You are on page 1of 9

Pagalingin ang Mundo

Ornil “or’vill” Villegas

Maraming nagsasabi na ating ang mundo’y may sinat


Hindi ba kayo nababahala kung mundo’y may lagnat?
Ipagwawalang-bahala nalang ba ito ng lahat?
O ‘ting gawin ang lahat ng mga hakbang na nararapat?

Ramdam nating lahat ang sobrang init sa bawat araw


Tila mandin tayo ay nasa impiyernong ibabaw
Lahat tayo’y apektado lalo na ang kalusugan
Na dahilan ng pagkalagot ng hininga ng ilan.

Malalaking mga unos ang ating mga nararanasan


Namemeligrong tunay, ang bawat isang kaligtasan
Sapagkat wala na ang ating ma’yos na kalikasan
Kalikasang pananggalang sa delubyong dumaraan.

Kailan lang tayo’y sinalanta ng malaking baha


Nalagay sa peligro at naghirap ang bawat isa
Umalingangaw ang mga dahilan sa bawat sakuna
Na kung lilimiin hindi ba’t tayo rin ang may gawa?

Sa pagkakataong ito’y lahat ay may magagawa


Huwag lamang iasa sa gobyerno o sa iisa
Mundo’y magagamot kung tayo ay magsasama-sama
Tayo’y kapit-kamay na magtulungan at magkaisa!

Simulan ng lahat ang muling pagtatanim ng puno


Simulan ng lahat ang pagiging ‘sang disiplinado
Simulan ng lahat ang pagmamalasakit sa mundo
Huwag nang maging batugan sa pagpapagaling nito!
Sa Bagong Sistema ng Edukasyon
Ornil “or’vill” Villegas

Ano na nga ba ang tunay na kalagayan ng sistema ng edukasyon natin dito sa Pilipinas?
Tunay nga bang maihahanay ang ating mga mag-aaral sa mga mag-aaral sa buong daigdig?
Masasabi bang napakaproduktibo ang mga bagong gradweyt na mga mag-aaral? Ano ang
pagkakaiba ng produkto nang lumang sistema ng edukasyon sa bagong sistema natin ngayon?

Mag-aaral. Kung pakakasuriin sila’y tila isang basong makinang subalit walang laman.
Bagama’t makinang ang basong ito ay wala ring saysay sapagkat hungkag sa kaalamang dapat
nilang tinataglay. Ang kasalukuyang mag-aaral o marami sa kasalukuyang mag-aaral ay malayo
sa sinaunang mga mag-aaral pagdating sa puntong tunay na pagpapahalaga sa pag-aaral. Hindi
ko mawari kung ito ba ay dala ng bagong sistema o dahil ito ang bagong henerasyon at ganito
ang bagong henerasyon ng mga mag-aaral? Sila ay walang takot sa gurong nagtuturo, madalas ay
walang galang at hindi nagpupursige sa pag-aaral. Kadalasan ay ipinagwawalang-bahala ang
kahalagahan ng edukasyon sa buhay nila para sa hinaharap. Nakalulungkot ding isipin na
pagkagradweyt ng mga mag-aaral na ito sa elementarya ay may ilan pa sa kanila na hindi ganoon
kagaling bumasa at ang masaklap pa rito, may ilan pang hindi talaga marunong bumasa ng
Filipino, paano pa kaya sa ibang asignatura, hindi ba? Na kung babalikan natin ang mga mag-
aaral noon, pagkatapos nila ng elementarya ay tunay na sila’y tila mga hinog na bunga ng prutas,
napakatamis, malaman at malasa. Hindi lamang iyon ang nakikita kong kaibahan ng mga mag-
aaral noon sapagkat sa kasulukyang panahon ay hindi lamang ang mga nakapagtapos ng
elementarya ang mahina maging sa hayskul ay ganoon din, na ito ay bunga ng pagpapabaya ng
mga bagong sibol na kabataan sa pag-aaral na kung tatanungin mo kung bakit sila ganoon, ang
isasagot nila ay papasa rin naman. Tunay naman ang kanilang sagot subalit kung iisipin hindi
lamang dapat ang pagiging pasado ang hangarin nila sa pag-aaral kundi iyong may sapat na
kaalaman at nagtataglay ng mga kakayahan at kasanayang kinakailangan. Sa aking palagay, may
malaking bahagi ang sistema ng edukasyon sa pagpanday at paghubog sa katauhan ng mga mag-
aaral sa iba’t ibang aspeto subalit nakasalalay parin sa mag-aaral ang napakalaking bahagi
sapagkat ang kakayahan nila ang ginagamit dito, kung paano nila pinahahalagahan at
pinagtutuunan ang pag-aaral ay ganoon din kalaki ang makukuha nilang kaalaman kung kaya’t
nakadepende sa kanilang determinasyon ang magiging pagkatao nila matapos ang ilan at
mahaba-habang panahong pananatili sa paaralan.

Magulang. Bilang tagapagtaguyod ng mga anak at ang pangunahing sumusuporta sa


pagpapaaral ng mga anak nila ay masasabi kong sila man ay luge rin dahil sa ginagawa ng
kanilang mga anak na walang pagpupursige sa pag-aaral, ang pag-aaral na para sa mga magulang
ay kayamanang hindi mananakaw kung kaya ito ang pinagsisikapan nilang masiguradong
makamit ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng dugo’t pawis nila at pagtitiwala sa mga ito na

magpapakabuti sa pag-aaral. Ang mga magulang na bagamat ang ilan o karamihan sa kanila’y
naninibago o nalilito sa bagong sistemang ipinapatupad sa paaralan ay wala rin nagagawa kundi
sumunod sa bagong sistema sapagkat bago man ito ay alam nilang edukasyon parin ang tawag at
ito ang kanilang pinaniniwalaang makatutulong sa pag-unlad ng buhay ng kanilang mga anak.
Para sa ibang mga magulang, ang makatapos ang kanilang mga anak ay sapat na upang masabi
nilang bawi na ang kanilang pagod at hirap na nagdadala sa kanila ng labis na kasiyahan subalit
hindi nila batid kung tunay nga bang may kalidad ang kanilang mga anak matapos itong
makapagtapos sa anumang antas ng pag-aaral. Hindi naman maiaalis sa ibang mga magulang ang
labis na swerte sapagkat tunay na sinusuklian ng kanilang mga anak ang pagod at hirap ng
kanilang mga magulang na sa kanilang pagtatapos ay may nakakamit na natatanging karangalan,
ito ang nagdadala sa kanila upang tunay na maipagmalaki ang kanilang mga anak na sa
pakiramdam nila’y sila mismo ang nagtapos. Sa mga anak ng mga magulang na ito, masasabi
ang isang mag-aaral na produktibo at tunay na maaasahan sa pagpapaunlad ng ating bayan
sapagkat sa mura nilang gulang ay mababakas na ang isang mamamayang nagsisikap ng
kabutihan para sa sarili, sa pamilya at para narin sa ating bayan.

Guro. Ang tagapagpadaloy, tagapaghubog, tagapaghulma, tagapamagitan at ang


tumatayong pangalawang mga magulang sa paaralan. Isa sa mga nagbibigay motibasyon at
inspirasyon sa mga mag-aaral na magsumikap sa pag-aaral. Tila ibong layang-layang na walang
kapagurang nagbibigay ng kaalamang sa mga mag-aaral. Na patuloy pa ring nag-aaral upang
maitaas ang kaalaman tungo sa mahusay na pagbabahagi at magamit sa pagtuturo para sa
kabutihan ng mga mag-aaral. Bilang guro, iniaakma nila nang buong puso ang kanilang sarili sa
pagbabago ng sistema sa pagtuturo. Bagamat mayroon ding agam-agam sa pagbabagong ito ay
lubos na binibigyang tuon ang kabutihang dulot. Naniniwalang magiging matagumpay at
produktibo ang kanilang tinuturuang mga mag-aaral balang araw sa kabila ng hirap at maraming
pagbabagong di-inaasahang dumarating. Kalahati halos sa mga gurong ito ay hinulma ng lumang
sistema kung kaya alam nila kung paanong magiging produktibo tulad nila ang kanilang mga
tinuturuang mag-aaral. Sa mga bagong gurong nagtuturo na nahasa sa makabagong sistema ay
naiaakma parin nila ang kanilang sarili sapagkat dumaan din sila sa mga gurong nahubog sa
lumang sistema. Nakikita ng bawat guro ang bawat katangian ng bawat isang mag-aaral at mula
sa mga katangiang ito ay nasasalamina ang hinaharap ng mga batang ito. Nasa paraan ng
pagtuturo ng guro kung paano maging kasinghusay ng sinaunang mag-aaral pagdating sa
kaalaman ang mga mag-aaral sa kasakuluyan subalit nasa determinasyon parin ng mag-aaral
kung paano siya magkakamit ng kaalamang dapat niyang taglayin sa tulong ng gurong may
malasakit at buong pusong nagtuturo sa mga mag-aaral. Bagamat ang bawat isang guro ay
nahubog sa magkaibang pamamaraan o sistema, ang kanilang hangrain sa mga mag-aaral ay iisa,
iyon ay ang makapaghubog ng mga produktibong mag-aaral.
Pamahalaan. Ang siyang nag-aalaga sa magandang pundasyon ng lipunan. Isang sangay
na naglalayong mabigyan nang maayos na pamumuhay ang bawat taong kasapi sa kanyang
nasasakupan.

Ang sangay na ito ang may mas napakatinding hangarin upang mapagsilbihan at makapaghandog
ng isang programa tulad ng edukasyon upang mapaghubog ng mga mag-aaral na tunay na
produktibo. Kahit na hindi sila nagkukulang sa paghahangad at sa ibang aspeto pa na
may kaugnayan sa edukasyon ay hindi nila matapagtagumpayan ang layunin ito dahil ang mga
mag-aaral ang siya mismong walang pakialam sa kahalagahan ng edukasyon. Kahit na gaano sila
kalakas o makapangyarihan ay hindi nila ito magawa sapagkat ang mga maliliit na bahagi na
siyang may pinakamaraming bilang tulad ng mag-aaral ang hindi nakikiisa sa layunin nilang ito.
Halos pinipilit ng pamahalaan na mabigyan ng mga kagamitan sa pagtuturo ang mga mag-aaral
subalit ang mga mag-aaral naman ang hindi nag-iingat nito. Kung alam lamang sana nila kung
paano ito pahalagahan at gamitin nang ayos nakakatiyak ang bawat isa na ang ating bayan ay
nasa maayos na kalagayan. Isa sana sa mga bansang may napakamaunlad na pamumuhay
sapagkat halos hindi tayo nagkukulang sa iba’t ibang aspeto na pweding gawing kabuhayan.
Kung ang mga mag-aaral na ito ay ginagamit ang pinag-aralan sa mga gawing ito disin sana’y
sila mismo ang makapagsasabi ng isang tunay na epektibong produkto ng edukasyon.
Napakalaking tulong ang mayroon silang sapat na kaalaman at iyon ay makukuha nila sa pag-
aaral subalit paano sila magkakaroon nang sapat na kaalanman kung iniisip nila habang sila ay
nag-aaral na hindi rin naman nila magagamit ang kanilang pinag-aralan sa hinaharap. Ang pag-
iisip nila ng gayon ang siyang humahadlang upang makakuha sila ng sapat na kaalaman. Dahil sa
kakulangan ng mga mag-aaral sa motibasyon at pagpapahalag sa pag-aaral kung kay malayo
natin makamit ang isang tunay na produktibong mga mag-aaral mula elemnetarya hanggang sa
pinakamataas na antas ng edukasyon. Kahit gaano pa katayog ang hangrin ng pamahalaan na
mapaunlad ang bawat isa kung walang pakikiisa ang bawat kasapi ng lipunan ay masasabing
parin itong suntok sa buwan.

Sa madaling sabi, ang bawat isa ay may malaking gampanin upang ang hangarin nating
makapaghubog ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng anumang sistema ay nakasalalay sa ating
mga kamay. Kung naroon lamang lage ang matinding paghahangad sa magandang produkto iyon
ay ang makita sa mag-aaral ang kanilang determinasyon at pagpupunyage sa pag-aaral. Sa mga
magulang, ang kanilang buong pusong pagsuporta sa pangangailangan ng kanilang mga anak
lalo na sa pag-aaral ay tunay na mahalaga. Sa mga gurong patuloy na pinag-aaral ang sarili
upang magsilbi nang may kahusayan at maiakma ang sarili sa mga bagong sibol na mga mag-
aaral, ang kanilang walang humpay na pagsisigasig, ito ay isang napakilinaw na palataandan na
sila mismo bilang tagapaghubog ay sumusuporta sa mga pagbabagong dumarating tungo sa isang
magandang produkto. Ang pamahalaang naglalayong makapaghandog ng isang kapaki-
pakinabangan na progma, na sa tulong ng kanilang pagsusuri ay tunay makakamit nating lahat
ang ating magagandang hangaring ito, ang hangaring makapaghubog at magkaroon ng mga
produktong produktibo sa iba’t ibang larangan na maihahanay natin sa buong mundo.

Bisekleta
Ornil “or’vill” Villegas

Pumana sa kaloob-looban ng puso ni Ronil, gumuhit na parang kidlat sa kanyang


gamunggong utak at ang kumuryente sa kanyang buong pagkatao ang sinabi ng isang batang
nagngangalang Teptep. Isang gabi nang nakaututang-dila niya sa facebook si Teptep hinggil sa
kinukuha nitong kurso sa kolehiyo. Hindi sumagi sa balintataw ni Ronil na ang dati nyang
kiming studyante ay magiging katulad nya ng pangarap. Sa kanilang pag-uulayawan ay sinabi
nito sa kanya na, pagiging guro rin po tulad nyo ang kinukuha kong kurso dahil labis po akong
humanga sa mga guro ko noong nasa sekundarya pa lamang ako. Parang ilog na walang tigil
ang kanilang pag-uusap na naputol lamang dahil ang mata ni Ronil ay kusa nang pumikit dahil sa
kaantukan. Bigla bumalik ang nakaraan ni Ronil habang masinsinang nag-uusap ang dalawa sa
faebook. Ramdam niya ang determinasyong ng batang si Teptep na parang siya lang noong ito ay
nasa tulad niya ang kalagayan, isang batang may matinding paghahangad sa pagkamit ng
kaniyang pangarap.
Si Ronil, isang kasalukuyang guro at magtatatlong taon sa serbisyo na patuloy paring
nag-aaral sa isang pamantasan sa kanilang lugar para sa kanyang masteral ay hindi
makapaniwalang maging matagumpay sa larangang hindi niya pinangarap. Sa pagtahak niya
tungo sa kanyang pangarap ay di-mabilang na paghihirap ang kaniyang pinagdaanan bago niya
tuluyang nayakap ang tagumpay. Tulad ng ibang mag-aaral, napakakaraniwan lamang din niya,
naka isang ulit noon si Ronil sa unang baitang hindi dahil siya ay bagsak kundi hindi matanggap
ng kaniyang ina ang nakuha niyang grado na walang labis-walang kulang sa numerong pitumpu’t
lima. Siya ang naging First honor sa unang baitang, ito marahil ay dahil sa pagpapaulit sa kanya
ng kanyang ina. Sa pagtuntong niya sa ikalawang baitang, bagamat ang pinakapino sa kanilang
pangkat, nakuha niya ang seond honor, kapwa naging third honor noong siya ay nasa ikatlo at
ikaapat na baitang. Muli niyang nahawakan ang titulong First honor nang siya nasa ikalimang
baitang kung naging bulung-bulungan ang kanyang pangalan sa araw ng pagtatapos, nakilala
siya sa kanyang murang edad pa lamang. Sa mga gayong pagkakataon, masasabi nga kayang
dahil lamang sa pinaulit siya sa isang tiyak na baitang kung kaya siya ay nakakakuha ng isang
karangalang dapat na ipagmalaki?
Mabilis na lumipas ang oras at araw. Bigla syang kinausap ng kaniyang ina. Anak, wala
ngayong grade six dito sa ating paaralan wika ni Aling Lerma kay Ronil at napakalayo ng ibang
paaralan na mayroong grade six kaya ang mabuti pa anak ay doon ka lamang sa kapatid ko
makitira para sa iyong pag-aaral o kaya naman ay hintayin mo nalang ulit na nagkaroon ng
grade six, kung ganoon, maaari ba sayo kung patitigilin ka muna namin ngayong taong ito.
Ayaw ko po
inay, gusto ko pong ituloy ang aking pag-aaral na wika niya sa ina na naroong ang takot at inis
dahil baka hindi na siya makapag-aral at naiinis siya dahil sinabi ni Aling Lerma na titigil muna
siya kung sakali. Araw-araw ay walang kapagurang tinitiis ni Ronil ang paglalakad ng halos apat
na oras papunta sa bago niyang paaralan. Noong una’y nakitira siya sa kapatid ng kaniyang ina
subalit hindi siya sanay makitira sa ibang bahay at naninibago’t nangungulila siya sa kanyang
mga magulang. Bukod pa rito, hindi niya kaya ang mga patakaran sa kanyang tiyuhin na minsan
siya ay gutom na subalit hindi pa makakain agad dahil mayroon pang inuutos o kaya naman ay
hindi pa sila gutom o hindi kompleto kung kaya hihintayin pa niya ang iba para sa sabay-sabay
na pagkain. Sa pangyayaring ito, nabuo ang desisyon niyang bumalik sa kanyang mga magulang.
Isang taon na araw-araw na ginawa ng Diyos na siya ay naglalakad, minsan ay umaabot
hanggang tuhod ang putik sa daan kapag tag-ulan o kaya naman ay, malaki ang baha sa ilog na
kanyang dindaanan, kanya itong tiniis para lamang siya ay makapag-aral. Sa isang taon niyang
paglalakad na ito ay hindi biro ang naririnig niyang mga salita o mga pasaring, napasakit at tila
mapaghamon sa mura niya isipan.
Sabi ng tita ni Ronil, wag ka nang mag-aral hindi ka rin naman makakapagtapos, sayang
lamang ang paglalakad mo araw-araw dahil hanggang dyan ka lang naman. Ganito halos ang
naririnig niya mula sa mga taong malapit at hindi malapit sa kanya sa kanilang lugar, nababanaag
din niya na ang iba bagama’t hindi umiimik ay gayundin ang nasa isipan palibhasa’y wala pang
nakapagtapos mula sa kanilang lugar na tulad niya ang ginagawa. May isa rin naman na
nakatapos sa kanilang lugar subalit ito ay nanirahan sa ibang kamag-anak na tutok sa paaralan.
Subalit hindi pa roon natatapos ang lahat ng ito.
Pag-uwi sa bahay ni Ronil, nadatnan niya ang kanyang amang si Mang Dring na
nagsisibak ng kahoy, pagkatapos magmano’y iniabot sa kanyang ama ang resulta ng kanyang
pagsusulit sa unang markahan. Tatay papirma naman po ako ng resulta ng eksam o pagsusulit ko.
Patingin nga ako muna ako anak. Pagkaabot ay tiningnan saglit ni Mang Dring, sa mukha ay
nabakas ang pagkadismaya ng ama, anak ang baba ng grado mo ngayon kumparaa noong nandito
ka pa sa atin nag-aaral. Hayaan niyo po itay, pagbubutihin ko po sa susunod. Dumaan ang
ikalawa, ikatlo at marami pang pagsusulit subalit tila ilog na naiiga ang resulta ng mga grado ni
Ronil, pababa nang pababa kaya sa mga ilang ulit niyang pagpapapirma ay tila nawawalan na
nang gana ang kanyang ama para pumirma at dumating nga ang oras na ayaw na nitong pumirma
sa kanyang mga resulta ng pagsusulit, anak napakagaling mo noong dito ka pa nag-aaral subalit
ngayon daig pa kita, anong nangyari? Hindi makasagot si Ronil sa tanong ng kanyang ama.
Noong ako ay nag-aaral sa paaralang iyon, ako na ang napakahina sa klase pero hindi ganyan
ang marka ko, ang wika ni Mang Dring kay Ronil na may pagmamalaki at boses dismayado. Sa
sinabi ng ama, di maintindihan ni Ronil ang kanyang nararamdaman, nais niyang sumigaw, nais
niyang ilabas ang galit, inis at paninisi sa sarili subalit wala siyang magawa. Sumapit ang araw
ng kanyang pagtatapos, may galak sa puso niyang hinaharap ang araw na iyon at nakita rin
naman niya ang kasiyahan sa mukha ng kanyang mga magulang kahit na hindi ganoon kataas
ang kanyang nakuhang marka. Tama lamang sa numerong pitumpu’t lima. Pero isang himala
dahil hindi na siya pinaulit ng kanyang ina sa antas na iyon.
Sa nalalapit na pasukan sa sekundarya, kinausap muli siya ng kanyang ina, anak baka
ngayong taong ito ay titigil ka muna sa iyong pag-aaral, mas malaki ang perang ating kailangan
para sa iyong pag-aaral pati narin sa iyong mga kapatid, hindi mo naman pweding lakarin dahil
sobrang malayo ang bayan. Tila bulkang sasabog ang dibdib ni Ronil sa kanyang narinig mula sa
kanyang ina dahil talagang gustong-gusto nyang magkapag-aral at makapagtapos subalit ano ang
kanyang magagawa?
Sa kagustuhan niyang mag-aral subalit pinapattiigil naman siya ng kanyang mga
magulang tila may nabuong galit sa kanyang puso, kung kaya dahil sa galit na iyon ang batang si
Ronil na dati ay takot na takot na mapahiwalay sa kanyang mga magulang, ngayon ay
biglang umalis papuntang lungsod na nagbabakasakaling matulungan ng mga tiyahin niya siya sa
kanyang pag-aaral. Hindi naman siya nabigo, tinulungan naman siya ng kanyang mga tiyahin at
mga pinsan subalit dahil sa hirap ng buhay ay napilitan siyang magtrabaho, pagkatapos ay buong
tiyaga niyang nililinis ang gymnasium sa kaniyang pinapasukang paaralan, hindi siya nahihiya
kahit na ang trabaho nya ay bilang isang dyanitor. Kaytulin ng panahon subalit naroon parin ang
kanyang pagpapahalaga at pagpupunyagi sa pag-aaral, hindi siya nawawala sa “top” sa klase. Sa
pagtityaga at pagsusumikap niya sa pag-aaral ay minabuti niyang magbisekleta na lamang sa
kanyang pagpasok. Dahil sa kanyang pinakitang kasipagan at pagsusumikap maraming nagbigay
ng tulong kay Ronil sa mga pangangailangan sa pag-aaral. Nagtapos siya ng sa sekondarya
bilang “top one” sa kaniyang klase. Sa paglipas ng mga buwan dumating na ang oras para siya ay
makapagpaenrol sa kolehiyo, naipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral bilang isa sa mga skular
na tinatawag na NCIP Grantees. Subalit sa hirap ng buhay ay ipinagpatuloy niya ang
pagtatrabaho bilang dyanitor sa dati niyang paaralan at pumapsok siya sa kolehiyo na ang dati
parin niyang bisekleta ang gamit. Hindi niya ikinakahiya ang kanyang pagkatao at kalagayan
bagkus pa nga’y lalo pa niya ipinapakita ang pagsisikap na makapagtapos ng pag-aaral at madala
ng kanyang mga paa sa pamamagitan ng pagbibisekleta sa pangarap nito, sa nais na marating sa
buhay. Alam ng gamit niyang bisekleta ang hirap at mga problema niyang pinagdadaanan sa
buhay. May araw na siya’y walang-wala, may araw na sira ang kanyang sapatos pero iyon parin
ang kanyang isinusuot, may araw na masama ang kanyang pakiramdam subalit sa kabila ng lahat
ng ito at sa marami pa na tila libo-libong pagsubok ay hindi niya naisipang lumiban manlang sa
kaniyang klase. Naging sandalan ni Ronil ang kanyang pangarap kasabay ang matinding
pananalig sa Diyos na maaabot niya ang kanyang pag-asang makapagtapos ng pag-aaral. Isang
hangaring nag-udyok sa kanya na isiping sakripisyo ang kanyang sarili para sa ikauunlad ng
kaniyang pamilya at buhay ng kanyang mga kapatid dahil siya ang panganay na anak nina Mang
Dring at Aling Lerma. Sa awa ng Diyos at sa tibay ng kanyang loob ay maluwalhati niyang
natapos ang kinukuha niyang kurso, ang pagiging isang dakilang guro at isa siya sa mga
nakakuha ng mataas na resulta sa pagsusulit. Tuluyan nang nawala ang galit na kanyang
naramdaman sa kanyang mga magulang sapagakat naipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at
naging isang ganap na siyang guro na may lisensyang makapagturo sa napili niyang larangan. Sa
pagsasariwa niya sa lahat ng kanyang pinagdaanan, napapaisip siya na kung katulad lamang sana
niya ang mga studyanteng kanyang tinuturuan ay siguradong garantisadong magkakaroon din
sila ng isang trabahong pamhabangbuhay. Patuloy niyang minamahal ang kanyang larangang
tinapos sapagkat hindi man ito ang kanyang tunay na pinapangarap subalit dahil sa ito ang
ipinagkaloob sa kanya ng Poong Maykapal ay ibunubuhos niya ang kanyang kakayanan at
patuloy na nagbibigay nginspirasyon sa mga mag-aaral na kanyang tinuturuan tulad na lamang
ng kanyang dating mag-aaral na na nakausap niya sa facebook at iyon ay si Annie. Malayo man
sa tunay niyang pangarap, ang pagiging guro naman ang nagpaningning at umayos sa buhay
niyang sadlak sa putikan. Marahil ang bisekleta niya ang tumulong sa kanya upang ang gulong
ng kanyang buhay ay pumaibabaw sa tulong ng kanyang madiskarte at matyigang
pakikipasapalaran.

You might also like