You are on page 1of 2

PAMBABATOK

Ang "pambabatok" o pagtatato ay isa sa mga tradisyon ng mga taga-Cordillera. Ito raw
ang simbolo ng kanilang katayuan sa kanilang kumunidad. Sinisimbolo aniya nito ang
kagandahan, kalakasan, at karangyaan ng isang dalaga.

SAPO (KULAM)
Ang sapo, o kulam sa tagalog, ay isa sa mga sinaunang gawain na nakakapagtaka
ma’y nakarating sa kasalukuyang henerasyon. Ginagamit ito upang makapagdulot ng kung hindi
maganda ay kasawiang-palad sa taong tinuturingan nito. Ito ay ginagawa ng
mga mambonong (mambonon sa iba), o mga pari. Ngunit maari din daw manahin ang talentong
ito. May ritwal na gagawin ang mambonong upang magtawag ng diwata. Gumagamit ng
representasyon para sa taong nais i-sapo, madalas na isang manok. Kinakantahan ng dasal at
sinasayawan upang ang diwata, o espiritu ng mga ninuno ang magpapatotoo sa mga hinihiling.

Hindi lahat ng tao ay tinatablan ng sapo, lalo na kung siya ay may matatag na
pananampalataya. (Hindi lamang nasabi kung ito’y pananalig sa Diyos ng mga Kristiyano o sa
Bathala ng mga ninuno.) Sa ganitong mga pagkakataon, ito ay napupunta sa isa pang taong
mahalaga sa kanya, kung di kaya’y bumabalik ito sa nais magpalagay ng sapo. Babala ng mga
matatanda sa mga kadalagahan, huwag daw itaboy ang isang manliligaw. Bagkus ay kausapin na
lamang daw ito nang matiwasay upang maiwasan ang anumang disgrasya. Sinasabing malawak
pa rin ang paggawa nito sa ilang parte ng Mt. Province, Kibungan, Bokod, at lalo pa sa Abra.

PAGLIBING
Ang paglilibing naman sa isang tao ay depende sa kanyang estado sa buhay.
Nagtatawag sila ng mambonong upang magsabi ng huling dasal. Isinasama na dito ang paghingi
ng tawad para sa mga kasalanan ng namatay at pagbebendisyon sa pamilyang naiwan. Para sa
mga mayayaman, nagkakaroon ng kanyao na nagtatagal ng di kukulanging isang lingo, minsan
ay umaabot pa ng dalawang buwan.

Ang namatay ay binabalutan ng espesyal na tapis o tela at dinadagdagan ng mga


bagay na naging mahalaga sa kanya. Ito ay sinasabing makakapagpadali sa kanyang pagtawid sa
kabilang buhay. Inaasahan din nila ang pagpaparamdam ng kanyang kaluluwa sa ikatlong araw,
lalo na sa mga kapamilya at kaibigan. Sinasabing ito ang panahon ng pag-ahon ng kaluluwa sa
pook ng mga kagalang-galangang ninuno.

Sa mga Ibaloi naman, pumapaslang sila dati ng isang kabayo upang maging sakayan
ng kaluluwa sa kanyang paglalakbay. Dati pa, marunong ang mga katutubong magmummify. Ito
ay natatangi sa istilo ng mga Egyptian at Aztecs sa pagkat kasamang napre-preserba ang balat
habang ang bangkay ay naka-posisyong paupo na para bang giniginaw. Kaya lamang,
nakalimutan na din kung paano ito ginagawa. Mayroon pang natuklasan na isang mummy dito na
sinasabing mahigit apat dantaong gulang na.

KABILANG BUHAY
Pinaniniwalaang pagkamatay, ang kaluluwa ay pumupunta sa mundo ng mga ninuno.
Sa mga nahaluan ng Katolikong paniniwala, sinasabi nilang ang mga kaluluwa ay pumupunta sa
purgatoryo habang hinihintay ang araw ng pagsasakdal. Ngunit itong mundo rin nating ito ang
purgatoryo. Sila ang mga naninirahan sa mga sapa, mga gubat, mga puno, mga tutubi, at lahat na
yata ng mga likas na bagay. Anito ang tawag sa mga ito. Ang mga anito ay kinatatakutan at
nirerespeto ngunit hindi sila diyos. Ang mga diyos (bathala) naman ay higit na may
kapangyarihan sa kanila. Pinaniniwalaan ding may kataas-taasang diyos na siyang lumikha sa
sanlibutan. Nakakalito sa pagkat siya ang tinuturingang ‘Bathala’ ng ibang tribo.

ILANG PANINIWALA

Pagtawag ng pangalan.
Bago lumisan sa isang panibagong lugar, tinatawag ng mga katutubo ang kanilang
anino. Maari daw kasing maiwang naglalakbay ang anino, o kaluluwa hiwalay sa katawan nito.
Kapag nagkaganoon, ang katawan ay maiiwang sakitin at tulala. Sa ibang tao, palagi niyang
mapapanaginipan ang lugar na pinuntahan niya. Makikita niya ang sariling libang na libang sa
mga tanawin at mga bagay doon.

MGA RITUAL
Ang kanyao (Canao) ay isang ritwal na ginagawa sa isang pagtitipon. Madaming
pagkakaiba-iba sa bawat lupain, sa bawat angkan. Ito ay ginagawa para sa mga masasayang
selebrasyon gaya ng masidhing pag-aani, pasasalamat sa pagkakagamot, at iba pa. Ngunit hindi
dito nagtatapos ang gamit nito. Maari din itong gawin sa mga nakakalungkot na pangyayari gaya
ng paglalamay. Madalas naman, ito ay ginagawa bilang pagkonsulta sa mga ninuno tungkol sa
mga dapat na gawin ng isang bayan. Marami din talagang iba’t-ibang mga kaugaliang
napapaloob sa kanyao.

Ang pamilyang nais magtanong ay unang lumalapit sa kadangyan. Doon


sasabihin ng kadangyan (isang uri ng pari) kung ano ang mga kakailanganin. Madalas na
nagpapakatay ng sampung baka o baboy, depende sa kahilingan umano ng mga diwata. May mga
biro na depende lang talaga yun sa katakawan ng kadangyan o sa dami ng mga pakakaining
manonood. Ang mga pinaslang na hayop ay nagsisilbing paghahandog sa mga diwata (anito,
ninuno) at mga bathala.

Sa mga susunod na araw ay magkakaroon ng mga pagsasalo, pagsasayaw,


kantahan, at iba pa. Kung ano man ang sadya ng kanyao, doon din nanggagaling ang uri ng
sayaw, o tayaw. Madalas na ginagamit ang mga gongs na gawa sa makapal na bakal. Sinasaliwan
naman ito ng iba pang mga tambol gaya ng solibao habang ang mga tao ay nagkakantahan,
nagtatawanan, at pinagsasaluhan ang watwat (pinakuluang karne ng baboy). Para sa kanyao ng
pasasalamat, ang laman ng kanta ay ukol sa mga masasaganang ani at iba pang mga dapat
ipagyamang bagay. Sinasaloob din ang mga matatalinhagang sabi ng mga ninuno.

You might also like