You are on page 1of 12

Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino

50 topics
Add to bookmark
Course settings
Gamit ng Wika sa Lipunan
6 topics60 questions
Topics under this module

 Gamit ng Wika Bilang Instrumental


 Gamit ng Wika Bilang Regulatoryo
 Gamit ng Wika Bilang Interaksiyonal
 Gamit ng Wika Bilang Personal
 Gamit ng Wka Bilang Heuristiko
 Gamit ng Wika Bilang Representatibo

PAKSA: Gamit ng Wika Bilang Instrumental

Mga Layunin
Pagkatapos ng araling ito, dapat na

 nabibigyang kahulugan mo ang gamit ng wika bilang instrumental sa lipunan; at


 natutukoy mo ang tatlong anyo ng gamit ng wika bilang instrumental.

 Ano ang kahulugan ng gamit ng wika bilang instrumental sa lipunan?


 Ano-ano ang tatlong anyo ng gamit ng wika bilang instrumental?

Alamin ang mga sagot sa araling ito!

Pag-aralan Natin!
Gamit ng Wika Bilang Instrumental
Ang wika ay ginagamit bilang instrumental kung ang pakay ng tagapagsalita ay
maimpluwensiyahan ang kaniyang tagapakinig o mambabasa.

May tatlong anyo ang paggamit ng wika bilang instrumental:

 makapagbigay ng impormasyon,
 makapukaw ng damdamin, at
 makapagpakilos.

Magbigay ng Impormasyon (Communicative Usage of Language)


Sa pakikipag-usap, palaging mayroong pag-iimpluwensiya sa tagapakinig. Bukod sa paglalahad ng
mensahe, nagagamit din ito upang mapaniwala ang kausap o tagapakinig sa bawat pangungusap
na babanggitin.

Halimbawa:

 "Maniwala ka. Inosente ako."


 "Siya ang nagkasala."
 "Mahal kita."

Makapukaw ng Damdamin (Suggestive Usage of Language)


Mula sa pagkabata ay nakondisyon na ang tao na may emosyong dapat ikinakabit para sa partikular
na mga salita. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagbigay ng apirmasyon, pagtanggi, at pagsabi na
nagustuhan, o pag-ayaw sa mensahe ng tagapagsalita.

Halimbawa:

 "Magagalit si Nanay kung ginawa mo iyan."


 "Magsisisi ka na sa iyong kasalanan dahil paparating na ang araw ng paghuhusga."
 "Ang husay naman ng anak ko!"
 "Ang ganda mo ngayong araw!"
Magpakilos (Promotive Usage of Language)
Iba ito sa regulatoryong gamit ng wika na tuwirang nag-uutos. Ito ay dahil ang pagpapakilos ay
ginagawa sa pamamagitan ng paglalahad, sa paraang pailalim na naglalarawan na lamang ng
kasalukuyang sitwasyon, o naipapabatid ang nais ipagawa.

Halimbawa:

 "Gutom na ako. Magaling ka magluto, ‘di ba?” (Nais mag-utos na magluto ang tagapagsalita
sa kausap.)
 “Mabilis ka masyado magmaneho.” (Nais pabagalin ng tagapagsalita ang nagmamanehong
kausap.)
 “Marami siyang nakurakot noong una siyang nanungkulan.” (Nais mangkumbinsi na huwag
iboto ang partikular na kandidato.)
 “Ito ang bagay sa iyong kulay ng lipstick.” (Nais ng tagapagsalita na makumbinsi ang kausap
na bilhin ang produktong iyon.)

Paalala
Maaaring tugunan ang gamit ng wika bilang instrumental sa paniniwala at pagsuporta, o sa
pagtanggi sa sinasabi ng tagapagsalita.

Buod
Tinutukoy sa gamit ng wika bilang instrumental ang kakayahan ng wika na maging kasangkapan
upang maimpluwensiyahan ang kaniyang tagapakinig o mambabasa. Magagawa ang pag-
impluwensiyang ito sa tatlong paraan---mapaniwala sa impormasyon, makapukaw ng damdamin, at
magpakilos.

PAKSA: Gamit ng Wika Bilang Regulatoryo

Mga Layunin
Pagkatapos ng araling ito, dapat na

 nabibigyang kahulugan mo ang gamit ng wika bilang regulatoryo sa lipunan;


 natutukoy mo ang mga silbi ng wika bilang regulatoryo sa lipunan; at
 nakatutukoy mo ang anim na anyo ng gamit ng wika bilang regulatoryo.
 Ano ang kahulugan ng gamit ng wika bilang regulatoryo sa lipunan?
 Ano-ano ang silbi ng wika bilang regulatoryo sa lipunan?
 Ano-ano ang anim na anyo ng gamit ng wika bilang regulatoryo?

Alamin ang mga sagot sa araling ito!

Gamit ng Wika Bilang Regulatoryo


Isa sa mga gamit ng wika ay ang pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng lipunan. Tinatawag
itong gamit ng wika bilang regulatoryo. Tinitiyak nito na ang tao ay makapagpapahayag ng utos o
gabay sa kung ano-ano ang dapat at hindi dapat gawin ng kaniyang kapwa.

Layunin ng Wikang Ginamit Bilang Regulatoryo


Nilalayon ng tao na magkaroon ng kaayusan sa kaniyang paligid at mga ugnayan. Gamit ang wika
bilang regulatoryo, nagkakaroon siya ng kontrol sa pag-aasal ng sarili at sa kaniyang kapwa.

1. Pagpayag o pagtanggi sa pagsasagawa ng isang gawain sa


pamamagitan ng lantaran o mapanghikayat na pagpagawa o pagpigil ng
kilos
Halimbawa: Pagkakaroon ng mga taboo o mga ipinagbabawal na gawain sa isang kultura

2. Paghingi at negosasyon ng mga gamit


Halimbawa: Walang tigil na pag-iyak ng sanggol para sa kaniyang gatas

3. Paglahad ng karapatang makapagkontrol ng mga gamit o aktibidad


Halimbawa: Pagtakda ng pagmamay-ari sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kasulatan tulad ng
mga titulo ng kotse at lupa

Anim na Anyo ng Gamit ng Wika Bilang Regulatoryo


May anim na anyo ang wika kapag ginagamit ito bilang regulatoryo. Ang unang tatlong anyo ay
imperatibo, direktibang patanong, at direktibang hindi hayagan.

Imperatibo (Imperative)
 mga utos o pakiusap kasama ang mga pagbabawal at pagbibigay-permiso

Halimbawa:

 “Kunin mo ang aking jacket.”


 “Pakiabot ang patis.”

Direktibang Patanong (Question Directive)


 pagtanong sa tagapakinig o mambabasa kung kaya niyang sundin ang utos

Halimbawa:

 “Kaya mo bang abutin ang aking jacket?”


 “Puwede mo bang abutin ang patis?”

Direktibang Hindi Hayagan (Indirect directive)


 nanghihikayat mapaniwala ang tagapakinig o mambabasa na kaya o hindi niya kayang
gawin ang isang kilos

Halimbawa:

 “Kayang-kaya mo ‘yan!”
 “Hindi mo 'kayang abutin.”

Anim na Anyo ng Gamit ng Wika Bilang Regulatoryo


May anim na anyo ang wika kapag ginagamit ito bilang regulatoryo. Bukod sa imperatibo,
direktibang patanong, at direktibang hindi hayagan; ang iba pang anyo ay ang pahayag na
nagpapatunay ng awtoridad, pagkontrol ng mga gamit, at pahayag ng pagpapahintulot at
obligasyon.

Pahayag na Nagpapatunay ng Awtoridad (Statement of Fact Justifying


Authority)
 paglalahad kung sino ang dapat sundin

Halimbawa:

“Ako ang Nanay mo. Ako ang dapat sundin mo.”

Pagkontrol ng mga Gamit (Control of Resources)


 paglalahad kung sino ang nagmamay-ari ng lugar o gamit

Halimbawa:

“Akin ‘yang laruan!”


Pahayag ng Pagpapahintulot at Obligasyon (Statement of Permission
and Obligation)
 paglalahad kung maaari o hindi maaaring gawin ang isang kilos

Halimbawa:

 “Puwedeng-puwede mong kunin yan.”


 “Bawal iyan inumin!”

Paalala
Maaaring hindi madaling matukoy kung regulatoryo ang gamit ng wika sa isang pahayag. May
panahong kailangang tingnan at suriing mabuti ang sitwasyon at konteksto nito para matukoy ang
gamit ng wika rito.

Mahahalagang Kaalaman
 Ang gamit ng wika bilang regulatoryo ay kinakasangkapan upang magbigay-permiso at
magbawal sa aktibidad, gamit, o karapatang pagmamay-ari.
 Nais ng tao na magkaroon ng kaayusan sa kaniyang paligid at mga ugnayan. Sa paggamit
ng wika bilang regulatoryo, nagkakaroon siya ng kontrol sa pag-aasal ng tao at sa kaniyang
kapwa.
 May anim na anyo ang paggamit ng wika bilang regulatoryo:
o imperatibo,
o direktibang patanong,
o direktibang hindi hayagan,
o pahayag na nagpapatunay ng awtoridad,
o pagkontrol ng gamit, at
o pahayag ng pagpapahintulot at obligasyon.

PAKSA: Gamit ng Wika Bilang Interaksiyonal

Layunin
Pagkatapos ng araling ito, dapat na:

 nabibigyan mo ng kahulugan ang gamit ng wika sa lipunan bilang interaksyunal;


 natutukoy mo ang dalawang daluyan ng interaksyunal na gamit ng wika; at
 nauunawaan mo ang mga kasanayang nakapaloob sa bawat daluyan ng wika.

 Ano ang interaksyunal na gamit ng wika sa lipunan?


 Ano-ano ang dalawang daluyan ng interaksyunal na gamit ng wika?
 Ano-ano ang kasanayang nakapaloob sa bawat daluyan ng wika?

Alamin ang mga sagot sa araling ito!

Gamit ng Wika Bilang Interaksyunal


Ang interaksyunal na gamit ng wika ay bumubuo at nagpapanatili ng ugnayan ng tao sa
kaniyang kapuwa. Mayroong dalawang pangunahing daluyan ng interaksyunal na gamit ng wika.
Mayroon ding mga kasanayang kailangan upang mapanatili ang ugnayan.

Dalawang Daluyan ng Interaksyunal na Gamit ng Wika


1. Small talk o Kumustahan

 Naglalaman ng maiikling pagbati, palitan ng kuro-kuro tungkol sa mga paksang hindi


ginagamit sa mahahabang usapan at kadalasang nagtatapos sa mga pahayag ng
pamamaalam
 Formulaic o pangkaraniwan ang nilalamang paksa tulad ng mga ginawa, kalagayan sa
trabaho o eskuwelahan
 Mahalaga para sa pakikipag-ugnayan at pagpapakalagayang loob ng mga hindi magkakilala

2. Kuwentuhan

 Sa kumustahan, dinadaanan lamang ang mga paksa


 Sa kuwentuhan, mayroong napagkakasunduang mga paksang pag-uusapan na maaaring
pasukan ng iba pang mga bagong usapin.

Mga Kasanayang Kailangan sa Kumustahan


May iba't ibang kasanayang dapat matutuhan at tandaan upang mapanatili ang ugnayan ng mga tao
sa isang kumustahan:

Paggamit ng mga pangkaraniwang pahayag


 ginagamit sa kaswal na pakikipag-usap o kumustahan

Halimbawa:

 “Magandang Umaga! Kumusta?”


 “Okay naman. Ikaw?”

Paggamit ng pormal o kaswal na wika depende sa sitwasyon


 ginagamit kung hindi masyadong kakilala ang kausap o para magpakita ng paggalang sa
kausap

Halimbawa:

 Pormal: “Nabalitaan ninyo po ba ang lagay ng panahon ngayong araw? May kainitan po
ano?
 Kaswal: “Ang init-init ngayon ano?”

Pagkakaroon ng maraming kaalaman sa mga paksang pag-uusapan


 ginagamit para mapanatil ang sigla at ugnayan sa usapan at kumustahan

Halimbawa:

 “Nabalitaan kong nagbakasyon ang inyong pamilya. Nag-enjoy ba kayo sa Bohol?”


 “Medyo magulo ngayong eleksyon ano? May napili ka na bang iboboto sa pagkapangulo?”

Paggamit ng mga pambungad at pamamaalam na pahayag


 ginagamit para maging magaan at komportable ang simula ng usapan

Halimbawa:

 “Uy! Hello! ‘Gandang umaga!”


 “O sige, mauuna na ako sa iyo. Paalam!”
 “Ingat! Pakikumusta ako sa iyong nanay.”

Paggamit ng back-channelling
 mga pahayag na nagpapamalas ng pagsang-ayon o pagpapakita ng interes sa pinag-
uusapang paksa
 ginagamit upang maipagpatuloy ang usapan

Halimbawa:

 “Talaga?”
 “Ano sa palagay mo?”
Mga Kasanayang Kailangan sa Kuwentuhan
Tulad sa kumustahan, mayroon ding mga kasanayan na mahalaga sa kuwentuhan.

Pagsisimula ng pag-uusap sa isang paksa sa pormal o kaswal na paraan


 ginagamit sa pormal na pagtitipon, meeting o usapan

Halimbawa:

 Pormal: “Magandang umaga! Kumusta? Sana’y nasa mabuti kang kalagayan.”


 Kaswal: “O! Kamusta ka na?”

Pagbibigay ng makabuluhang feedback


 ginagawa sa pamamagitan ng back-channeling

Halimbawa:

 “Sa palagay ko, tama ang iyong sinabi.”


 “Mukhang totoo iyon.”

Paghingi ng paglilinaw
 ginagawa sa pamamagitan ng pagpapaulit ng sinabi kung hindi malinaw na narinig ang
pahayag o kung kinakailangan

Halimbawa:

 “Pakiulit ang iyong sinabi.”

Pag-iwas sa hindi pagkakaunawaan


 ginagawa ito kung nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan dahil sa binitawang pahayag

Halimbawa:

 “Paumanhin, mukhang kailangan kong ipaliwanag ang panig ko.”

Pagbubukas at pagsasara ng usapan


 magiging komportable at makabuluhan ang kuwentuhan kung may kaalaman sa pagsisimula
at pagsasara nito

Halimbawa:

 Pagbubukas ng usapan: “Maaari ba nating pag-usapan ang problema natin sa bahay?”


 Pagsasarado ng usapan: “Ganoon na ang ating gagawin ha? Maraming salamat sa iyong
pagtulong. Hanggang sa muli, paalam.”

Mga Paalala
 Bawat tao ay mayroong kaparaanan sa pakikipag-usap upang mapanatili ang ugnayan o
interaksyon sa kapwa.
 Ang interaksyunal na gamit ng wika ay mahalaga upang mapanatili ang magandang
samahan sa lipunan.

Mahahalagang Kaalaman
 Ang interaksyunal na gamit ng wika ay nagagamit sa dalawang paraan: kumustahan at
kuwentuhan.
 Mahalagang taglay ng bawat tao ang mga kasanayang nakapaloob sa bawat daluyan ng
interaktibong gamit ng wika sa lipunan upang higit na mapanatili ang pakikipag-ugnayan o
interaksyon sa kapuwa.

PAKSA: Gamit ng Wika Bilang Personal

Layunin
Pagkatapos ng aralin, ikaw ay dapat na:

 nakapagpapaliwanag ng komunikatibong tungkulin ng wika sa lipunan;


 nakatutukoy ng iba’t ibang tungkulin ng wika sa lipunan;
 nakapagbibigay ng mga sitwasyong nagpapakita ng mga tungkulin ng wika;
 nakapagpapaliwanag ng personal na tungkulin ng wika; at
 nakauunawa ng pagkakaiba ng personal na tungkulin ng wika sa iba pang tungkulin.

Isipin kung makailang ulit mo nang ginamit ang wika sa araw na ito. Tukuyin kung ano ang naging
silbi sa iyo ng wika sa bawat pagkakataong ginamit mo ito.

Ano ang tungkuling ginampanan ng wika sa mga sumusunod na sitwasyon:

 Bumati ka ng magandang umaga sa iyong mga magulang.


 Humingi ka ng baon sa nanay mo.
 Kinuwentuhan mo ang nakababata mong kapatid upang hindi siya mainip habang
naghihintay kayo ng masasakyan.

Alamin ang mga sagot sa araling ito!

Pag-aralan Natin!
Makailang-ulit nang nasabi ang kahalagahan ng wika sa lipunan bilang tagapag-ugnay sa
mamamayan. Sa araling ito, pag-aaralan mo kung ano ang espesipikong tungkulin ng wika upang
mapag-ugnay ang mga taong gumagamit nito.

Ang Systemic Functional Language (SFL)


Ang systemic functional language (SFL) ay isang teorya ng pagdulog sa wika na inilatag ng
lingguwistikong si Michael Halliday (M.A.K. Halliday). Ito ay systemic dahil sinusuportahan nito ang
malawakang pagtanaw ng lingguwistika na may “sistema ang bawat wika,” at naaayon sa sistemang
ito ang kahulugan ng mga salita at pahayag sa isang komunidad.

Sa kabilang banda, functional din ito dahil tinitingnan nito na ang magiging kahulugan ng pahayag
ay naaayon sa “gamit” o “tungkulin” ng pahayag na ito. Ibig sabihin, nakadepende ang kahulugan ng
wika sa intensiyon ng taong gumagamit nito. Ipinaliliwanag ng mga sumusunod na sitwasyon ang
konseptong nabanggit:

A.1
Nagbabago ang paraan ng pagpapahayag ayon sa intensiyon kaya naman nagbabago rin ang
kahulugan nito.

Pitong Tungkulin ng Wika


Sa ilalim ng teoryang SFL, nakatukoy si Halliday ng pitong tungkulin ng wika sa lipunan:

1. Personal – pagpapahayag ng personal na damdamin o opinyon


2. Imahinatibo – malikhaing paggamit ng wika
3. Interaksiyonal – paggamit ng wika upang makapagsimula ng usapan o magpanatili ng
relasyong sosyal
4. Impormatibo o representasyonal – pamamahagi ng impormasyon
5. Instrumental – paggamit ng wika upang maisakatuparan ang nais mangyari ng
nagpapahayag
6. Regulatoryo – paggamit ng wika upang limitahan ang kilos ng kausap
7. Heuristiko – pagtatanong o pagkuha ng impormasyon

Mga Personal na Tungkulin ng Wika


Ang wika ay may dalawang personal na tungkulin: impormal at impormal.

Personal na Tungkulin ng Wika: Impormal


Ang personal na tungkulin ng wika, gaya ng nabanggit, ang nabibigyang katuparan kung ang
intensiyon ng tagapagpadala ng mensahe ay magpahayag ng personal na damdamin, pananaw, o
opinyon.
Sa impormal na antas, ito ay ang bulalas ng damdamin tulad ng:

A.2

Maaari rin itong personal na ekspresiyon at manerismo gaya ng mga sumusunod:

A.3

Personal na Tungkulin ng Wika: Pormal


Sa pormal na antas naman, ito ay ang organisadong pagpapahayag ng opinyon o damdamin sa
pasulat o pasalita mang pamamaraan.

A.4
Pansinin na sa proseso ng komunikasyon, ang personal ng tungkulin ng wika ay nabibigyang
katuparan na sa oras na maipahayag ng tagapagpadala ang kaniyang mensahe. Hindi na niya
alintana kung makararating sa o tutugon ang tagatanggap sa mensaheng kaniyang ipinadala.

Maikling Gawain
Upang higit na maunawaan ang araling ito, isagawa ang sumusunod na gawain:

Pumili ng isang teleseryeng ipinalalabas sa kasalukuyan. Manood ng isang episode nito.

1. Magbigay ng reaksiyon (pasalita o pasulat) tungkol sa mga sumusunod:


o Katangian ng bida at kontrabida
o Kapalaran ng bida at kontrabida
o Papel ng iba pang tauhan
o Daloy ng kuwento
o Mga isyung pinag-usapan o konektado sa palabas
o Iba pang kaparehong anggulo o aspeto
2. Suriin ang isinulat o inihandang reaksiyon. (Maaari ring magkipagpalit ng output sa kaklase).
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
o Ano ang mga pagpapahalaga mo (o ng kaklase mo) na makikita sa iyong reaksiyon
sa palabas na pinanood
o Ano ang maaaring nakaimpluwensiya sa iyo (o sa kaklase mo) kung bakit mo (o
niya) nasabi ang mga isinulat o ipinahayag?
3. Suriin ang wika ng iyong reaksiyon (o reaksiyon ng kaklase mo). Anong klaseng
personalidad ang sinasalamin nito?
4. Maaari pang magdagdag ng mga kaparehong tanong.

Mga Paalala
 Ang tungkulin ng wika ay naaayon sa intensiyon ng taong nagpapahayag, o tagapagpadala
ng mensahe.
 Maaaring magkakasabay na makikita ang katuparan ng iba’t ibang tungkulin ng wika sa
isang partikular na sitwasyong pangkomunikasyon, pero ang bawat pahayag sa loob ng
sitwasyong iyon ay may partikular na layuning tinutugunan.
 Ang pagkakaroon ng barayti ay walang kinalaman sa sistema ng isang wika kundi sa mga
pangyayari at nabubuong mga grupong sosyal sa isang lipunan.
 Ang personal na tungkulin ng wika ay iba pa sa personal na gamit ng wika, o idyolek.

Buod
Mula sa dulog pangwika na nagsasabing ang kahulugan ng mensahe ay nagmumula sa dalawang
anggulo, sistema at aktuwal na gamit, tinukoy ang pitong tungkulin ng wika. Isa sa mga tungkuling
ito ang personal na ginagamit ang wika upang maipahayag ang damdamin o opinyon ng
nagpapahayag. Ang pagsusuri sa personal na pahayag ng isang tao ay maaaring magpakita ng
katangian at pagpapahalaga ng taong ito.

PAKSA: Gamit ng Wka Bilang Heuristiko

Layunin
Pagkatapos ng araling ito, dapat na nasasaliksik mo ang mga halimbawang sitwasyong nagpapakita
ng gamit ng wika bilang heuristiko.

 Ano ang gamit ng wika bilang heuristiko?


 Ano-ano ang halimbawang sitwasyong nagpapakita ng heuristikong gamit ng wika?

Alamin ang mga sagot sa araling ito!


Gamit ng Wika Bilang Heuristiko
Masasabing mataas na nga ang antas ng pamumuhay ng mga tao ngayon. Iba’t ibang
klaseng gadgets o makabagong kagamitan ang patuloy na naiimbento dahil sa pag-unlad ng
teknolohiya. Lalong lumiliit ang daigdig at nagiging mabilis ang pagtuklas ng mga kaalaman dahil
sa internet at social media. Masasabing ang mundo’y nasa panahong digital kung saan ang
mahahalagang impormasyon ay matatamo sa isang click lamang.

Heuristiko
 gamit ng wika bilang daan sa pagkatuto ng mga kaalaman at pag-unawa ayon kay Michael
Halliday
 maaaring gamitin ang wika upang maunawaan ang iba’t ibang bagay sa daigdig at
matutuhan ang mga kaalaman sa iba’t ibang disiplina
 ayon kay Roman Jakobson noong 2003, ito ang tinatawag na referential o sanggunian,
kung saan ang gamit ng wika ay maging batayan ng mga kaalaman lalo na sa mga aklat at
babasahin

Heuristikong Gamit ng Wika sa Pormal na Edukasyon


Isang paraan upang masanay sa heuristikong gamit ng wika ang pormal na edukasyon. Narito ang
iba’t ibang halimbawang sitwasyong nagpapakita ng heuristikong gamit ng wika:

Halimbawa:

 Pagbabasa ng mga work text, batayang aklat, encyclopedia, atlas, magasin,


diksyunaryo, almanac, diyaryo, at iba pa
 Nagsasaliksik sa mga search engine at iba pang social media site

Paliwanag:

 Mayaman sa iba’t ibang impormasyon ang mga aklat at babasahin bilang lunsaran ng
edukasyon.
 Sa paggamit ng Internet ay mas mabilis ang pagkuha ng mga batayang kaalaman subalit
kailangang maging maingat sa pagpili ng mapagkakatiwalaang website o taong nag-
post nito.

Iba pang Heuristikong Gamit ng Wika


Ang heuristikong gamit ng wika ay makatutulong din sa praktikal na mga sitwasyon.

Narito ang iba pang halimbawa:

Halimbawa:

 Paggawa ng survey
 Pagtatanong ng direksyon patungo sa isang lugar
 Pakikipanayam o pag-iinterbyu sa isang kilala o tanyag na tao, manunulat, negosyante,
taong naging matagumpay sa kaniyang larangan, mga lider ng bayan at organisasyon, mga
nagwagi sa timpalak

Paliwanag:

 Ang survey at pagtatanong ng direksyon ay pangangalap ng mga pangunahing


impormasyon sa maikli o limitadong oras lamang.
 Ang pakikipanayam ay matalinong pagtatanong sa isang tao o mga taong may malawak na
karanasan o kaalaman sa isang tiyak na paksa upang makakuha ng mga datos na itinatala
at isinasadokumento ang mga pangyayari sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon
o appointment.

Heuristikong Gamit ng Wika sa Midya at Pampublikong Panayam


Maaari ring makakuha ng impormasyon at matuto ng kaalaman mula sa iba't ibang anyo ng midya.

Halimbawa:

 Pakikinig sa radyo ng mga balita, dokumentaryong balita at komentaryo


 Panonood ng mga balita, investigative documentaries, magazine show, educational
show, cooking show
 Pagdalo sa mga seminar, palihan, lecture-forum, symposium, malayang talakayan, debate,
at iba pa

Paliwanag:

 Sa pamamagitan ng pakikinig at panonood ng programa ay nakapangangalap tayo ng mga


bagong impormasyon.
 Sa pagdalo sa mga seminar at iba pang kagaya nito ay napalalawak ang ating kaalaman
mula sa mga bihasa sa piling larangan.

Paalala
Isa sa mga paraan upang lumawak ang ating kaalaman ay sa pamamagitan ng wika. Ang mga
kaalamang ito ay maaari nating matamo sa pamamagitan ng pagbabasa, pakikinig, pagtatanong, at
iba pa.

Mahahalagang Kaalaman
 Sa paggamit ng wika bilang heuristiko ay makapagtatamo tayo ng kaalaman.
 Ang heuristiko at referential ay halos magkatulad ng pananaw ukol sa wika.
 Makakamit ang kaalaman sa pamamagitan ng pagsasangguni sa iba't ibang midya tulad ng
aklat, diyaryo, magasin, radyo, telebisyon, at maging sa makabagong teknolohiya
ng internet.
 Ilan sa pinakamainam na paraan ng pangangalap ng datos ay sa pamamagitan ng harapang
pagtatanong sa daluyan ng tulad ng sa sarbey, symposium, forum, at sa panayam.

PAKSA: Gamit ng Wika Bilang Representatibo

Mga Layunin
Pagkatapos ng araling ito, dapat na:

 natatalakay mo ang gamit ng wika bilang representatibo; at


 nagagamit mo ang representatibong gamit ng wika sa pagpapahayag.

 Ano ang gamit ng wika bilang representatibo?


 Paano ginagamit sa pagpapahayag ang gamit ng wika bilang representatibo?

Alamin ang mga sagot sa araling ito!

Gamit ng Wika Bilang Representatibo


Ang gamit ng wika bilang representatibo ay pagpapahayag ng mga kaalaman o impormasyon.
Maraming paraan para makapagpahayag ng kaalaman o impormasyon ang sinuman. Mayroon ding
mga pamantayang sinusunod sa paggamit ng wika bilang representatibo.

Paggamit ng Wika Bilang Representatibo


May iba't ibang paraan para magamit ang wika bilang representibo.

Pagbibigay ng Apirmasyon o Pagtatanggi sa Datos


Apirmasyon sa Datos

 paggamit ng salitang tulad ng "may," "mayroon," at "totoo"

Halimbawa: Totoong mayroong buhay sa labas ng planetang Earth.

Pagtatanggi sa Datos

 paggamit ng mga salitang "hindi" at "wala"


Halimbawa: Walang maaaring mabuhay sa labas ng mundo lalo na kung hindi sapat ang
kanilang oxygen at tubig.

Paglalarawan o Pangangatuwiran sa mga Katunayan


Paglalarawan sa Katunayan

 paggamit ng mga salitang naglalarawan tulad ng pang-uri upang makapagbigay ng


paglalahad ng mga katangian ng isang bagay, tao, lugar, pangyayari, o penomenon

Halimbawa: Maraming magagandang tanawin dito sa Pilipinas.

Pangangatuwiran sa katunayan

 pagbibigay ng mga ebidensiyang tumutulong sa pagpapatunay sa babanggiting bagay, tao,


lugar, pangyayari, o penomenon

Halimbawa: Dahil sa mayabong na industriya ng turismo, na binubuhay ng mga small-medium scale


entrepreneurs, sa malalagong kakahuyang nagpapabuti sa kalikasan, at naggagandahang anyong
tubig; maraming nagagandahan at napapaibig sa mga tanawin dito sa Pilipinas.

Mga Pamantayan sa Paggamit ng Wika Bilang Representatibo


May mga pamantayang sinusunod sa paggamit ng wika bilang representatibo para matiiyak na
wasto at maayos na naipahayag ang mensahe.

1. Iwasan ang pag-uulit-ulit ng mga salita

 Maaaring hindi magpapaulit-ulit ng mga salita sa pagpapahayag ng mga impormasyon kung


gagamitin ang mga panghalip bilang mga cohesive devices.

2. Siguraduhing naglalaman lamang ng katotohanan ang mga impormasyong ipinapahayag

 Maaaring masigurado ang katotohanan ng mga impormasyong ipinapahayag kung


nakapagsaliksik nang malalim tungkol sa paksa.

3. Maging malinaw sa pagpapahayag ng mga impormasyon

 Iwasan ang paligoy-ligoy na paglalarawan ng mga detalye. Tumuon lamang sa kung ano ang
mahahalagang punto ng impormasyong ipinapahayag.

Mga Paalala
 Maaari ring ipahayag sa paraang patanong ang gamit ng wika bilang representatibo.
 Maging mapanuri sa lahat ng kaalaman o impormasyong nababatid bago ito ibahagi sa
kapwa.

Mahahalagang Kaalaman
 Ang gamit ng wika bilang representatibo ay pagpapahayag ng mga kaalaman o
impormasyon.
 Mahalaga ang papel na ginagampanan ng wika sa pagpapalitan ng impormasyon. Sa tulong
nito, nagkakaroon ng pagpapayabong at pag-inog ng kaalaman sa haba ng panahon.
 Ang gamit ng wika bilang representatibo ay naipahahayag sa pamamagitan ng apirmasyon o
pagtanggi sa datos, at sa paglalarawan, o pangangatuwiran.

You might also like