Professional Documents
Culture Documents
2014-42200
PI 100 THX-3 (TTh 2:30-4 PM)
Mula pa lang elementarya, bahagi na ng ating pag-aaral ang pagkilala sa iba’t ibang bayani
ng ating bansa. Isa sa mga madalas at paulit-ulit na pangalang maririnig natin ay si Jose Rizal na
tinaguriang pambansang bayani ng Pilipinas.
Malapit din sa kaniyang ama na si Fransico o “Kikoy” si Rizal. Kahit na malaki na ang
kanilang agwat sa edad ay hindi naging alintana ito upang maging malapit ang isa’t isa. Siya ay
itinuturing na isang huwaran ni Rizal sapagkat siya ang nagbigay ng edukasyon at tirahan sa
kanilang pamilya.
Ayon sa mga kapatid ni Rizal, isa siyang tahimik na bata. Bilang bata, madaling mabighani
si Rizal sa iba’t ibang bagay na nakikita niya sa kaniyang paligid. Mahilig siyang magpinta at
humugis ng mga pigurin. Bilang isang mag-aaral, mahalaga ang pagkakaroon ng malalim na
kuryosidad tulad ng batang Rizal dahil sa pamamagitan nito mas lumalawak pa ang ating mga
kaalaman at lalo pang lumalalim ang ating paghahangad na matuto ng mga bagay-bagay.
Pagkatapos noon, dinala si Rizal sa Maynila upang ituloy ang kaniyang pag-aaral. Dito
naranasan niya ang tagumpay at hirap ng pagiging estudyante sa siyudad. Muntik ng hindi
tanggapin si Rizal sa Ateneo noon dahil sa kaniyang matamlay ng pustura. Hindi naging madali
ang pag-aaral niya doon dahil kumpara sa karamihan, siya ay hindi pa kagalingan sa wikang
Kastila. Bukod dito, malumbay pa rin si Rizal dahil sa sinapit na kaniyang ina. Kaya naman naging
sandalan niya ang simbahan at pag-darasal noong mga panahong iyon.
Bilang isang mag-aaral na lumaki sa isang Katolikong pamilya, alam ko ang mahalagang
papel ng Diyos sa aking buhay. Tulad ni Rizal, sa tuwing ako ay nakararamdam ng lumbay lalo na
kapag malayo sa aking pamilya, sa Diyos ako lumalapit sa pamamagitan ng pagdarasal. Ito marahil
din ang isa pang mahalagang aral na aking natutunan sa buhay ni Rizal.
Muling nagbalik sa pag-aaral si Rizal sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nag-aral siya dito
ng pilosopiya. Kumuha rin siya ng kurso na agrimasura sa Ateneo upang pagbigyan ang nais ng
kaniyang ina na makatulong siya sa gawaing bukid sa Laguna. Ngunit pagkaraan ng isang taon
nagpasya si Rizal na mag-aral na lamang ng medisina dahil nalaman niya na nabubulag na ang
kaniyang ina. Tunay na isang makapamilyang tao si Rizal dahil hindi pa rin nawawala sa kaniya
ang pag-aalala sa kaniyang ina na si Teodora. Nakakamangha na kahit hindi madaling mag-aral
ng medisina ay ipinagpatuloy niya ito sa hangaring mapagaling ang kaniyang nanay. Tunay na
dapat tularan ang kaniyang ginawa sa pagdedesisyon na ito dahil hindi lamang niya inisip ang
ikabubuti ng sarili kung hindi pati na rin ang kapakanan ng iba.
Makikita ang naging mas politikal na si Rizal nang magbahagi siya ng talumpati sa
pagkapanalo ng mga Pilipinong pintor na sina Hidalgo at Luna. Nang malaman ni Leonora ang
ginawa ng kaniyang anak ay nagkasakit siya dahil sa labis na pag-aalala na hindi na makakauwi
muli ang kaniyang anak sa Pilipinas.
Naging mabuting kaibigan din si Rizal ng siya ay nasa Europa. Nang kapusin siya sa pera
ay pinahiram siya ni Juan Luna dahil sabi nito ay may naitatabi pa naman siya. Sinuklian naman
ito ni Rizal ng pagtulong sa pamamagitan ng pagiging modelo sa mga ipinipinta ni Juan Luna.
Naging kaibigan niya din si Ferdinand Blumentritt sa pamamagitan ng pagpalitan nila ng sulat.
Ipinakilala ni Ferdinand si Rizal sa mga prominenteng iskolar sa Europa. Kalaunan ay naging ama-
amahan, tagapayo, tagapagtanggol, at tagahanga ni Rizal si Ferdinand. Isa pa sa mga naging
kaibigan ni Rizal ay si Máximo Viola na nagdala sa kaniya sa doktor nang siya ay nagkasakit dahil
sa hindi pagkain ng tama. Siya din ang nag-abono sa kabuoang presyo para mailimbag ang Noli
Me Tangere.
Ang Noli Me Tangere ang naging sandata ni Rizal upang tuligsain ang mga pang-aaping
dinadanas ng mga Pilipino sa kamay ng mga Espanyol. Nagpasya siyang bumalik ng Pilipinas
upang patunayan ang intensyon ng kaniyang pagsulat ng nobela. Gusto niyang patunuyan na hindi
lamang malakas ang loob niyang magsulat dahil malayo siya sa panganib. Noong siya ay dumating
ng bansa, kasalukuyan pa lamang sinusuri ng mga prayle ang kaniyang ginawang pagsulat.
Samantala, naging mainit ang pagtanggap ng mga pangkaraniwang tao kay Rizal sa
kaniyang pagbabalik sa Pilipinas lalo nang malamam nila ang husay niya sa panggagamot. Ngunit
pagkaraan ng tatlong linggo, nangyari na ang inaasahan niya at siya ay ipinatawag ng gobernador
heneral sa Malacañang dahil sa reklamo ng mga prayle tungkol sa kaniyang nobela.
Nilisan muli ni Rizal ang Pilipinas dahil sa mga problemang hinaharap niya. Nagtungo siya
sa bansang Japan upang doon muna mamalagi. Pagkatapos ay naglakbay din siya papuntang
Amerika na binansagan niyang dakilang bansa. Ngunit sa kabila ng pagiging dakilang bansa sinabi
niya rin na may mga depekto pa rin ito dahil hindi tunay na malaya ang mga tao rito. Sunod naman
na kaniyang pinamalagian ang Ingglatera kung saan pa siya nagkaroon ng iba pang mga kaibigan.
Muling nagsulat si Rizal ukol sa Pilipinas. Nang may nadiskubre siyang libro na isinulat ni
Antonio de Morga, matiyaga niyang kinopya ito at sinamahan ng mga kaniyang tala upang ipakita
na hindi totoong walang sibilisasyon ang mga Pilipino bago ito sakupin ng Espanya. Naging
manunulat din siya sa La Solidaridad na isang pahayagang propagandista na inililimbag ng mga
Pilipino sa Espanya.
Naging mapanaliksik si Rizal noong buhay pa siya at ginamit niya ang kaniyang talino
upang makatulong hindi lang sa sarili kung hindi para sa nakararami, ang sambayanang Pilipino.
Tunay na naging malakas na sandata ni Rizal ang kaniyang husay sa pagsusulat upang labanan ang
mga Espanyol. Hindi nagtagal ay ang kaniyang mga gawa ang magdudulot ng kaniyang
kamatayan. Noong Disyembre 30, 1896 pinatawan ng kamatayan si Rizal ngunit hanggang dulo
ay hindi nagbago ang damdamin ni Rizal para sa inang bayan. Dahil sa kaniyang kabayanihan lalo
pang lumakas ang puwersa ng oposisyon at tuluyang nagwakas ang pamumuno ng Espanya noong
1898.
Ang pag-aaral ng buong kwento ng buhay ni Rizal ay isang magandang paraan hindi
lamang upang makilala siya kung hindi para isalamin ang kasaysayan ng ating bansa. Bukod dito,
hindi maipagkakaila na naging isang mabuting modelo siya ng isang makabayang Pilipino noong
panahon niya. Hindi niya hinayaan na mabura ang kaniyang pagkakakilanlan bilang Pilipino kahit
pa siya ay nalubog sa edukasyon at kulturang Espanyol. Sa halip, ginamit niya pa ito upang mas
mapagtibay ang kaniyang mga abilidad upang lumaban sa hindi makatarungang pamamalakad ng
Espanya.