Professional Documents
Culture Documents
Villareal
2015-46196
Tayo ay naglalakabay sa isang lipunang madaya. Ang mga mayayaman, patuloy na yumayaman,
habang ang mga mahihirap ay lalong naghihirap. Tayo ay naglalakbay sa isang lipunang mapangahas.
Hindi matigil-tigil ang pagpatay sa mga kapatid nating lumad, na sila mismong bumubuhay sa atin
sapagkat sila ang naglalagay ng pagkain sa ating mesa. Kaliwa’t kanan ang mga inosenteng nababawian
ng buhay dahil sa “Oplan Tokhang” ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang ating lipunan ay magulo, at wala
tayong ibang nais kung hindi ay isang radikal na pagbabago, kung saan mabubuwag ang tinatawag na
“social triangle”, at wala nang mga inaapi.
AKTIBISMO
Ayon kay Taguiwalo (2012), ang aktibismo ay ang pagkilala sa mga suliranin na kinakaharap ng
ating bayan at ang pagkilos naman ay ginagawa upang ilantad, labanan, at solusyonan ang mga
suliraning ito. Naglalayon ang aktibismo na puksain ang patuloy na pangangahas ng estado sa mga
proletaryat. Ngunit paano ito gagawin? Kami sa ASAP-Katipunan (Alternative Students’ Alliance for
Progress – Katipunan ng mga Progresibong Mag-aaral ng Bayan) kasama ang iba pang pang-masang
organisasyon, ay nagsasagawa ng mga pag-aaral ng lipunan, pakikipamuhay sa masa, at ang
pagpoprotesta. Sa pagkilos ay maipapakita ang tunay na pagkakaisa, at dito rin natin mas
maipatatambol pa ang ating mga panawagan.
WIKANG FILIPINO
Sa bawat kultura, isang mahalagang aspeto ang wika. Ito ang kasangkapang ginagamit ng bawat
tao. Ang nagbigay buhay sa sibilisasyon ay ang pagsilang ng wika, at dahil dito, ay maayos na
nailalarawan ng mga tao ang kanilang karanasan at damdamin. Sa pagkakaroon ng sariling wika, lubos
na naipapahayag ng mga mamamayan ang kanilang kaisipan. (“Filipino, Bilang Wikang Pambansa”, 2011)
Kilala ang mga aktibista sa paggamit ng purong Filipino tuwing kami ay pumapakat. Ang
kagandahan nito, ay naidadala namin ito sa aming pang-araw-araw na buhay. Tulad nga ng sinasabi nila,
VILLAREAL 1
ang aktibismo, higit sa isang prinsipyo, ay paraan ng pamumuhay. Lahat ng aming natutunan mula sa
pag-aaral, kasama na ang wika, ay bitbit namin, lagi’t lagi.
Ayon kay Maceda (n.d.), dapat ang ating pagmamahal sa sariling wika ay natural na sa tao, ngunit
hindi ito ang kaso dito sa Pilipinas. Sa kasalukuyang sistema ng edukasyon, mayroong kaunting
pagpapahalaga sa ating sariling wika at mas pinapaintindi pa sa mga bata ang wikang banyaga – Ingles,
upang maging partikular. Masasabi ko na isa ang aktibismo sa pagpuksa ng ganitong kultura sa
edukasyon.
Isang ehemplo ay ang Unibersidad ng Pilipinas. Makikita mo ang iba’t-ibang uri ng tao; mayaman o
mahirap. Pero sa institusyon tulad ng UP, ay laganap ang mga aktibista. Ang papel na ito ay naglalayong
tasahin ang ambag ng mga aktibista at ng aktibismo sa pagpapaunlad ng ating wikang pambansa, ang
wikang Filipino.
VILLAREAL 2
Ang hindi naiisip ng iba, na ang kawalan ng boses naming mga aktibista, ay isang hakbang
papalapit sa pagkakaroon ng lipunang walang social classes. Ang mga protesta ay kilala dahil sa dala
nitong ingay. Maraming tao ang napeperwisyo, pero bakit nga ba natin ito ginagawa? Ang
pagpoprotesta ay isang patunay na mayroong mali sa ating lipunan, at nais natin itong baguhin. Ang
ingay na mula sa mga protesta, ay tinatawag na tsant. Ang tsant ay mga panawagan o kampanya na
bitbit ng mga nagpoprotesta. Maaari din itong taglayn ng isang organisasyon, kung saan binabanggit
tuwing magsasalita ang representante ng organisasyon kapag mayroong pagkilos.
Aaminin kong ako mismo ay nahuhumaling sa mga mabibigat na salita na kanilang ginagamit.
Bukod sa nagmumukha silang matalino, sila rin ay mas nagmumukhang kapani-paniwala. Hindi natin
napapansin, pero minsan, ang tama sa atin ng mga sinasabi ng mga aktibista ay nasa bigat ng salita at
hindi sa kampanya na kanilang binibitbit.
Sa mga pagkilos, madalas kang makaririnig ng mga sigaw, na tinatawag na mga tsant, na nasa
wikang Filipino. Tulad ng nabanggit, ang mga salita ring ginagamit dito ay mga malalalim na Filipino.
Marami nang tsants ang narinig ng sangkatauhan, mayroong mga katulad ng “Makibaka! Huwag
matakot!” na noong pang 1970s naging uso. Dahil sa mga bagong isyung panlipunan na kinakaharap
natin ngayon, mayroong mga bagong tsants na pumalit sa mga luma, at ito na ang mas nagagamit
ngayon. Ilan sa mga halimbawa ay:
VILLAREAL 3
TSANTS
Edukasyon, Edukasyon! Karapatan ng Mamamayan!
Iskolar ng Bayan, Ngayon ay Lumalaban!
Pag-asa ng Bayan, Kabataan!
Abante, Babae! Palaban, Militante!
Singilin, Singilin, Pagbayarin! Inutang na Dugo ng Berduong Rehimen!
Marcos, Marcos, Magnanakaw! Marcos, Marcos, Magnanakaw!
Tunay, Palaban, Makabayan! ASAP-Katipunan!
Kung mapapansin, ang mga tsant ay karaniwang mababasa sa dalawang pangungusap. Sa mga
pagkilos, ang unang pangungusap ay isinisigaw ng iisang tao lamang, at ang pangalawang pangungusap
naman ay ang isisigaw ng lahat ng nasa pagkilos na iyon. Nakakatindig-balahibo kung maririnig ito nang
personal, pero mas nakakatindig-balahibo ang makasali sa isang pagkilos dahil iyong mararanasan ang
kapangyarihan hindi lamang ng wika, kundi pati ng sama-samang pagkilos.
Isa pang kagandahan sa konteksto ng wika, ay nadadagdagan ang iyong bokabularyo sa wikang
Filipino. Pagpasok ko ng UP – Manila, ay hindi ako gaanong bihasa sa paggamit ng wikang Filipino,
pasulat man o pasalita, pero ngayon, kaya ko nang gumawa ng mga tinatawag na “solidarity message”
na nasa wikang Filipino para sa aking pang-masang organisasyon. Ang mga salitang “berdugo”,
“pasismo”, “pagtambol”, ay iilan lamang sa mga salitang hindi ko alam na iniluwal sa mundong ibabaw.
Bukod sa pagkilala sa mga malalalim na salita sa Filipino, ay mahahasa ang iyong pananalita at
pagsusulat gamit ang wikang ito. Bilang isang hayskul student noon na lumaki sa paaralan na may
English speaking zone, laking pagtataka ko na naipasa ko ang mga aralin ko sa Filipino.
EDUKASYON
Isa sa mga pinaglalaban ng Kabataan Partylist (KPL) ay ang libreng edukasyon para sa lahat.
Naniniwala kami na ang kalagayan ng ating edukasyon ay hindi naka-disenyo para sa ating bansa. Ang
kinakailangan nating uri ng edukasyon ay makabayan, siyentipiko, at maka-masang edukasyon. Ito ang
tipo ng edukasyon na gawa upang higit pang mapaglingkuran ang bayan pagkatapos ng pag-aaral.
Sa libreng edukasyon, ang Pilipinas din ang makikinabang. Sa pagkakaroon ng mga mamamayang
edukado, ay higit na mas magiging mapanuri tayo sa lipunan, at masisiguro natin na wala sa atin ang
naaapi. Ang edukadong bansa rin ang tutulong sa atin upang umahon sa kahirapan.
VILLAREAL 5
kaalaman at pagkatuto. Sa aming pananatili sa lansangan kasama ng mga masa, ay higit naming
naiintindihan kung gaano kapangyarihan ang wikang Filipino. Hindi lamang nito napagbubuklod-buklod
ang mga Pilipinong magkakaiba ng lingua franca, kundi ay pati na rin ang mga mahihirap, petiburges, at
mga burges.
TANGGOL WIKA
Kilala rin bilang Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino, ang Tanggol Wika ay isang
organisasyon na binuo ng mga guro, mag-aaral, at manunulat upang ibasura ang CMO No. 20. Ang CMO
20 ay naglalayong tanggalin ang wikang Filipino sa kolehiyo. Bahagi ito ng implementasyon sa K-12 kung
saan tatanggalin ang mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo. (Anakbayan, 2015)
Isa itong konkretong halimbawa, bukod sa mga tsants, na napayayabong ng aktibismo ang
wikang Filipino. Bukod sa pagpapalaganap, ay sinisigurado ng mga aktibista na buhay at ginagamit ang
wikang Filipino.
VILLAREAL 6
ASAP-Katipunan
Ang ASAP-Katipunan (Alternative Students’ Alliance for Progress – Katipunan ng mga Progresibong
Mag-aaral ng Bayan) ay isang alyansa na binubuo ng mga organisasyon na naniniwala na ang edukasyon
ay isang karapatan at kailangang makipag-kaisa tayo sa lahat ng sektor ng lipunan upang makamit ang
radikal na pagbabago sa lipunan. Kami ay nangunguna sa pagpapa-ingay ng mga isyu ng mga masang
api. Mula sa kanayunan, ay binibitbit namin hanggang sa kalunsuran ang mga isyu at sinisiguradong
mabigyan sila ng boses. Ang litrato sa taas ay isang ehemplo lamang na nagpapakita kung paano
ginagamit ng mga aktibista ang wikang Filipino. Bukod sa mga tsants, ay ginagamit din namin ito sa mga
polyeto.
SINTESIS
Ang ating ipunan ay magulo. Kaliwa’t kanan ang terorismo, korupsyon, kahirapan. Kailangang
patuloy tayong maging mapagmatyag sa mga desisyon ng ating gobyerno, at siguraduhin na walang
kahit na sino ang naaapakan. Kasama nito, na ang paninigurado na marami sa atin ay kasama ng
VILLAREAL 7
malawak na hanay ng masa sa pakikibaka. Sa ating sama-samang pagkilos, ay wala tayong hindi
mararating. Kahit mga maliliit na tagumpay, ay isa na itong malaking hakbang tungo sa lipunang malaya.
Lagi nating tatandaan na lahat ng isyung panlipunan ay tagpi-tagpi. Hindi nalalayo ang ating laban
para sa libreng edukasyon sa laban ng mga magsasaka para sa libreng lupa. Ang pagsusuri sa lipunan at
pakikipaglaban sa tabi ng masa ay ang inaasahan sa atin ng ating bayan, bilang kasama ito sa ating
paglilingkod sa kanila. Kasama rin sa paglilingkod sa ating bayan ay payabungin ang kaniyang wika. Ilagay
natin sa ating sistema na gawing kaugalian na ang paggamit sa ating wikang pambansa; sa pag-aaral,
pakikipag-usap sa mga tao, at sa paglaban para sa tunay na demokrasya. Ang wikang Ingles ay nariyan
lamang upang magamit natin sa pakikisalamuha sa mga tao mula sa ibang bansa, o para sa mga sabjek
na nangangailangan ng Ingles. Huwag nating kalilimutan na ang bansang Pilipinas ang ating
pinaglilingkuran kaya’t dapat ang wika niya ay ang wika na alam ng mga dila at puso natin.
Bilang isang aktibista, patuloy kong sisiguraduhin na kasabay sa pagpapalakas pa lalo ng aming
hanay, ay palalakasin ko rin ang wikang Filipino.
Ang kasabihan sa baba nawa ay maging inspirasyon natin at palatandaan na ang wikang Filipino
ang siyang tunay na magdadala sa atin sa kabila ng lahat ng mga isyung ating kinakaharap:
“Gamitin natin ang sariling wika upang magtagumpay ang masa tungo sa kanyang paglaya.
Ang bayang may sariling wika ay bayang malaya. Kaya hindi lang sa pagsapit ng Linggo ng Wika
tuwing Agosto lang natin inaalalang dapat itaguyod ang sariling wika, kundi sa lahat ng
panahon. Ayon nga sa isang kasabihan, "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa
ang amoy sa mabahong isda." (Bituin, n.d.)
Dahil ako ay isang aktibista, at mahal ko ang Pilipinas; lalo na ang wika niya.
VILLAREAL 8
MGA SANGGUNIAN
Bituin, G. V., Jr. (2009, August 30). Wikang Filipino, Wika ng Aktibismo. Retrieved May 26, 2017, from
http://tupangpula.blogspot.com/2009/08/wikang-filipino-wika-ng-aktibismo.html
Capistrano, M. (2012, September 13). Bigwas ng Pag-aklas: Mga Aral ng Aktibismo sa Panahon ng Batas
Militar. Retrieved May 26, 2017, from http://www.philippinecollegian.org/2012/09/13/bigwas-
ng-pag-aklas-mga-aral-ng-aktibismo-sa-panahon-ng-batas-militar/
Filipino, Bilang Wikang Pambansa. (2011, October 1). Retrieved May 26, 2017, from
http://filipinobwp.blogspot.com/2011/10/filipino-bilang-wikang-pambansa.html
Maceda, T. G. (n.d.). The Filipino National Languange: Discourse on Power. Retrieved May 26, 2017,
from http://sealang.net/sala/archives/pdf8/maceda2003filipino.pdf
Pagtanggal ng Wikang Filipino sa Kolehiyo, Itinigil ng Korte Suprema. (2015, May 6). Retrieved May 26,
2017, from http://www.anakbayan.org/pagtanggal-ng-wikang-filipino-sa-kolehiyo-itinigil-ng-
korte-suprema/
The 1987 Constitution of the Philippines – Article XIV. (n.d.) Retrieved May 26, 2017 from
http://www.gov.ph/constitutions/the-1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines/the-
1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines-article-xiv/
VILLAREAL 9