You are on page 1of 9

Sino ang Mabuting Lider?

Sa bawat pangkat, organisasyon, o anumang samahan ay kailangang laging may


mamumuno sa karamihan. Isang taong mahihingan ng mga patnubay o tulong upang maabot ang
kani-kanilang hangarin. Ang taong ito ang tinatawag na lider. Mayaman man o mahirap; bata
man o matanda; nag-aaral man o hindi, darating at darating ang panahong kakailanganin ang
kanyang kakayahan upang mamuno.

Ang pagiging lider ay hindi gawang biro sapagkat sa taong ito nakasalalay ang
ikatatagumpay o ikabibigo ng isang mithiin o hangarin ng samahan. Siya ang nangunguna sa
lahat ng gawain. Dapat panatilihin ng lider ang tiwala ng kanyang mga miyembro sa kanya. Ang
mapipiling lider ay nararapat na nagtataglay ng mabubuting katangiang makatutulong sa kanya
sa lahat ng gawain para sa ikasusulong ng samahan.

Nararapat lamang na ipakita niya na karapat-dapat siyang tawaging lider upang sa gayon
ay madali niyang makakamit ang pakikipagtulungan at koorperasyon ng iba pang kasapi o
miyembro ng samahan.

Ngunit paano ba maging isang epektibong lider?

Narito ang mga dapat taglaying katangian ng isang lider sa kanyang pamumuno at
pamamalakad.

Una, kailangang magkaroon ng sapat na kaalaman upang maunawaan ang mga bagay-
bagay na may kinalaman sa kanyang pamumuno. Kasama na rito ang pagkakaroon ng huwisyo
sa pagpapasiya sa mga isyu at problemang maaring kaharapin ng samahan.

Ikalawa ang kakayahang tingan at timbangin nang masusi ang mga bagay-bagay na
nakapaligid sa samahan at nakakaapekto rito. Dapat gawin ito ng isang lider upang makita niya
kung saang direksyon patutungo ang kanyang pinamumunuang samahan.

Ikatlo, ang katapangan at katatagan. Hindi sinasabing maging martir na handang pumatay
o mamatay sa pakikipaglaban. Ang nais nitong ipahiwatig ay maging matatag at matapang sa
pagharap sa mga pagsubok na maaring suongin ng samahan. Ito ang sinasabing pagiging laging
handa sa panahon ng kagipitan. At sa puntong ito, hihikayatin ng lider ang kanyang mga
miyembro upang sama-samang harapin at labanan ang mga pagsubok nang sa gayon ay sama-
sama rin nilang makikita ang hinahanapna solusyon.

Ikaapat, ang pagiging matiyaga. Malimit makita sa isang mahinang pangkat ang kawalan
ng pagtitiyaga. Agad na sumusuko sa mga pagsubok na dumarating. Dapat na ang isang lider ng
pangkat ay may tiyaga at interes sa kanyang gawain. An glider ang modelo ng samahan. Kung
ano ang kanyang ginawa, siya ring aasahang gagawin ng kanyang mga tagasunod.
Ang pagiging lider ng isang samahan ay isang napakasarap na karanasan. Hindi lamang
nagkakaroon ang isang tao ng pagkakataong maipakita ang kakayahan niya sa pamumuno kundi
nagagamit at napauunlad pa ang kanyang kakayahan sa npakikipagkapwa.

Higit sa lahat, kailangang tandaan na ang isang mahusay na lider ay siya ring mahusay na
tagasunod.

“PAGISLAM: Ang Pagbibinyag ng mga Muslim”


(Salin mula sa Ingles ni Elvira B. Estravo)

Naniniwala ang mga Muslim na ang isang sanggol ay ipanganak na walang kasalanan
kaya di kailangang binyagan upang ito ay maalis. Gayumpaman, mayroon silang ilang
seremonya na kahalintulad ng binyag na tinatawag na pagislam. Pinaniniwalaang ito ay ang
pagbibinyag ng mga Muslim.

Sa katunayan, mayroon silang tatlong uri ng seremonyang panrelihiyon na nakapaloob sa


pagislam, na ginagawa sa tatlong magkakaibang araw sa buhay ng isang sanggol.

Ang unang seremonya ay ginagawa ilang oras matapos ang pagkapanganak. Isang
pandita ang bababasa ng adzan o bong sa kanang tainga ng sanggol. Ito’y ginagawa upang dito’y
ikintal na siya’y ipinanganak na Muslim at ang unang salitang maririnig ay ang pangalan ni
Allah.
Ang pangalawang seremonya ay higit na kilala bilang penggunting o pegubad. Ginagawa
ito pitong araw pagkapanganak. Naghahandog ang magulang ng kanduli, isang salusalo bilang
pasasalamat sa pagkakaroon ng anak. Dito’y inaanyayahan ang mga kaibigan, kamag-anakan, at
pandita.
Ang paghahanda ay ayon sa antas ng kabuhayan ng magulang sa pamayanan.
Karaniwang nagpapatay ng hayop, kambing o baka. Ang hayop na ito’y tinatawag na aqiqa, na
ibig sabihi’y paghahandog ng pagmamahal at pasasalamat.

Sa okasyong ito, ang binibinyagan o pinararangalan ay binibigyan ng pangalan ng isang


pandita pagkatapos na makaputol ng ilang hibla ng buhok ng sanggol. Inilalagay sa isang
mangkok na tubig ang pinutol na buhok. Ayon sa paniniwalang Maguindanao, pag lumutang ang
buhok, magiging maginhawa at matagumpay ang tatahaking buhay ng bata ngunit kapag ito’y
lumubog, siya’y magdaranas ng paghihihkahos at paghihirap. Ang bahaging ito ng seremonya ay
di kinilala ng Islam ngunit dahil bahagi ito ng tradisyon, patuloy pa ring ginagawa ng ilang
Maguindanawon. Isa pa ring bahagi ng tradisyon na kasama sa seremonya ay ang paghahanda ng
buaya. Ito ay kakaning korteng buaya na gawa sa kanin, dalawang nilagang itlog ang pinakamata
at laman ng niyog ang ginagawang ngipin. Nilalagyan din ang buaya ng manok na niluto sa
gatang kinulayan ng dilaw. Inihahanda ito ng isang matandang babaeng tinatawag nilang walian,
isang katutubong hilot na may kaalaman sa kaugaliang ito.Ginagawa ito para sa kaligtasan ng
bata kung naglalakbay sa tubig. Pinakakain sa mga batang dumalo sa seremonya ang buaya.

Ang ikatlo at huling seremonya ay ang pagislam. Ginagawa ito kung ang bata ay nasa
pagitan ng pito hanggang sampung taong gulang. Tampok na gawain sa seremonyang ito ang
pagtutuli. Tinatawag na pagislam para sa mga batang lalaki at sunnah para sa mga babae.
Ginagawa ito upang alisin ang dumi sa kanilang pag-aari. Ang seremonya ay karaniwang
ginagawa sa araw ng Maulidin Nabi o sa ibang mahalagang banal na araw ng mga Muslim.

Pagpapamalas ng Kakayahan sa Pagsusuri ng Akda batay sa Historikal o


Sosyolohikal na Pananaw

Isang mahalagang kasanayang dapat malinang sa iyo ang pagsusuri sa akdang iyong
binasa gamit ang historikal o sosyolohikal na pananaw.

Sa mga pananaw na ito, malaya ang mambabasa na sakupin ang higit na malawak na
larangang kontekstuwal ng akdang binasa. Maisasali niya ang buong lipunan--politikal, kultural,
pangkabuhayan, pilosopikal—sa kanyang pagsisikap na maunawaan ang paksa o nilalaman ng
akda. Sa pamamagitan nito, pilit niyang hahanapin at palilitawin na ang akda at ang awtor ay
kapwa produkto ng isang partikular na panahon at pook.
Samakatuwid, maaaring suriin angakda batay sa kaugnayan ng awtor sa panahong ito ay
isinulat at kung saan ito naganap.
Magtala ng makatotohanang mga pangyayari sa binasang sanaysay na bunga ng
sitwasyong sosyolohikal na nagaganap sa bansa at tunay na nararanasan ng mga Pilipino.
Pagkatapos, bigyan ito ng kaukulang mungkahi kung paano mapanatili o dili kaya ay mabago
upang umayon sa takbo ng panahon.

Tinig ng Kabataan, Sana’y Pakinggan


Dr. Concepcion D. Javier

Ako ang kabatang puno ng sigla, lakas, at pangarap. Alam ko ang aking mga
pananagutan bilang isang mamamayang Pilipino at bilang isang mag-aaral. Nasa akin ang tatag,
lakas, at tibay, ng paniniwalang mararating ko ang tugatog ng tagumpay sa kabila ng mga
suliraning nagaganap sa bayan, sa pamilya, sa pananalapi, kalusugan, pag-ibig, at iba pang bagay
na nakasisira ng ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Masdan ninyo ang pamahalaang pinagsumikapang intindig ng ating mga ninuno. Batid ko
na nakauit sa inyong isipan ang kasaysaya ng pinagdaan ng ating bayan, ngunit sa pagkakataong
ito, hinihiling kong limiin ninyo ang pagbabagong likha ng panahon sa pagitan ng kahapon at ng
kasalukuyan.
Pagmasdan ninyo ang pamahalaan natin ngayon. Huwag sana tayong magbulag-bulagan.
Di natin maitatwa na ang demokrasyang pinagsumikapang itatag ng ating mga ninuno ay
nagbabantang gumuho. Batid nating kaya nagkakaganito’y sa dahilang “inaanay” na ang mga
“haligi ng gusali” ng ating pamahalaan.
Ilan na sa atin ang biktima ng kawalang-katarungan? Ilan na sa atin ang nakaranas na
kumain lang minsan sa isang araw? Ilan na sa atin ang naging biktima ng karahasan ng ating
kapwa? Ilan na sa atin ang napatangay sa agos ng masamang bisyo-ang paghithit ng droga na
nagbubulid sa lahat ng uri ng nakaririmarim na kasamaan? Lahat ng katanungang ito’y likha ng
anino ng kasamaang naghahari ngayon.
Igala natin ang ating paningin sa bakuran ng ating bayan. Manlulumo tayo sa mga pangit
na tanawin, hindi ba? Ang banig ng karalitaan ay nakalatag sa lahat ng sulok ng ating bansa.
Nangangaligaw ng landas ang mga kabataan. Ang pagdanak ng dugo ng ating kababayan ay
parang hamog na dumarating sa mga parang. Maraming ama ng tahanan ang lumalaboy sa mga
lansangan dahil sa kawalan ng gawain. Maging ang katarungan na siyang itinuturing na kaluluwa
ng isang demokratikong bansa ay walang pangiming niyuyurakan ng mga taong naapi ay
nagkaroon na ng piring. Nasisilaw na siya sa ningning ng salapi at impluwensya ng malalaking
tao, kaya bulag at bingi ang katarungan para sa mga kapuspalad.
Natatalos kong ang aking mga nabanggit ay hamon sa aking katatagan, sa aking
katapangan, sa aking paninindigan at prinsipyo sa buhay, kaya, hahanapin ko ang magaganda’t
maayos na pamamaraan na makalutas sa mga suliraning sa palagay ng bata kong puso ay bunga
ng pagpapabaya ng mga matatanda. Hindi ako nanunumbat, ngunit ito’y katotohanan. Araw-
araw dumarami ang kriminalidad, na nagaganap sa ating paligid, ang pagbagsak ng industriya,
ang pagkawala ng hanapbuhay ng marami, ang pagbabang uri o halaga ng ating pananalapi.
Dahil dito lagi akong naliligalig. Hindi ako matahimik, pagkat bahagi ako ng lipunan, bahagi ako
ng isang komunidad na naghihikahos, nagdurusa, batbat ng suliranin. Hindi ko maihahalukipkip
ang aking mga kamay. Hindi ko mapipinid ang aking mga labi. Ibinulaslas ko ang aking
damdaming may kimkim na pagdurusa. Nakikiisa ako sa mga gawaing makapagpapaunlad sa
bayan.
Ngunit sa lahat ng ito, ano naman ang pagpapakahulugan ninyo sa bawat kilos at daing
ko? Bakit ayaw ninyo akong pakinggan? Nagtataingang-kawali kayo. Pinaparatangan pa ninyo
akong subersibo kaya nananawagan ako. Hinihiling kong pakinggan naman ninyo ako. Alang-
alang sa mga magiging mamamayan ng bukas, huwag sana nating pabayaang gumuho ang ating
kinabukasan. Alang-alang sa susunod na salin ng lahing kayumanggi, pairalin natin ang tunay na
demokrasya. Pangalagaan natin ang ating kalayaan. Dito nakasalalay ang magandang
kinabukasan ng ating lipunan, kaya humihingi ako ng katarungan. Dinggin ninyo ang tinig ng
kabataan.
"Para, Mamà, Sa Tabi Lang"
Emmanuel Torres

Kung Pinoy ang tatanungin, more is beautiful. Mas magarbo, mas maganda. Mas okey
ang maraming borloloy. ‘Yong nandoon ang lahat, wala nang hahanapin pa.
At ano ang pruweba? Ang dyipni ... bow!
Simbolo ito ng ukay-ukay na mentalidad ng Pinoy at ang tinatawag na “Filipino
Ingenuity” o ablilidad. Biruin mong patapon lang na war surplus ang dyipni ay nagawa pang
bagong-luma? Unang sumulpot ang dyipni pagkatapos ng giyera noong 1945. Kulang na kulang
ang mga pampasaherong sasakyan kaya yong sasakyan ng mga Kano ay binutas sa likod,
nilagyan ng dalawang hilerang bangko, at presto! May bagong hari na ng kalsada.
Larawan ng kultura ang dyipning Pinoy. Lahat ay nakukuha sa magandang usapan.
Karaniwan nang maririnig ang mga ganitong diyalogo: Mga miss, paki-ipit lang po; Ibabayad po
ba ang bata?’ Makikisyuyo nga ho sa driver; Boss, puwera sabit, baka mahuli po ako; Wala ho
yan, konting usog lang; at tatlo na lang lalakad na.
Kung nagsisiksikan ang mga pasahero, nagsisiksikan din ang mga dekorasyon ng dyip.
Patong-patong ang mga palamuti, mula sa sticker, paintings sa labas, gilid ng kisame, picture ng
artista o basketbolista, kurtina, altar, electric fan, at mga santo sa dashboard, nakasabit na sapatos
ng baby, tambak na cassette tapes at CD, stereo, speakers, at basurahang plastik. Nakasulat ang
mga pangalan ng mga anak ng driver (Sherilin, Vonjovi), ang pinagmulan ng puhunan (Katas ng
Saudi), at ang pinagpipitagang paniniwala sa buhay (El Shaddai).
Kapansin-pansin ang mga nakakabit na sticker na nagtataglay ng mga tugmang de-gulong
. . . . mga patulang pahayag na kalimitan ay para sa mga pasahero at kung susuriin ay nakaaaliw
namang basahin tulad ng sumusunod:
“Yan ang gusto kong pasahero, alisto’t nagbabayad ng husto “
Heto pa;
“Kapwa mo’y isipin,umusod-usod nang di magitgit”.
At isa pa:
“ Kapit nang mahigpit sa gustong sumabit.”
Dagdagan pa nito:
“ Bayad muna bago bumaba nang di mapahiya.”
Sa labas naman ay gigiray-giray ang hilera ng kabayong pilak na may kumukutitap pang
pin lights tuwing magbe-brake ang driver. Kulang na lang yatang sabitan ng Last Supper at
tambakan ng larawan ng asawa at anak para masabing ito na ang Home Sweet Home ng Drayber.
Sabi nga ng kritikong si Emmanuel Torres, and dyipni raw ay simbolo ng “Filipino Fiesta
Spirit ,“ isang expression ng folk baroque aesthetics. Si Torres, na may-akda ng aklat na
Jeepney, ay isang art at literary crtitic at siya ring curator ng Ateneo Art Gallery na may 40 taon
na ngayon. In plain language, ma-drama ang Pinoy, parang karnabal ang pag-iisip. Takot ang
Pinoy sa blangkong espasyo, ‘yong tinatawag ni Torres na “fear of empty spaces”.
Naging simbolo na ng Pilipinas ang dyipni dahil dito lamang palasak ang sasakyang ito.
Nasa English dictionary na nga ang salitang jeepney na associated sa bansa natin.
Ang dyipni ay sadyang isang canvas din para mailarawan ang pagka-creative ng may-ari
nito. Sinasakyan nito ang ating pagkamalikhain. At dahil sa angking katangian nito, nagsisilbing
salamin ng Pinoy karakter ang hamak na dyipni: maborloloy, relihiyoso, maabilidad, rumarampa,
at totoong makulay!

Kalayaan
Marcelo H. Del Pilar

Ang kalayaan ay dili iba kundi ang kapangyarihang sumunod o sumuway sa sariling
kalooban; ang tinatawag nating Malaya ay yaong panginoon ng kanilang kalooban.
Ang kalayaan ay isa sa mahalagang biyaya ng Diyos sa tao, dahil sa kalayaan ay naiilag
tayo sa masasama at nakagagawa ng inaakala nating magaling.
Tunay na dahil sa kalayaan ay nagagawa ang masama at nangyayaring pabayaan ang
magaling. Datapuwa’t, sukat pagwariing ito ang pinagbubuhatan ng matuwid na masarili ng tao
ang puro o kahihiyang bunga ng mabuti o masama niyang gawa.

Ang hayop ay walang kalayaang gaya ng kalayaan ng tao; ang hayop ay hindi panginoon
sa kanyang sarili. Ang hayop na sumilo sa kapwa hayop ay alipin ng kanyang gutom, kanyang
galit, ng sariling pitang hindi mapaglabanan; kaya hindi naman nananagot sa kanyang ginawa,
hindi nagkakamit ng puri, hindi nagkakasala.
Ang tao’y dili gayon. Sa balang gawain sa ibabaw ng lupa, mabuti o masama ay taling
kasunod ang karapatan; ang gawang mabuti ay ikinararapat ng Diyos at sariling konsensiya; ang
gawang masama ay ikinasasawi, at dahil dito’y bumubukal baga sa ating puso ang isang
kahihiyan, isang pighating sumisisi sa sarili, palibhasa’y nasa kamay natin ang kalayaan sukat
ikailag sa ikasasawi.

Nang Maging Mendiola Ko Ang Internet Dahil kay Mama


Abegail Joy Yuson Lee

Binigyan tayo ng Diyos ng bibig para makapagsalita at utak para makapag-isip.


Iyan ang paulit-ulit na dayalogo sa akin ni Mama sa tuwing nalalaman niyang hindi na naman
ako nagsalita upang ipagtanggol ang aking sarili. Ako kasi yaong tipo ng taong hindi nagsasabi
ng tunay na nararamdaman at hinaing. Napag-isip-isip kong may punto naman siya doon. Tama
naman talaga siya. Ginagamit natin ang ating mga bibig para maisalita kung ano ang ating mga
saloobin kaagapay ang utak upang iproseso ang mga napapansin at kapansin-pansing mga bagay-
bagay na nangyari sa ating paligid.
Ngunit, naisip ko, habang sinasabi na naman niya sa akin ang paborito niyang linya,
paano naman kaya ang mga piping hindi naisasalita ang kanilang mga saloobin? O kaya, ang
mga taong katulad ko na nahihiya o kung minsan ay natatakot isalita ang mga saloobin? Paano
kaya nila sasabihin sa mga tao sa paligid nila ang kanilang mga hinaing? Paano kaya nila
maipararating ang kanilang mga nasasaisip. Paano kaya nila maipagtatanggol ang kanilang mga
sarili laban sa iba? Hindi naman sa lahat ng oras ay nariyan ang mga taong nakauunawa sa bawat
pagkumpas ng kanilang mga kamay at pagbabago ng ekspresyon ng kanilang mga mukha o ang
mga simpleng pananahimik nila sa sulok ng bahay. Nagtataka ako. Paano kaya nila sasabihin ang
mga gusto nilang sabihin kung ipinagkait sa kanila ang kakayahan at karapatang makapagsalita?

Ang lahat naman ay magagawan ng paraan, ang motto nga ni Mama.

Salamat sa internet! Ito ang nagsilbing tulay ko upang maipahayag sa aking mga kausap
ang ilang mga bagay na hindi ko kayang maiparating nang tuwiran. Hindi ko man maisatinig
palagi ang mga nais kong sabihin, maaari ko namang maisulat ang mga ito. Gamit ito,
naipaparating ko sa aking mga kaibigan ang aking kasalukuyang kalagayan, opinyon, pananaw at
mungkahi ukol sa ilang mga isyung personal at panlipunan.

Minsan nga ay nabasa ko ang ipinost ng isa kong kaibigan sa Facebook. Nanghihingi siya ng
mga mungkahi sa kung anong magandang gawin ngayong bakasyon. Marami ang nagbigay ng
kanilang mga opinyon. May mga nagsabing magbabad na lamang sa pagfe- Facebook. May mga
nagsabing maglaro na lamang daw sila ng mga computer games. Alam ko na mag-aaksaya lang
sila ng panahon, pati na rin ng kuryente na nagbabadyang tumaas na naman ang halaga. Hindi
ako sumang-ayon sa mga mungkahi nila. Sa una’y nag-aalinlangan akong magbigay ng opinyon
pero nag-aalala ako na baka hindi nila magugustuhan ang sasabihin ko o baka hindi maganda ang
magiging reaksiyon ng mga makakapansin sa aking isusulat. Ngunit, maya-maya ay
napagpasyahan ko na magbigay na rin ng aking opinyon. Naisip ko, wala namang masama kung
susubukan kong magtipa ng mga nais kong sabihin. Iyon ang unang pagkakataong nagbigay ako
ng opinyon maliban sa mga madalas kong iminumungkahi na ”hahaha,” ”tama,” at kung ano-
anong mga pangkaraniwang ekspresyon.

“Sulitin mo ang summer, kumain ka ng sorbetes o ’di kaya’y mag-swimming ka para ma-
enjoy mo ang init ng panahon. Kung gusto mo’y pwede ka ring mag-exercise, magiging fit ka pa
niyan. Sumulat ng blogs tungkol sa iyong sarili o ilang mga tula tungkol sa iyong mga
nararamdaman ngayong tag-init.”

Iba-iba ang naging reaksyon ng mga nakapansin sa sinulat ko. Marami ang naglike ngunit
may ilan-ilang ding umalma. Gayunpaman, natuwa pa rin ako dahil marami ang nagsabing
maganda ang mungkahi kong iyon. Kahit papaano’y naibahagi ko ang mga ideyang maaaring
makatulong sa iba, hindi ba? Kaya simula noon ay ganap nang natanggal ang mga pag
aalinlangan kong magkomento o magpahayag ng aking mga opinyon, pati ang mga nais kong
sabihin ay madalas ko na ring ipinopost sa Facebook at Twitter.

Hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa pagsasalita, isa na naman iyan sa mga


pahayag ni Mama.

Ang pahayag na iyon ni Mama ang nagpapaalala sa akin kung bakit hindi ako
nagaalangang maghayag ng aking saloobin sa internet sapagkat ito ay hindi namimili ng tao. Sa
madaling salita walang diskriminasyong nagaganap sa mundong ito. Lahat ay puwedeng
gumamit nito. Bukas kasi sa publiko. Walang pinipiling taong gagamit. Mapabata, estudyante,
mangangalakal, guro, doktor, mga kawani ng gobyerno, mga tagapag-ulat, manunulat, mga lolo’t
lola, maging ang mga may kapansanan – sinuman ay mamamangha sa dami ng pakinabang nito.

Siyempre, hindi magpapatalo ang mga kabataang tulad ko. Ito ngayon ang paraan ko at
ng iba pang kabataan para ipaalam sa lahat ang reaksiyon, opinyon, at saloobin namin tungkol sa
mga nangyayari sa aming paligid – pamilya, pamayanan, lipunan at mundo. Ang bawat titik na
itinitipa namin sa kompyuter ay may mahalagang mensahe. Umaasa kami na mapapansin ang
mga ipinopost naming mga blogs sa internet, na kahit sa mundo ng cyberspace ay puwede
naming baguhin ang realidad, na maaari naming gawing tama ang ilang mga maling napapansin
namin sa paligid, at hindi lang kami bastabasta nagpapalipas ng oras gamit ito. Alam kong
mapatutunayan namin ito.

Napag-isip-isip ko na kahit sa lipunan ay makatutulong kaming mga kabataan sa


pamamagitan ng internet, hindi ba’t kami rin naman ang sinasabing kinabukasan ng ating bayan?
Ang mga raliyista sa Mendiola ay nahihirapan na iparating ang kanilang mga hinaing sa
pamahalaan. Nakapagsasalita man sila, hindi naman sila pinakikinggan ng gobyerno. Nakatitiyak
ako na gumagamit din ng internet ang pamahalaan at siguradong mababasa rin nila ang mga
blogs na naka-post doon. Isa ako sa mga sumusuporta sa kanila kung alam kong tama ang
ipinaglalaban nila. Lahat tayo’y umaasa na sa oras na mabasa ng may kapangyarihan ang mga
reaksiyon at opinyon na inilalagay natin sa internet ay malalaman nila at babaguhin ang kanilang
mga pagkakamali.

Ang internet ang nagsisilbing Mendiola ko at naming mga kabataan ngayon.

Ito na ang malayang kalsada na kung saan kami ay nagpapalitan ng iba’t iba naming
reaksiyon at kuro-kuro sa mga maiinit na isyu at pangkasalukuyang kaganapan ng ating lipunan.
Dito na namin ipino-post ang mga naglalakihan naming plakards ng reaksiyon at hinaing. Dito
na namin ipinapakalat ang mga nalilikha naming mga tula, sanaysay, at artikulong magbubukas
ng isip sa kapwa-kabataan namin. Hindi naman kasi totoong puro kompyuter at pagfe-Facebook
na lang ang inaatupag ng lahat ng mga kabataan ngayon. Siguro nga’y napapansin na halos ‘di
kami matinag sa harap ng kompyuter pero hindi naman sa lahat ng oras ay naglilibang lang kami.
Dala na rin siguro ng modernisasyon kaya nakasanayan na naming gumamit ng internet para
maipahayag namin ang aming mga sarili – ang aming mga saloobin, mga pananaw, reaksiyon, at
mga opinyon. Alam kong may pagkakatong hindi na rin namin makontrol ang aming mga sarili
sa paggamit ng internet, at inaamin ko na nagkakamali kami, pero sana’y maunawaan ninyo na
sa mga edad naming ito ay masyado kaming sensitibo, mausisa, at mapaglakbay sa totoong
mundo at sa mundo ng cyberspace. Nais naming ilabas ang aming mga saloobin sa pamamagitan
ng internet.

Tuwing kinakausap ako ni Mama noon ay nakikinig lamang ako sa kanya. Para akong
piping hindi nagsasalita kapag tinatanong niya ako kung ano ang opinyon at pananaw ko sa isang
bagay. Hindi ko alam kung nag-aalala ako na baka mali ang masasabi ko o natatakot ako sa
magiging reaksiyon niya. Pero ngayon, panatag ko nang nailalahad ang aking mga opinyon,
pananaw, at mga nararamdaman kay Mama, at pati na rin sa mga taong malalapit sa aking buhay.
Para akong piping natutong magsalita. Salamat kay Mama sapagkat natuklasan kong maging
Mendiola ang internet na naging dahilan sa pagsasatinig at pagsasatitik ng aking mga saloobin.
Malaking bagay na natuto akong ibahagi ang aking nararamdaman, ideya, at karanasan dahil
alam kong makatutulong din ang mga ito sa ibang tao. Ewan ko ba! Gumagaan ang pakiramdam
ko sa tuwing naipahahayag ko ang aking nararamdaman dito.

You might also like