You are on page 1of 3

1 Lagonera

Buo sa simula; buo muna at saka masusugatan.

Umalingawngaw sa akin itong paglalarawan ni Edgar Samar na makikita sa kanyang Tesis1

sapagkat tunay nga na ang lahat ng sugat ay minsan, buo. Nahihiwagaan lamang ako na nagsimula

ang sarsuwelang Walang Sugat ni Severino Reyes nang maligaya at mapayapa (batang Julia at

Tenyong), nang buo, ngunit bakit wala pa ring sugat gayong ito ay kuwento ng rebolusyon, ng

sakripisyo?

Bago ito ay sumasalamin sa rebolusyon, ang Walang Sugat ay kuwento ng pag-iibigan nina

Tenyong at Julia. Simula pa lang, pilit nang ikinakalas ang pag-ibig ng dalawa, sa ‘di-pagsang-ayon ni

Aling Juana at sa presensya ng maimpluwensyang si Miguel. Sa pagsapit ng rebolusyon, tuluyang

napaghiwalay ang magkasintahan. Ngunit sa pagtatapos, mismong ang rebolusyon ang naging

instrumento upang maipakasal sila. Ayon pa kay Samar, masusugatan, maghihilom...kahit pa nga minsan,

ang pagsusugat na iyon ay intensyon ng mismong may-katawan. Samakatuwid, balewala ang sakripisyo, ang

mga sugat sa giyera, kung sa huli, ito ang magbabalik sa dalawa. Hindi nasugatan ang pag-iibigan ng

dalawa.

Bukod riyon, ang sarsuwela ay higit na isang pagsasalamin sa mga karanasan ng Filipinas sa

kolonisasyon ng mga Kastila. Ang kuwento ay natakda sa huling dekada ng ika-19 siglo, sa isang

maliit na bayan. Ang panahong ito ang pagtatapos ng paghahari ng mga Kastila. Samakatuwid, ang

lahat ng mga sugat mula sa paghihirap at sakripisyo ay nagtapos sa pagtatagumpay ng mga Filipino sa

rebolusyon. Wala na ang mga sugat na dulot ng mga Kastila nang mamatay si Kapitan Inggo dahil sa

pagpapahirap ng mga kura paroko, nang ikulong ang mga kalalakihan dahil sa pagrerebelde, nang

ibuwis ang mga buhay ng mga Katipunero. Mahalaga na itakda ito sa isang maliit na bayan sapagkat

kumakatawan ito sa nararamdaman ng bawat bayang may kontribusyon sa pagpapalaya mula sa mga

Kastila, sa pagpapakita sa sugat na hindi na kailangang danasin ng bawat Filipino sapagkat nagtapos

na ang paghihirap sa loob mga Kastila.


2 Lagonera

Ayon pa nga sa isang salawikain, kailangang masaktan upang muling maging buo. Muli,

masusugatan, maghihilom...kahit pa nga minsan, ang pagsusugat na iyon ay intensyon ng mismong may-katawan.

Bapakaraming pagsasakripisyo at sugat na pinagdaanan, ngunit kailangan ito upang sa huli, maging

buo muli.

Ngunit bakit, matapos ang giyera, walang mga sugat si Tenyong? Mahiwaga (ideyal?) Sa aking

tingin, itong literal na kawalan ng sugat ang makapagbibigay-sagot sa isa pang palaisipan ng Walang

Sugat.Sapagkat ang dula ay puno ng sugat, pagpaslang, sakripisyo, samakatuwid sa tingin ko ay

nangangailangang isaalang-alang ang isa pang kasaysayan.

Sa kontekstong maimpluwensya ang Kristiyanismo (panahon ng Kastila), ang sugat ay

nagpapaalala sa mga sugat ng paghahandog ni Kristo. Ito ay simbolo ng pag-ibig, at sa kuwento, pag-

ibig sa bayan. Hindi natin maitatanggi na may pag-ibig sa bayan, na may sugat, ang mga tauhan tulad

nina Tenyong, ang tatay nito, si Julia, mga bilanggo, at ang mga Katipunerong nag-alay ng buhay sa

giyera. Ngunit kung tatandaan, ang dulang ito ay unang inilabas nuong 1902, ang pagtatapos ng

rebolusyon laban sa Amerika, at muling pagkatalo at pagkasakop ng mga Filipino. Kung ang isang

tao ay manunuod ng dula tungkol sa pagsasakripisyo sa rebolusyon, sa isang panahon na may bagong

mananakop, ano ang mararamdaman nito?

Sa kabila ng mga sakripisyo, balewala ang mga sugat, ang mga pagsasakripisyo, sapagkat sa

huli, sa mga Amerikano rin naman sila mapupunta. Wala ring nangyari. Samakatuwid, ang dula ay

nagpapaalala sa manunuod sa mga nabalewalang sugat nuong panahon ng mga Kastila bagaman

nagsakripisyo ang mga Filipino nang lubos.

Ayon kay Samar, ang mga sugat ay paggising, paghiwa sa sarili ang pagsisikap ng ilan na maging

gising at malay sa paligid. Kailangan na magising upang maipakita ang pag-ibig sa bayan. Ang

sarsuwela, bagaman nga nakatutuwa, ay isang dulang may nakaungkit na mensahe sa anumang

panahon. Ang naglalakad ng matulin, Kung matinik ay matulin. Taglay raw natin ang sugat ng paglimot,
3 Lagonera

laging nagmamadali papalayo. Mabilis nating nalilimutan ang mga sakripisyo ng nakaraan, ang mga

nag-alay ng buhay. Ang sarsuwela ay nagpapaalala sa isang mensahe sa tulad ng nangyari sa panahon

ng Kastila, sa tulad ng nabalewalang sugat sa pagsakop ng mga Amerikano, ang paggising tungo sa

tunay na kasarinlan. Samakatuwid, mahalagang magtapos ang Walang Sugat sa sigaw ng walang sugat

bilang hamon sa manunuod na alalahanin ang pag-aalay para sa bayan nuong rebolusyon mula sa

mga Kastila.

Buo sa simula; buo muna at saka masusugatan.

Tunay, nagsimula ang Walang Sugat nang maligaya at payapa, nang buo. Hindi maitatanggi sa

sarsuwela, may mga sugat, may pag-ibig sa bayan, may paggising. Ngunit sa pagsusugat na ito

naganap ang pagihihilom. Ang mga sugat na ito ang naging daan upang magkabalikan sina Julia at

Tenyong. Ang mga sugat ring ito ay mahalaga upang makamit ang kasarinlang mula sa mga Kastila at

tuluyang maitanggal ang mga sugat na ito mula sa lipunan. Minsan, ang pagsusugat din ay

nababalewala. Pumapasok ang Walang Sugat sa tila walang naibungang rebolusyon, sasakupin din

naman ng mga Amerikano, muli rin namang mabubulag na mga Filipino. Masusugatan, ngunit lilipas

ay makalilimutan ang dahilan sa mga sugat na ito. Ipinapaalala tayo ng mga pangyayari sa rebolusyon,

upang magising muli, sa panibagong hamon ng mga Amerikano, at ng pakikibaka sa kasalukuyan

tungo sa tunay na kasarinlan, na sa pagkamit lamang ng tunay na kasarinlan maipapakita ang tunay

na sugat, sugat na may bunga, sugat na naaalala, sugat na nararamdaman.

Tayong Lumalakad Nang Matulin: Talambuhay at Kalipunan ng Tula, Edgar Samar, 2004, Pagtahak
1

sa Talinghaga ng Sugat, pp. 104 - 132.

You might also like