You are on page 1of 1

Pagsibol ng Bulaklak, Edukasyong Patungong Galak

Ang edukasyon ay isa sa mga oportunidad ng bansa upang maisakatuparan ang mga layunin
nito. Ito ay may pananagutan sa paghuhulma ng mga taong may kakayahang gumawa ng mga tungkuling
iniatas sa pamamagitan ng itinalagang mga pamantayan ng lipunan. Katulad ng isang bulaklak, ang
edukasyon ay nagbibigay-daan sa pamumulaklak at paglago ng isang tao tungo kaunlaran. Ngunit sa
kabila ng mga ito, ang edukasyon sa ating bansa ay tila bang mayroon pa ring mga butas na sumasagabal
sa tuluyang pag-unlad natin bilang mga natatanging pag-asa ng bayan.

Gaya nga ng nakasaad sa itaas, ang edukasyon ay maihahalintulad natin sa isang bulaklak.
Maaring ang ugat patungong tagumpay ay mapait, subalit masasabi kong ang bunga ay matamis.
Maliban pa roon, alam naman nating mayroong iba’t ibang uri ng bulaklak ang namamalagi at dahil sa
pagkakaiba-iba ng mga ito, mahihinuha nating ito rin ay umaangkop ng iba’t ibang paraan ng
pangangalaga at pangangailangan. Kung ating papansinin, ang ating edukasyon ay may iisang batayan at
sistema. Naniniwala akong hindi ito dapat nag-iisa lamang sapagkat tayo ay may kaibhan sa isa’t isa ukol
sa kakayahan, abilidad, pag-iisip, talento, atbp. Sa halip na tayo ay sumulong nang may sari-sariling
taglay na alindog ay nahuhulma tayo sa pare-parehong paraan. Ang edukasyon din ngayon ay talamak sa
diskriminasyon. Ito ay sumasakop sa kabuuang aspeto ng pagtamo at paggalaw sa loob ng institusyon.
Kadalasan ang mga mas nakaaangat ang mas nabibigyang-pansin kung saan dapat ay tinatanaw ang
lahat nang pantay-pantay upang mamutawi ang epektibong pagtuturo.

Kahit na marami ang pagkukulang sa sistema ng ating edukasyon, naniniwala akong may
magaganda pa ring naidudulot ito. Ayon sa balangkas ng mga priyoridad sa ating pambansang badyet,
edukasyon ang may pinakamalaking porsiyentong pinaglalaanan nito sa loob ng tatlong magkakasunod-
sunod na taon. Mula dito ay masasabi nating pinahahalagahan natin ang edukasyon at pinagsisikapan
natin na mas marami pang tao ang makapag-aaral at magkakaroon ng oportunidad na umunlad gamit
ang kanilang angking galling. Hindi rin natin maipagkakaila na marami ang naging matagumpay sa
tinahak nilang daan mula sa sistemang ito. Marami ang tunay na lumago, namulaklak, at namunga. Ako
ay may tiwala na ating maipabubuti ang lagay ng edukasyon ngayon at mabibigyan ng mas malaking
espasyo ang mga tao na magkaroon ng pagkakataon na ipamalas ang kanilang kahusayan. Hindi ba’t
nakamamangha tignan ang malawak na tanawing puno ng mahahalimuyak at magagandang bulaklak?
Ang pagsibol ng isang tao ay magbubunga ng kagalakang panghabang-buhay taglay ng karunungan at
kaunawaan.

You might also like