siya ng paraan para iligtas ang kaibigan ngunit wala
siyang magawa kaya isang plano ang nabuo sa kanyang isip. “Kawawa ang
kaibigan ko. Kailangang ako ang magbayad sa kasalanang ginawa ko,” naisaisip
ni ipis. Isang umagang naghahanda ng almusal si Mang Kardo ay umakyat ang
ipis sa lamesa at sinadyang ipakita sa matanda ang paglantak sa almusal nito.
Nakita ng aso ang ginagawa ng ipis at tinahulan niya ito. “Huwag ipis, kung
makita ka ng amo ko ay ikulong ka katulad ko,” tahol pa nito. “Hayaan mong
malaman niya na ako ang gumagawa nito para makalaya ka,” sagot ni Ipis.
Nakita nga ni Mang Kardo ang ipis at sa isang hampas nito ng aklong hawak ay
namatay ang ipis. Naisip niya na ito rin ang kumain sa handa ng kanyang apo at
dahil dito ay pinakawalan niya at muling minahal ang aso. Masaya ang aso na
malaya na siya ngunit nahabag naman siya sa kaibigang ipis. “Sumalangit nawa
ang iyong kaluluwa,” dalangin ng Aso.

You might also like