You are on page 1of 4

FIL 116 (Panunuring Pampanitikan) 1

Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon

Panahon ng Katutubo

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, mayroon nang sining at panitikan ang mga sinaunang
Pilipino.
Karamihan sa mga panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila gaya ng mga bulong, tugmang-bayan, bugtong,
epiko, salawikain at awiting-bayan na anyong patula; mga kwentong-bayan, alamat at mito na anyong tuluyan
at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng babaylan bilang pinakaunang anyo ng dula sa bansa.

Karamihan sa mga panitikang ito ay pasalin-dila. May mga panitikan ring nasulat sa mga piraso ng
kawayan, matitibay na kahoy at makikinis na bato. Ngunit iilan na lamang ang mga natagpuan ng mga
arkeologo (archeologists) sapagkat batay sa kasaysayan, pinasunog at pinasira ito ng mga prayle nang
dumating sila sa bansa sa paniniwalang ang mga ito ay gawa ng demonyo.

Pananakop ng Kastila

Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong Gs – GOD, GOLD at GLORY. Dumating sila na ang
pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong mapabantog sa
pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop.
Mahahati ang panitikan sa dalawa sa panahong ito: una ay pamaksang pananampalataya at kabutihang-
asal at ang ikalawa ay ang panitikang panrebolusyon.

(1) Panitikang Pamaksang Pananampalataya at Kabutihang-asal


Dahil sa pananampalataya ang pangunahing pakay ng mga Kastila, karamihan sa mga unang akdang
nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya. Halimbawa sa mga ito ay ang mga uri ng dulang
senakulo, santa cruzan at tibag; tulang gaya ng mga pasyong inaawit. Sila rin ang nagpakilala ng konseptong
maharlika o dugong bughaw sa mga Pilipino na mababatid sa mga akdang awit na ang mga pangunahing tauhan
ay mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa – isang patunay ang awit na Florante at Laura ni Balagtas at mga dulang
duplo at karagatan.
Sa panahong ito, piling-pili lamang ang nakasusulat sapagkat wikang Kastila lamang ang kinikilala sa
ganitong larangan. Kaunti lamang ang nakasusulat sa Kastila dahil sa pagpipigil, sa nadaramang takot at
pagiging madamot ng mga Kastila.

Sa panahong ito nalimbag ang pinakaunang aklat sa bansa; ang Doctrina Christiana na nalimbag noong
1553 na isang panrelihiyong aklat.

Ang pasyon ang isa sa patulang anyo na makarelihiyon. Samantalang ang mga dula sa nama’y ang mga
senakulo, Santa Cruzan, at tibag. Ang mga dulang Moro-Moro naman ay pumapaksa sa tagumpay ng mga
Kastila, isinasadula rito ang mga himagsikan sa pagitan ng mga sundalong Kastila at mga Muslim sa Mindanao
at sa wakas ng dula, palaging nagwawagi ang Kastila at talunang niyayakap ng mga Muslim ang Kristiyanismo.
Nauso rin ang carillo o mga dulang puppet na yari sa karton na gumalaw sa likod ng isang mailaw at puting tela.

Ang mga panitikan namang ukol sa kabutihang-asal ay ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro.
Nalimbag rin sa panahong ito ang pinakaunang newsletter sa bansa noong 1637 – ang Successos Felices
(Fortunate Events) ni Tomas Pinpin na may 14 na pahina. Ngunit noong Agosto 8, 1811 lamang nalathala ang
pinakaunang pahayagan sa bansa – ang Del Superior Govierno na umabot hanggang labinlimang tomo.
FIL 116 (Panunuring Pampanitikan) 2

(2) Panitikang Rebolusyonaryo at Sedisyoso

Sa ikalawang bahaging ito ng kasaysayang pampanitikan sa panahon ng pananakop ng Kastila, karamihan


sa mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino sa di-makataong
pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang pamahalaan.
Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng mga Kastila sa mga
Pilipino; nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga
prayle at pamahalaang Kastila.
Nagsisulat ang mga Pilipino sa panahong ito ng mga panitikang nagrerebolusyon. Nalathala ang mga
pahayagang propagandista na pinangunahan ng La Solidaridad noong Pebrero 19, 1889 na
naglalayong“matamo ang pagbabagong kailangan ng bansang bilang tugon sa kalagayang panlipunan at pang-
ekonomiya, maisiwalat ang malubhang kalagayan ng bansa sa ilalim ng pamamalakad ng mga Kastila at upang
pairalin ang kalayaan at demokrasya.”
Dahil sa mahigpit ang pamahalaan, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-panulat
upang maprotektahan ng mga sarili laban sa mapang-alipustahang Kastila at upang patuloy na makasulat.
Ang pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may sagisag-panulat na Laong Laan ay naging bahagi ng
pahayagang La Solidaridad; at ang may-akda ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na unang
nalimbag at nalathala sa Espanya at naging mitsa sa mga rebolusyonaryong Pilipino na mag-aklas laban sa mga
Kastila. Sumulat din si Rizal ng mga sanaysay gaya ng Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino at Sa Mga
Kabataang Dalaga sa Malolos.
Ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar (na may sagisag-panulat na PLARIDEL), Graciano Lopez-Jaena,
Antonio Luna, Mariano Ponce, Pedro Serrano Laktaw, Emilio Jacinto.

MGA MANUNULAT NA NAGBIGAY NG KAHULUGAN KUNG, ANO ANG PANITIKAN?

HNO. AZARIAS (1954) “Ang panitikan ay pagpapahayag ng mga damdamin ng tao sa lalong
pinakamarangal na paraan hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan, at
pamahalaan”.

JOSE VILLA PANGANIBAN (1954) “Ang panitikan ay paraan ngpagpapahayag na isinaayos sa iba’t ibang
karanasan na nababalot ng iba’t ibang damdamin tulad ng pag-ibig, pagkapoot, ligaya, lungkot, pag-asa
o pangamba.”

MIGUEL BERNARD (1954) “Ang panitikan ay di malilimot na pahayag at kaisipan sa iba’t ibang panahon
ng buhay” Noong 1983, para kay ARROGANTE, isang talaan ng buhay ang panitikan kung saan
nagsisiwalat ang isang tao ng mga bagay na kaugnay ng napupuna niyang kulay ng buhay at buhay sa
kanyang daigdig na kinabibilangan. Ginagawa ito ng isang tao sa pamamagitan ng malikhain
pamamaraan.

Noong 1995, inilarawan ni SALAZAR ang panitikan bilang isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan.
Dinagdag pa niyang isa itong kasangkapang makapangyarihan na maaaring magpalaya sa isang ideyang
nagpupumiglas upang makawala. Para sa kanya, isa rin itong kakaibang karanasang pantaong natatangi
sa sangkatauhan.
FIL 116 (Panunuring Pampanitikan) 3

MGA KATANGIAN NG PANITIKAN SA PILIPINAS

Isang paglalantad ang panitikan ng mga katotohanang panlipunan at ng mga kathang-isip na guni-guni.
Hinahaplos nito ang mga sensorya ng tao: ang pantanaw, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama. Noong
2000, binigyang katangian ito ni Villafuerte bilang isang buhay ngunit payak na salitang dumadaloy sa katawan
ng tao. May buhay ang panitikan sapagkat may sarili itong pintig at dugong mainit na dumadaloy sa mga
arteryo at bena ng bawat nilalang at ng isang buong lipunan. Sa kasong ito, sa mga Pilipino at sa kanilang
lipunang ginagalawan.

Kapag binasa ang panitikan, pinagmumulan ito ng madamdaming emosyon sa isang tao o pangkat ng
mga tao, sapagkat sinulat ang mga ito ng kapwa tao. Sa kasalukuyan, madali at magaan ang pamamaraan ng
pagkalat at pagpapamudmod ng panitikan sa Pilipinas. Dahil ito sa makabagong mga kaunlaran sa larangan ng
teknolohiya. Bukod sa mga nasusulat na salita sa mga aklat, radyo, at telebisyon, kumakalat din ang panitikan
sa pamamagitan ng mga kagamitang elektronika, katulad ng grabador ng tinig at tunog (tape recorder), diskong
kompakto (compact disk), plaka,mga tape ng VHS, at mga kompyuter. Dahil sa internet, naging maginhawa at
madali ang pagkuha ng impormasyong pampanitikan. Isa nang instrumento ito para sa mga mambabasang
Pilipinong may pagpapahalaga at pagmamalaki sa kanilang pinagmulan, kasaysayan, at kalinangan o kultura.

DALAWANG URI ANG PANITIKAN


Patula – Ito ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng maaanyong salita sa mga taludtod na
may sukat o bilang ng mga pantig at pagtutugma ng mga salita sa hulihan ng mga taludtod sa bawat
saknong. Kabilang dito ang mga sumusunod: tulang liriko, tulang pasalaysay, tulang pangtanghalan, at
patnigan.
Tuluyan o Prosa – Ito ay nabubuo sa pamamagitan ng malayang pagsasama-sama ng mga salita sa mga
pangungusap. Hindi limitado o pigil ang paggamit ng mga pangungusap ng may-akda. Kabilang dito
ang mga sumusunod: maikling kwento, nobela, dula, alamat, pabula, talambuhay, sanaysay, balita at
editoryal.

Ang Kahalagahan ng Panitikan

Ang panitikan ay isang bagay na karamihan ng mga tao ay nakasalamuha. Ito ay isang napakalapad at
kamangha-manghang paksa. Ang pag-aaral ng iba’t ibang uri ng literatura ay nakapagpapalawak ng
imahinasyon at nakapagpapabuti sa paraan ng pagbabasa at pagsusulat. Malaki ang kaugnayan ng pagbabasa sa
pagsusulat dahil sa pagbabasa at pagsusulat nalilikha ang magagaling na manunulat. Lampas sa mga batayang
benepisyo, and pag-aaral ng literatura ay nakatutulong upang maranasan na makita ang buong mundo.
Mayroong patuloy na pag-uusap tungkol sa mga ideya at halaga na nakatulong sa ating lipunan. Ang pag-uusap
na ito ay naipapakita sa gawa ng literatura.
FIL 116 (Panunuring Pampanitikan) 4

Ang bawat gawa ng panitikan ay nagtatanghal ng moral sa mga magkakaibigang mata sa pamamagitan
ng paraan ng iba’t ibang pananaw. Sa kwentong “Ang Mangingisda,” Ponciano B. P. Pineda ay mabisang
nailahad ang tungkol sa mga maaaring kahihinatnan ng paghahangad ng tagumpay gamit ang masamang
pamamaraan. Ipinakita ng may-akda na ang pagkakaroon ng mabuting ugali ay ang tamang daan patungo sa
tagumpay. Ang pagkamulat ng kamalayan sa pag-aaral ng panitikan ay nakabubuo sa paglikha ng sariling
paniniwala, opinyon at pananaw ng isang tao. Ang mahuhusay na akda ay tumutulong para mapalawak ang
karanasan ng isang tao. Sa isinulat ni Emilio Jacinto na “Ang Ningning at Ang Liwanag” ay mabisa niyang
inilarawan kung paano nakikita ng tao ang katotohanan sa kahuwada; ang pagkahumaling ng tao sa panlabas
na kagandahan kaysa panloob. Salamin din ng literatura ang pagpapakita ng pagkakaiba at pagkakapareho ng
pamumuhay ng mga tao sa iba’t ibang lugar. Dahil binibigyan tayo nito ng kaalaman tungkol sa iba’t ibang
kultura, pinahuhusay din nito ang kakayahan natin upang makipag-usap sa iba. Sa kwentong “Isang Matandang
Kuba Sa Gabing Caño” ay nagpapakita ng paniniwala ng isang tribo sa Pilipinas. Ang pag-alam sa iba’t ibang
paniniwalang ito ay makatutulong para maging bukas-isip tayo tungkol sa mga tao kung sino ang mga naiiba
nang sa gayon nakapagpapakita ang isang tao ng kanyang paggalang sa mga paniniwalang ito. Daloy rin ng
literatura ang pakikipag-isang damdamin sa iba at ang pagbibigay daan sa pag-unawa sa kung anuman ang
kanilang nararamdaman sa isang sitwasyon o pangyayari. Ang katotohanan, ito ay mahabang tulay na
nagdurugtong sa sangkatauhan.

You might also like