Professional Documents
Culture Documents
’Bakit po?’
’Ganyan din siya kung magsalita, bata pa’y magulang na ang isip.’
’Nasaksihan!’ Napahalakhak si Lolo Tasyo. ’Ang batang ito! Ako ang nagbaon ng
inunan ng ama mo. Ako ang gumawa ng mga una niyang laruan. Naulila agad siya sa
ama.’
Tumayong bigla si Lolo Tasyo at itinuro ng itak ang hangganan ng bukid. ’Doon siya
malimit magpalipad ng saranggola noong bata pa siyang munti. Sa kabilang pitak siya
nahulog sa kalabaw, nang minsang sumama siya sa akin sa pag-araro. Nasaktan siya
noon, ang akala ko’y hindi siya titigil sa kaiiyak.’ Lumingon ang matanda at
tiningala ang punong mangga sa kanilang likuran. ’Sa itaas ng punong ito pinaakyat
ko at pinagtago ang ama mo isang hapon, noong kainitan ng himagsikan, nang
mabalitaang may mga huramentadong Kastila na paparito. At doon, sa kinauupuan mo
kanina, doon niya isinulat ang
kauna-unahan niyang tula-isang maikling papuri sa kagandahan ng isa sa mga dalagang
nakilala niya sa bayan. May tagong kapilyuhan ang ama mo.’ Napangiti si Danding.
’Ang dalaga po bang iyan ang naging sanhi ng pagkakaluwas niya sa Maynila?’
’Oo,’ natigilan si Lolo Tasyo na tila nalalasap sa alaala ang mga nangyari. ’Nahuli
sila sa tabi ng isang mandala ng palay.’
’Nahuli po?’
Marami pang ibig itanong si Danding, ngunit naalala niya ang patay at ang mga tao
sa bahay; baka hinahanap na siya. Unti-unting pinutol niya ang pag-uusap nila ni
Lolo Tasyo, at iniwan ang matanda sa mga alaala nito.
’Ano ang pinanood mo sa bukid?’ ang usisang biro ng isa sa mga bagong tuklas niyang
pinsan. ’Ang araw,’ ang tugon ni Danding, sabay pikit ng mga mata niyang naninibago
at hindi halos makakita sa agaw-dilim na tila nakalambong sa bahay.
Ang libingan ay nasa gilid ng simbahan, bagay na nagpapagunita kay Danding ng sumpa
ng Diyos kay Adan sa mga anak nito, at ng malungkot at batbat – sakit na
pagkakawalay nila, na kamatayan lamang ang lubusang magwawakas. Nagunita niya na sa
maliit na bakurang ito ng mga patay na nakahimlay ang alabok ng kanyang ninuno, ang
abang labi ng Katipunan, ng mga pag-asa, pag-ibig, lumbay at ligaya, ng palalong
mga pangarap at mga pagkabigo na siyang pumana sa kanya ng kanyang angkan. Magaan
ang pagyapak ni Danding sa malambot na lupa, at sinikap niyang huwag masaling
maging ang pinakamaliit na halaman. Handa na ang hukay. Wala na ang nalalabi kundi
ang paghulog at pagtatabon sa kabaong. Ngunit ng huling sandali ay binuksang muli
ang takip sa tapat ng mukha ng bangkay, upang ito’y minsan pang masulyapan ng mga
naulila.
Nabasag ang katahimikan at naghari ang impit na mga hikbi at ang mga piping
pananangis na higit na makadurog-puso kaysa maingay na pag-iyak. Pinagtiim ni
Danding ang kanyang mga bagang, ngunit sa kabila ng kanyang pagtitimpi ay
naramdaman niyang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Sandaling nag-ulap ang
lahat ng kanyang paningin. Nilunod ang kanyang puso ng matinding dalamhati at ng
malabong pakiramdam na siya man ay dumaranas ng isang uri ng kamatayan. Balisa at
nagsisikap ang dibdib ng damdaming ito, si Danding ay dahan-dahang lumayo at
nagpaunang bumalik sa bahay. Ibig niyang mapag-isa kaya’t nang makita niyang may
taong naiwan sa bahay ay patalilis siyang nagtungo sa bukid. Lumulubog na ang araw,
at nagsisimula nang lumamig ang hangin. Ang abuhing kamay ng takipsilim ay nakaamba
na sa himpapawid. Tumigil si Danding sa tabi ng pulutong ng mga kawayan at pinahid
ang pawis sa kanyang mukha at leeg. Ang kapayapaan ng bukid ay tila kamay ng isang
inang humahaplos sa nag-iinit na noo ni Danding. Huminga siya nang malalim, umupo
sa lupa, at ipinikit ang mga mata. Dahan-dahang inunat niya ang kanyang mga paa,
itinukod sa lupa ang mga palad; tumingala at binayaang maglaro sa ligalig niyang
mukha ang banayad na hangin. Kay lamig at kay bango ng hanging iyon.
Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init
ng kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong
nagtataka sa malalim na paghinga niya, sa kanynag malungkot na pagtitig ssa lahat
ng bagay, paghikbi… Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko
nang hindi nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na
noo, hati-sa-kaliawang buhok, singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga
labing duyan ng isang ngiting puspos-kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga
mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, at
maninipis na labi, ay kay Ina… Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at
sukat ang pangungusap. Hindi niya ako inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at
kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang
‘di ako makita. Kailangang ‘do ko masaksihan ang kikislap na poot sa kanyang mga
mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa kanyang labi. Kailangang ‘do
ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin ang katumbas ng kanyang
mariing huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal. Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan
kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw na uhaw... Minsan man ay
hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko mapaniwalaang
may magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat kapwa sila
may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot kailanman.
Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang amang nagsasalaysay
tungkol samga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang
nagmamasid at nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at
masasayang bata. Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang pagsusulat;
sa kanyang pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya
pinapangunot ang kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa
kanyang tabako; kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano
niya ipipikit ang kanyang mga mata; kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat... Si
Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-aayos
ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang
pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay
natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Ngunit ang pananabik na ito’y
napapawi.
Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay: isang
batang marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-
lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay
na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labing walang bahid- kasalanan at
kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid ba kahulihan ng gulang, isang maaring
magingfg katapatan… Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit
man ay sadyang hindi ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na
palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng mga biruan. Sapat na ang isang tuyot na
aalis na ako sa pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na ang maniningil sa ilaw
o sa tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng isang hapunan.
Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya. Mabibilang sa
mga daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si Ama, si Ina
at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-
aaliw. Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng
kakaibang kilos si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga
at kung nakatutulog siya o hindi ay hindi ko matiyak. Marahil ay ito ang tunay na
madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng madla... Ngnit, walang
pagsisisi sa kanyang tinig. Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may
ibinalik na aklat ang aming tagapaglaba: yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan
ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina: yaon daw ay talaarawan ni Ama.
Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo
niyang hindi pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.
Ano ang nasa isang talaarawan? Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing
lasing si Ama ngunit, kakaiba ang kalasingan niya nagyong gabi. Hinihilamusan siya
ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala itong naibigay na ginhawa. Hindi rin
kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol. Sapagkat may
isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating
ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat... Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib
at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti. Marahil ay may sipon ka, ani ina.
Sinisinat ka nga. Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo
ni Ama. Wala siyang tutol sa aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat
kilos ko.
Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti, buhat
sa tuhod hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit
na inakala kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahong ng alagaw.
Kinulob ko siya ng makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong
mainit na tubig na pinigaan ng kalamansi. Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang
aking dalaga! Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti yaon: hindi ako
dating binibiro ni Ama. Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong
ituturing na mahalaga ang nadarama kong kasiyahan… Nabigo ako sa aking pag-asa:
nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya hinihiwalayan ni Ina: si
ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na guhit. Anang
manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit, ayaw niyang
ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama. Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag.
Nililinis ko ang kanyang makinilya. Idinikit ko ang kagugupit na kuwentong
kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa kanyang mga kahon. Ang
pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong
pagtataka: may isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham.
Maliliit at mga bilugang titik bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang
tanggapan ang mga nasa sobre. Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na
mukha, may ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod
niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga titik sa bughaw na tinta: Sapagkat
ako’y hindi makalimot… Ang larawan ay walang lagda ngunit nadama ko ang biglang
pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay natutuhan ko ang maghinanakit kay
Ama. Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang
aking katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin
marahil matitiis na hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong
nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa
kanyang kaligayahan... Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo
maaaring dayain ng ating nadarama. Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang
malawak na katotohanang pumupigil sa kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay
buhayin na lamang natin sa alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang
katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising sa katotohanan... Nakita
ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang
magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan;
hindi ko mapababayaang
lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay mahal sa akin;
ang mahal sa akin ay hindi ko maaring paluhain. Ang pag-ibig na ito’y isang dulang
ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat ako ang nagsimula ay ako ang
magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang tugtuging nararapat tapusin.
Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa
kalungkutang itong halos pumatay sa akin... Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?
Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may
pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas.
Natunghan niya ang mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama. Si Ina ay dumating at
lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay muling binati ng
kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag daliri;
ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay... Ang katahimikang
namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang
pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko
sa mga paninging yaon. Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni,
nang mapaniwala ko siyang masama sa kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi:
Ngayon ay ang aking anak ang susulat nang ukol sa atin...At sa anya’y isang
dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit, hindi ko maisatitik
ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga. Nasa kalamigan ng lupa ang
kaluwalhatian ko! Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang
ilang salitang ito. Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang uang
tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang
pagtaliin ang mga puso namin ng iyong Ina...Mura pang lubha ang labingwalang
taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga kalungkutang magpapahirap sa
iyo habang- buhay... Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin
ni Ama sa akin. Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama. Si Ina
ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag- idlip,
patuloy sa kanyang pagluha kung walang makakita sa kanya... Ang kanang kamay ni Ina
ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais tumakas na damdamin sa
kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi. Naupo siya sa
gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa kanyang mga
palad.
Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo
sa akin kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y
aking wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan... Ang malabubog na tubig
na bumabakod sa mga pangingin ni Ina ay nabasag at ilang butil niyo ang pumatak sa
bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa pagtatagpo
ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punung-puno
ng pagbasa. Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya
namasid ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na
hindi mabigkas.
Nagmamadali ang Maynila Ni Serafin C. Guinigundo
" GINTO. GINTO... Baka po kayo may ginto riyan?" "Mga mama.. mga ale... ginto...?"
ang alok-anyaya ng isang babaing nakakimona at ang saya ay humihilahod sa sakong at
siyang lumilinis sa makapal na alikabok sa bangketa. " Baka po kayo may ginto?" ang
muling sigaw ng babae. " Kung may ginto ako bakit ko ipagbibili? Hindi baga mas
mahal ang ginto kaysa kwalta?" sambot ng isang lalaki na ang kausap ay ang kaakbay.
Ang kalipunan ng mga taong naglipana sa Azcarraga, Avenida Rizal at Escolta ay mga
mamimiling walang puhunan (karamihan) at mga tagapagbili ng mga bagay na wala sa
kanila at lalong hindi kanilang pag - aari. Ang hanapbuhay ng mga ito ay magtala sa
papel ng mga bagay na nababalitaang ipinagbibili. Madalian ag kanilang usapan,
Mabilis magkasundo. Tiyak ang pook na tipanan sa harap ng isang mesa: sa ibabaw ng
umaasong kapeng-mais na pinapuputla ang kulay ng gatas na may bantong gatas ng
niyog. Kung sila'y palarin; kakamal ang libo, kung mabigo naman ay gutom maghapon
Sa tawaran ay hindi magkamayaw. Tingin, tawad, silip, tingin, tawad. Tingin sa
singsing, sa kwintas, hikaw, at pulseras. " Ilang ply, anong sukat ng goma?" usisa
ng isa. " Ano? In running condition ba? Baka hindi, Mapapahiya tayo," ang paniniyak
ng isa naman. " Aba! sinasabi ko sa iyo... garantisado. hindi ka mapapahiya," tugon
ng tinanong. " Hoy,Tsiko, ang iyong lote, may tawad na. Ano, magkano ang talagang
atin doon? Mayroon na ba tayo? Baka wala? Ihanda mo ang papel. Bukas ang bayaran.
Tiyakin mo lang ang ating salitaan ha? Kahit hindi nakasulat... ikaw ang bahala. "
" Ako ang bahala, boy. Alam mo na ang bilis natin, hindi ka maaano. Hawak natin ang
ibon. " Ang iba ay maingat; gumamit ng mga lenteng maaninag sa mga tapyas ng
brilyante. Nangingilag sa basag na bato: iyong may karbon; iyong may lamat.
Malulugi kapagka nabibigla sa pagtawad. Sa bawat may lenteng tumitingin ay marami
pang taong nakapaligid na nag - aantay na makasilip naman: makatingin at tumawad sa
singsing, hikaw at pulseras. Ang init ng araw ay hindi alumana ng mga taong ayaw
iwan ang kakapalan ng nagtatawaran ng lupa, bahay, bakal, pako, trak, lantsa,
kabayo, makinilya at iba pang mga bagay. Kakain lamang upang magbalik; babalik
lamang upang makipag - usap, tumawad, at tumingin. Ang maghapon ay natatapos sa
nakapaghihinayang na pakinabang; nauubos upang umasa sa isang kinabukasang marahil
ay lalong mapalad at manigo. " Balut... balut... baluuuut... baluut!"
"Puto... put.., putt... puto." Iyan ang mga tagapambulahaw sa mga natutulog, sa mga
may nanlalambot sa tuhod. " Isang oras lamang, maaari ba? Ipapakita ko lang sa
aking buyer. Magugustuhan ito. Cash ngayon din. Iiwan ko muna ang aking tubog sa
iyo. May halaga yan. " " Huwag na. Dalhin mo, Sisirain mo ba ang iyong pangako?
Kilala naman kita. Madali ka. Isang oras ang pangako ng aking kaibigan sa may ari
nito. Kaya kung dadalhin mo ay sige. Ibalik mo agad aantayin kita. Hindi ako aalis,
bago mag-ikalabindalawa. Humahangos ang pinagbigyan ng singsing. Naglagos sa
kakapalan ng mga tao. Madagil o makadagil ay tuloy sa kanyang paglalakad. Hinahawi
ng kanyang mga bisig ang mga tao. Isinisingit niya ang kanyang manipis na katawan.
Maikli lamang ang palugit sa kanya sa singsing - isang oras. Ang taong humahangos
at nagmamadali at tila nakikipag -agawan ng oras ay si Maciong. Kabilang si Maciong
sa mga bumibili nang walang puhunan kundi laway at nakapagbili nang wala kundi sa
listahan. Isa siya sa mga ahente sa pamilihang- kalye na lalong malaki ang
pakinabang sa kanyang listahan kaysa sa tunay na tinatanggap ng kanyang bulsang
palaging puno ng bigong paghihintay. Si Maciong na kasalungat ng katwiran ay bata
ni Luisita, ang kanyang kabiyak ng dibdib, ay may paniniwalang ang pananagumpay sa
buhay ay nakasalig sa kaunting bilis ng isip na kanyang tinatawag na "abilidad".
Ang abilidad na iyan ni Maciong ay siyang ipinangangako kay Luisita. Maipakikilala
niya ito sa iba't ibang sukat ng goma; sa mga hawak niyang option sa trak, sa awto,
sa bahay, sa lupa at marami pang iba. Iyan ang kanyang inaasahang masasalapi hindi
maglalaon. Mga katapatan lamang niya ang kaniyang pinagsasabihan. Baka siya'y
maunahan kung siya'y magsasabi. Mabibigo ang kaniyang pangarap. Muli siyang
susumbatan ni Luisita. Nakaraan din si Maciong sa kumukutong mga tao. " Teng...
teng... teng...teng..," ang tinig nang dumaragsang dambuhalang trambya na maraming
sakay na hindi makapasok sa loob, tranbiyang tila baga isang kalabaw na 'di
makayang lumulon sa sinsamungal na sakate sa kanyang namumuwalang bunganga.
Nangunyapit lamang si Maciong sa tansong hawakan sa tranbya. Doon siya
nagpalumaging nakabitin. " Pasok po sila... pasok po kayo... dito sa loob at
maluwag. Pasok..,pasok.,." ang dugtong na utos ng konduktor. Hindi alumana ni
Maciong ang pagdudumali ng konduktor. Laging hindi napapansin ni Maciong na ang
kanyang pagsambot sa tiket ng isang umibis ay sinusulyapan ng konduktor. Ang
pagpasok ni Maciong sa loob ng trambya ay hindi nalingid sa kabatiran ng konduktor.
Hindi pansin ni Maciong ang pagpapatunog ng taladro ng konduktor." Narito, " sabay
abot ni Maciong ng tiket na halos mainit - init pa buhat sa kamay ng kaiibis na
mapagkawanggawa na sinambutan ni Maciong.
" Sold. Kung mapahigit ko sa halaga ninyo ay akin ha? Wala na kayong pakialam sa
higit doon... Iba na amg malinawan," pagunita ni Tasio. " Halika na. Iyong lahat.
Hoy, Tsiko, ang sabi mo sa akin ay isang libo lamang." ang bulong ni Maciong sa
kanyang kausap. " Wala ka ring pakialam sa labis doon. Hayan".. naririnig mo. Huwag
kang magsasalita tungkol sa halaga at bayaran mo. Ako ang bahala." Dalawang tango
lamang ng pagsang -ayon ang iginanti ng kausap ni Maciong. Nagtuloy sila sa isang
makipot na lagusan. Tuloy silang pumasok sa silong. Maraming agiw na nagsalabat sa
daan. Nabulabog ang mga daga. Ang amoy ng mga lumang kasangkapan ay
nakapagpapakalma ng sikmura. Tinalikwas ng nagbibili ang ilang piraso ng yero at
nabuyangyang sa kanilang nag-aalinlangang paniniwala ang dalawampung goma ng trak
na may balot pang papel. Lumabas na bigla si Tasio upang tumawag sa telepono.
Nakilala ni Maciong ang kaugnayan ni Tasio nang ang goma ay hakutin ng trak. Kitang
kita ni Maciong na binibilutan ng sapot ng gagambang bahay ang isang langaw na
mabating sa hibla. Habang minamasdan ang agiw na naglawit sa may tagulamig silong
na siyang nagpapangit sa silid na yaon ay hindi maubos - maisip ni Maciong kung
bakit
doon niya natagpuan ang kapalarang ipinagkait sa kanya ng makukulay na sikat ng
araw. Pumailanlang ang isipan ni Maciong. Naririnig ni Maciong ang kiriring ng
telepono. Nauulinigan niyang itinatanong kung si Manedyer Maximo Kabangis ay naroon
at kung nais bumili ng goma, ng pako, ng langis, ng yero ng trak, ng makina, ng
bahay ng lote. Naramdaman ni Maciong na ang hapo at bigong pag-asa niya ay dahan-
dahang humihimlay sa malambot na kama. Bumabasa ng pang-umagang pahayagan ang mga
paningin ni Maciong na namangha sa isang tagumpay na inaasam-asam at nang ito ay
dumating ay hindi niya maunawaan. Naririnig ni Maciong ang awit sa radyo; dinig na
dinig niya ang " Tindig, aking Inang Bayan; Lahing pili sa Silangan." Binalak pa
rin ni Maciong na ihagis sa nanlilimahid na kandungan ni Luisita ang bungkos ng mga
sasampuing piso. Gugulatin niya si Luisita. Hindi na siya bibili ng lumang damit sa
panulukan ng mga daang Asuncio Azcarraga para sa kanyang apat na anak na kailan
lamang ay hindi niya kayang ibili ng bago. Ipamumukha niya kay Luisita na siya'y
may abilidad. Nagkukumahog si Maciong nang siya ay umuwi nang tanghaling iyon. Ang
biglang pamimintog ng bulsa ni Maciong ay damang-dama at nabubunggo ng kanyang mga
hita sa kanyang mabilis na paghakbang. Nakapaglagos si Maciong sa kakapalan ng mga
tagapagbili ng wala sa kanila, ngunit di niya gaanong alintana ang mga
pagtatawaran, ang pagtitipanan ang pagtutuwid sa ibayong pakinabang. Sa ganang kay
Maciong ay kanyang lahat ng mga kalye ng Maynila - ang buong Maynila. " Mama...
mama... genuine camel po... genuine... gen..." " Hoy, bigyan mo ako." ang tawag ni
Maciong." Magkano?" sabay dukot sa kanyang bulsa na naging masikip sa balumbon ng
mga sasampuing piso at walang anumang kumuha ng tatlo nito, iniabot sa bata, kinuha
ang sangkahang Camel at ang bata ay iniwang tuwid na tuwid. Mga ilang sandali pa,
ang bata ay humahabol kay Maciong upang ibigay ang sukli. " Mama... ang inyong
sukli..." " Ah! Hindi bale," tugon ni Maciong, " sa iyo na..." ang dugtong pa na
ang tinig ay sinadyang ilakas upang marinig ng maraming nagdaraan. Hinigit ni
Maciong ang kanyang balikat; tinutop ang kanyang bulsa; tumingala sa langit
samantala'y patuloy ang usok ng kanyang sigarilyo at ang alingawngaw ng alukan at
bilihan sa pamilihang kalye ay patuloy... Patuloy ang pagkiriring ng telepono. Ang
pukpok na bakal sa hulo, sa liwasan ng lungsod ng Maynila, ay patuloy. Ang mga
nagtatayugang gusali ay tila nagbabantang umabot sa rurok ng langit. Ang alimbukay
ng aso ng alkohol sa lansangan ay nakahihilo, Tigb ang mga karitela, Punuan ang mga
trambya. Humahangos ang mga tao sa lahat ng lansangan ng Maynila. Gumagalaw ang
lahat ng bisig, ang lahat ng isip, ang buong katawan ng Maynila.