You are on page 1of 1

Panalangin

Amang Diyos, Panginoong Banal, kami po ay taos-pusong nagpupuri,


naghahandog ng isang panalangin at sumasamba sa Iyo. Ikaw ang lumikha ng lahat ng
bagay na narito sa lupa at maging nariyan sa langit. Sa Iyo nagbuhat ang hininga ng
aming mga ilong at ang buhay ng aming kaluluwa. Ikaw ang pinanggagalingan ng mga
biyayang natatanggap namin sa araw-araw. Ikaw ang nagbibigay ng aming talino ng
isipan, lakas ng aming katawan, kaligayahan ng aming mga puso, kapanatagan ng
aming mga diwa at pag-ibig sa aming mga katauhan.

Patawarin mo kami, Amang Diyos, sa aming mga kasalanan. Lapatan mo ng


kalinisan ang aming maruruming puso at isipan upang malayo sa anumang dungis na
siyang nagiging dahilan upang mailayo namin ang aming pagkatao sa iyo. Patawarin
mo kami sa paminsan-minsan naming pagkatatalisod sa kalsadang aming dinaraanan.

Panginoon, maraming salamat po sa Iyong mga kabutihan at pang-unawa. Kami


po ay maliit na alipin sa Iyong harapan na naghahandog sa Iyo ng pasasalamat sa lahat
ng bagay na aming nakikita, nahihipo, naaamoy, naririnig at nararanasan. Maraming
salamat sa pagbibigay sa amin ng isang pamilya na maaasahan at masasandalan sa
oras ng kahirapan. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng mga kaibigan na aming
matatawagan sa sandali ng pangangailangan. Maraming salamat po, Panginoon naming
Diyos sa lahat ng aming kapwa na aming nakasasalubong at nakasasalamuha sa aming
buhay at higit sa lahat, salamat sa pagbibigay sa amin ng magandang panahon upang
maisakatuparan ang pagdiriwang ng “Buwan ng Wika”. Salamat sa lahat ng mga taong
tumulong upang maisakatuparan ang mga gawain ngayong araw.

Panalangin namin sa Iyo na bigyan Mo kami ng tuwid na isipan upang sa bawat sandali
ng aming buhay ay walang ilalaman kundi ang paglilingkod sa Iyo. Bigyan Mo kami
ng kapanatagan ng isip sa araw at gabi na siyang magsisilbing paalala sa amin na Ikaw
ay buhay na Diyos ng buong sansinukuban. Iligtas Mo po kami sa mga kapahamakan at
ilayo sa mga tukso ng sanlibutan upang sa aming buhay ay mapaglingkuran Ka namin
na walang bahid ng pagsalangsang.

Panalangin namin ang lahat ng ito sa Iyong harapan sa pangalan ni Jesus na aming
tagapagligtas.

Amen.

You might also like