Professional Documents
Culture Documents
Ang maikling kuwentong Pilipino, tulad din sa ibang kabihasnan, ay may ugat na
matatagpuan sa matandang kalinangan ng lahi. Ang unang bakas ng kuwentong Pilipino
ay naroon sa mga panliping kuwentong bayan, sa mga epiko, at sa mga alamat na taglay
ng mga pulo at mga bayan, maging tungkol sa isang lugar, sa isang punungkahoy o
maging sa pinagmulan ng lahi sa kapaniwalaang Pilipino. Mayaman ang mga Muslim sa
mga kuwentong bayang gaya ng Pus at Taman, Ang Naglahong Lungsod ng
Maglikawasa, Ubal at Battil at iba pa.
Nasa mga kuwentong bayan ang mga unang bakas ng henyong Pilipino sa pagkukuwento,
at bagamat ang mga ito ay hindi nakasulat upang maging bahagi ng isang taal na
panitikan, ay may binhi nang maaaring mapagpasimulan.
Ang Pilipinas ay marami ring mga katutubong alamat. Nariyan ang mga alamat ng
daigdig, ng lahi, ng unang babae at unang lalaki, at ng kung anu-ano pa. Sa mga ito,
mababakas na ang mga katangiang pampanitikan ay hindi banyaga sa makabagong
kuwento. Tulad ng mga kuwentong bayan, ang mga alamat ay hindi nasusulat, kundi
saling-labi lamang. Ngunit kung susuriin ang mga katutubong alamat ay mababakas natin
ang ilang katangiang pangkuwento, gaya ng iba't ibang bahagi at ng mga uri ng kuwento.
Sa alamat ng pagkakaroon ng mga lahing puti, itim, at kayumanggi ng tanyag sa Bisaya
at Tagalog, ay makikita ng bumabasa ang simula, at ang unti-unting pagtaas ng interes at
ang kasukdulan, mga bahaging matatagpuan sa isang maikling kuwento. Naroon ang
damdamin ng kawalang katiyakan na isa sa mahalagang elementong dapat taglayin ng
isang kuwentong kawili-wili.
Ang mga epiko man ay may katangian din ng isang maikling kuwento. At halos ang
bawat lipi sa Pilipinas ay may kani-kaniyang epiko gaya ng mga sumusunod: Ipugaw,
Hudhod at Alim; Ilokano, Biag ni Lam-ang; Ibaloy, Kabunian at Bendian; Bikolano,
Ibalon at Aslon; Tagalog, Kumintang; Panay-Bisaya, Maragtas at Hinilawod; Samar-
Leyte Bisaya, Haraya at Lagda; Negros-Bisaya, Hari sa Bukid; Kuyunon-Bisaya, Ronsay,
Tagbanwa ng Palawan, Dagoy at Subsud; Muslim, mga darangang gaya ng Bantugan,
Daramoke-A-Babay at Parang Sabil; Bagobo sa Mindanao, Tatutang; at Manobo sa
Mindanao, Ulagingen at Seleh.
Ang Biag ni Lam-ang ay isang epiko na kung susulatin sa prosa ay maaaring ituring na
isang kuwento sa tunay na katuturan nito. Mula sa kanyang pagsilang hanggang sa
kanyang pakikipagsapalaran laban sa kanyang mga kaaway, mula sa kanyang pangingibig
kay Ines Kannoyan hanggang sa kanyang kamatayan sa isang berkahan ay makikita ng
isang palasuri ang mga katangian ng isang kuwento sa uri (kuwento ng tauhan o
katutubong kulay) o sa bahagi (may simula, kasukdulan at katapusan).
Maaaring ituring na ang maikling kuwento ay nag-ugat bago pa dumating ang panahong
may mga Pilipinong nagsimulang sumulat nito. Ang mga unang bakas nito ay nasa ating
katutubong kultura na masasalamin sa ating mga kuwentong bayan, alamat, at epiko.
Naroon ang mga unang kuwento ng lahi, nasa bawat pulo na may lipi at may kabihasnan.
Nang dumating ang mga Kastila, lumitaw ang mga kuwentong hinggil sa buhay-banal,
tulad ng buhay ng mga santo at santa, o mga maiikling anekdotang ginagawang
pantulong upang madaling maunawaan ang mga sermon o pangaral sa babasahing
panrelihiyon na pinalalaganap ng simbahan.
Sa Practica del Catecesismo Romano ni Padre Pedro Lope ay pawang maiikling salaysay
ang mababasa sa ilalim ng pamagat na "Manga salitang nacacapagpapatibay sa Aral nang
mañga Cristianos." Bawat aral sa "Pitong Punong Pinagmulan ng Kasalanan," gayundin
ang bawat bahaging aral ng "Ama Namin" at iba pang dasal ay may katugmang
kuwentong ang layunin ay maipaunawang mabuti sa mga tao ang kahulugan ng mga aral
o dasal na nabanggit.
Sa panahon ng Kastila, isang kuwentong itinuturing ni Teodoro Agoncillo ang "Noche
Buena" na panghuling kabanata ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. Ayon sa kanya:
"Isinama ko ang isang kabanata ng Noli ni Rizal na pinamagatang 'Noche Buena' sa
katipunan ng maiikling kuwento sapagkat taglay nito ang lahat ng mga katangian ng
maikling kuwento, bukod sa ito'y maaari nang tumayong mag-isa. Ang matuwid na hindi
dapat isama ang naturang bahagi lamang ng nobela sa katipunan ng maiikling kuwento ay
hindi ko isinaalang-alang sapagkat mabuway. Una, ang 'Noche Buena' ay isang akdang
Pilipino na naglalarawan at nagbibigay kahulugan sa buhay. Ikalawa, ang pagkakasalin ni
Patricio Mariano ay tumutugon sa lahat ng pangangailangan ng mabuting pagsasaling-
wika. Kung panununtunan ang matuwid na bahagi lamang ng isang nobela ang naturang
akda, bukod sa ito'y hindi sa Tagalog nasusulat kundi sa Kastila, ay bakit kinikilalang
panitikang Ingles ang Bibliyang kung taguria'y King James Version? Bakit kinikilala ring
panitikang Ingles ang isinalin ni Fitzgerald na Rubaiyat ni Omar Khayyam? Bakit
kinikilalang klasikong Ingles ang iningles na Kempis?
Sa isang pag-aaral na pampanitikan ng may-akda, ay kanyang nasuring isa sa mga hindi
natapos na nobela ni Dr. Jose Rizal , ang "Makamisa," ang nagtataglay ng mga katangian
ng isang maikling kuwento. Ito ay may isang tauhan, si Padre Agaton ng bayan ng Tulig,
na siyang iniinugan ng kabuuan ng kuwento. Si Padre Agaton pagkatapos ng misa ay
biglang nagalit at uminit ang ulo. Yaon ay isang hiwagang gustong matuklasan ng mga
mamamayan. Maging ang pinakamalapit nitong katulong, si Aling Anday, ay sinampal.
Sa mga tao yaon ay sadyang nakatatakot na pangyayari pagkat si Aling Anday ay
itinuturing na nakalulukob kung minsan kay Padre Agaton. Nagtapos ang kuwento sa
kahiwagaan, ngunit sa kabuuan ng kuwento, sa pagpunta ni Padre Agaton sa bahay ng
dalagang si Marcela, ay mahihinuhang may pagbabagong damdaming nagaganap sa pari.
At ang pagsampal kay Aling Anday na dati'y sinusuyo nito nang labis ay isa pang
patunay.
Ang "Makamisa" ay isang kuwento ng tauhan, isang matimpi at tagong pagpapahayag ng
katotohanan na tinapos nang pabitin kung kaya't dapat hanapin ng bumabasa ang
katotohanang tiyak na naroroon sa kuwento ngunit hindi lantad.
Ang nabanggit na katha ni Rizal na nasusulat sa Tagalog ay nakatutugon sa isang
pampanitikang pamantayan, hindi lamang bilang isang kuwento kundi maging sa
makasining na pag-unawang makabago.
Panahong Kontemporaryo
Mula nang 1944 hanggang sa kasalukuyan