Mula sa unang modyul, natutunan ko ang konsepto at iba’t ibang
pagpapakahulugan sa salitang “Panitikan”. Isa na rito ang sinabi ni Arrogante (1983): “Talaan ng buhay ang panitikan sapagkat dito naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan ang kulay ng kaniyang buhay, ang buhay ng kaniyang daigdig, ang daigdig na kaniyang kinabibilangan at pinapangarap.” Ibig sabihin nito, nagiging instrumento ang panitikan upang ipahayag ng tao ang kaniyang sarili, mga ideya, kaisipan, damdamin, at karanasan sa buhay. Bukod pa roon, natutunan ko rin sa unang modyul na ang panitikan ay may dalawang uri o anyo. Mula sa presentasyon ni Daria (2015) tungkol sa panitikan, ang unang anyo ay ang tuluyan/ prosa, ito’y nasusulat sa karaniwang takbo ng pangungusap o pagpapahayag. Ang mga halimbawa ng mga akdang tuluyan ay: nobela, maikling kwento, alamat, pabula, dula, parabula, anekdota, sanaysay, balita, talambuhay, at talumpati. Ang ikalawang anyo ay patula na binubuo ng mga maaanyong salita sa mga taludtod na may sukat at tugma. May apat itong uri: Tulang liriko o pandamdamin (mga soneto, himno), tulang pasalaysay (epiko, awit, at korido), tulang patnigan (duplo, karagatan), at tulang padula o pantanghalan (senakulo, moro-moro). Sa parehong presentasyon, natalakay mayroong malaking impluwensya ang panitikan sa mundo at isa na rito ang impluwensya sa pag- uugali, sa paniniwala at pananampalataya ng mga tao sa pamamagitan ng Bibliya at mga aklat na puno ng aral. Natalakay at natutunan ko rin ang kahalagahan ng panitikan. Sa pamamagitan ng panitikan, nasasalamin sa mga akdang ito ang mga kultura, tradisyon, at pamumuhay ng mga tao sa iba’t ibang lugar. Pagdating naman sa ikalawang modyul na tungkol sa panitikan bago dumating ang mga Kastila, natutunan ko na karamihan sa mga panitikang ng mga sinaunang Pilipino sa panahong ito ay pasalin-dila. Mula sa aklat nina Casanova, A. et. Al.. (2001), ang halimbawa ng panitikang pasalin-dila ay ang mga sumusunod: mga kwentong-bayan gaya ng alamat at mito na anyong tuluyan; mga kantahing-bayan tulad ng kundiman at hele; at mga karunungang-bayan, kabilang dito ang idyoma, bugtong, palaisipan, kasabihan, sawikain, at salawikain. Ito ay sa kadahilanang iilan na lamang sa mga panitikang nasulat sa mga piraso ng kawayan, matitibay na kahoy at makikinis na bato ang mga natagpuan ng mga arkeologo (archeologists) sapagkat batay sa kasaysayan, pinasunog at pinasira ito ng mga prayle nang dumating sila sa bansa sa paniniwalang ang mga ito ay gawa ng demonyo. Ang mga epiko mula iba’t ibang rehiyon ay halimbawa ng panitikang nakasulat. Samantala sa modyul 3, natutunan ko kung ang mga mahahalagang pangyayari sa Panitikan sa panahon ng Kastila, maging ang iba’t ibang uri at kahalagahan ng mga panitikan ang dala ng mga Kastila sa Pilipinas. Dumating ang mga Kastila sa Pilipinas na ang isa sa kanilang pangunahing pakay ay palaganapin ang Kristiyanismo. Dahil dito karamihan sa mga unang akdang nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya. Halimbawa sa mga unang akdang panrelihiyon ay: Doctrina Christiana na isinulat nina Juan de Placencia at Domingo Nieva; Nuestra Señora del Rosario ni Padre Blancas de San Jose; Barlaan at Josaphat ni Antonio de Borja; Pasyon; at Urbana at Feliza na isinulat ni P. Modesto de Castro. Nariyan din ang mga ang mga tanghal o panoorin,ito ang mga uri ng dulang senakulo, santa cruzan at tibag; tulang gaya ng mga pasyong inaawit. Bukod sa mga dula, kabilang din ang mga awit at kurido, moro-moro, at zarsuwela (Rubin, et. Al., 2006). Nakatulong ang mga ito sa paggabay sa mga tao sapagkat maraming aral ang nakapaloob sa mga ito. Noong panahon ng Kastila, hindi tinuruan ang mga Pilipino ng wikang Espanyol sapagkat ipinagdamot nila ito, takot lamang nila na maging mas marunong o magaling pa ang mga Pilipino sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit maraming akdang pang-wika ang nailathala sa panahong ito. Ilan sa mga ito ay ang tanyag na Arte de Lengua Tagala ni Blancas de San Jose at Vocabulario de la Lengua Tagala na isinulat ni Padre Pedro de San Buenaventura. Nakatulong ang mga ito sa mga Pilipino upang matuto, maunawaan, at makipag-komunikasyon noong panahon ng Kastila. Sa ikaapat na modyul, tinalakay ang panitikan sa panahon ng paggising ng damdaming Makabayan. Natalakay sa modyul na isinulat ni Tehada at Catolos (n.d.) na unti-unting nagsimulang magising at manaig ang damdaming makabayan. Kaya naman ang mga panitikang nalikha sa panahong ito ay may diwang rebolusyonaryo, nagbukas sa kamalayang Pilipino sa di-makataong pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang pamahalaan. Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng mga Kastila sa mga Pilipino, nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga prayle at pamahalaang Kastila. Nagsisulat ang mga Pilipino sa panahong ito ng mga panitikang nagrerebolusyon. Nalathala ang mga pahayagang propagandista na pinangunahan ng La Solidaridad. Kabilang sa mga repormista at propagandista ang bayaning si Dr. Jose Rizal, siya ang may-akda ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na naging mitsa sa mga rebolusyonaryong Pilipino na mag- aklas laban sa mga Kastila. Ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez-Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Pedro Serrano Laktaw, Jose Ma. Panganiban, Pedro Paterno, Isabelo Delos Reyes, at marami pang iba ay nagsisulat din ng mga panitikang rebolusyonaryo. Mahalaga ang ginampanan ng mga panitikan sa panahong ito sapagkat ito ang nagmulat, nagbukas sa kamalayang Pilipino sa mga ‘di makatarungang kilos ng mga Kastila. Kaugnay ng mga pangyayaring iyon, sa ikalimang modyul, natutunan ko ang mahahalagang pangyayari at mga panitikan sa panahon ng Himagsikan. Dahil hindi pinakinggan ng mga Kastila ang hinaing ng mga Pilipino at dahil sa pagpapatuloy ang kanilang pagmamalabis at pagmamalupit, sa halip na tugunan ng ang mga hinaing sa mapayapang paraan, napilitan ang mga Pilipino na maghimaksik. Kaya naman ang mga panitikan sa panahong ito ay nagsimulang maging mapanlaban ang pamamahayag. Ang mga paksa ng pahayagan ay naging puro mapanuligsa sa simbahan at pamahalaan, at mga panitikang naghihikayat sa mga Pilipino na magkaroon ng kamalayan, makiisa sa pag-aaklas, at makibahagi sa paglaban para sa pagbabago at kalayaang inaasam (Tanawan, et.al., 2018). Noong panahon ng himagsikan ay napakalaking bahagi ang ginampanan ng mga sanaysay at pahayagan. Ang mga panitikang ito ang nagsilbing instrumento upang maiparating ang mahahalagang impormasyon sa tao nang magkaroon sila ng kamalayan sa mga tunay na nangyayari sa paligid. Ang panitikan ang nagsisilbing sandata upang matamo ang pambansang kamalayan at para labanan ang opresyon MGA SANGGUNIAN:
Casanova,Arthur P. et. Al., (2001). Panitikang Filipino, Rex Book Store,
Lungsod ng Quezon.
Catolos, J. at Tejada, L. (n.d.). Filipino 2: Perpektibong Historikal ng