You are on page 1of 14

Si Wigan at si Ma-I

Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may alitan ang bayan ng Banaue at
Mayaoyao. Itinuturing noon na isang karangalan ang makapatay ng kalaban. Sa
panahong ito nabuhay si Wigan, anak ng hari ng Banaue na si Ampual.

Minsan, si Wigan ay nangaso sa kagubatan. Nang magawi siya sa isang talon


upang magpahinga, nakakita siya ng isang dalagang naliligo. Naakit siya sa
kagandahan nito ngunit napansin niyang ito ay isang dayuhan at walang karapatang
maligo sa lupain ng Banaue.
Papatayin na sana ni Wigan ang dalaga nang pigilin siya ng isang ahas. Nakilala niya
na ang ahas ay si Lumawig, ang diyos ng kalangitan.

Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak, sinamahan ni Wigan ang dalaga pauwi.

Nalaman niyang ang pangaian nito ay Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao na si Liddum.
Sa kanilang mahabang paglalakbay, nabuo ang kanilang pag-iibigan.

Pagdating sa lupain ng Mayaoyao, agad na dinakip si Wigan. Siya na ngayon ang


dayuhan sa lupain ni Ma-i.

Nakiusap si Ma-i sa kanyang ama. Isinalaysay niya ang pangyayari.

“Maaaring pinaslang niya ako nang mahuli niya akong naliligo sa kanyang lupain
ngunit siya ay nahabag. Sa halip, sinamahan pa niya ako pauwi nang ligtas sa
anumang kapahamakan. Mahabag ka sa kanya. Ama, tulad ng pagkahabag niya sa
akin,” nagmamakaawang sabi ng dalaga.

Nag-isip si Liddum. Ang kahilingan ng kanyang anak ay taliwas sa nais ng mga


mamamayan ng Mayaoyao.

“Siya ay mamamatay kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili,”
pahayag ng hari. “Mga mamamayan ng Mayaoyao, piliin ninyo ang pinakamahusay
nating mandirigma upang makatunggali ng binatang mula sa Banaue. Ang
magwawagi sa labanan ang siyang magiging asawa ng aking anak.”
Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Mayaoyao. Pinili nila ang pinakamagiting
nilang mandirigma upang makalaban ni Wigan. Nagsimula na ang paghaharap ng
dalawa.
Mula naman sa Banaue, dumating ang isang daang mandirigma na naghahanap sa
anak ng kanilang hari. Nakita nila si Wigan na nakikipaglaban. Humanda silang
maipaghiganti ito kung sakaling magagapi ito.

Sa kabutihang palad, nanalo si Wigan at naiwasan ang sana’y madugong pagtutuos ng


mga maiidirigma ng Banaue at Mayaoyao.

Isang canao (handaan) ang sumunod. Si Ma-i ang namuno sa sayaw ng kasalan.
Tuluy-tuloy ang pagtunog ng gansa. Umabot ang kasayahan sa loob ng siyam na
araw.

Sina Wigan at Ma-i, kasama ang mga mandirigma ng Banaue, ay naglakbay pabalik
sa Banaue. Habang naglalakbay, naisip ni Wigan ang kanyang ama. Matanda na ito at
marahil ay naghihintay na rin itong magkaapo. Ngunit nag-asawa siya nang walang
pahintulot ng ama. Sasang-ayon kaya ito sa kanyang ginawa?

Sa hagdan-hagdang palayan nagtagpo sina Wigan at Ampual. Hinanda na ng binata


ang kanyang sarili.

“Sa simula ng paggawa ng ikawalong baitang ng palayan, iyon ang magiging taon ng
aking pag-aasawa. Ama, narito na si Ma-i, anak ng hari ng Mayaoyao. Ang kanyang
amang si Liddum at mga mamamayan nito ay naging mabait sa pagtanggap sa akin.”

Tiningnan ni Ampual si Ma-i. Hindi man nagsalita ay alam ni Wigan na naunawaan


siya ng ang ama. Habang naglalakad ay nag-iisip si Ampual ng sasabihin niya sa mga
nasasakupan. Masayang sumalubong naman ang lahat. Nagwika ang hari sa mga taga-
Banaue.

“Ako ay matanda na. Hindi magtatagal at makakapiling ko na rin ang ating mga
ninuno. Bago ito mangyari ay nais kong makita ang aking anak na mag-asawa at
handa nang pumalit sa akin. Narito ang dalaga mula sa Mayaoyao. Mga dalaga ng
Banaue, piliin ninyo kung sino sa inyo ang pinakamaganda na maaari nating itapat sa
panauhing padala ni Lumawig. Mula sa dalawa, pipiliin namin ng aking anak kung
sino ang higit na maganda.

Ang mapipili ay mapapangasawa ng aking anak at ang hindi ay mamamatay. Bilang


gantimpala sa magwawagi, ang kanyang karanasan ay magiging alamat sa ating mga
anak.”

Pumili ang mga mamamayan ng Banaue ng dalagang itatabi nila kay Ma-i. Nang sila
ay makapili, lahat ay sumang-ayon na iyon na nga ang pinakamaganda sa mga taga-
Banaue.

Nagtabi na ang dalawang dalaga. Tunay ngang di-pangkaraniwan ang mga


kagandahang nasa harap ni Wigan ngayon.

Nagtanong si Ampual.

“Ano na nga ba ang pangalan ng dayuhan?”


“Ma-i,” tugon ni Wigan.

“Sumasang-ayon ka ba na si Ma-i ang higit na maganda?”

“Opo,” sagot ni Wigan na nagagalak sa desisyon ng ama.

Inihayag ng hari na nagwagi si Ma-i. Nagalak ang mga tao. Sa kasiyahang ito,
nagwika si Ma-i.

“May isang kahilingan po ako, dakilang pinuno ng Banaue. Hayaan niyong ang
dalagang aking nakatapat ay manatiling buhay nang walang kahihiyan. Ito’y upang
ang kanyang karanasan ay magsilbing alamat ng ating mga anak.”

Pinagbigyan ni Ampual ang kahilingang ito ni Ma-i. Sinimulan na ang ikawalong


baitang ng hagdan-hagdang palayan at naganap muli ang kasalan nina Ma-i at Wigan.
Ito ang naging simula ng kapayapaan sa pagitan ng Banaue at Mayaoyao na umabot
hanggang sa kasalukuyan.

Aral:
 Ang maayos na pakikipag-usap ay nagdudulot ng kapayapaan. Gulo naman ang
hatid ng hindi pagkakaunawaan.
 Mas maiging piliin ang kapayapaan kaysa karahasan.

Ang Dakilang Kaibigan

Dalawang magkakaibigang sundalo ang nagkahiwalay nang sabihin ng


kanilang kapitan na uurong sila sa laban. Sila ay sina Arman at Mando.
Napakarami ng kaaway at wala silang kalaban-laban. Maaari silang mapatay
na lahat kung hindi uurong.
Pagdating sa kanilang kampo, natuklasan ni Arman na wala si Mando. Nag-
alala siya para sa kaibigan. May usapan pa naman sila na walang iwanan.
Lumapit siya sa kanilang kapitan para magpaalam.

“Babalikan ko po si Mando, Kapitan. Baka nasa pook pa siya ng labanan.”

“Hindi maaari,” sabi ng kapitan. “Ayokong ipakipagsapalaran ang buhay mo sa


isang taong maaaring patay na.”

Alam ni Arman na mapanganib ang magbalik sa lugar ng labanan kaya ayaw


siyang payagan. Nang gumabi ay tumakas siya sa kanilang kampo. Gusto
niyang balikan ang kanyang kaibigan. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi
niya ito nakikita. Kung namantay ito sa labanan. Makita man lang niya ang
bangkay at mapanatag na siya.

Nang magbalik si Arman sa kabilang kampo ay sugatan siya. Marami siyang


sinuong na panganib. Galit na sinalubong siya ng kapitan.

“Sabi ko na sa iyo na patay na ang kaibigan mo. Ngayon, malamang na


mamatay ka na rin dahil sa mga sugat mo. Ano ang halaga ng ginawa mo,
sabihin mo nga?” galit na tanong ng kapitan.

“Kapitan, buhay pa ang aking kaibigan nang abutan ko siya. Bago siya
nalagutan ng hininga sa aking kandungan, naibulong pa niya sa akin, utol,
alam kong babalikan mo ako.”

Parang napahiya ang kapitan. Hindi na siya nakipagtalo pa, agad niyang
ipinagamot si Arman sa mga kasamahan nila. Naglakad-lakad siya sa paligid
ng kampo nang gabing iyon. Hindi siya makatulog. Naiisip niya ang kanyang
kaibigan sa kanyang pangkat. Tulad ng kaibigan ni Arman, hindi rin ito
nakabalik sa kampo nang sila’y umurong. At hindi niya ito binalikan para
hanapin.

Aral:
 Ang tunay na kaibigan ay hindi nang-iiwan.
 Matutong sumunod sa nakatatanda o nakatataas sa iyo upang maiwasang
mapahamak.
Ang Matalik na Magkaibigan

Magkasabay na lumaki sina Efren at Gardo. Mula sa buhay mahirap ay kinaya


nila ang lupit ng kapalaran. Hindi sila nakapagtapos ng elementarya. Grade 2
lang si Efren at Grade 4 lang ang natapos ni Gardo. Naging magkasama sila sa
hanapbuhay, ang pagiging construction worker. Isang araw ay magkasama
silang nag miminindal sa pondahan ni Lucy. Nagkaroon sila ng pagtingin sa
dalaga ngunit hadlang ang kanilang kahirapan sa buhay.

“Lucy kung mapapangasawa kita, ibibigay ko lahat ng gusto mo” wika ni Efren.

“Naku! Di niyo ako kayang pakainin, e magkano lang ang kinikita niyo sa
pagiging labor sa constuction.”

“Ako naman Lucy kahit maliit lang ang sweldo ko magiging masaya tayo basta
magkasama lagi sa hirap at ginhawa,” wika naman ni Gardo.

“Tama na nga kayo, kung sino na lang ang magugustuhan ko sa inyo


kalaunan, ay maswerte. O lista kuna nakuha niyo ha?”

“Sige Lucy salamat sa uulitin.” Biro ng dalawang binata.

Nag-usap ang dalawa kinagabihan matapos ang trabaho.

“Pare, balang araw di na ako maghihirap. Yuyuko ang lahat ng tao sa akin,
magiging ganap akong kilala sa lugar natin para may ipamukha ako kay Lucy,”
wika ni Efren.

“Ako naman e kung di niya ako gusto okey lang ang mahalaga yung mahal
ako, balang araw titingalain din ako ng mga tao,” wika ni Gardo.
“May trabaho ang pinsan ko, sumama ka sa akin mamaya kung gusto mo
malaki ang kikitahin natin doon sa alok niya. Tiba-tiba tayo.”

“Baka kung ano yan Efren, okey na sa akin ang trabaho ko marangal.”

“Bahala ka, patuloy tayong magdidildil sa tuyo kung mananatili tayo dito,”
wika ni Efren.

SEE ALSO: Modelong Bata


“Ano bang trabaho yun?” tanong ni Gardo.

“Dun na lang natin aalamin.”

“Pare ikaw na lang, marami pa akong gagawin bukas ibig sabihin di ka


papasok?” Tanong ni Gardo.

“Di na Pare, dun na ako magtratrabaho at sisiguraduhin ko sa sa mga taong


lumalait sa trabaho natin na yuyuko sila sa akin at hihingi ng paumanhin.”

“Bahala ka Pare basta ako magsisikap, balang araw titingalain naman ako nila.
Hehehe!” biro ni Gardo.

“Ha ha ha! ikaw talaga tara at matulog na tayo.”

Lumipas ang isang linggo habang nagpipintura si Gardo ay sinigawan siya ng


isang kaibigan.

“Gardo! Alam mo na ba ang nangyari kay Efren!”

“Ha! Bakit ano nangyari!”

“Mamaya pumunta tayo sa kanila!”

Patay na si Efren, nabaril habang nag-hoholdap ng banko sa bayan. Natupad


ang kaniyang pangarap. Ang mga tao ay isa-isang yumuyukod sa kaniyang
harap sa loob ng isang kahon na may salaming bubog.

Tinitingala naman ng tao si Gardo sa pagiging isang pintor ng mga mural sa


malalaking gusali na kaniyang natutunan sa masikap na pagtiya-tiyaga at
kumikita ng sapat para sa kanilang mga anak ni Lucy.

Aral:

 Abutin ang mga pangarap sa mabuting paraan.


 Hindi hadlang ang kahirapan upang maabot ang pangarap. Magsumikap at
magsipag dahil ilan lamang ang mga katangiang ito upang magkaroon ng
maginhawang buhay sa hinaharap.
 Huwag gumawa ng masama para sa panandaliang kaginhawaan. Mas
mabuti na ang mahirap na malinis ang budhi kaysa yumaman nga ngunit
sa masamang paraan naman nakuha ang kayamanan.
 Ang tunay na kaibigan ay sumasaway sa maling gawi at hindi kinukunsinte
ang kasama.

Matulunging Bata

Ang mabait, masipag, maalalahanin at mapagmahal na bata ay tumutulong


nang kusa sa bahay, di lamang para sa sarili kundi pati sa mga magulang at
mga kapatid.

Para sa aking sarili, ay inilalagay ko sa kanya-kanyang lalagyan ang lahat ng


aking gamit sa paaralan, sa bahay at sa iba pa. Sa ganito, ay hindi ako
maghahanap at mag-aaksaya ng panahon lalo na kung nagmamadali ako.

Hindi na rin ako makagagalitan. Laging nasa lugar ang mga libro, notebook,
lapis, pentelpen, pad paper, school bag, payong, sapatos, at lahat-lahat na.
Walang kakalat-kalat.

Sa Kuya at Ate ay tumutulong din ako lalo na kung sila ay abalang-abala sa


ibang gawain. Pagdating nila mula sa paaralan ay sasalubong na ako sa
hagdan pa lamang, upang kunin ang kanilang gamit at ilalagay ko na sa kani-
kanilang lalagyan. Kapag nagpuputol ng panggatong ang Kuya ko ay iniaakyat
ko na ang maliliit na piraso. Sa Ate naman, kapag nagwawalis, ay kukunin ko
ang basahan at ako na ang magpupunas sa mga mesa at upuan.

SEE ALSO: Isang Aral Para kay Armando


Si Tatay at Nanay ay wala; sila ang gumagawa para sa amin. Ay, mayroon pala.
Sabi ng Nanay na malaking tulong daw sa kanila ni Tatay kung ako, kaming
magkakapatid, ay masunurin, masipag, magalang at malinis. Natutuwa daw
sila at hindi raw nila nararamdaman ang pagod, at nagpapasalamat pa sa
Panginoon.

Kaya naman maingat kami sa damit upang di sobrang marumi ang lalabhan.
Takbo ako agad sa pagtulong kung kaya ko rin lamang gaya ng paghahanda
sa hapag-kainan, pag-urong ng mga ito pagkatapos, paghugas at pagligpit.

Ang dami, ano? Pagnakagawian na ay walang mahirap. At napakasarap pang


pakiramdaman at pakinggan ang, “Ay salamat! Mabait at matulungin ang
aking anak!”

Aral:

 Ang taong matulungin ay nakakapag-papagaan sa mga gawain. Ugaliing


tumulong ng walang hinihinging kapalit.
 Maraming nalulugod sa taong matulungin ngunit sa taong tamad marami
ang naiinis.
 Laging ilagay sa tamang lalagyan ang iyong mga gamit upang madali mo
itong mahagilap kung kinakailangan ng gamitin.

Ang Bulkang Taal

Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya’t nag-utos ang
amang si Datu Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy
ng mga matipuno at matapat na alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon
ngunit wala isa man sa kanilang makakita sa singsing.

Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi
lamang dahil ginto ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. “Iyang
singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na
pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang piping saksi nang pagbuklurin ang
puso naming mag-asawa.”
“Patawarin ninyo ako, mahal kong ama,” luhaang sabi ni Taalita. “Alam ko po
ang kahalagahan niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad
ng pagmamahal ko sa nasira kong ina, subalit…”

“Huwag kang lumuha, anak,” sabi ng ama. “Hayaan mo’t makikita pa rin iyan.”

Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di naglulubay sa pagsisikap


na makita ito. Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita
ang hinahanap. Nalunok pala ito ng isang malaking isda.

SEE ALSO: Ang Nawawalang Prinsesa


Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang na loob ng mag-ama naging
malapit sa kanila ang binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita
at Mulawin. Pumayag naman ang ama sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam
niyang mabait, matapat at mapag-kakatiwalaan ang lalaki.

Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin


na ang namahala sa barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay
ang lawa. Namamangka ang mag-asawa at natutuwang minamasdan ang mga
isda at ibang nabubuhay sa dagat.

Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-


karaniwang bulaklak na nakalutang sa tubig. “Kay ganda ng bulaklak na iyon.
Kukunin ko,” at bago napigilan ng asawa ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay
ni Mulawin na lumitaw ang asawa ngunit hindi ito pumapaibabaw. Dagling
tumalon din ang lalaki para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay
nawalang parang bula.

Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha


Mulawin at Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa gitna ng lawa sa
kinalinuran ng magsing-irog na isang pulo.

Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging
ipagunita ang nawalang mga anak.

Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila
sa bulkan ang masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa
kabilang-buhay ay masaya at nagmamahalan.

Aral:
 Maging matapat sa pinagagawa sa iyo. Huwag agad susuko, tandaan
“Kapag may tiyaga, may nilaga.”
 Maging maingat sa lahat ng oras. Huwag padalos-dalos sa mga desisyon
dahil maaari itong magdulot ng kapahamakan.
Ang Aral ng Damo

May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang
ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.

“Ginoong Punongkahoy, ikaw ba’y maligaya?” tanong ng anghel.

“Hindi,” ang sagot sa tinig na walang sigla, “sapagkat ako’y walang bulaklak.”

Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. “Binibining Bulaklak,


ikaw ba’y maligaya sa iyong paligid?”

“Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang


gardenia sa banda roon. Siya’y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na
taboy ng hangin ay kahali-halina!”

Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito.


“Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?”

SEE ALSO: Kaibigan Daw


“Ako’y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon,
siya’y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay hinog na!”

Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong,


“Ginoong Saging, kumusta? Ikaw ba’y nasisiyahan sa iyong sarili?”

“Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag
malakas ang hangin lalo’t may bagyo, ako’y nababali! Nais ko sanang matulad
sa narra!”

Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, “Anong palagay mo sa iyong


matibay na puno?”
“Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay
matutulis. Ang mga ito’y nagsisilbing proteksiyon!” pakli ng narra.

Ang anghel ay nagpunta sa damo. “Kumusta ka? Ano ang nanaisin mo para sa
iyong sarili?”

“Masaya ako!” sagot ng damo. “Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta


ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko’y ako’y ako… Hindi
nananaghili kaninuman pagkat maligaya!”

Aral:

 Makuntento sa kung anong meron ka. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos na


may kanya-kanyang katangian. Huwag maging mainggitin sa iba.
 Maaring ang kahinaan mo ay maging kalakasan ng iba. Gamitin ito upang
makatulong sa kapwa.
 Ang sikreto sa masaya at payapang pamumuhay ay ang pagiging kuntento.
Huwag laging tingalain ang iba. Sa halip ay pagyamanin mo kung anong
meron ka at matutong maging masaya para sa iba.

Ang Punong Kawayan

Sa isang bakuran, may ilang punungkahoy na may kanya-kanyang katangian.


Mabunga ang Santol, mayabong ang Mangga, mabulaklak ang Kabalyero,
tuwid at mabunga ang Niyog. Ngunit sa isang tabi ng bakuran ay naroroon
ang payat na Kawayan.

Minsan, napaligsahan ang mga punungkahoy.

“Tingnan ninyo ako,” wika ni Santol. “Hitik sa bunga kaya mahal ako ng mga
bata.”

“Daig kita,” wika ni Mangga. “Mayabong ang aking mga dahon at hitik pa sa
bunga kaya maraming ibon sa aking mga sanga.”
“Higit akong maganda,” wika ni Kabalyero. “Bulaklak ko’y marami at pulang-
pula. Kahit malayo, ako ay kitang-kita na.”

SEE ALSO: Ang Kalabasa at ang Duhat


“Ako ang tingnan ninyo. Tuwid ang puno, malapad ang mga dahon at
mabunga,” wika ni Niyog.

“Tekayo, kaawa-awa naman si Kawayan. Payat na at wala pang bulaklak at


bunga. Tingnan ninyo. Wala siyang kakibu-kibo. Lalo na siyang
nagmumukhang kaawa-awa.”

Nagtawanan ang mga punungkahoy. Pinagtawanan nila ang Punong Kawayan.

Nagalit si Hangin sa narinig na usapan ng mga punungkahoy. Pinalakas niya


nang pinalakas ang kanyang paghiip. At isang oras niyang pagkagalit ay
nalagas ang mga bulaklak, nahulog ang mga bunga at nangabuwal ang puno
ng mayayabang na punungkahoy. Tanging ang mababang-loob na si Kawayan
ang sumunud-sunod sa hilip ng malakas na hangin ang nakatayo at di
nasalanta.

Aral:

 Ang kayabangan ay nagpapababa sa dangal ng tao. Kaya huwag maging


mayabang.
 Maging tulad ng kawayan na mapagpakumbaba. Bagaman hindi siya
kasing gaganda at kasing-tikas ng ibang mga puno, siya naman ay higit na
matatag sa oras ng pagsubok.
Ang Kalabasa at ang Duhat

Noong unang panahon nagtanim si Bathala ng kalabasa at duhat. Gusto niyang makita kung
papano magsilaki ang mga ito.

Dahil si Bathala ang nagtanim, kaydali nilang lumaki. Si Duhat ay lumaki pataas na ang
itinuturo’y kalangitan, at ilang araw pa ay nakahanda na itong mamunga.

“Sabik na sabik na akong mamunga,” wika ni Duhat.

Si Kalabasa naman ay humaba, ngunit hindi tumaas. Gumapang lang ito nang gumapang,
hanggang sa ito’y nakatakda nang mamunga.

Ngunit hindi malaman ni Bathala kung anong uri ng bunga ang ipagkakaloob niya sa dalawang
ito.

Matamang nag-isip si Bathala.

“Ang duhat na nilikha ko’y malaki, nararapat lamang na malaki rin ang kanyang bunga. At si
Kalabasa naman ay gumagapang lamang, at walang kakayahang tumayo, nararapat lamang na
ang mga bunga nito’y maliliit lamang.” Wika ni Bathala.

SEE ALSO: Ang Dalawang Magtotroso at ang Engkantada


Ganyan nga ang nangyari. Si Duhat ay namunga ng sinlaki ng banga. Agad niyang nakita na
hindi tama ito, sapagkat nababali ang mga sanga nito dahil sa bigat ng bunga. Si Kalabasa
nama’y hindi bagay dahil maliit ang bunga. Di pansinin ang mga bunga nito lalo’t natatakpan sa
malalapad na dahon.

Muling nag-isip ng malalim si Bathala. Tunay na hindi siya nasiyahan.

Napagpasiyahan niyang ipagpalit ang mga bunga ng mga ito. At napatunayan niyang tama ang
kanyang ginawa, sapagkat ang kalabasa, mahinog man ito’y hindi malalaglag dahil ang puno ay
gumagapang lamang. Samantalang ang duhat, malaglag man ay magaan, hindi masisira at
ginawa naman niyang kulay berde ang kalabasa sa dahilang ito’y malayo sa araw. At kulay itim
naman ang duhat. Pagkat ito’y malapit sa araw.

At sa kanyang ginawa’y nalubos ang kasiyahan ni Bathala.

Aral:
 May kanya-kanyang natatanging katangian ang lahat. Maging masaya sa kung ano ang
ipinagkaloob sa iyo ng Diyos dahil siguradong may dahilan kung bakit ganyan ang
katangiang mayroon ka.

You might also like