You are on page 1of 2

EDITORYAL - Malaki ang problema sa illegal drugs

(Pilipino Star Ngayon) - September 11, 2018 - 12:00am

MULA nang ilunsad ng Duterte administration ang giyera sa illegal drugs, marami nang napatay na drug
suspects at marami na ring drug addict ang naikulong. Ayon sa report, mahigit 4,000 drug suspects na
ang napatay. Pero sa kabila nang maigting na kampanya laban sa illegal na droga, nananatili pa rin itong
problema. Tila wala pa ring pagbabago kahit araw-araw ay may nahuhuling drug suspect. Bumabaha pa
rin ang shabu na parang agos na hindi mapigilan.

At ang problemang ito ay labis na pinuproble-ma ng Presidente. Ang laki raw ng problema niya. Sinabi
niya noong Sabado, makaraang dumating mula sa pagbisita sa Israel at Jordan na kontrolado ng Bamboo
triad at Sinaloa syndicate ang droga sa bansa. Ang atin umanong “container circuit” ay ginagamit ng
dalawang sindikato para maipasok ang droga particular ang cocaine. Kaya sobrang laki raw ng problema
niya sa pagharap sa dalawang sindikatong nabanggit.

Kung mayroon lang daw siyang modernong kagamitan kagaya sa United States, matagal nang natapos
ang illegal drug operations ng sindikato. Kung mayroon lang daw siyang armas gaya ng precision-guided,
matagal nang naubos ang mga salot.

Mukhang malaki ang problema ng Presidente sa pakikipaglaban sa droga kaya gusto niya nang
modernong armas laban sa mga sindikato. Gusto niyang maubos na ang mga ito. Pero hindi ganun kadali
ang paglaban. Kahit na nga araw-araw ay may napapatay na drug suspect, balewala rin sapagkat,
kapiranggot lamang ito sa ga-bundok na problemang kinakaharap ukol sa bawal na droga.

Pero nakapagtataka naman na kung gaano kaproblemado ang Presidente sa droga, tila hindi naman
natitigatig ang Bureau of Customs na madalas malusutan ng kargamentong shabu. Marami nang
nakalusot na bilyong halaga ng shabu sa Customs at matindi, naaabsuwelto pa ang mga akusado. Mas
maganda kung unahin munang linisin ang Customs bago bumili ng makabagong armas laban sa drug
syndicates.

EDITORYAL - Giyera sa droga bagsikan pa

(Pilipino Star Ngayon) - September 26, 2018 - 12:00am


ARAW-ARAW ay may nahuhuling nagbebenta ng illegal na droga. Araw-araw din ay may nahuhuling gumagamit nito. Wala kasing tigil ang pagdagsa ng droga sa bansa kaya laging may pinagkukunan ang mga
drug suspect. Lantaran ang pagbebenta kahit na walang tigil ang operasyon ng mga awtoridad. Wala nang takot ang drug pusher at user. Mas umigting ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga, lalo lamang
tumapang ang mga nagpapakalat nito. Kaya nararapat pang paigtingin ng pamahalaan ang giyera laban sa sindikato ng droga. Hindi na dapat tigilan ang naumpisahan. Bagsikan pa lalo ang pakikipaglaban sa mga
salot ng lipunan.

Sa pinaka-latest survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Hunyo 27-30, 2018, 78 percent sa 1,200 respondents ang nagsabing “satisfied” sila sa pakikipaggiyera ng Duterte administration sa
illegal na droga. Ang “dissatisfied” ay 13 percent. Nagsimula ang giyera sa droga pagkaupung-pagkaupo ni President Duterte noong Hunyo 2016. Umabot naman sa 4,000 drug suspects ang napatay sa police
operations. Kinondena naman ng human rights group ang matinding giyera laban sa droga.

Kamakailan, sinabi ng Presidente sa isang dinaluhang pagtitipon na malaking problema ang droga sa bansa. Sobrang bigat daw ng problema niya kaya gusto niyang magkaroon ng mga sophisticated na armas
para maipanlaban sa drug syndicates. Malalaking drug syndicates umano ang nag-ooperate sa bansa kaya mabigat ang kalaban. Pero kung may mahuhusay na armas, kayang labanan ang mga sindikato.
Mauubos daw ang mga ito.

Sa kasalukuyan, sa mga port ng bansa idinadaan ang droga at nakakalusot ito sa mga awtoridad. Madalas makasabat ng droga sa NAIA pero katiting lang ito kumpara sa mga nakakalusot sa Bureau of Customs
(BOC). Maraming beses nang may nakalusot na droga sa BOC at isang halimbawa ay noong si dating Customs Comm. Nicanor Faeldon na mahigit P6 bilyong halaga ng shabu ang nakalusot.

Bagsikan pa ang giyera sa droga pero dapat ding bagsikan ang pagbabantay sa mga corrupt sa Customs kung saan idinadaan ang bilyong halaga ng shabu.

You might also like