Panginoon, marami pong salamat sa pagkakataong ito na ipinagkaoob
ninyo sa bawat isa, salamat po sa lahat ng mga biyayang walang sawang ibinibigay ninyo sa amin. At nawa’y lahat ng biyayang natatanggap at matatanggap pa namin mula sa iyo ay makatulong din po sa ibang kapwa naming nilalang na nangangailangan. Maraming salamat po sa patuloy ninyong pagbibigay ng mga taong bukas ang puso at palad at nagiging mga lingkod mo Panginoon upang mapabuti ang kalagayan ng bawat sektor ng lipunan. Salamat po, Panginoon, sa patuloy na paggabay sa pamahalaang panlalawigan, sa kabila ng hamong nararanasan sa paligid ay patuloy na naglilingkod sa mga Mindoreno sa kabila ng nakaambang panganib at banta sa kalusugan. Gayundin po ang higit na pagpapasalamat, sa pagbibigay ng talino sa ama ng lalawigan na si Governor Bonz Dolor upang patuloy na magbigay inspirasyon at pag-asa sa mga magulang, mga kabataan. Salamat po sa patnubay kay Gob at lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan upang magampanan ang mga responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat nang walang pag-aalinlangan. Sa hapong ito aming panginoon, ang tangi naming hiling ay ang kahandaan ng isip na tanggaping malinaw ang mensaheng ipaaabot sa amin sa pagtitipong ito. Naway ang magandang layon nito ay maipahatid sa aming mga anak, at ang mga biyayang tatanggapin ay magamit sa matalino at responsableng pag-aaral ng mga Kabataang Mindoreno. Sa aming layon na mapabuti ang pag-aaral ng mga kabataan, maging mga responsable kaming gabay upang maabot ang kanilang mga hangad na tagumpay. Gayundin, Igawad mo po aming Panginoon ang basbas ng pagpapala at pag-iingat sa lahat ng mga guro at lider ng mga paaralan na patuloy na gumagabay sa mga mag-aaral upang magtamo ng kaalaman sa kabila ng pandemyang nararanasan. Walang hanggang pagpapasalamat Ama sa iyong pangalan, gayundin po ang buong kapakumbabaang paghingi ng kapatawaran sa aming mga sala, sa isip man, sa gawa o maging sa salita. Ang lahat ng ito ay aming dalangin at hiling sa pangalan ni Hesus, aming tagapagligtas.