You are on page 1of 4

Roguis, Freobel Mae A.

12 October 2014
IV-1 AB/BSE Literature Prof. Malabanan

Written Report

Pagsusuri sa isang Nobelang Wattpad gamit ang Teoryang Textualismo


(She’s Dating the Gangster; Pop Fiction)

I. Teoryang Textualismo

Sinasabi sa teoryang textualismo na ang isang akda ay produkto ng pagkatao ng awtor, ng impluwensya
kasalukuyang kapaligiran nang panahong naisulat ang akda, at may kinalaman ang background ng
mambabasa sa interpretasyon niya sa akdang ito. Matutunghayan sa papel na ito kung anong uri ng
manunulat, kapaligiran at mambabasa ang nilikha ng popular na kultura ng Wattpad.

II. Milieu

A. Maiksing kasaysayan ng Wattpad

Ang wattpad ay binuo ng negosyanteng si Allen Lau dahil sa dalawang layunin: (1) hilig niya ang
pagbabasa at naisipan niyang gamitin ang panitikan sa negosyo, at (2) upang tanggalin ang tradisyunal na
hadlang (na mga propesyunal lamang ang maaaring makapagsulat); at palaganapin nag demokratisasyon sa
Panitikan kung saan kahit sino mula sa masa at para sa masa ang mga akdang malilikha rito. Masasabing
nagtagumpay si Lau sa kaniyang mga layunin: (1) naging popular at kumita nang husto ang kaniyang
website sapagkat milyun-milyong tao ang gumawa ng account dito, at (2) pinasok ang wattpad ng mga
propesyunal at di propesyunal, ng sikat at ordinaryong mamamayan. Ilan sa mga sikat na manunulat na
pinasok din and wattpad (kahit sikat na sila) ay sina Paulo Coelho at Margarette Atwood. Marami ring
sumikat na nobelang naisulat sa wattpad tulad ng 50 Shades of Grey at iba pa. Masasabing porma ito ng
demokratisasyon sapagkat ‘masa’ ang pinanggalingan (manunulat) ng akda at masa rin ang pinuntahan
(mambabasa).

B. 2006, Wika at Porma ng Panitikan

“Bahagi nitong proyekto ang pagtahak ng mga tao sa kanilang landas para tuklasin ang sarili—
ang sariling kalikasan, kagalingan, kahinaan, at kabutihan—na siyang magpapalaya sa tao sa
sarili, para sa higit pa niyang ikadadakila.” – Tolentino (2010)

Taong 2006 nang isulat ni SGwannaB sa Wattpad ang kaniyang nobelang She’s Dating the Gangster.
Sa panahong ito popular ang social media tulad ng friendster, YM, at texting kung saan laganap sa
pagsusulat ang impormal na wika at ispeling. Masasabing ang kapaligiran ay nakaimpluwensya sa pagsulat
ng nobelang ito dahil ang akda ay katatagpuan ng impormal na wika, maling grammar at ispeling.

1
Gayunpaman, bahagi ng nagbabagong panahon ang pagtuklas ng tao sa kaniyang sarili, at bahagi ng
pagtuklas na ito ay ang pagbabago ng porma ng panulat. Ang tao ay hindi pumapayag na manatiling
nakakulong sa apat na sulok ng kahon—siya’y laging aalpas—sa tradisyunal man o kasalukuyang
pamantayan ng akademya—walang makapipigil sa pag-alpas ng kaniyang haraya sapakat ito ang sa
kaniya’y magpapalaya. Pinangunahan na nga ni Alejandro Abadilla ang pag-alpas at paglayang ito sa porma
ng Panitikan. Tulad niya, hindi rin naman ito agad tinanggap ng akademya at binatikos pa nga ni Clodualdo
del Mundo. Gayundin ang tinatahak ng dumaraming pop fiction ngayon, hindi tinatanggap ng akademya
sapagkat hindi ito swak sa kanilang itinalagang pamantayan ng panitikan. Hindi sinasabing ang mga pop
fiction na nagmula sa wattpad ay magiging kasindakila rin ng Ako ang Daigdig ni Abadilla; ang sinasabi
lang, ito ay isang porma ng paglaya.

C. Impluwensiya ng Media

Ang tagpuan ng SDTG ay isang paaralan may dalawang uri ng estudyante: (1) mga sobrang
gwapo/ganda at sobrang sikat na estudyante dahil sa taglay nitong pisikal na kalakasan—maaaring
magaling sa basketball o anumang isport, at sobrang yaman. Samantala, ang ikalawang uri ng estudyante
(2) ay yung mga pumapasok lang para gampanan ang pagiging avid fan. Kadalasang grupo-grupo ang mga
ito at kung tutuusin kung walang avid fan wala rin ang mga sikat na estudyante dahil parang sayaw na tango
lang ‘yan, it takes two and they go hand in hand. Ang ganitong konsepto ng kapaligiran ay impluwensiya
ng midyang nagbuhat sa Silangan—Slum Dunk (Japan Anime), Meteor Garden (Taiwanobela), Boys Over
Flowers (Koreanobela) at iba pa. Tinangkilik ng kabataan ang kulturang popular na hatid ng midya kaya
makikitang nakaimpluwensya ito sa panulat ng kabataang awtor sa wattpad, gayundin ang mambabasa nito.

III. Awtor

Malaki ang impluwensiya ng pagkatao ng manunulat sa kaniyang likha, sapagkat kundi man kadalasan,
ang likha ay repleksyon ng manlilikha. Si Bianca Bernardino (SGwannaB), 17 taong gulang, Psychology
major sa isang International School, at isang avid fan ng Korean Pop ang manunulat ng popular na She’s
Dating the Gangster. Hindi siya propesyunal na manunulat ngunit malaya siyang nakapagsulat sa website
ng Wattpad.

A. Edad, 17

Masasabing ang mga tauhan ng SDTG ay produkto ng edad ng awtor. Bilang teenager, ito ang panahon
na puno ng ‘perpektong’ pangarap ang kabataan. Karamihan sa mga teenager ay nag-iisip na perpekto ang
buhay kapag sila ay mayaman, gwapo/maganda, paminsan-minsang pagrerebelde at hindi istrikto ang mga
magulang. Makikita sa nobela na ganito rin ang edad ng mga tauhan at ganito rin ang kanilang mga
ginagawa at iniisip. Gayundin ang mga mambabasang tumatangkilik sa ganitong uri ng akda—may
parehong saklaw na edad at pag-iisip, sapagkat nakokonekta nila ang kanilang mga sarili sa tauhan.

“Like what most readers did, I put myself in Athena’s shoes…. Thanks to the painful past.”
– Bianca Bernardino

2
B. Bilang Psych Major
Kakikitaan ng sikolohiya ang akdang SDTG—mga bagay at pangyayaring nakaimpluwensya sa tauhan
upang gawin ang mga desisyon.

a. Depresyon
Halimbawa nito, ang mga bagay na nakaimpluwensiya kay Kenji upang magpakamatay ay ang
kaniyang matinding depresyon sa pagkamatay ng kaniyang minamahal at sa kawalan niya ng
paniniwala sa Diyos. Samantala, ang pagiging makasarili at irritable naman ni Abigail ay dulot ng
lumalala niyang sakit.
b. Messianic Theory
Kakikitaan din ng Messianic theory ang akdang ito—ang teoryang nagsasabing iniisip ng tao na
may kakayahan siyang baguhin ang isang bagay o di kaya’y magbabago ang isang bagay nang dahil
sa kaniya. Sa mga babae, lalu na sa kabataan, may pag-iisip sila na ang isang lalaki (halimbawa,
mabisyo) ay magbabago para sa kanila, o babaguhin ng kanilang pagmamahal (hal., dahil minahal
na ng lalaki ang babae, hindi na magiging mabisyo ang lalaki, magbabago na siya dahil ito ang
gustong mangyari ng babae).

“Bad boys are challenging, being with them is thrilling. Girls want to be that special girl who
makes this tough guy change. Bad boys usually have two sides: tough when in front of other
people, but sweet when he’s with his special girl. That’s what attracts girls to them.”
– Bianca Bernardino

C. International School

Ang tagpuan ng SDTG ay isang paaralang may mga estudyanteng mayayaman at iba’t ibang lahi.
Marahil kaya mahusay na nagalugad ni Bernardino ang ganitong tagpuan sa kaniyang akda sapagkat ganito
ang mundo na kaniyang ginagalawan.

D. Bilang Korean Pop fan

Sa penname pa lang na SGwannaB mahihinuha nang ang manunulat ay isang KPop fan (ang SGwannaB
ay pangalan ng isang grupong KPop). Sa SDTG, makikita sa karakter ng mga tauhan ang pagka-KPop—
mula sa pananalita ng mga ito, pananamit at uri ng pamilya.

Ang akdang SDTG ay mahihinuhang repleksyon ng edad, pangarap, at impluwensya ng kapaligiran ng


manunulat.

IV. Mambabasa

3
“In retrospect, ang nobela ay mas tinaguriang leisure class o lifestyle. Binabasa mo ang
nobela sa sarili mong panahon, mag-isa at ninanamnam ito batay sa dala mong kultural na
background…” – Tolentino (2010)
A. Survey at Research
a. May higit dalawang milyon ang nagbasa ng She’s Dating the Gangster samantalang may P5M
kita naman ito sa takilya. Sa interview ng Literature Hub kay Allen Lau, sinabi niyang
teenagers ang karamihang nagsusulat at nagbabasa sa wattpad. Sa survey din na aking
isinagawa (sa silid aralan at iba pang klase, may higit 25 katao) karamihan ng nagbasa nito ay
nasa high school, teenager at may halos pareho ng hilig sa media (maaaring KPop o anime).
Mahihinuhang ang mambabasang tumangkilik nito ay may factor na kapareho ng may akda.
Tinangkilik nila ito sapagkat nakokonekta nila ang kanilang mga sarili at kaisipan sa binabasa.

V. Konklusyon (Dapat o hindi dapat pag-aralan)

Ang She’s Dating the Gangster, sampu ng iba pang Pop Fiction at tulad at ibang panitikan ay dapat

pag-aralan at bigyang pangalan dahil ito’y existing. Hindi naman sinasabing ipasok ito sa akademya, ngunit

dahil ito’y existing, marapat lamang na bigyan din ito ng pansin ng akademya lalu pa’t ang Pilipinas (sunod

sa USA) ang ikalawang pinakamaraming manunulat at mambabasa ng wattpad, kailangan ng masa ng gabay

mula sa akademya (yaman din lamang na sinasabi ng akademya partikular na ang mga nagpapakadalubhasa

sa Panitikan na sila ang ‘tama’ at ‘dapat’, makatarungan lang na sila mismo ang magsagawa ng pag-aaral

ukol dito) upang mailigtas ang masa mula sa pangkaraniwang paniniwala na ang panitikan ay pagtakas

(espcape) lamang mula sa realidad. Sa ibang bansa, pinasok na ng mga tanyag at propesyunal na manunulat

(Paulo Coelho, Margaret Atwood, atbp) ang wattpad upang ilapit sa masa ang panitikan at ihatid nang libre

ang serbisyo, sapagkat nakamit na ng kanilang bansa ang mataas na pagtingin sa panitikan—kasintaas ng

pagtingin nila sa masa na pinagmumulan ng kapangyarihan.

You might also like