You are on page 1of 1

Ilegal na Droga

Isang lalaki nakapatay! Sanhi? Ilegal na droga. Isang pulitiko nahuli! Sanhi?
Ilegal na droga. Saan man lumingon ay masama ang epekto ng ilegal na droga sa atin.
Ngunit, bakit talamak pa rin ito?

Magandang araw sa lahat ng mga nakikinig.

'Kapit sa Patalim' - ito na marahil ang bukambibig ng mga Pilipinong naghihirap.


At, panigurado kasama sa kanilang listahan ang ilegal na droga. Hindi talaga
maitatanggi ang katotohanan na kaya marami ang tumatangkilik sa ganitong gawain ay
dahil sa kahirapan. Ang nakalulungkot lamang dito ay mas pinipili nilang maging
masama at criminal para matakasan ang kahirapan. Ngunit mga kaibigan, hindi
pagginhawa ang hatid ng ilegal na droga sa atin kung hindi isang malagim na
kinabukasan.

At hindi lamang dito natatapos ang masamang epekto ng ilegal na droga sa atin. Ang
mga kabataan na siyang dapat pag-asa ng bayan ay natutong maging kriminal ng bayan.
Nang dahil sa ilegal na droga, natuto ang ating mga kabataan na gumawa ng masama at
kasalanan sa murang edad pa lamang. Ang nakalulungkot lamang ay sa murang edad nila
unti-unti nang lumalabo ang kinabukasang makulay dapat para sa kanila.

Kaya ang tanong ng karamihan, kailan pa masusupil ang ilegal na droga sa ating
bansa? Ilan pang kabataan ang mawawalan ng kinabukasan? Ilang pang mahihirap ang
masisilaw sa perang dulot ng ilegal na gawaing ito?

Subalit, kung titingnan ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, malayo-layo pa


ang lalakbayin ng ilegal na droga. Tama, malayo pa, ngunit hindi dahil sa walang
aksyon ang pamahalaan kung hindi dahil ang pamahalaan mismo ang numeron unong tulak
ng ilegal na droga.

Iyan ang masakit na katotohanan sa ating bansa. Ang mga pulitiko na siyang dapat
magsusulong ng laban kontra ilegal droga ay sila pang dahilan ng paglaganap nito.
Maging ang mga malalaking personalidad na hinahangaan ay sangkot din sa ilegal na
droga. Kaya, kung ako ang tatanungin, kung ganito pa rin ang sistema sa ating
bansa, matitiyak kong mahaba-haba pa ang panahon na magdudusa ang karamihan dahil
sa ilegal na droga.

Mga kababayan, tandaan natin na hindi solusyon ang ilegal na droga para sa
kahirapan. Hindi rin ito isang oportunidad kung hindi isang tagapanira ng
kinabukasan. Ang pagtangkilik sa ganitong ilegal na gawain ay nangangahulugan ng
kasalanan sapagkat hindi lamang ang sariling kinabukasan ang siyang masisira kung
hindi pati na rin ang kinabukasan ng iba.

Huwag sana tayo magpadala sa pansamantalang ligayang hatid ng ilegal na droga.


Huwag sana tayo magpasilaw sa perang naibibigay ng ilegal na gawaing ito. Isipin
sana natin ang kinabukasan natin at nang mga kinabukasan ng iba pa lalo na ang mga
kabataan.

At sa lahat ng mga nakaririnig sa akin, sana maunawaan niyo ang ibig kong ikintal
sa isipan ng bawat isa. Ang ilegal na droga ay kailanma'y hindi naging mabuti.
Iwasan ang ilegal na droga. Say NO to ILLEGAL DRUGS!

You might also like