You are on page 1of 9

YUNIT IV: PANITIKANG PILIPINO

I. Kasaysayan, Kahulugan at kahalagahan ng Panitikan


A. Kasaysayan
Panahon ng Katutubo

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, mayroon nang sining at panitikan ang mga
sinaunang Pilipino. Karamihan sa mga panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila gaya ng mga bulong, tugmang-
bayan, bugtong, epiko, salawikain at awiting-bayan na anyong patula; mga kwentong-bayan, alamat at mito
na anyong tuluyan at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng babaylan bilang pinakaunang anyo ng dula sa
bansa.

Karamihan sa mga panitikang ito ay pasalin-dila. May mga panitikan ring nasulat sa mga pirasong
kawayan, matitibay na kahoy at makikinis na bato. Ngunit iilan na lamang ang natagpuan ng mga arkeologo
(archeologists) sapagkat batay sa kasaysayan, pinasunog at pinasiraito ng mga prayle nang dumating sila sa
bansa sa paniniwalang ang mga ito ay gawa ng demonyo.

Mga uri ng Panitikang Sumibol at Sumikat sa Sinaunang Panahon

• Alamat

Bago pa dumating ang mga Kastila ay mayaman na ang mga Pilipino sa alamat. Ang alamat ay isang
uri ng panitikang tuluyang kinasasalaminan ng mga matatandang kaugaliang Pilipino at nagsasalaysay ng
pinagbuhatan ng isang bagay, pook o pangyayari. Ang pangyayari’y hindi makatotohanan at hindi
kapanipaniwala.

• Kwentong Bayan

Bago pa lumaganap ang panitikang paulat ay laganap na sa Pilipinas ang kuwentong bayan. Ito’y
isang tuluyang kuwentong nagsasalaysay ng mga tradisyong Pilipino. Karamihan ng mga kuwentong bayang
Pilipino ay tungkol sa kanilang mga Diyos, at mga ispiritu na siyang nagtatakda ng kapalaran ng tao. Ang
mga kuwentong bayang ito’y naglalarawan ng mga kaugalian, pananampalataya at mga suliraning
panlipunan ng panahong yaon. Kahit na ang mga kuwentong ito’y may mgakababalaghan at di
kapanipaniwalang mga pangyayari, marami ang nagbibigay ng aral.

• Epiko

Ang epiko’y isang tulang pasalaysay na ang karaniwang paksa’y tungkol sa pakikipagsapalaran,
katapangan at kabayanihan ng mga tao noong unang panahon. May mga pangyayari ditong hindi kapani-
paniwala at maraming kababalaghan. Maraming mga epikong isinalin ng mga misyonerong Kastila, gayon
din ng mga pokloristang Amerikano nguni’t marami pa rin ang hindi naisalin sa kakulangan ng mga mag-
aaral sa lingguwistika. Kaya’t ang marami sa epikong Pilipino ay nakikilala lamang sa pamagat

• Salawikain

Ang salawikain ay isang patalinhagang pahayag na ginagamit ng mga matatanda noong unang
panahon upang mangaral at akayin ang mga kabataan sa mabuting asal. Ito’y patulang binibigkas na may

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


sukat at tugma. Ito ang nagsilbing batas ng magandang kaugalian at pagkilos noong panahon ng ating mga
ninuno.

• Bugtong

Ang mga bugtong ay pahulaan sa pamamagitan ng paglalarawan. Ito’y binibigkas ng patula at may
lima hanggang labindalawang pantig. Ang mga Tagalog ang pinakamayaman sa bugtong.

Panahon ng Kastila

Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong Gs – GOD, GOLD at GLORY. Dumating sila na
ang pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong mapabantog sa
pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop. Mahahati ang panitikan sa dalawa sa panahong ito:
una ay pamaksang pananampalataya at kabutihang-asal at ang ikalawaay ang panitikang panrebolusyon.

(1) Panitikang Pamaksang Pananampalataya at Kabutihang-asal

Dahil sa pananampalataya ang pangunahing pakay ng mga Kastila, karamihan sa mga unang akdang
nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya. Halimbawa sa mga ito ay ang mga uri ng dulang
senakulo, santa cruzan at tibag; tulang gaya ng mga pasyong inaawit. Sila rin ang nagpakilala ng konseptong
maharlika o dugong bughaw sa mga Pilipino na mababatid sa mga akdang awit na ang mga pangunahing
tauhan ay mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa – isang patunay ang awit na Florante at Laura ni Balagtas at
mga dulang duplo at karagatan.

Sa panahong ito, piling-pili lamang ang nakasusulat sapagkat wikang Kastila lamang ang kinikilala sa
ganitong larangan. Kaunti lamang ang nakasusulat sa Kastila dahil sa pagpipigil, sa nadaramang takot at
pagiging madamot ng mga Kastila. Sa panahong ito nalimbag ang pinakaunang aklat sa bansa; ang Doctrina
Christiana na nalimbag noong 1553 na isang panrelihiyong aklat.

Ang pasyon ang isa sa patulang anyo na makarelihiyon. Samantalang ang mga dula sa nama’y ang
mga senakulo, Santa Cruzan, at tibag. Ang mga dulang Moro-Moro naman ay pumapaksa sa tagumpay ng
mga Kastila, isinasadula rito ang mga himagsikan sa pagitan ng mga sundalong Kastila at mga Muslim sa
Mindanao at sa wakas ng dula, palaging nagwawagi ang Kastila at talunang niyayakap ng mga Muslim ang
Kristiyanismo. Nauso rin ang carillo o mga dulang puppet na yari sa karton na gumalaw sa likod ng isang
mailaw at puting tela.Ang mga panitikan namang ukol sa kabutihang-asal ay ang Urbana at Feliza ni Padre
Modesto de Castro.

Nalimbag rin sa panahong ito ang pinakaunang newsletter sa bansa noong 1637 – ang Successos
Felices (Fortunate Events) ni Tomas Pinpin na may 14 na pahina. Ngunit noong Agosto 8, 1811 lamang
nalathala ang pinakaunang pahayagan sa bansa – ang Del Superior Govierno na umabot hanggang
labinlimang tomo (bolyum; bahagi ng aklat).

(2) Panitikang Rebolusyonaryo at Sedisyoso

Sa ikalawang bahaging ito ng kasaysayang pampanitikan sa panahon ng pananakop ng Kastila,


karamihan sa mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino sa
di-makataong pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang pamahalaan.

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng mga Kastila sa mga
Pilipino; nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga
prayle at pamahalaang Kastila.

Nagsisulat ang mga Pilipino sa panahong ito ng mga panitikang nagrerebolusyon. Nalathala ang mga
pahayagang propagandista na pinangunahan ng La Solidaridad noong Pebrero 19, 1889 na naglalayong
“matamo ang pagbabagong kailangan ng bansang bilang tugon sa kalagayang panlipunan at pang-
ekonomiya, maisiwalat ang malubhang kalagayan ng bansa sa ilalim ng pamamalakad ng mga Kastila at
upang pairalin ang kalayaan at demokrasya.”

Dahil sa mahigpit ang pamahalaan, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-
panulat upang maprotektahan ng mga sarili laban sa mapang-alipustahang Kastila at upang patuloy na
makasulat.

Ang pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may sagisag-panulat na Laong Laan ay naging bahagi
ng pahayagang La Solidaridad; at ang may-akda ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na
unang nalimbag at nalathala sa Espanya at naging mitsa sa mga rebolusyonaryong Pilipino na mag-aklas
laban sa mga Kastila. Sumulat din si Rizal ng mga sanaysay gaya ng Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino at
Sa Mga Kabataang Dalaga sa Malolos.

Ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar (na may sagisag-panulat na PLARIDEL), Graciano Lopez-
Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Pedro Serrano Laktaw, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at marami
pang iba ay nagsisulat din.

Panahon ng Amerikano

Dahil sa pagnanais ng mga Pilipino na mapatalsik ang mga Kastila, naging tagapagsagip ang mga
Amerikano nang dumating sila noong 1898 na tuluyang nagpabagsak sa pamahalaang Kastila.

Kung relihiyon ang naging pamana ng mga Kastila sa Pilipino, edukasyon naman ang
nagingpangunahing ipinamana ng mga Amerikano. Sa panahong ding ito isinilang ang mga ilang imortal na
makatang Pilipino na nagsisulat sa Ingles at Tagalog.

Sa mga unang taon ng pananakop ng Amerikano sa bansa, sumulat ang mga Pilipino sa Kastila,
Tagalog at iba pang wikang panlalawigan. Nagsimula lamang umusbong ang mga panitikan sa Ingles noong
1910 dahil sa mga bagong silang na manunulat.

Kabilang sa mga manunulat sa panahong ito sina Cecilio Apostol na sumulat ng mga oda para kay
Rizal; Claro M. Recto na naging tanyag sa kanyang natatanging mga talumpati; si Lope K.Santos na sumulat
ng obra-maestrang “Banaag at Sikat” at nagpauso ng panitikang sosyalista; si Jose Corazon de Jesus na
tinaguriang Makata ng Pag-ibig at may panulat-sagisag na ‘Huseng Batute;’ at si Jose dela Cruz na may
panulat-sagisag na ‘Huseng Sisiw’ dahil sisiw ang ipinababayad kapag nagpapagawa sa kanya ng tulang pag-
ibig; si Severino Reyes na sumulatng imortal na dulang “Walang Sugat” at tinaguriang Ama ng Dulang
Tagalog; si Zoilo Galang na pinakaunang nobelistang (A Child of Sorrow) Pilipino sa Ingles at maraming-
marami pang iba.

Dahil sa impluwensiyang pangteknolohiyang dala ng mga Amerikano, naimpluwensiyahan din ang


panitikan sa bansa. Dula ang naging pangunahing panitikan sa panahong ito. Dala nila ang mga bodabil na
isang uri ng dula kung saan umaawit at sumasayaw ang mga artista nanagbunga sa sarsuwela ng Pilipinas.

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


Dahil sa dala rin ng mga Amerikano ang pelikula sabansa, ngunit nag-umpisa ito sa mga artistang gumagalaw
lamang at nagsasalitang walangtinig (silent films); unti-unting naisantabi pansamantala ang dulang
panteatro sa bansa dahil sa nakahiligan na ng mga Pilipino ang panonood ng pelikulang-tahimik.

Panahon ng Hapon

Sa pambobomba ng Amerika sa Hiroshima, gumanti ang Hapon sa paglusob nito sa Pearl Harbor
noong Disyembre 7, 1941. Dahil nasa isalalim ng kolonya ng Estados Unidos kaya’t sinakop ng Hapon ang
Pilipinas. Ngunit para sa karamihang manunulat na Pilipino, isang biyaya sa larangang panitikan ng bansa
ang pangyayaring ito. Sumibol nang lubos ang panitikan ng bansa sa panahong ito dahil ipinagbawal ng
namumunong Hapon ang paggamit ng wikang Ingles at itinaguyod ang pagpapayaman sa panitikan gamit
ang mga katutubong wika sa bansa. Sinunog din ang mga aklat na nasusulat sa Ingles upang masigurong
hindi mababahiran ng kanluraning ideya ang panitikang nililikha.

Ang panahong ito sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ang tinaguriang Gintong Panahon ng
Panitikang Filipino dahil higit na malaya ang mga Pilipino (kaysa noong sa Amerikano) sa pagsulat ng
panitikan at pagsanib ng kultura, kaugalian at paniniwalang Pilipino sa mga ito.

Sa panahon ding ito kinilala ang mga manunulat na babaeng Pilipino sa pangalan nina Liwayway A.
Arceo at Genoveva Edroza-Matute dahil sa mga makintal na maka-feministangmaikling-kwento. Dahil sa
dinalang haiku (maikling tulang may tatlong taludtod at may bilang na pantig na 5-7-5 sa taludtod),
nagkaroon ang mga Pilipino ng tanaga (maikling tulang may apat na taludtod atang bilang ng pantig ay 7-7-
7-7).

Panahon ng Pagkamit ng Kalayaan hanggang Kasalukuyan

Naging makasaysayan sa mga Pilipino ang pagbabalik ng kanilang kalayaan mula sa kamay ng mga
Hapon. At dahil sa kalayaang natamo, higit ring sumigla ang kalayaang pampanitikan ng bansa.

Bilang patunay ng kasiglahan ng panitikang Filipino sa iba’t ibang uri sa panahong ito ay ang
pagkakalimbag ng mga sumusunod na katipunan ng mga aklat: Mga Piling Katha at Mga Piling Sanaysay ni
Alejandro Abadilla, Maiikling Kwentong Tagalog ni Teodoro Agoncillo, Ako’y Isang Tinig ni Genoveva Edroza-
Matute at marami pang iba. Kinilala rin buhat sa panahong ito ang mga panitikang panlalawigan dahil sa
mga inilunsad na mga pambansang pananaliksik at pagsasaling-wika ng panitikan ng Pilipinas.

Lalo pang sumigla ang panitikang Filipino nang ilunsad ang gawad Carlos Palanca Memorial Awards
for Literature.

Sumilang din sa panahong ito ang aktibismo ng mga batang mag-aaral noong nagsisimula ang
dekada ’80 at ang kanilang panitikang aktibista gaya nina Virgilio Almario (na may sulat-panulat na Rio Alma)
at Quintin Perez.

Sa kasalukuyan, sinasalin ang mga panitikan hindi lamang sa mga pahayagan, magazine at aklat,
hindi lamang sa anyo ng pelikula, palabas pantelebisyon o kaya’y programang panradyo; kundi sa
pamamagitan din ng hi-technology – ang Internet. Dahil sa internet nagkaroon ng blogging, video clipping
at audio airing na patuloy na bumubuhay sa panitikan hindi lang ng Filipino kundi ng ibang lahi mandin.

Patuloy na dumarami ang mga manunulat na Pilipino sa iba’t ibang anyo at uri ng panitikan gamit
ang iba’t ibang media dahil sa mga inumpisahang kurso sa mga universidad at kolehiyo at pangangasiwa ng

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


gobyerno ng mga pagsasanay sa mga kinakikitaang husay na mga mamamayan. Ngunit ang kasiglahan ng
panitikan ay hindi magiging buo kung aasahan lamang ang pagdami at pag-usbong ng mga manunulat;
kailangan din ang pagpapahalaga at pagmamalasakit ng mga mambabasa na katuwang sa pagtaguyod ng
panitikan ng lahi.

B. Kahulugan
Ang panitikan ay kalipunan ng mga sulatin at mga akdang maituturing ding mga likhang sining. Ito
ay nagpapahayag ng mga diwa, karanasan, kaisipan, damdamin at karanasang ng mga tao o manunulat. Ang
salitang panitikan ay mula sa salitang “titik” kung saan dinagdagan lamang ng unlaping pang- at hulaping -
an na naging pangtitikan at ‘di kalaunan ay naging panitikan.

Sa Ingles ito ay literature mula sa salitang Latin na littera na ang ibig sabihin ay letters o letra. Ang
bawat literatura o panitikan ay sumasalamin sa panahon at kultura kung kailan ito naisulat. Nasasalaysay
din dito ang lipunan, pamumuhay, pananampalataya at maging ang mga emosyon ng mga tao tulad ng pag-
ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag-asa, pagkapoot, paghihiganti, pagkasuklam, sindak, pangamba at iba pa.

Uri ng Panitikan ayon sa Nilalaman

• Piksyon

Ito ay mga akdang mula sa masining at malikhaing pag-iisip ng manunulat. Karamihan sa mga pangyayari
sa akdang ito ay hango si hindi makatotohanang pangyayari.

Halimbawa: alamat, pabula, mitolohiya

• Di-Piksyon

Ito ay mga akdang batay lamang sa mga makatotohanang impormasyon o pangyayari.

Halimbawa: kasaysayan, pananaliksik, talambuhay.

Uri ng Panitikan ayon sa Anyo

• Patula

Mga akdang nasa anyong tula may tugma at nakasulat ng pasaknong.

Halimbawa: awit, korido, epiko, soneto, elehiya, awiting bayan, dalit, pastoral, oda, senakulo, moro-moro,
sarswela, tibag, panuluyan, salubong, karagatan, duplo, balagtasan.

• Tuluyan o Prosa

Mga akdang nasa anyong patalata na binubuo ng mga pangungsap na nagpapahayag.

Halimbawa: alamat, anekdota, maikling kwento, sanaysay,

Paraan ng Paglaganap

• Pasalingdila

Ito ay mga panitikang lumaganap sa pamamagitang ng oral tradition o pasalingdila na paraan ng


pagkukwento. Ipinamana ng ating mga ninuno patungo sa susunod na henerasyon.

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


• Pasulat

Nang matuto na ang mga tao na sumulat naitala na nang mga manunulat ang kanilang mga akdang
pampanitikan na kalaunan ay nailimbag sa mga publikasyon. Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin
itong lumalaganap.

• Pasalintroniko

Dahil ang panahon ay umuunlad ganoon din ang panitikan. Ito ay umaayon sa mga pagbabagong nagaganap
sa lipunan kaya naman sa kasalukuyan marami nang mga artikulo o mga akdang na nakalimbag sa mga
website at iba pang mga social media platforms.

C. Kahalagahan
• Lubos nating makikilala ang ating sarili bilang Pilipino at matatalos natin ang minana nating yaman
at talinong taglay ng ating lahing pinagmulan.
• Mababatid natin ang kadakilaan at karangalan ng ating mga sariling tradisyon at kultura, maging ang
mga naging impluwensiya sa atin ng ibang bansa na sayang maging sandiganng kabihasnang
tinatamasa natin sa kasalukuyan.
• Higit nating napapahalagahan ang kadakilaan ng ating kasaysayan, lalo na ang
pagpapakasakit ng ating mga ninuno upang ating tamasin ang kalayaan at kapayapaang
pinakikinabangan natin sa kasalukuyang panahon.
• Mababatid natin ang pagkakatulad at pagkakaiba-iba ng katangian ng mga panitikan iba’t ibang
rehiyon at matututunan nating ipagmalaki ang ating pagka-Pilipino.
• Matutukoy nating ang mga kalakasan at kahinaan ng ating lahi nang sa gayo‘y mapag-ibayo pa ang
ating mabubuting katangian bilang isang lipi at mapalakas ang ating mgakahinaan bilang isang
bansa at maiwasto ang ating mga pagkakamali bilang isang indibidwal.

II. Panitikan ng Pangunahing Wika sa Pilipinas (Bicol)


A. Kaligirang pangkasaysayan ng akda
Ang Probinsya ng Bicol

Ang Bicol ay isang rehiyon na matatagpuan sa Timog Luzon. Tinatawag din itong Rehiyon V at ang
mga tawag sa mga tao na nakatira sa bahaging ito ng Pilipinas ay Bikolano (para sa lalaki) at Bikolana (para
sa mga babae).

Ang mga lalawigan na bumubuo sa rehiyong ito ay:

• Albay
• Camarines Norte
• Camarines Sur
• Catanduanes
• Masbate
• Sorsogon

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


Mga Pagkaing Ipinagmamalaki:
• Laing
Sa Bicol ay ang karaniwang ginagamit sa pagluluto ay ang katas na Niyog. Isa ito sa mga sangkap ng
Laing at Pinangat. Ang laing ay niluto sa tuyong dahon ng gabi, mga piraso ng karne, shrimp paste at ang
ang di pwedeng mawala ay ang sili.
• Bicol Express
Isa din sa popular na pagkaing nagmula sa Bicol. Ito ay nilaga sa mahabang oras sa gatas ng niyog,
shrimp paste, baboy, sibuyas at bawang. Na mas masarap kainin kasama ang mainit na kanin.

Mga Produkto ng Bicol


• Niyog
Isa sa mga pangunahing produkto ng rehiyon ng Bicol. Karaniwang ginagamit sa pagluluto ng mga
nakatira dito. Ginagawang kinaskas na niyog. Tinatawag ding Tree of Life dahil sa iba't ibang bagay na
maaring mapakanibangan kada parte nito.
• Abaka

Bukod sa Niyog di rin magpapahuli ang Abaka. Karamihan sa mga binibenta sa rehiyon ng Bicol ay gawa
dito. Tulad ng tsinelas, upuan, kahon at marami pang iba.

• Pili

Isang uri ng mani at puno. Produktong matatagpuan din sa rehiyon ng Bicol. Karaniwanna gwa dito ang
"Sweet Pili Nut". Mabibili din ito sa mga tindahan sa Bicol na nakapakete na at may kanya kanyang pangalan
na ginagawa negosyo ng mga taga-Bicol.

Halimbawa ng Kapistahan sa Bicol:

• Magayon Festival

Ang Magayon Festival ay isang taunang pagdiriwang sa panahon ng buwan ng Mayo na mula sa alamat
ng Bulkang Mayon. Ang pagdiriwang na ito ay nagmula sa pangalang Magayon, na ngangahulugang isang
magandang babae sa wikang Bicolano. Ipinagdiriwang din ito sa karangalan ng Nuestra Senora La Porteria,
Patrong Santo ng Daraga. Ito ang naging sentro ng pagdiriwang na ito, tungkol sa dalawang magkasintahang
nagmamahalan at namatay ng magkasama. Si Daragang Magayon at Pangaronon na isang mandirigma.

Ang Epikong Ibalon

Ang Ibalon ay matandang pangalan ng Bikol.

Noong 1895, si Prayle Jose Castaño ay may kinaibigang lagalag na mang-aawit na si Cadungdung.
Sa kanya narinig ng pare ang epikong Ibalon. Itinala at isinalin ng pare sa Kastila ang isinalaysay sa kanya ni
Cadungdung.

Ang epiko ay nababahagi sa trilohiya. Inilalarawan dito ang kabayanihan nina Baltog, Handiong at
Bantong.

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


B. Akdang pampanitikan ng mga Bicol
Ibalon
Epikong Bikolano

Ayon sa salaysay ni Pari Jose Castaño, batay sa narinig niyang kuwento ng isang manlalakbay na
mang-aawit na si Cadugnong, ang epikong Ibalon ay tungkol sa kabayanihan ng tatlong magigiting na lalaki
ng Ibalon na sina Baltog, Handiong, at Bantong. Ibalon ang matandang pangalan ng Bikol.

Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo.
Siya'y nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya
ang kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao. Subalit may muling kinatakutan
ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng
mga pananim. Si Baltog ay matanda na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.

Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang
buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay
nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na
tinig. Ito ay si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.

Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na
pagsasaka. Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga
tao ng maraming bagay.

Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na
Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.

Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-
unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.

Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot.
Ito ay kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na
kanyang maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato.
Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.

Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.

Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut,
dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa
pamamagitan ng isang napakalaking baha.

Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang
nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon.
Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD


Mga Sanggunian:

Ibalon (Epikong Bicolano). (2011, January 9). KapitBisig.com.

https://www.kapitbisig.com/philippines/tagalog-version-of-epics-mga-epiko-ibalon-epikong-

bicolano_602.html

KADIPAN. (2017). Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon. Blogspot.com.

https://kadipanvalsci.blogspot.com/2010/08/panitikang-filipino-sa-ibat-ibang.html

Luna La Escritoria. (2022, August 26). Ano ang Panitikan? - Padayon Wikang Filipino. Padayon Wikang

Filipino. https://www.padayonwikangfilipino.com/ano-ang-panitikan/

Larin, et al. (2014). Rehiyon ng Bicol. Blogspot.com.

https://wowbicolprovince.blogspot.com/2014/03/rehiyon-ng-bicol.html

TagalogLang. (2021, February 23). IBALON... Epikong Bicolano... Buod ng Ibalon. TAGALOG LANG.

https://www.tagaloglang.com/ibalon/#:~:text=Ang%20Ibalon%20ay%20matandang%20pangalan%

20ng%20Bikol.&text=Noong%201895%2C%20si%20Prayle%20Jose,epiko%20ay%20nababahagi%2

0sa%20trilohiya.

GEFID01X - WIKA AT PANITIKAN SA PAGPAPATIBAY NG PILIPINONG IDENTIDAD

You might also like