You are on page 1of 8

Kalikasan at Kasaysayan ng Maikling Kuwento

Ang kuwento (buhat sa sa salitang Kastila na ‘cuento’ ay anumang salaysay,nakalimbag man o


hindi. Sa mga Cebuano at Ilonggo, kilala ito bilang ‘sugilanun’ ng mga Pampango, at “sarita’ ng
mga Iloko. Bahagi ito ng tinatawag na katha o likhang-salaysay, maikling kuwento man o
nobela. Samakatuwid, maikling salasay ang maikling kuwento. Nabibigyan ito ng kahulugan
batay sa haba ng teksto.
Ang maikling kuwento, bukod sa pagiging maikling uri ng katha ay umiinog sa iisang tema,
tinatalakay ang piling mga tauhan at bihira ang kilos o aksyon. Isa ito sa pinakamatanda at at
pinakamaunlad na anyong pampanitikan, ayon sa pagtaya ng mga kritiko at historyador. Madalas
tinatalakay lamang nito ang isang pangunahing pangyayari, tunggalian, tauhan at mayroong
resolusyon o pagwawakas sa huli. Mas makabagong anyo ito kaysa sa nobela. Sa Pilipinas, mas
naunang nailimbag ang nobelang realistiko ni Jpse Rizal na Noli Me Tangere kaysa sa mga
maikling kuwento ni Deogracias Rosario, ang kinikilalang Ama ng Maikling Kuwentong
Tagalog.
Ang Maikling kuwento at ang tradisyong oral sa panitikan
May tatlong paniniwala si Edgar allan Poe kaugnay sa kalikasan ng tradisyunal na maikling
kuwento. Ayon sa kanya, 1) maikli lamang ito at nababasa sa isang upuan lamang; 2) may
binubuong banghay ukol sa isang protagonista o pangunahing tauhan, at 3) may nilalayon upang
makalikha ng isang kakintalan.
Kuwentista, mangangatha o tagapagsalaysay ang tawag sa mga manunulat ng maikling kuwento.
Nobelista naman ang propesyon ng lumilikha ng nobela, na isang uri ng mahabang salaysay
May tradisyon ang mga Pilipino sa larangan ng pagkukuwento. Tinatawag itong kuwentong
bayan o ‘sinaunang salaysay’, popular na salaysay ngunit anonimo ang may-akda, salaysay na
bahagi ng ‘panitikang bayan’. Nasa anyo ito ng oral o pasalitang pamamaraan. Bawat kabihasnan
sa daigdig ay mayroong ganitong uri ng tradisyon sa pagkukuwento. Isinasagawa ang ganitong
tradisyon bilang bahagi ng panggagamot, bahagi ng ritwal sa relihiyon, pagtuturo sa susunod na
henerasyon, aliwan ng tribo, pahinga sa maghapong paggawa lalo na sa mga lipunang
agricultural, paraan ng pagpapahayag, at bilang pagbubuo ng identidad bilang isang lahi.
Masasabing ang anyo ng pagsasalaysay ay sinaunang anyo ng sining. Bahagi ang ganitong
tradisyon sa tinatawag na panitikang bayan. Halimbawa nito:
a. alamat- panitikang bayan na tumatalakay sa pinagmulan ng mga bagay, lugar, pangalan ;
b. mito-tumatalakay sa pagkakalikha na ang mga tauhan ay mga tauhang mitolohikal;
c. pabula-payak na tumatalakay sa pilosopiya sa buhay na kadalasang mga hayop ang
tauhan bilang simbolo o kongkretisasyon ng abstraktong ideya
d. epiko-isang salaysay sa anyo ng mahabang berso na tumatalakay sa pag-ibig at
pakikipagsapalaran ng bayani ng isang kultura
e. Kuwentong bayan- tumatalakay sa mga hiwaga ng karaniwang buhay ng mga tao.
Bago pa man naging matatag ang maikling kuwento, may mga pagtatangka para mabigyang-
hugis ang nasabing anyo. Natukoy ni R.C. Lucero (1994) ang exemplum o ejemplo na maikling
kuwentong ginagamit sa mga nobena, sermon at iba pang uri ng mga tekstong panrelihyon.
Dagdag pa rito ang cuadro na maiikling sulatin sa prosa o tuluyan na tumatalakay ng mga
secular at napapanahong paksain, at hindi ginagamit sa pagpapalaganap ng relihyon.
Samantala, nagsimulang malathala ang mga maikling salaysay sa mga peryodiko noong panahon
ng Amerikano bilang mga pamasak-butas o filler. Nakilala ang ganitong anyo ng pagsulat sa
pangkalahatang tawag na dagli at may katapat na rapida ( na tinatawag ding instantanea at
rafaga) sa Espanyol. Bagaman malinaw na salin ang isa ng kabila, walang ulat kung alin sa
dalawang katawagan ang nauna. Tinawag na gayon ang dagli dahil mabilisang sinulat. At dahil
mabilisang sinulat, malimit na paglalahad lamang ito ng isang pangyayari sa layuning
magpatawa, mangaral hinggil sa buhay at kaugaliang Filipino, dili kaya’y magkomentaryo sa
umiiral na politika. Narito ang mga halimbawa ng dagli:

 Nagkaroon ako ng pusa, si Ming-ming, malaki na siya ngayon at nawala. – Ito


ay halimbawa ng dagli tungkol sa kaibigan.
 Nagkawing-kawing ang mga istorya, nawala na ang tunay na ebidensya.
 Dali-dali akong umakyat sa ikalawang palapag dahil kanina pa niya tinatawag ang
aking pangalan. Naalala ko palang ako lang ang mag-isa sa bahay.  – Ito ay
isang  halimbawa ng dagli na may twist.

Mapapansin sa mga halimbawa na ang mga dagli ay uri ng panitikan na tumutukoy sa mga
sulating maikling maikling kuwento. Nagsimula ang anyo ng dagli noong 1902 na lantarang
nangangaral at naglalahad ng karanasan sa pag-ibig. Sumusunod ang dagli sa tradisyong
hinawan ng mga makabayang propagandistang manunulat noong mga huling yugto ng
pananakop ng mga Kastila. Sinisikap ng mga may-akda ng dagli na mapag-alab ang damdaming
makabayan ng mga mambabasa ng peryodiko. Ayon kay Patricia Melendrez- Cruz, ang dagli ang
unang anyo ng maikling kuwentong Tagalog ay lumitaw sa unang dekada ng pananakop ng mga
Amerika sa mga makabayang pahayagan. Ito’y panahong sinupil ang damdaming makabayan sa
pamamagitan ng Sedition law,Nov. 4,1901, Brigada Act, Nov. 12, 1902 at Flag law, 1907.

Inisa-isa ni Melendrez-Cortez ang mga karaniwang paksain ng mga nalathalang dagli :

1. kalayaan bilang lunas sa sakit ng Inang Bayan


2. paggamit ng dahas para maangkin ang Kalayaan
3. negatibong paglalarawan sa mga Amerikano bilang lasenggo;
4. pagtuligsa sa Pilipinong asal-alipin;
5. pagbatikos sa pagbaba ng moralidad ng Pilipino dahil sa paglipana ng mga bahay-
sayawan, bar at pasugalang itinayo ng mga Amerikano;
6. pagkamateryalistiko ng Amerikano;
7. Pagtatakwil sa sugal.

Mangyari pa, ang mga dagli ng Tagalog ay nalathala sa mga peryodiko tulad ng Muling
Pagsilang, Taliba, Ang Mithi, Lipang Kalabaw, Buntot Pague, atbp. Kabilang sa mga
kilalang manunulat ng dagli ay sina Patricio mariano, Lope K. Santos, Carlos Ronquillo,
Gerardo Chanco, Valeriano Hernandez Peńa, Ińigo Ed. Regalado, at Francisco
Laksamana. Sa mga panahong iyon ng peryodismo sa Tagalog, umusbong ang anyo ng
maikling kuwento at bumagsak ang anyo ng nobela. Sang-ayon kay Agoncillo (1965),
dulot ito ng impluwensya ng mga Amerikano sa mambabasang Pilipino. Aniya, ang
pagmamadali sa anumang Gawain, ang pagkamainipin at pagtitipid ng Panahon sa panig
ng mga mambabasa ay nakuha ng mga Pilipino sa mga Amerikano.

May isang sanga ang dagli na tinatawag na pasingaw, na may katumbas na prosa
romantica sa espanyol, karaniwang hinggil sa lihim ng puso at pakikipagsapalarang
romantiko ng mga manunulat, at hitik sa tayutay at mabulaklak na pahayag. Narito ang
isang pasingaw ni Gat-Dusa sa Muling Pagsilang (24 Hunyo 1908) at may pamagat na
“Muni-muni” at inialay kay X:
Tahimik ang gabi.
Ang kapangyarihan ni Morfeo ay aking dinaig palibhasa’y maiinam ang aking baluti,
ang paggiliw. Ginugunita ko noon ang tuwina’y pagpapawalang halaga mo sa mga
iniaalok ko sa iyo. Gaya ng pag-alok ko ng isang kasaysayan na animo’y hindi mo pa
nababasa. Itinatanong ko sa iyo kung bakit ayaw mong basahin, dapwat isang masaklap
na “sapagkat ikaw ang pinagmulan” ang naging sagot mo sa akin.
Lumipas ang ilang araw at sinabi ko sa iyong aalayan kita ng isang tula. Tinanggihan
mo rin at ang ikinatwiran mo’y dapat ipaglihim. Itinanong ko sa iyo kung ano ang ibig
mong ipalayaw ko upang walang makakilala, ngunit isang ‘wala akong nalalaman” ang
itinugon mo sa akin. Itinanong ko na naman sa iyo ibig mo na ako ang pumili. Isang
iling na banayad ang naging palit mo. Sinabi ko ring ambil na ambil sa iyong kalagayan
ang aking pipiliin, at ang “Luwalhati” nga na naging mapakla sa puso mo. Naging
mapait nga sa puso ang lahat ng inialaala ko sa iyo, sapagkat ang sagot mo ang
nagpatotoo na ang bawat manggaling sa akin ay masaklap sa iyo.
Gayunman X at kung ako ay talagang laan upang lumasap ng mga pasakit mo ay wala
kang ikababahala.
Ang mga Bisaya ay may katumbas din sa dagli na tinawag nilang pinadalagan o
binirisbis, at ang mga manunulat sa wikang Kastila ng instantea o rafaga. Maikling salaysay ang
mga ito na nalalathala sa mga peryudiko
Maikling kuwento bilang pmanang kolonyal
Itinuturing ng mga kritika na ang modernong maikling kuwento ang ‘pinakabunso’ sa
mga anyong pampanitikan sa bansa. Ayon kay Rolando Tolention (2000), ipinakilala ang anyong
ito sa pampublikong edukasyong itinataguyod noong panahon ng Amerikano. Maikling kuwento
ng mga kanluranin partikular na ng mga Amerikano, ang nagsilbing modelo,pamantayan at
halimbawa noon ng mga estudyanteng Filipino. At dahil sa pamanang ito ng pananakop, ang
estilo at pamantayan sa pagsulat ng maikling kuwento sa unang yugto ng kasaysayan ay
nakabatay sa Kanluraning pamantayan.
Sa ikalawa at ikatlong dekada ng pananakop ng mga Amerikano, napansin ni Melendrez-
Cruz (1994) ang pamamalasak ng mga kuwento tungkol sap ag-ibig at pag-iibigan, madalas ng
isang mayaman at isang mahirap na masisipat sa mga antalohiyang Mga Kuwentong Ginto:1925-
1935 (1936) na pinamatnugutan nina Alejandro G. Abadilla at Clodualdo del Mundo at 50
Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Manunulat (1939) na enedit ni Pedrito Reyes. Sang-ayon pa sa
kritiko, pinatutunayan ng nasabing uri ng kuwento ang tagumpay ng Sistema ng edukasyong
kolonyal na pinairal upang mapaamo’t makapangyari sa puso’t isipan ng mga Pilipino. Nasuri rin
ng nagsabing kritiko ang mga paraan na nagbunga sa matagumpay na Amerikanisasyon ng mga
Pilipino.
a. Sistema ng edukasyong publiko (1901)
b. Programa ng pensionado (1903)
c. Paggamit sa Ingles bilang wikang panturo
d. Militar bilang katuwang sa pagpapayapa ng makabayang damdamin
Ang mga modelo sa pagsulat ng maikling kuwento ay angkat pa sa mg Amerikano at banyagang
kuwentista na ipinakilala sa kolonyal na sistema ng edukasyon. Dalawang modelo ang natukoy
ni Rolando Tolention, isa na rito si Guy de Maupassant. Ambag niya ang paglalagay ng pihit
(twist) sa resolusyon ng kuwento at ang paraan ng pagsasalaysay sa eksternal na aksyon. Idagdag
pa rito ang pagsulat ng mga pangyayaring maningning at kagulat-gulat sa ordinary, malagim at
kagila-gilalas na buhay ng karaniwang mamamayan. Ikalawa sa mga natukoy ay si James Joyce.
Kilala ito sa paglikha ng tahimik na yugto ng pagkamulat sa wakas ng kuwento. Ang paraan ng
pagsasalaysay na internal (panloob) sap ag-iisip ng tauhan. Kilala rin si James Joyce sa mga
masasakit na rebelasyon sa paurong at paralitikong daigdig na urban.
Bukod sa mga natukoy ni Tolentino, maaari ring idagdag ang mga sumusunod na modelo sa
pagkukuwento na kinamihasnan nang ‘hanapin’ sa tuwing nagbabasa ng mga maikling kuwento
sa dulog pormalismo at pagtugaytay sa estilo. Ambag ni E.M. Froster batay sa aklat niyang
Aspects of the Novel ang konsepto ng tauhan batay sap ag-unlad nito sa kuwento. Tinawag
niyang flat character (dinamiko at aktibong tauhan) naman ay may masalimuot na
karakterisasyon at pumapaloob sa pag-unlad ng kuwento na kadalasa’y mapanggulat sa mga
mambabasa.
Kinahiligan din ng mga Pilipinong kuwentista ang pagsulat ng kuwentong may katutubong
kulay. Estilo ito ng panulat na naglalahad sa mga katangian, kakintalan, at pagtangi sa isang
tiyak na lokalidad at sa mga mamamayan nito. Tagapanguna sa ganitong estilo sina Bret Harte
(tungkol sa mga minahan), Mark Twain (tungkol sa Mississippi), at si Rudyard Kipling (tungkol
naman sa India)
Ambag naman nina Nathaniel Hawthorne, Herman Merville at Henry James ang nagdidiin sa
mga bagay na subhetibo at pangangapa sa mga haka imbes sa kilos o aksyon sa banghay. Kay
Ernist Hemingway, ang mga detalye ng reyalidad na may kahalagahan at kaangkupang unibersal.
Kay George Eliot nman matutukoy ang kasangkapang foreshadowing o pahiwatig.
Pagbabalangkas at paglatag ito ng mga eksena/pangyayari para ang mga mambabasa ay
maihanda sa mga susunod na pangyayari sa kuwento. Lumilikha ito ng kaligiran at tekstura ng
akda, gamit ang mga pangyayari at bagay na nagbibigay ng mga pahiwatig.
Si Emile Zola ay nagdiin na ang lunan ay nararapat humulma sa kilos, gawi ay pag-iisip ng mga
tauhan. Para sa kanya, Malaki ang ugnayan ng lunan sa karakterisasyon. Dagdag naman ni
Gustave Faubert na nakabatay sa lunan ang kabuuang daloy ng kuwento.
Miuugat naman sa mga makatang modernista ang payo sa mga manunulat na maging matimpi sa
kanilang panulat at ‘dapat ikahiya ang bumabatis na luha sa panitikan.” Hindi raw ito maguti
batay sa paag-aaral nina Brooks, Warren at Wellek. Dagdag pa ni Almario, “senyal ito na di-
madisiplinang simbuyo ng damdamin” batay sa sinabi nina Valert at T.S. Eliot. Ang
pinakagamitin sa mga modelo ay ang ambag ni O. Henry na kilala sa kanyang nakagugulat na
wakas. Kilala ang kanyang mga kuwento sa mga pihit na kinagiliwan ng mga manunulat sa
bansa. Dagdag pa ni Lucero, may sinusundang pormula ng didaktisismo, sentimentalism at
melodrama ang mga maikling kuwentong nalalathala sa mga komersyal na magasin. Aniya,
karamihan sa mga kuwenong nalalathala ay limitasyon ng mga kuwento ni O.Henry.

Tinuligsa ni Agoncillo ang mga maiklingkuwento noon na labis na nangangaral. (didaktiko).


Aniya, ang sakit na ito sa pagkatha ay ‘isang bagay na iniluha ng masusugid na lingcod ng sining
at panitikan.” Paboritong paksain ang pag-ibig sa pagitan ng magulang at anak, lalake sa babae,
mayaman sa mahirap. Nilagom pa ni Lucero ang modelong pampanitikan ng mga naunang
kuwentista sa bansa: Guy de Maupassant, Prosper Merimee, Edgar Allan Poe, Nathaniel
Hawthorne, Ernest Hemingway, William Saroyan, Dorothy Parker, William Faulkner, John
Steinbeck, Henry James, Sherwood Anderson. Suliranin itong tinukoy ni Agoncillo na nagsabing
“di naman maikakaila ng mapanuri sa kalagayan ng katutubong panitikan na hindi pa rin
naitatakwil ng ating mga manunulat ang malabis na panggagagad sa mga mangangathang
Amerikano. Kitang-kita pa rin ang pag-apuhap sa buod ng paksa, ang kadalasang pagkaligaw sa
tunay na layon ng pagsulat., ang madalas na pagpapahalaga sa pamamaraan.

Bukod sa panggagaya sa mga kuwentong Amerikano, natukoy pa ni Agoncillo ang suliranin sa


paggamit ng wikang Tagalog sa pagkukuwento. Tinawag niya itong ‘kadahupan sa malinis at
tumpak na pananagalog’. At dahil nga nagiging padron ang mga kuwentong amerikano,
‘mapaghahalatang sunod sa pamamaraang Ingles ang mga pananalitang wika nga’y hapong-hapo
na sa madalas na pagkagamit ay ayaw na nilang gamitin at sa halip ay humahanap na sila ng
ibang paraan ng pagpapahiwatig. Ang mga pangungusap ay pawang himig Ingles o halaw sa mga
pangungusap sa Ingles sinalaula ng kabataan ang wikang Tagalog’.
Dahil maigting ang ugnayan ng pananakop sa kultura at edukasyon, halos sinamba ng mga
estudyante, guro at manunulat ang mga modelong ito mula sa kolonyal na edukasyon. Sang-ayon
kay Tolentino, inakala ng mga lokal na manunulat (ang mga modelo) bilang uliran ng
magandang pagkukuwento: mahigpit na ugnayan ng mga bahagi, detalye’t aksyon, malalim ang
ibig sabihin, at may mensaheng unibersal, para sa lahat ng tao sa lahat ng panahon.”

Ambag ng Ilang Manunulat

Narito ang isang pagsusuri tungkol sa ambag ng isang manunulat na Pilipino.

Ambag ni Genoveva Edroza-Matute

Tradisyonal ang mga kuwento ni Genoveva Edroza-Matute o kilala bilang Aling Bebang. Lagi’y
lantad ang simula, gitna, wakas sa kanyang mga katha. Kapansin-pansin din kay Matute ang pag
pag-uulit ng mga parirala o mga pangungusap sa kanyang kuwento na lumilikha ng ritmo at
nakadaragdag sa pagiging musical. Gayundin, nakatulong sa pagiging lirikal ng akda ang
pagkakamit ni Matute ng mga hulagway para maipahiwatig ang emosyon ng tauhan.

Tungkol sa tahimik na pagkakaibigan at pagkatuklas ng bata sa lihim ng kanyang guro sa


panitikan ang “Kuwento ni Mabuti.” Sa kuwento, kapwa nila natuklasan ang silid na kanilang
iniiyakan o iiyakan. Pagdakila sa kagandahan ng buhay ang kuwento kahit may taglay na
kalungkutan at pagkabigo. Kapuna-puna ang pagkakaroon ng himig matandaang batang tauhan.
Halos katulad ng “Paglalayag sa Puso ng isang Bata” ang “Walong Taong gulang” sa tono at
paraan ng pagkukuwento. Tungkol ito sa isang mapag-isa,mahirap, lampang estudyante sa
punto-de bista o obserbasyon ng isang guro. Lagi’y napapansin niyang mahinang kumilos ang
bata. Sa huli, matutuklasan ng guro ang dahilan ng kahirapan at malnutrisyon ng bata. Hindi ito
tuwirang sinabi ng kuwentista. Ittinago niya ang mga detalye o putul-putol ang mga
impormasyon para mapanatili ang misteryo. Sa “Paglalayag sa Puso ng Isang Bata” naging
‘guro’ ng guro ang isang batang alila at ulila; naging masipag at matulungin ang bata sa guro
pero napagsabihan ito ng masama ng guro. Tinuruan ng bata ang guro ng pagpapakumbaba,
pagpapatawad at ng kariktan ng kaluluwa.

Maingat sumulat si Matute. Tahimik ang mga tunggalian sa kanyang kuwento. Wlang himig ng
protesta o radikalismo ang kanyang mga akda. Himig ng isang guro at maybahay ang maririnig
at masisipat sa kanyang kuwento. Walang lantarang pamumuna sa tiwaling pag-iral sa lipunan.
Walang mga malaislogang pahayag sa mga diyalogo. Mga kuwentong pampamilya at
pampaaralan ang kanyang mga paksain Walang propaganda sa kanyang mga kuwento sa
kalipunan. Kung tinatalakay man niya ang mga seryosong paksa tulad ng pagpapalaglag,
euthanasia, kamatayan at pagkabaldado sa kanyang katha, melodramatiko ang apipili niyang
pagdulog sa teksto. Lantad ang isinusulong na moralidad ng may-akda: masama ang
pagpapalaglag,lumingon sa pinanggalingan; magsisi sa kasalanan; walang maidudulot na
maganda ang digma; at ipagdiwang ang buhay.
Sa kabuuan, magaan,payak at tahimik ang karamihan sa mga kuwento ni Genoveva Edroza-
Matute pero kumukurot ito sa puso ng mambabasa. Kung medyo sensetibo ang paksain ng
kanyang kuwento, nagiging matimpi ang pagkakatalakay. Hindi lahat ay ibinibgay ng
kuwentista. Hinayaan niyang ang mga mambabasa ang bumuo ng misteryo at lumutas ng
palaisipan. Nagbibigay lamang siya ng mga pahiwatig sa nagaganap o sa banghay. May istilo rin
siya sa mga pamagat: gumagamit ng iba’t ibang lebel ng kahulugan (literal at kubli). Paboritong
Teknik ni Matute sa kanyang katha ang panggulat o sorpresa sa wakas-maaaring nakagigimbal
na katotohanan,imahen at rebelasyon.

Gawain:

1. Saliksikin ang mga naiambag na mga kuwento at/o nobela ng mga sumusunod na
Pilipinong manunulat at mga manunulat sa mga magkasunod na dalawang sa
magkasunod na dekada- ang mga antolohiyang Mga Agos sa Disyerto (1964) at Sigwa
(1972) . Kasama rin sa saliksikin ang mga istilo sa pagsulat ng mga ito ayon sa panunuri
ng mga kritiko.
a. Liwayway Arceo
b. Rosario de Guzman- Lingat
c. Mga Agos sa Disyerto (1964)
b.1 Efren Abueg
b.2 Dominador Mirasol
b.3 Rogelio Ordoňez
b.4 Edgardo Reyes
b.5 Rogelio Sicat

c. Sigwa (1972)

c.1 Wilfredo Virtusio


c.2 Efren Abueg (nakapag-ambag pa rin siya dito, saliksikin ang kanyang mga akdang
nakasama sa antolohiyang ito)
c.3 Norma Miraflor
c.4 Ricado Lee
b.9 Fanny Garcia
b.10 Domingo Landicho
b.11 Edgardo Maranan

2. Saliksikin ang naging layon at diwa ng mga antolohiyang Agos sa Disyerto (1964) at ang
Sigwa (1972).

Ipasa ang inyong mga saliksik at kasagutan sa ating FB group sa Biyernes, sa susunod na linggo.

You might also like