You are on page 1of 3

TULDOK NG KAHIRAPAN

Mayroon akong nakilala, Juancho ang kanyang pangalan at siya ay nakatira

sa Smokey Mountain. Madaling araw pa lang umaalis na siya patungo doon sa

katabi nilang gabundok na basura, namimili ng mga maibebenta upang doon

kukunin ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Ang tatay at nanay niya’y may

sakit at may dalawa siyang kapatid na kung minsan ay kasama niya pumunta sa

mga karinderya naghihingi ng mga pagkain na tiratira upang kahit paano’y sa gutom

ay nakakaraos din. Sa paglubog ng araw, siya’y umuuwi may daladalang pagkain

para sa haponan nila. Sa kaniyang paglalakad pansin mo ang pagod na dinadala.

Nang parating na siya sa kanilang barong-barong na tahanan, makikita mo sa

malayo ang mukha ng kaniyang tatay at nanay na nakadungaw sa bintana

naaaninag dahil sa lampara nilang ilaw at nang papalapit na siya, awa at galak ang

nararamdaman. Tanong niya sa kaniyang isipan hanggang kailan magwawakas ang

ganitong buhay.

Ikaw, oo, ikaw, nakaranas ka na ba ng gutom, namamalilos sa gitna ng

kalsada, nakatulog ka na ba sa isang kariton, sa tabing ilog, sa ilalim ng tulay, o sa

tambak na basura? Walang pera, walang makain, walang trabaho, yung walang

wala ka na? Ako ay nakatayo sa inyong harapan upang mulatin ang inyong mga

mata sa tunay na kalagayan ng ating bansa dahil sa panahong ito, patuloy na

nalulugmok sa kahirapan ang mga kapwa nating Pilipino. Bakit nga ba laganap ang

kahirapan sa ating bansa? Ano nga ba ang mga epekto nito sa pamumuhay natin

ngayon at sa hinaharap?

Ang matinding kahirapan sa Pilipinas ay tinatayang sa 19.2 porsiyento ng

populasyon, o mga 18.4 milyong katao ang salat sa karangyaan ng buhay batay sa

international poverty line (Robinson, 2018). Sa sarbey na isinagawa, bumababa sa


dalawang (2) dolyar ang kinikita ng mga mahirap kada araw. Ang mga pangunahing

sanhi ng kahirapan ay kinabibilangan ng: mabagal na paglago ng ekonomiya,

paglobo ng populasyon, pagmahal ng mga bilihin sa panahon ng krisis, mabagal na

pag-unlad ng sektor ng agrikultura, at ang hindi pagkakapantay-pantay ng karapatan

ng tao (Asian Development Bank, 2009). Dahil sa mga salik na ito, ang bilang ng

mga mahihirap ay tumataas na nagdudulot ng malubhang epekto sa pamumuhay ng

mga Pilipino. Ang kagutuman ay isa sa matinding bunga ng kahirapan sa Pilipinas.

Sa maliit na sahod na kinikita, ang mga mahihirap ay bihira na lamang kumain ng

tatlong beses sa isang araw. Ang mga batang nagugutom ay patuloy na nanghihina

kada araw sa kalusugang pisikal at mental na makakaapekto sa kanilang paglaki at

maaaring maging resulta ng kamatayan. Sa pagkalugmok sa kahirapan, hindi na

nasusuportahan ng mga magulang ang kanilang pamilya at ang resulta, ang mga

bata ay kinakailangang magtrabaho at huminto ng pag-aaral. Ipinapakita na 3.6

milyong bata o 15.9 porsiyento ng buong populasyon, mula sa edad na 5-17 ang

nagtatrabaho (Robinson, 2018). Tunay nga na isang banta sa buhay ang matinding

kahirapan. Ibig sabihin na sa hikahos ng buhay ay nawawalan ng sapat ng pagkain,

tubig, panghina ng kalusugan, edukasyon, at kawalan ng trabaho ang mga dukha.

Ngunit, habangbuhay na lang ba tayong magpapaalipin sa kahirapan? Hindi! Kaya

ano ang ating dapat gawin? Kailan tayo kikilos para sa magandang kinabukasan?

Kung ating kikilatisin, ang suliraning kahirapan ay puno ng mga tinik at ang

mga lunas ay mailap. Habang lumilipas ang panahon, angaw-angaw ang nalulunod

sa walang-katapusang karalitaan. Subalit, kapag tayo ay magkakaisa tungo sa

paglutas ng kalunos-lunos na sakit ng bansang Pilipinas, magkakaroon tayo ng

pagbabagong nilalayon ng bawat Pilipino. Huwag tayo magsisihan kung sino talaga

ang may sala sapagkat lahat tayo ay responsible, bawat tao ay nagpabaya. Oras na
para tayo ay bumangon mula sa pagkalugmok sa kahirapan at puksain ang yugto ng

karukhaan.

You might also like