You are on page 1of 3

Talumpati: Mahirap Maging Mahirap

Isang maganda at mapagpalang araw sa inyo! Nawa’y sa maikling sandali ay

hayaan ninyong hiramin ko ang inyong mga taynga at hayaan ninyo akong ipahayag

ang aking ideya. Ito'y isang talumpating aking inihahandog para sa mga Kabataang

Pilipino. Bago ko simulan ang aking talumpati, tatanungin ko muna kayo. Kagaya ko

bilang isang kabataan, may kamalayan ba kayo sa mga nangyayari sa ating lipunan?

Bakit marami pang tao ang uhaw sa pag-unlad? Bakit maraming kababayan ang

naghahanap ng makakain sa tambak na basurahan? Paano nga ba natin ito

matutugunan at mabibigyan ng solusyon?

"Ang buhay ay kakambal ng paghihirap" ika nga ni Buddha. Mula pagkasilang

natin dito sa mundo, kaakibat na natin ang kahirapan. Kahit magtago pa tayo saan

mang sulok ng mundo, ang kahirapan ay hindi pa rin maiiwasan dahil parte na ito ng

buhay ng isang tao. Sa halip na magalit tayo dahil ganito ang katayuan natin sa buhay,

dapat isipin natin ang mga biyaya ng Panginoon. Maaaring ang mga biyayang ito ang

magsisilbing instrumento upang mas mapaunlad ang ating mga sarili at makalaya mula

sa kahirapan.

Huwag natin isisi ang krisis ng lipunan sa gobyerno. Hindi ba dapat

magpasalamat nalang tayo, na kahit papaano, nakapagbibigay sila ng patak ng tulong.

Gayundin din sa Panginoon, walang siyang kasalanan sa ating paghihirap. Ang may

kasalanan ay tayo rin. Dahil sa kahirapan, nagagawa nating mandamay ng ibang tao.

Nagnanakaw dahil sa pera. Nanakit dahil sa tinapay na makakain lamang. At

pumapatay dulot ng drogang gamot sa ating pagkabagot. Ang kahirapan ay tila isang
kadenang nakagapos sa ating mga paa. Kadenang pumipigil sa ating pag-unlad. At

kadenang unti-unting pumapatay sa atin dahil sa kalawang na matagal nang naka

baluktot sa ating mga sarili.

Ang isang dahilan ng kahirapan ay ang katamaran. Ang presensya ng pagiging

matiyaga ay unti-unting nawawala. Wag sana tayong tamarin na tumayo sa sarili nating

mga paa. Wag natin sanayin ang ating mga sarili na umasa sa iba. Bukod doon, wag

sana tayong “kukurap” pagdating sa mga taong “corrupt”. Hindi lahat ng opisyal sa

gobyerno ay may magandang hangarin. Ang iba sa kanila ay pinapalala pa ang

kahirapan sa kaban ng bayan na basta nalang nila kinukuha.

Kaya kayo namang mga nakaupo sa pamahalaan at sa mga nakatataas, huwag

ninyo po sana abusuhin ang kapangyarihan na hawak ninyo. Kaya nga pinili kayo ng

sambayanan upang maglingkod sa kanila ng tapat para makatulong sa kanila hindi para

nakawin ang pondo ng bayan at gastusin para sa sariling kapakanan. Ang mga taong

naghihikahos at naghihirap sa buhay ay mas lalong naghirap dahil sa mga kalokohan

na inyong ginagawa. Sana’y tandaan ninyo po na dapat sama-sama tayo aangat mula

sa laylayan.

Bilang isang taong may kakayahang magdesisyon at mangatwiran para sa sarili,

nararapat lang na tayo ay maging responsable at huwag umasa at maging reklamador

sa pamahalaan lalo pa't mahirap ang kanilang tungkulin sa ating lipunan. Sana, sa

paglagas ng mga pahina ng kalendaryo, unti-unti nating malutas ang problema lalong

lalo na ang kahirapan. Huwag nating naisin ang mabuhay sa salat, dahil alam kong

hindi tayo mananatili dito. Mga kaibigan, sariling sikap po ang solusyon sa kahirapan.
Kaya para sa mga kabataang pinoy, huwag tayong magbulag-bulagan sa mga

nagaganap dahil tayo ang pag-asa ng hinaharap. Simulan natin kunin muli ang para sa

atin. Mahirap maging mahirap. Maraming salamat po at pagpalain tayo ng Maykapal!

Ako po ang inyong lingkod, Camille S. Malvecino, ang SK Chairman ng Barangay San

Isidro Sur.

You might also like