You are on page 1of 3

Cagayan de Oro Center

2nd level, Stary Building, Max Suniel St., Carmen, Cagayan de Oro, Philippines
Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik

Day: 1

I. LAYUNIN
Matapos ang aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
1. Natutukoy ang kahulugan at pangunahing layunin ng mapanuring pagbasa;
2. Nahihinuha ang kahalagahan ng pagbasa upang makakalap ng impormasyon;
3. Naisasagawa ang scanning at skimming sa pagbasa ng teksto.

II. NILALAMAN
a. Paksa: Aralin 1 - Batayang Kaalaman sa Mapanuring Pagbasa
b. Sanggunian: Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik.
pp.2-10

III. GAOD KAISIPAN


 Kahulugan ng Pagbasa
 Intensibong Pagbasa
 Ekstensibong Pagbasa
- Scanning
- Skimming
 Antas ng Pagbasa
- Primarya
- Mapagsiyasat
- Analitikal
- Sintopikal
-Pagsisiyasat
-Asimilasyon
-Mga Tanong
-Mga Isyu
-Kumbersasyon

IV. PAGLALAPAT
Panuto A: Basahin ang mga tanong sa ibaba bago simulant ang pagbasa ng
sumusunod na seleksiyon. Pagkatapos unawain ang mga tanong, hanapin ang sagot sa
seleksiyon sa pamamagitan ng scanning.

1. Sino ang pangulo ng Pilipinas na nagpagawa ng ng Bataan Nuclear Power Plant?


2. Magkano ang inutang ng Pilipinas sa World Bank upang maipagawa ito?
3. Ano-ano ang dahilan kung bakit hindi napakinabangan ang Bataan Nuclear Power
Plant?
4. Bakit nagpasiya si Pangulong Corazon Aquino na huwag nang patakbuhin ang planta
maging sa panhaon ng kaniyang administrasyon?
Ang Bataan Nuclear Power Plant

Ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) ay isang plantang nukleyar sa Morong, Bataan. Itinayo ito
sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ngunit sa kasamaang palad, hindi ito
nagamit at napakinabangan.

Noong Hulyo 1973, inanunsyo ni Pangulong Marcos ang pagtatayo ng isang plantang nukleyar sa
Bataan sa ilalim ng kaniyang programang nukleyar na nagsimula noong 1958. Ang programa ay bilang
tugon sa krisis sa langis sa Gitnang Silangan at solusyon sa pangangailangan sa enerhiya ng bansa.

Sinimulan ang konstruksyon ng planta noong 1976 ngunit pinatigil noong 1979 dahil diumano,
nakitaan ito ng mga eksperto mula sa Estados Unidos ng napakaraming depekto. Naging suliranin ng ilan sa
mga naging alkalde ang lokasyon ng planta na malapit sa fault line at Bundok Pinatubo, isa sa mga aktibong
bulkan sa Pilipinas. Nang malapit nang matapos ang BNPP noong 1984, umabot sa $2.3 bilyon ang naging
gastos sa konstruksyon nito. Ang halagang ito ay inutang lamang ng Pilipinas sa World Bank. Ang BNPP ay
idinisenyo upang lumikha ng 621 megawatts ng elektrisidad, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi ito
napagana kahit isang minuto.

Nang mapaalis sa puwesto si Pangulong Marcos noong 1986, nagpasya ang pumalit sa kaniyang si
Pangulong Corazon Aquino na huwag nang patakbuhin ang planta dahil sa takot na magaya ito sa
Chernobyl Disaster sa Rusya. Gayundin, maraming residente ng Bataan at mga organisasyon ang nagpakita
ng matinding pagtutol dito. Kalaunan ay kinasuhan ng gobyerno ng Pilipinas ang Westinghouse, ang
kontraktor ng planta, dahil sa overpricing at panunuhol, ngunit hindi rin ito nilitis ng gobyerno ng Estados
Unidos.

Hanggang sa kasalukuyan ay binabayaran pa rin ng Piliipinas, mula sa buwis ng mga mamamayan


nito, ang napakalaking utang ng bansa dahil sa BNPP. Bukod sa isyu ng overpricing at korupsiyon ng mga
kroni ni Marcos, nakapanlulumong hindi napakinabangan ng mga mamamayan ang proyektong ito.

Panuto B. Basahin ang sumusunod na seleksiyon sa pamamagitan ng skimming at


magsulat ng anotasyon tungkol dito.
Globalisasyon

Ano ang kahulugan ng globalisasyon? Sa larangan ng ekonomiya, ito ang pagkakaroon ng nag-
iisang dambuhalang pamilihan sa buong mundo. Kung dati ay may kani-kaniyang sistema ng ekonomiya
ang bawat bansa, inaalis ng globalisasyon ang mga pambansang saklaw at hangganan upang pag-isahin
ang mga ekonomiya ng bawat bansa. Ito ang dahilan kung bakit borderless society ang kadalasang tawag
sa mga bansang pumapaloob dito. Ibig sabihin ay inaalis ang mga border o hangganan ng pagpapalitan ng
mga produkto at serbisyong pang-ekonomiya.

Paano inaalis ang hangganan ng mga bansa at pinag-iisa ang mga ito? Ito ay sa pamamagitan ng
pagpapabilis ng transportasyon at komunikasyon upang maging mas madali ang daloy ng mga produkto.
Mahalaga rin ang pag-aalis ng mga pang-ekonomiyang hadlang tulad ng buwis at taripa. Taripa ang tawag
sa buwis na ipinapatong sa mga produktong pumapasok sa isang bansa. Halimbawa, may isang toneladang
pantalon mula sa Tsina na papasok sa Pilipinas upang ibenta rito. Sa kasalukuyan, karaniwan ay 5-10% ng
kabuuang halaga nito ang ibabayad sa gobyerno ng Pilipinas bilang taripa. Sa panahon ni dating Pangulong
Fidel Ramos, iniisip niyang sa taong 2015 ay aabot sa 0-1% ang taripa ng mga produktong papasok sa
bansa. Plano ng dating pangulo na lalong pababain ang taripa upang makisabay sa pandaigdigang
kalakaran. Ibig sabihin ay mas maluwag na makapaglalabas ng mga hilaw na materyales (raw materials) ang
Pilipinas tungo sa ibang bansa habang magiging tambakan naman ang Pilipinas ng mga yaring produkto
(finished products) upang ibenta sa lokal na pamilihan.

Sagot ang globalisasyon sa suliranin ng sobrang produksyon sa mayayamang bansa habang


kumukuha ng murang hilaw na materyales sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Dahil sa
kalagayang ito, may mga ekonomistang nagsasabi na lalong yayaman ang mga bansang mayayaman at
maghihirap ang mga bansang mahirap.

V. PAGLALAHAT
Mag-isip ng isang aklat, artikulo, o anomang genre ng panitikan na katatapos mo
lamang basahin.Bakit mo nagustuhan ang tekstong ito? Ano ang motibasyon mo sa
pagbasa nito?

VI. PAGTATAYA
Panuto: Tukuyin kung anong ANTAS ng pagbasa ang ipinapakita sa sumusunod na
sitwasyon. Isulat ang wastong titik ng tamang sagot sa patlang.
a. Primarya c. Analitikal
b Mapagsiyasat d. Sintopikal

___ 1. Nakita ni Maureen na Espanyol ang teksto kung kaya hindi na niya ipinagpatuloy
ang pagbabasa.
___ 2. Inalam ni Anna ang pangalan ng paborito niyang tauhan sa isang kuwentong
nabasa noong elementarya.
___ 3. Galit ang naramdaman ni Brian nang mabasa ang balita tungkol sa insidente sa
Mamasapano.
___ 4. Sumasangguni si Nanay sa kanyang cookbook upang mas mapasarap ang
kaniyang mga lutuin.
___ 5. Inunawa niya ang pinabasa ng guro upang masagutan ang pagsusulit.
___ 6. Gumawa si Laya ng anotasyon ng mga sanggunian bilang paghahanda sa
gagawing pananaliksik.
___ 7. Natuklasan ni Jonathan sa kaniyang pananaliksik na may isang mahalagang
suliranin sa paksa ang hindi pa gaanong napagtutuunan ng pag-aaral.
___ 8. Iniugnay ni David ang naunawaan sa akda sa sarili niyang karanasan.
___ 9. Tinanong ng guro ni Pia kung tungkol saan ang seleksiyon matapos niya itong
basahin.
___ 10. Sumulat si Marie sa editor ng diyaryo matapos mabasa ang maling nilalaman
nito.

Inihanda ni:
Bb. Mary Joy Adelfa P. Dailo
Guro sa Filipino

You might also like