You are on page 1of 3

Talaarawan ng Isang Isisilang

ni Benilda Santos

Oktubre 5: Itong araw na ito, nag-umpisa ang aking


buhay. Hindi pa alam ng Mommy at Daddy ko.
Maliit pa ako sa buto ng mansanas ngunit ako
na ito. At alam ninyo, magiging babae ako.
Ang buhok ko’y magiging kasing itim ng
inuupuan ko. Hindi ba kapag maitim,
madilim? E, madilim dito sa inuupuan ko.
Bakit kaya napakadilim dito sa
kinalalagyan ko? At saka alam ninyo, ang
mga mata ko, magiging ano ba ‘yong
naririnig ko sa Daddy ko? Ah! Iyon daw
smiling eyes! Ganoon kaya ang mga mata
ng Mommy ko? Ang ganda niya siguro,
ano?

Hindi na ako makapaghihintay na


maramdaman ang init ng kaniyang dibdib. Giniginaw ako.
Napakalamig kasi dito ngunit hindi ko na lang iintindihin. Tutal ayos na ang lahat
kahit na ‘yon katotohanang magustuhin ako sa bulaklak.

Hindi na ako makapaghihintay na masilayan ang liwanag.

Oktubre 19: May narinig ako kaninang nakapagsabing hindi pa raw ako
totoong tao, na ang Mommy ko lang ang nabubuhay. Ngunit nandito na ako,
isang katotohanan. Hindi pa ba alam? Bakit kaya? Ang kapirasong tinapay ba ay
hindi na tinapay?

Ang Mommy ko ay isang katotohanan at gayundin ako!

Oktubre 25: Nag-umpisa na ang tibok ng aking puso! Mula sa araw na ito
ay nararamdaman ko ang bawat tibok nito at hindi ito titigil sa maraming-
maraming taon! At dahil dito ay mararanasan ko ang aking mga unang hakbang,
ang aking mga unang salita na “Mommy,” “Daddy” at ang unang pagkakataong
ako’y tumakbo sa hardin at mamitas ng bulaklak at manghabol ng paruparo.
Mararamdaman ko ang sakit ng unang sugat sa tuhod; ang hapdi ng yodo at ang
pagpawi nito ng isang bagong manyika. Mararamdaman ko ang kahiyaan ng
isang bagong pasok sa paaralan; ang ngiti ng unang kaibigan at ang irap ng
unang kaaway

At dahil dito, mararamdaman ko ang kasiglahan ng kabataan, ang


kasayahan ng unang sayawan, ang unang halik ng isang nagmamahal at ang
kalungkulan ng unang kasawian.

Mararamdaman ko ang isang pagmamalasakit ng kabiyak, ng isang ina at


isang guro sa ating lipunan. Sa mga kahuli-hulihang taon, mararammdaman ko

Page 1 of 3
ang pamumuti ng buhok at panunumbalik ng kabataan hanggang ang hantungan
ay sumapit, ang kamatayan.

Hindi na ako makapaghintay na masilayan ang liwanag.

Nobyembre 2: Lumalaki na ako sa araw-araw. Ang aking mga binti at


bisig ay unti-unting nagkakahugis. Ngunit matagal-tagal pa ang aking hihintayin
bago ang maliliit na binting ito ay buhatin ako sa mga bisig ng Mommy ko, bago
ang mga bisig na ito ay makapamitas ng bulaklak at mayakap ang aking Daddy.

Malayo-layo pa ang aking hihinayin.

Nobyembre 12: Ang mga daliri ko’y unti-unting nagkakahugis sa aking


mga kamay. Napakaliit nila. Nakakatuwa ano? Ngunit hindi na talaga ako
makapaghihintay na haplusin ng aking mga daliri ang buhok ng Mommy ko. Ano
kaya ang kulay ng buhok niya? Katulad din kaya ng aking buhok? Ay!
Nakalimutan ko. Hindi pa pala ako tinubuan nito. A, basta. Hihilahin ko ang
kaniyang buhok at aking isusubo sa aking bibig at sasabihin niya, “ No, no dear.”
O, kaya’y “Marumi iyan, sweetheart,” at maaari rin namang “Psst! Tigil ‘yan!”

Nakakatuwa ano?

Nobyembre 25: Nag-iisip na siguro ang Mommy at Daddy ko ng


pangalang itatawag sa akin. Paano iyon? Hindi nila alam na babae ako! Jimmy
siguro ang pinag-uusapan nila, o Dondi, o Bobby. Ngunit ayo’ ko ng lahat ng
iyon, e. Ang gusto ko Intin…

Disyembre 24: Nagtataka ako. Naririnig kaya ng Mommy ko ang


ibinubulong ng aking puso? May iba pa nga diyan na katulad ko na nakararating
sa labas na masakitin at ang mahuhusay na kamay ng doktor ay nakagagawa ng
himala para maging malusog at malakas sila. Ngunit malakas ang tibok ng aking
puso. Pantay-pantay. Tup-tup-tup. Malusog ang anak mo, Mommy.

May naririnig ako. Pinag-usapan nila ‘ata ako.

“Bakit nagkaganoon. Akala ko ba’y maayos na ang lahat? Hindi ba’t


katakot-takot na pill na iyang naiinom mo?”

“Malay kong papaltos pala!”

“My God! May sabit pa ako ngayon!”

“Ang ibig mong sabihin, hindi mo ako pakakasalan? You don’t love me,
do you?”
“Hindi iyon ang ibig kong sabihin.”

“Tapatin mo ako. I can see it in your face. You regret the whole affair.
Puwes, napag-isipan ko na rin. Hindi ko maisisilang ang batang ito. This child will
only remind me of us.”

Page 2 of 3
Mommy, hindi mo ba ako mahal? Hindi mo ba ako gusto, ha Daddy?
Maitim na ang aking buhok, maganda ang aking mga mata, mahilig ako sa
bulaklak, malakas ang tibok ng aking puso.

Hindi ba ninyo ako mahal?

“Masakit sa akin ngunit kailangan.”

Disyembre 28: Hindi ko na masisilayan ang liwanag kailanman.

Page 3 of 3

You might also like