You are on page 1of 2

Kahulugan ng Panitikan

Ano ang Panitikan?


Iba-iba ang pagpapakahulugan ng mga manunulat at dalubhasa sa panitikan.
May mga nagsabing ang panitikan daw ay talaan ng buhay. Ayon kay Arrogante (1938),
talaan ng buhay ang panitikan sapagkat dito naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan
ang kulay ng kanyang buhay, ang buhay ng kanyang daigdig, ang daigdig ng kanyang
kinabibilangan at pinapangarap.
Ayon naman kay Salazar (1995), ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos
sa alinmang uri ng lipunan. Maaalalang nagsilbing titis sa mga Amerikanong may kulay
ang pagkakabasa nila sa Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe upang kanilang
ipakipaglaban ang kanilang pantay na karapatan sa mata ng batas at katarungan na
humantong sa kanilang tagumpay sa Digmaang Sibil sa Amerika. Pinukaw naman ni
Jean Jeacques Russeau sa kanyang Social Contract ang isipan ng mga Pranses. Sa
pamamagitan ng akda ni Russeau, nabatid nilang sila’y biniyayaan din ng Diyos ng
karapatan at katarungan at natutunan nilang iyo’y kanilang ipakipaglaban. Nang patuloy
iyong ipagkait sa mga Pranses, ang pakikipaglaban nila sa katarungan at karapatan ay
humantong sa isang himagsikan sa Pransya. Dito sa Pilipinas man ay makakatukoy ng
napakaraming katibayan kung paano pinakilos ng panitikan ang lipunan. Nagsilbing
inspirasyon ng mga Katipunero ang mga akda ni Rizal upang maglunsad ng isang
himagsikan laban sa mga Kastila. Ang mga mapanghimagsik na dulang itinanghal
noong panahon ng mga Amerikano ay ikinapiit ng mga may akda niyon at lalong
nagpagalit sa maraming Pilipino. Sinikil ng datong Pangulong Marcos ang laya sa
pamamahayag ngunit hindi niya napigilan ang paglaganap ng mga akdang
naglalarawan. Sa pagmamalabis ng kanyang administrasyon. Iyon ang isa sa maraming
dahilan ng pagwawakas ng kanyang pamumuno noong 1986 sa EDSA.
Ayon naman kay Webster (1974), ang panitikan ay katipunan ng mga akdang
nasusulat na makilala sa pamamagitan ng malikhaing pagpapahayag, aestetikong
anyo, pandaigdigang kaisipan, at kawalang-maliw. Kung ang panitikan ay katipunan ng
mga akdang nasusulat, maituturing bang panitikan ang mga tula, tugmaan, kasabihan,
awit at iba pang nagpasalin-salin sa bibig ng tao lalo na noong panahong bago
dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan? Ang sagot ay oo, panitikan din ang mga
iyon. Kailangang bigyang-diin na ang kahulugan ni Webster ay modernong
pagpapakahulugan sa panitikan sa panahong ang tao ay marunong nang sumulat at sa
panahong ang panitikang pasalin-dila ay naisalin na sa anyong pasulat. Kung tutuusin,
maging ang palabuuan ng salitang panitikan ay nagbibigay-diin sa pasulat na katangian
nito. Ang salitang panitikan ay nanggaling sa saling-ugat na titik, kung gayon, naisatitik
o nasusulat. Ngunit lahat ba ng nasusulat ay maituturing na panitikan? Ang sagot
naman sa tanong ay hindi. Kung babalikan natin ang kahulugang ibinigay ni Webster,
matutukoy natin ang iba pang pangangailangan upang ang isang bagay na nasusulat
ay maituturing na panitikan – malikhaing pagpapahayag, aestetikong anyo,
pandaigdigang kaisipan at kawalang-maliw.
Binanggit naman nina Atienza, Ramos, Salazar at Nazal sa kanilang aklat na
pinamagatang "Panitikang Pilipino,” ipinapahayag na ang tunay na panitikan ay yaong
walang kamatayan, yaong nagpapahayag ng damdamin ng tao bilang ganti niya sa
reaksyon sa kaniyang pang-araw araw na pagsusumikap upang mabuhay at lumigaya
sa kanyang kapaligiran at gayundin sa kanyang pagsusumikap na makita ang
Maykapal.

Idinagdag ni Maria Ramos na ang panitikan ay kasaysayan ng kaluluwa ng


mga mamayan. Sa panitikan nasasalamin ang mga layunin, damdamin, panaginip ,pag-
asa ,hinaing at guni-guni ng mga mamamayan na nasusulat o binabanggit sa maganda,
makulay, makahulugan, matalinghaga at masining na mga pahayag.
Sinabi naman ni Bro. Azarias na "ang panitikan ay ang pagpapahayag ng
damdamin ng tao sa lipunan, sa pamahalaan, sa kapaligira, sa kapwa at sa dakilang
lumikha. Ang pagpapahayag daw ng damdamin ng isang lumikha ay maaaring sa
pamamagitan ng pag-ibig, kalungkutan, kaligayahan, galit o poot, pagkahabag, pag
aalipusta, paghihiganti at iba pa.
Ang panitikan ay hindi lamang lumilinang ng nasyonalismo kundi ito’y nag iingat
din ng mga karanasan, tradisyon, at mga mithiin ng bawat bansa. Hinuhubog sa
panitikan ang kagandahan ng kultura sa bawat lipunan. Dito nasusulat ang henyo ng
bawat panahon. Ito;y walang paglipas hanggang may tao sa sandaigdigan. Ang
panitikan ay isang ilaw na walang kamatayang tumatanglaw sa kabihasnan ng tao.

Sanggunian:

Palazo M.Z, D.C, et al. Panitikang Pilipino

Santiago E.M, A.H et al. Panitikang Filipino: Kasaysayan at Pag-unlad Pangkolehiyo

Villafuerte, Patriciano V. et al. Panitikang Panrehiyon sa Pilipinas

You might also like