You are on page 1of 4

PASKO SA PINAS: NOON AT NGAYON

Maraming mga pangyayari ang nagpabago sa buhay ng tao. Dala ito marahil ng patuloy
na pag-unlad ng lahat ng mga bagay na ating kapaligiran. Noon sulat lamang at wired telephone
ang komunikasyon, pero ngayon bukod sa maaari mo ng dalhin kahit saan ang tinatawag na
cellular phone eh, pwede ka pang mag-send ng mensahe o text messages. Masarap na ring
manood ngayon ng mga palabas sa telebisyon dahil puro high definition na ang mga flat screen
TV set na ating mabibili sa mga appliance stor. Gayundin sa mga sine na colored na rin, at
maging ang dating tinitipang mga makinilya o typewriter ngayon ay isang pindot mo lang sa
computer ay madali na ang kominikasyon. Lahat halos ng ating mga lumang teknolohiya ay
nabago na, naging komersiyalismo na ika nga.

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi.
Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na
bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga
pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang
tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon,
nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa
buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo,
pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-
salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi,
hindi pa gaano.

Naging tradisyon na sa mga Pilipino ang magdaos ng isang selebrasyon tuwing sasapit
ang araw ng kapanganakan ng Panginoong Jesukristo. Hindi mawawala ang makukulay na
kalsada, palamuti sa labas at loob ng bawat tahanan, mga handang pagkain para pagsaluhan ng
pamilya, at pagsasama-sama ng buong pamilya. May iba’t ibang paraan ang bawat pamilyang
Pilipino sa pagsalubong sa kaarawan ng Diyos. Ang iba’y nasa simbahan upang magpasalamat sa
handog na ligaya at kaligtasan para sa kanilang pamilya, mayroon din namang mga pamilyang
nagpupunta sa iba’t ibang lugar upang doon magdaos ng pasko, at mayroon din pamilyang nasa
kani-kanilang tahanan lamang na sabay sabay na nagsasalu-salo sa hapagkainan at masayang
nagbubukas ng mga regalo para sa bawat isa.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa


masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng
pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang
mga himig pang-Pasko sa telebisyon kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela
ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre,
humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga
Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang
ihahanda sa Noche Buena. Kuwentuhan dito, kuwentuhan diyan. Kain dito, kain doon. Kain muli
kasabay ng walang tigil na kuwentuhan, ngunit hindi mawawala ang bukasan ng regalong
makikita sa ilalim ng Christmas Tree sa tahanan. Makikita ang ngiti sa mukha ng bawat isa,
habang isa isa na nilang binubuksan ang mga regalong natanggap nila. Sa mga ganitong
pagkakataon masayang makatanggap ng mga materyal na bagay kahit pa anong presyo nito,
maliit man o malaki dahil hindi lang ito isang bagay o gamit na iniregalo sa bawat isa; ito’y mga
regalong mula sa puso dahil gusto ka nilang mapasiya at mapatawa. Sa totoo lang, pakiramdam
ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko
madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa mga kamag-anak namin.
Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa
tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal
talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng
bakasyon. Free time e.

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan
ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang
hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa
roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo.
Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong
nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi
mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.
Dati, may mga nakikita tayong parol na nakasabit sa mga bahay- bahay na mayroon
pang mga kumukutitap na mga ilaw at christmas tree, pero ngayon iilan na lamang ang
mayroon nito. Madalang na rin ng mga bata at matatandang nagkakaroling na siyang tradisyon sa
lahat halos ng panig ng mundo na naniniwala sa Kristiyanismo. Ang magagandang awiting
pamasko ay sa mga shopping mall mo na lamang maririnig ngayon, at dito na rin natin makikita
ang mga magagandang dekorasyon na sa mga kapitbahay lamang natin nakikita noon.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na
tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung
iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin
hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa
simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang
buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang
Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung
pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka
na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi
makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili.

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-
enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa
nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng
gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa
harap natin mismo?

Sa kabila ng pagsunod sa mga tradisyon, misan nakakalimutan ng ilan sa atin ang tunay
na kahulugan ng pasko. Ang iba ay abala sa paghahanda ng iba’t ibang pagkain at ang iba naman
ay sa mga regalo. Ngunit di natin dapat kalimutan ang tunay na diwa ng pasko. Ito ay panahon
ng pagbibigayan, pagmamahalan, at higit sa lahat pagpapasalamat sa ating mahal na panginoon
para sa lahat ng biyaya na pinagkaloob niya sa atin sa buong taon. Wag nating kalimutan
magpasalamat sa ating Diyos na siyang dahilan kung bakit tayo’y nandito at nagdiriwang ng
kapaskuhan, nawa’y lagi tayong mgpasalamat sa lahat ng biyayang natatanggap sa araw-araw.
Hindi lang dapat sa araw ng pasko ang pagmamahalan, datapwat isapuso natin na dapat tayo’y
palaging magbigayan at isantabi ang hindi pagkaka-unawaan. Ang pasko ay para din sa mga bata
na laging masaya sapagkat sila ay natutuwa sa mga regalo mula sa kanilang mga ninong at
ninang.

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala ngayon, isipin mo kung para saan ba at
ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit
tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi
na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman
mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

You might also like