You are on page 1of 30

“Sapatos!

” hula ni Anton sa regalo


ng kaniyang Ninang noong kaniyang
kaarawan. Tama siya.
“Sapatos!” hula ni Jillian sa regalo
ng kaniyang Lola sa kaniya noong
Pasko. Tama siya.
“Sapatos!” hula ni Jay sa
natanggap niyang regalo mula sa
tagapagtaguyod ng paligsahan.
Tama siya.
“Sapatos!” “Sapatos!”
“Sapatos!” Tama ang hula
nilang lahat.
Paanong nahulaan ng lahat ang
laman ng nakabalot na regalo?
A, madali lang. Kapag ang regalo
ay nanggaling kay Ginang Eva
Cruz, tiyak na ang laman nito ay
isang pares ng sapatos! Ang mga
regalo, gantimpala, at anumang
pabuyang galing kay Ginang Cruz,
tiyak na ito’y sapatos, sapatos,
sapatos!
“Sana, laruang robot naman ang
iregalo sa akin ni Tita sa susunod, “
sabi ni Myrna.
“Sana, manyika naman ang iregalo ni Lola sa
akin sa susunod,”sabi ni Gladys. “Sana, aklat naman
ang iregalo sa akin ni Ginang Cruz sa susunod,” sabi ni
Sammy.
“Sana.” “Sana. “ “Sana,” hiling ng bawat isa.
Pero hindi. Ayaw ni Ginang Cruz.
Ang ibinibigay lamang niya ay mga sapatos-
magagandang sapatos. Kaya naman hindi nakapagtatakang
ang tawag sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan, inaanak,
pamangkin, apo, kapitbahay, kasamahan sa trabaho,
kasamahan sa simbahan , at mga kagawad sa barangay ay
Aling Sapatos sa halip na Ginang Cruz. Hindi naman sa hindi
sila nasisiyahang tumanggap ng sapatos. Ito’y dahil…
minsan, gusto rin naman nilang masorpresa at nang hindi na
lang laging tama ang kanilang hula.
May matibay na dahilan si
Ginang Cruz kung bakit ang lahat
ng kaniyang regalo ay sapatos.
Walang nakakaalam kung ano
ito; walang makahula. Pilit man
nilang tuklasin, wala talagang
nakakaalam kung ano ang totoong
dahilan.
Ito’y sapagkat ang tunay na dahilan ay
nananatiling lihim hanggang ngayon -
napakaespesyal kung kaya’t nasa puso lamang ito ni
Ginang Cruz. Tanging ang kaniyang mga
namayapang magulang at kaisa-isang kapatid na
lalaki ang nakakaalam ng lahat-lahat tungkol dito.
Noong musmos pa lamang si
Ginang Cruz, mahirap ang kaniyang
pamilya pero masaya sila. Hindi
nakatapos man lamang ng
elementarya ang kaniyang mga
magulang. Kung kaya’t kahit sila’y
ubod ng sipag, hindi sila nakakuha ng
magandang hanapbuhay. Nasa Grade
6 na si Eva nang nagkasakit nang
malubha ang kaniyang ama.
Lagi na lamang itong inuubo
at hindi na nakapagtrabaho; lagi
siyang nakahiga. Kinailangan
siyang alagaan. Kinailangan din
ng maraming perang pambili ng
gamot. Pagdating ni Eva mula sa
eskwelahan, aalis naman ang
kaniyang nanay.
“Anak, alagaan mong mabuti ang iyong ama
habang ako’y naglalaba doon sa malaking bahay.”
“Opo, Inang.”
“At pakitulungan mo na rin ang iyong kapatid
sa kaniyang mga takdang-aralin.”
“Opo, Inang.”
Isang araw, may sinabi si Eva sa
kaniyang ina, “Inang . . . kailangan
daw pong magsuot kami ng puting
damit at puting sapatos sa araw ng
aming pagtatapos.” Nag-aalala si Eva
dahil alam niyang magiging malaking
problema ito sa kanilang pamilya.
“Oww,” napahinto si Nanay sa
ginagawa, napaisip nang malalim.
“Hindi naman po ako kailangang dumalo,”
mungkahi ni Eva sapagkat alam niyang hindi
kakayanin ng kaniyang nanay na maibili siya ng
maisusuot sa Araw ng Pagtatapos. “Siyanga po
pala, Inang, kasama po ako sa mga tatanggap ng
karangalan” pahabol niyang sabi.
May tatanggapin kang karangalan?”
gulat na sabi ng Inang, umapaw sa puso ang
kaligayahan. “Naku, kailangan kang dumalo sa
iyong pagtatapos, Eva. Napakahalagang okasyon
nito. Gagawa ako ng paraan para magkaroon ka ng
puting damit at sapatos!”
Nagmamadaling umalis ng
bahay ang kaniyang Inang.
Nagtanong-tanong siya sa kaniyang
mga kaibigang tindera sa palengke.
Nagtanong-tanong siya sa
kaniyang mga kamag-anak sa
kabilang bayan. Nagtanong-tanong
din siya sa kaniyang mga kapit-
bahay na hindi naniniwalang
mahalaga ang dumalo sa Araw ng
Pagtatapos.
Sa wakas, nakahiram din ng puting
damit ang kaniyang Inang! “Masyadong
masikip at masyadong maigsi!” reklamo ni
Eva nang isukat niya ang damit. Ito kasi ‘yung
panahon na hindi pa uso ang mga damit na
mini-skirt.
“Hindi naman ganun kasama. . . ;
paubo-ubo-ubong sabi ng nakahiga niyang
ama. “Puwede na. . . ; sabi ng kaniyang Inang.
“A. . . Opo,siguro nga po,” tugon ni Eva. “Pero
wala pa rin po akong puting sapatos!”
“Hmmm, di ba’t may luma kang
itim na sapatos? Pintahan mo na lang
kaya nang puti,” mungkahi ng
kaniyang ama.
“Magandahang ideya ‘yan!”
dagdag ni Inang.
Kaya, kasama ang kaniyang
kapatid at Inang ay naghahanap sila
ng puting pintura - sa ilalim ng mga
halaman, sa mga butas ng imburnal,
sa pagitan ng mga bakod, sa loob ng
mga sirang timba, at sa ibabaw ng mga yuping balde.
Hanggang sa nakahanap sila ng isang lata na tira-
tirang pintura sa tabi ng umaapaw na basurahan.
Maingat na pinintahan ni Eva ang kaniyang itim na
sapatos.
“Ang ganda na!” puna ng kapatid ni Eva nang makita
ang pinintahang sapatos.
Hindi lang basta nagandahan si Eva sa kaniyang
sapatos-mukha itong pambihira!
At dumating ang Araw ng
Pagtatapos. Ang basketball court
ng kanilang eskuwelahan ay
napuno ng mga puting bulaklak
yari sa papel. Ang mga babaeng
kaklase niya ay kaakit-akit sa
kanilang mga bagong puting damit.
Pilit namang hinahatak ni Eva
pababa ang kaniyang hiram na
puting damit na saksakan ng sikip.
Hiyang-hiya ang pakiramdam niya; parang di siya
nababagay sa grupo. Gusto na niyang umuwi.
Pero hindi siya maaaring umalis. Sa mga panauhing
nanunuod ay nandoon ang kaniyang Inang at kapatid na
kumakaway at ngumingiti pa sa kaniya. Naalala rin niya ang
kaniyang amang may sakit na nagsabi pa ng, “Eva, kahit
mahirap lamang tayo, ang dami naman ng karangalan natamo
mo.” Ang mga salitang ‘yun ay pansamantalang nagpalubag
ng kaniyang loob.
Tapos, biglang umambon.
Hindi umalis ang mga
estudyante sa kanilang
kinaroroonan. Hindi sapat ang
ulan para iwan nila ang
napakahalagang okasyon na ito
sa kanilang buhay.
Ngunit ang saglit na pag-
ulan ay sapat upang mabasa
ang kanilang mga sapatos!
Ooops, biglang nagkaroon ng maliliit na ilog ang
kaniyang pambihirang puting sapatos. Tahimik na tumangis si Eva,
O hindi!
Pagkatapos, tumagas ang puting pintura kung kaya’t
bigla itong naging mga itim na guhit. Hindi!
At nang tinawag na ang pangalan niya sa entablado,
ang kaniyang mga sapatos ay mistula ng mga mantsa ng tintang
itim. Hindi! Hindi! Hindi! Pagkatapos ay muling bumalik ang
hitsura nito sa dating itim! Awww.
Namula si Eva. Nanlamig si Eva.
Nagmistulang buhay na patay si Eva.
Nagmistulang buhay na patay si Eva. Sobrang
napahiya siya kung kaya’t nahiling niyang sana’y maging
kasing-itim na lang siya ng kaniyang sapatos at tuluyan nang
maglaho sa mga anino. Pero ang mga panauhing nanunuod,
ang kaniyang mga guro at Prinsipal, ay malakas na
pumapalakpak para sa kanya.
Nagsimula na ring ihiyaw
ng mga kaklase niya ang
kaniyang pangalan: E-va! E-va!
E-va! Pilit siyang nagpakatatag.
Umakyat siya ng entablado at
tinanggap ang diploma at
karangalang laan para sa
kaniya.
Sa bahay, inihandog niya ang
sertipiko ng karangalan at diploma
sa kaniyang ama. Noong lamang
niya ulit nakitang ngumiti nang
ganun kalaki ang kaniyang ama
mula nang ito’y magkasakit.
“Ipinagmamalaki kita, anak.
Pasensya ka na kung hindi ako
nakasama para mapanuod ka.
“Nandun po ako!” tugon ng
kaniyang kapatid.
Ramdam pa rin ni Eva ang pagkapahiya sa suot
niyang masikip at maigsng hiram na damit at itim na
sapatos.
Marahang sinabi ang kaniyang Inang, “Anak, wala
kang dapat ikahiya; lahat ay dapat ipagmalaki sa iyo!
Magaling ka, at sa kabila ng marami mong gawain sa
bahay, nagawa mo pa ring magtapos nang may
karangalan. Ang tagumpay ay hindi lamang tungkol sa
pagkakaroon ng puting damit at puting sapatos.”
Sunod-sunod na napaubo ang kaniyang ama.
Nang ito’y huminto, sinabi niya,” Kung pinaghusay mo
ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo, at
ipinagpapasalamat mo ang mga ito, ‘yun ang tunay na
diwa ng tagumpay.
Ipinagpatuloy ni Eva ang pag-
aaral hanggang sa High school at
kolehiyo sa tulong ng mga scholarship.
Pinasok din niya ang kung ano-anong
trabaho para masuportahanang
kaniyang pag-aaral. Muli siyang
nagtapos ng may mataas na
karangalan. At siya’y nagkaroon ng
pagkakataong makapagsanay at
makapagtrabaho sa isang international
company.
Makalipas pa ang ilang taon, nakapagtayo na siya
ng sariling negosyo at naging matagumpay ito.
Ngayon, ang kaniyang kumpanya ay napakalaki na
at napakarami na ring dapartamento. Isa sa mga ito ay
tinatawag niyang “Thanksgiving Section” Dito, ang mga
tauhan niya ay bihasang sapatero na gumagawa ng
magagandang sapatos para ipamigay- kung kaya’t
walang taong kakilala niya na magsasabing wala siyang
maisuot na sapatos.
Hanggang sa ngayon, walang
linggong nagdaraan na hindi naririnig
ni Eva sa kaniyang puso ang ang tinig
ng kaniyang ama. “Kung pinaghusay
mo ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo,
at ipinagpapasalamat mo ang mga ito,
‘yun ang tunay na diwa ng tagumpay.”
O, nahuhulaan mo na ngayon
kung bakit si Eva- o si Ginang Cruz o si
Aling Sapatos- ay mahilig magpamigay
ng sapatos sa bawat tao?

You might also like