You are on page 1of 24

PAUNANG SALITA

Hello
ARALIN 1

LAYUNIN

 Maipaliwanag ang pagkakaiba-iba ng panitikan.


 Mailahad ang kahalagahan ng panitikan sa lipunan.
 Makabuo ng akdang pampanitikang ibabahagi sa klase.
TALAKAYAN

Ang panitikan ang siyang lakas na nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan.


Malaki ang naiaambag ng panitikan sa kultura at kabihasnan ng alinmang bansa.
Maaaninag sa ating panitikan ang lalim ng ating kultura at ang malikhaing
katalinuhan ng ating lahi. Tulad ng kulturang Pilipino, ang panitikang Pilipino ay
minana sa ating mga ninuno at sa pamamagitan ng interaksyon ito’y nagpalipat-
lipat sa mga salinlahi.

Ang kalipunan ng mga akdang pampanitikan, nakasulat man o di nakasulat


ay katunayang ang mga Pilipino’y mayroon ding akdang maipagmamalaki at
maihahalintulad sa mga sinulat ng ibang lahi kung may Divina at Komedya si Dante
ng Italya, Canterbury Tales si Chaucer ng Inglatera, ang Pilipinas ay may Jose Rizal
sa kanyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na nananatiling buhay at patuloy
pa ring mamamayani sa diwa’t damdamin ng mga Pilipino.

Iba’t iba ang pagpapakahulugan ng mga manunulat at dalubhasa sa


panitikan. Ayon kay Joey Arrogante, ito ay talaan ng buhay sapagkat dito
naisisiwalat ng tao sa malikhaing paraan ang kulay ng buhay, ang buhay ng
kanyang daigdig, ang daigdig ng kanyang kinabibilangan at pinapangarap.

Ayon naman kay Terry Eagleton, may iba’t ibang paraan upang bigyang
kahulugan ang panitikan. Isa na rito ang “fiction” o likhang isip gamit ang mga
malilikhaing salita o talinghaga. Subalit ang mga produkto gaya ng komiks, pelikula,
telebisyon at iba pa ay bunga ng malikhaing isip ng mga may-akda.
Samantala, ayon naman kay Zeus Salazar, ang panitikan ay siyang lakas na
nagpapakilos sa alinmang uri ng lipunan. Sinasabi ring ito ay bunga ng mga diwang
mapanlikha, ng diwang naghehele sa misteryo ng mga ulap o ng diwang
yumayapos sa palaisipan ng buwan. Ito ay isang kasangkapang lubos na
makapangyarihan. Maaari itong gumahis o kaya’y magpalaya ng mga
nagpupumiglas na ideya sa kanyang sariling bartolina ng porma at istruktura. Sa
isang banda, maituturing ang panitikan na isang kakaibang karanasan. Ito ay
naglalantad ng mga katotohanang panlipunan, at mga guniguning likhang-isip
lamang. Hinahaplos nito ang ating mga sensorya tulad ng paningin, pandinig,
pang-amoy, panlasa at pandama. Kinikiliti nito ang ating malikhaing pag-iisip at
maging sasal na kabog ng ating dibdib. Pinupukaw din nito ang ating nahihimbing
na kamalayan. Lahat ng ito ay nagagawa ng panitikan sa pamamagitan lamang ng
mga payak na salitang buhay na dumadaloy sa ating katawan, diwa at damdamin.
Ang panitikan ay buhay na pulsing pumipintig at mainit na dugong dumadaloy sa
ugat ng bawat nilalang at ng buong lipunan. Isang karanasan itong natatangi sa
sangkatauhan.

BALIKTANAW SA PANITIKAN NG PILIPINAS

 PANAHON NG KATUTUBO
Kung ating sasaliminin ang kasaysayan ng panitikan ng kapuluan na kilala sa
tawag na Pilipinas hindi maikakaila na may sarili nang kabihasnan ang bansa.

Ang mga kauna-unahang mga nanirahan sa Pilipinas ay ang Negrito o Ita.


Sinasabi ng ating kasaysayan na ang Pilipinas ay binubuo ng mga bayan-bayan na
kilala sa tawag na balangay o barangay ay may makapangyarihang pinuno para
mamuno.

Ayon sa mga mananaliksik, masagana ang mga barangay noong unang


panahon sa ilalim ng pamumuno ng kanilang mga datu o sultan. Mula sa
kasaganaang ito ay sumibol ang masaganang kaisipan ng mga mamamayan.

Karamihan sa mga panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila lamang gaya ng mga
bulong, epiko, salawikain, at awiting bayan na anyong patula.
 BAYBAYIN O SINAUNANG ALPABETO
Ang ating mga ninuno ay may sariling baybayin o alpabeto na binubuo ng 17
titik – 3 ang patinig at 14 ang katinig kung saan bawat simbolo ay may kakabit na
“a” subalit maaaring alisin sa pamamagitan ng paglalagay na + sa tabi ng bawat
simbolo – ang tuldok sa itaas sa bahagi ang sumasagisag sa letrang e-I at sa ibaba
naman upang kumakatawan sa o-u na isinusulat ng patindig mula sa kaliwa tungo
sa kanan mula sa taas pababa na kaiba sa alpabetong Romano na dala ng mga
Kastila. Hawig sa abakadang Malayo-Polinesyo ang unang gamit ng ating mga
ninuno.

 PANITIKANG PILIPINO BAGO DUMATING ANG MGA


KASTILA
A. KUWENTONG BAYAN

Bago pa lumaganap ng panitikang pasulat ay laganap na sa Pilipinas ang


kuwentong bayan. Sinasabing pag-aari ng bayan ay masasabi natin salamin ng
mayamang kultura, kamalayan, paniniwala ng ating mga ninuno. Ito ay mga
salaysay hinggil sa mga likhang-isip lamang. Karaniwan ng kuwentong bayan ng
isang tiyak na pook o rehiyon ng isang bansa o lupain. Sinasabi ni Dr. H. Otley
Bayer, isang kilalang iskolar at antropologo na Amerikano na ang kuwentong
bayan ng Pilipinas ay higit na mayaman kaysa sa mga kuwentong bayan ng India,
Persya, Rusya, at Hapon. Karamihan sa mga kuwentong bayan ng Pilipino ay
tungkol sa kanilang mga Diyos.

Ayon naman sa artikulong isinulat ni Dr. Damiana Eugenio na kilala sa


larangan ng Folklore sa Pilipinas na pinamagatan niyang “Legends and Folklore”
tatlo ang mahahalagang pangkat ng kuwentong bayan: ang mito( myths),
alamat(Legends), at salaysayin(Folklores).

MITO – ito ay kuwento o salaysayin hinggil sa pinagmulan ng tao, kalipunan at iba’t


ibang paniniwala sa mga diyos at diyosa at ang mga taong may kapangyarihang at
mga katutubong bayani.
ALAMAT – isang uri ng kathang nagsasalaysay ng pinagmulan ng isang bagay,
pook o lunan, mga halaman, bagay o pangalan na ang mga pangyayari ay likhang-
isip lamang at tungkol sa naging simula ng bagay-bagay.

SALAYSAYIN – kuwentong kumakatawan bilang tauhan ng salaysay ay mga hayop


at sa kabuuan ay nagbibigay-aral o moral sa mga mambabasa.

B. EPIKO

Mga akdang patula na nagsasaad ng kabayanihan ng isa sa kanilang


kinikilalang bayani ng lahi ng isang pook, bayan noong unang panahon na
naglalaman ng mga kababalaghan o mga pangyayaring di kapani-paniwala.

MGA KATANGIAN NG EPIKO

1. Ang pag-alis ng pangunahing tauhan sa sariling tahanan.


2. Pagtataglay ng agimat at anting-anting ng pangunahing tauhan.
3. Ang paghahanap n pangunahing tauhan sa isang minamahal.
4. Pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan.
5. Patulo na pakikidigma ng bayani.
6. Pamamagitnaan ng isang Bathala upang matigil ang labanan.
7. Ang pagbubunyag ng Bathala na ang naglalaban ay magkadugo.
8. Pagkamatay ng bayani.
9. Pagkabuhay na muli ng bayani.
10.Pagbabalik ng bayani sa sariling bayan.

MGA DAKILANG EPIKO NG LAHING PILIPINO

1. Biag ni Lam-ang – Ilokano


2. Hudhud at Alim – Ifugao/ Ipugaw
3. Kumintang – Tagalog
4. Ibalon at Aslon – Bikol
5. Maragtas at Haraya – Bisaya
6. Indarapata at Sulayman – Maguindanao
7. Bidasari – Maranaw
C. AWITING BAYAN

Ito ay isang tulang inaawit na nagpapahayag ng damdamin, kaugalian,


karanasan, pananampalataya, gawain o hanapbuhay ng mga taong naninirahan sa
isang pook. Dito naming maaaninag ang mga gawi ng ating mga ninuno.

1. Oyayi – awit ng paghele o pampatulog ng bata


2. Diona – awit sa kasalan
3. Soliranin – awit sa paggaod ng Bangka
4. Talindaw – awit sa pamamangka
5. Tagumpay/Kumintang – awit sa digmaan
6. Kundiman – awit ng pag-ibig

D. KARUNUNGANG BAYAN

Ang mga karunungang bayan ay binubuo ng salawikain, sawikain, bugtong,


palaisipan at kasabihan.

SALAWIKAIN – ay may sukat at tugma, patalinghagang pahayag na ginagamit ng


mga matatanda noong unang panahon na kinapapalooban ng mabuting payo ang
tungkol sa kagandahang asal.

Halimbawa:

Ang taong matalino’y may pag-iingat sa bawat sasabihin at matutong


ipaglihim ang dapat ipaglihim.

SAWIKAIN – bagaman patula rin at may sukat at tugma ay iba kaysa sa salawikain
sapagkat ito’y nagpapahayag ng katotohanan at nagpapakilala ng gawi o ugali ng
isang tao.

Halimbawa:

Ang taong masipag, daig ang masikap.

BUGTONG – ay isang larong patula na kawili-wili. Ito ay isang paraan ng


pagpapalawak ng talasalitaan at pagsasanay sa mabilis nap ag-iisip na
nagpapasalin-salin sa bibig ng mga ninuno. Ang mga Tagalog ang pinakamayaman
sa bugtong.

Halimbawa:

Pilak ko sa kalangitan, di matitig-titigan. (ARAW)


KASABIHAN – ay karaniwang ginagamit sa panunukso o pagpuna sa isang gawi o
kilos ng ibang tao. Tinuturing rin bilang salamin ng mentalidad ng sambayanan ang
mga kasabihan.

Halimbawa: Tiririt ng maya


Tiririt ng ibon
Ibig mag-asawa
Walang ipalamon.

PALAISIPAN – mga suliraning binibigkas nang tuluyan at naghahanap ng


kasagutan. Ito’y gumigising sa isipan ng tao upang bumuo ng isang
kalutasan sa isang suliranin. Mga tanong na batay sa pang-araw-araw na
buhay ng tao. Ang tinatanong ay may kaugnayan sa mga unang bahagi na
ipinapahayag ng nagtatanong o sadyang ilalayo sa mga posibleng tandaan
ng huhula.

DITSO o TULAMBATA – ginagamit sa paglalaro ng mga bata. Ito’y may sukat


at tugma.

Halimbawa:

Bata, batuta isang perang muta.

BULONG – ay karunungang bayan na ayon sa matatandang paniniwala, ito


ay ginagamit bilang pag-eengkanto, pangungulam, paggalang sa mga
lamang lupa at paggagamot sa mga may sakit.

 PANITIKANG PILIPINO SA PANAHON NG KASTILA


Ang panitikang Pilipino ay pinaniniwalaan na ang unang pananakop ng mga
Kastila sa ating kapuluan ay ang pananatili rito ni Miguel Lopes de Legaspi
noong 1565. Bilang kauna-unahang kastilang gobernador-heneral. Humigit-
kumulang na 44 na taon na muna ang nakaraan simula ng makarating sa
Magallenas sa Pilipinas ng Espanya.

Sa pananakop ding ito napalitan ang dating Alibata o Baybayin ng


Alpabetong Romano. Relihiyon ang karaniwang paksa ng panitikan. Sa mga
nagdaang panahong iyon, maraming pagbabago ang naganap sa buhay ng
mga Pilipino. Tinagkilik nila ang relihiyong katoliko.
Nagpalit sila ng mga pangalan at nagpabinyag. Nagbago ang kanilang
pamumuhay.

Mga katangian ng Panitikan sa panahong Ito.


1. Panrelihiyon ang karaniwang paksain.
2. Iba’t iba ang pamamaraan at kaanyuan ng pagsulat.
3. Gaya at hubad ang mga sulatin sa madaling salita’y walang orihinalidad.

Layunin ng Espanya sa Kanyang Pananakop


1. Ang pinakapangunang dahilan ay ang pagpapalaganap ng
pananapampalatayang Kristiyanismo o katolisismo.
2. Ang ikalawang dahilan ay pagpapayaman. Ito rin ang dahilan kung bakit ang
mga ibang bansa sa kanluran ay nananalakay ng mga ibang bansa sa Asya at
sa Aprika.
3. Ang ikatlong dahilan ay pagpapakalakas ng kapangyarihan. Ang Espanya ay
naging mayaman at makapangyarihang bansa noong ika-15 at ika-16 na
daang taon. Halos ang buong Amerika ay kanyang nasakop. Ang Timog
Amerika liban lamang sa Brazil ay nasakop rin kaya’t ang mga tao doon ay
wikang Kastila ang ginagamit. Nasakop din nito ang California at ang
gitnang Amerika. Sa karagatan naman ay naghari rin ang Espanya nang
bandang huli ay tinalo ito ng Inglatera.

Mga Unang Aklat


1. DOCTRINA CRISTIANA – kauna-unahang aklat na panrelihiyon nalimbag sa
pamamagitan ng silograpiko noong 1593 dito sa Pilipinas may kinalaman sa
ating kapuluan. Ang mga may-akda ay sina Padre Juan de Plasencia, O.P. at
Padre Domingo de Nieva, O. P. Ang aklat ay nasusulat sa Tagalog at sa
Kastila.
2. NUESTRA SEÑORA – ang ikalawang aklat na nalimbag sa Pilipinas. Ito’y sa
Tagalog nasusulat na akda ni Padre Blancas de San Jose, O. P. noong 1602.
Ang katulong ni Padre Blancas de San Jose sa pagkakalimbag ng aklat ay si
Juan De Vera, isang mestisong Intsik. Naglalaman ng mga nobena, santo,
ehersisyo, buhay ng mga santo.
3. BARLAAN AT JOSAPHAT – noong 1703 at 1712 ay isinalin ni Padre Antonio
de Borja ang kauna-unahang nobelang Pilipino na may pamagat na Barlaan
at Josaphat. Ang pangunahing layunin ng nobelang ito ay para sa
pagpapalaganap ng Katolisismo sa mga Pilipino.
4. PASYON – isa sa mga pinakapopular na akdang patula noong Panahon ng
Kastila. Ito ay isang aklat na nagsasaad tungkol sa buhay at pagpapakasakit
ng ating Poong Hesukristo, nasusulat nang patula ngunit inaawit. Binabasa
at inaawit ito tuwing panahon ng Cuaresma. Isa itong wawaluhing pantig na
tula na binubuo ng limang taludtod sa bawat isang saknong.
Ang pasyon ay binubuo ng 240 pahina na nakasulat nang patula. Ang unang
bahagi nito ay ukol sa panalangin sa Diyos na sinundan ng panalangin kay
Birheng Maria, kasaysayan ng Henesis hanggang sa buhay at pagpapakasakit
ni Hesus.

Halimbawa:

O Diyos sa kalangitan
Hari ng sangkalupaan
Diyos na walang kapantay
Mabait, lubhang maalam
At puno ng karunungan

5. URBANA at FELIZA – kung mayroon mang aklat na lagging binabasa ng mga


Pilipino noong panahon ng Kastila ay walang iba kundi hindi ang “Urbana at
Feliza” na sinulat ni Presbitero Modesto de Castro. Ito ay isang aklat na
kapupulutan ng mga Gintong Aral. Malaki rin ang nagawang impluwensya
ng aklat na ito sa mga kaugaliang panlipunan ng mga Pilipino. Ang mga
liham ni Urbana’y punong-puno na pangangaral sa batang kapatid. Binaggit
sa mga liham kung ano ang mga nararapat ikilos o gawin ni Felisa sa mga
iba’t ibang okasyon o pagkakataon gaya ng mga sumusunod:

 Sa Katungkulan sa Bayan
 Sa Pagpasok sa Paaralan
 Ang Pakikipagkaibigan
 Sa Piging
 Sa Pakikipagkapwa Tao
 Sa Salitaan
 Paglagay sa Estado

Ang Mga Awit at Korido


Ito ay dalawang akdang pasalaysay na nasusulat nang patula ay ang awit at
korido. Ang kurido at ang awit ay magkatulad ng paksa. Ang pagkakaiba lamang ay
ang awit ay binubuo ng 12 pantig bawat taludtod samantalang ang korido ay 8
pantig lamang. Bagama’t kapwa patula ang dalawang akdang ito ay dapat nating
pag-ukulan ng pansin.

FLORANTE at LAURA
Ang mga sumusunod na tahasang banggit sa mga berso ng “Florante
at Laura” ay kinasisinagan ng mahusay na istilo ng sumulat gayon din ang
mga aral na napapaloob sa mga berso nito
SENAKULO
Ito ay isang dulang nagsasalaysay ng buhay at ang kamatayan ng
ating Mahal na Poong Hesukristo. Ito ay ginaganap sa isang tanghalan. Ang
senakulo rin ay halaw sa bibliya, kaya lamang ang pasyon ay inaawit
samantalang ang Senakulo’y ginaganap sa mga tanghalan. Ang usapan ay
patula rin. Ang mga kilalang pook na laging pinagtatanghalan ng Senakulo
ay Pasig, Morong, at Pasay. Mayroon ding senakulo sa Ilokano, sa Pampanga,
Bikol, Cebuano, at Hiligaynon.

TIBAG
Ito ay isang pagsasadula kung buwan ng Mayo ng paghahanap sa Krus
na pinakuan ni Krsito nina Reyna o santa Elena at Prinsipe Constantino, at
ito’y naging kaugalian sa mga lalawigan: Nueva Ecija, Bulacan, Bataan, Rizal.

KARAGATAN at DUPLO
Ang mga ito ay pagtatalong patula na itinatanghal lalo na sa huling
gabi ng paglalamay sa patay. Mga sanay na bilyako at bilyaka ang kalahok sa
duplo samantalang ang mga baguhan sa pagtula ay sa mga karagatan
sumasali.

Sa mga Tagalog ay nanggagaling sa isang alamat tungkol sa isang


dalagang nawalan ng singsing sa dagat. Ang salitang karagatan ay
nanggaling sa salitang dagat. Ipinag-anyaya sa mga binate na hanapin ang
singsing sa dagat at ang sinumang makakita nito’y siyang ipapakasal sa
dalaga. Ang sinumang makakuha ay kanyang pakakasalan.

Ang duplo ay nangangahulugang doble o ibayo sa wikang Kastila. Ito


ay isang madulang pagtatalong patula. Ito’y ginaganap sa isang maluwag na
bakuran ng namatayan. Dito’y inaanyayahan ang lahat na magagaling na
duplero o makata.

KARILYO
Ito ay isang sulang ang mga nagsisiganap ay mga tau-tauhang karton.
Pinapagalaw ang mga ito sa pamamagitan ng mga nakataling pising hawak
ng mga tao sa itaas ng tanghalan. Ang mga taong nagsasalita ay nasa likod
ng telon. Madilim kung palabasin ang karilyo sapagkat ang nakikita lamang
ng mga tao’y ang kanilang mga anino. Ang mga pangyayari’y galing sa mga
awit at kurido o sa mga dulang panrelihiyon na sinasamahan ng awit.

MORO-MORO
Ang moro-moro ay isang uri ng dulang punong-puno ng pakikipagsapalaran
ng mga Muslim at Kristiyano. Ang pagtatanghal na ito ay laging nagwawakas
sa tagumpay ng bidang Kristiyano.
 PANITIKANG PILIPINO SA PANAHON NG
PAGBABAGONG ISIP
Ang mahigit na tatlong daang taong paniniil at pagsasamantala ng mga may
makapangyarihang dayuhan, paghamak ng mga Indio, suliranin sa
sekularisasyon at maling pamamalakad ng pamahalaan ay mga sanhi sa unti-
unting pagkabuo at paglaganap ng damdaming makabayan. Naragdagan pa ito
ng mga pangayayaring tulad ng pagbubukas ng Pilipinas sa pandaigdigan na
kalakalan, pagkakabuo ng gitnang-uri, pagsapit ng diwang liberalismo,
pagpapadala sa Kapuluan ng liberal ba gobernador, Carlos Ma. Dela Torre, pag-
alsa sa arsenal ng Cavite at pagkakagarote sa tatlong paring Gomez, Burgos, at
Zamora.
Sa biglang tingin, tahimik at takot ang bayan sa ibayong higpit at
pagbabanta ng mga Kastila, ngunit sa katotohanan ay dito nagsimula ang
pagpapahayag ng kanilang mapanlabang damdamin. Nagkaroon ng mga
kilusan sa pulitika at sa panitikan dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat. Ang
dating diwang maka-relihiyon ay naging makabayan at humihingi ng
pagbabago sa pamamalakad ng pamahalaan at simbahan.
Ang panahon ng propaganda at panahon ng himagsikan ang dalawang
panahon naghati sa panahon ng pagbabagong isip. Ito ang panahon ng
propaganda ng mga intelektwal na gitnang-uri na pawing naging repormista ay
sina Rizal, Del Pilar, Jaena, Luna, Paterno, Ponce at Poblete ang mga manunulat
na naging kilabot sa mga prayle. Samantalang sa panahon ng himagsikan ay
sina Bonifacio, Mabini, Jacinto at Palma ang mga natanging manunulat noon.
Ang naging laman ng panitikan ay pawing pagtuligsa sa pamahalaan at
simbahan at pagbibigay-payo sa mga Pilipino upang magising, magkaisa, at
maghanda upang matamo ang minimithing kalayaan.

DR. JOSE RIZAL


1861-1896
Ang ating Pambansang Bayani. Bininyagan siyang Jose Protacio Rizal
Mercado y Alonzo Realonda. Siya ay labing-anim na taong gulang lamang ng siya ay
magtapos sa Ateneo de Manila ng Batsilyer ng Artes A.B. Nagtamo siya ng
dalawampu’t dalawang medalya sa kanyang buong pag-aaral. Nag-aral siya ng
medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas ngunit siya ay hindi nakatapos dahil sa
kakulangan sap era. Siya ay naglakbay sa iba’t ibang bansa at siya ay nag-aral doon.
Kabilang sa mga nasulat niya ang mga sumusunod: Noli Me Tangere, El
Filibusterismo, Mi Ultimo Adios, at ang The Philippines, A Century Hence. Siya ay
binaril sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896
Mga Pangunahing Akdang Pampanitikan ni Dr. Jose Rizal
1. Noli Me Tangere (Huwag Mo Akong Salingin)
2. El Filibusterismo (Ang Pagsusuwail)
3. Sa Mga Kababaihang taga-Malolos
4. Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino
5. Me Piden Versos (Hinilingan nila ako ng Tula)
6. El Consejo de lod Dioses (Ang Kapulungan ng mga Bathala)
7. Kundiman
8. Sa Aking mga Kababata
9. Ala Juventud Filipina (Sa Kabataang Pilipino)
10.Mi Ultimo Adios (Ang Huli Kong Paalam)

MARCELO H. DEL PILAR


1850-1896
Kinikilalang pangunahing mamamahayag ng kanyang panahon dahil sa
pagakakatatag niya noong 1882 ng Diaryong Tagalog at pagkakapamatnugot niya
noong 1889 sa La Solidaridad, sa kamay niya’y naging maapoy sa tagapamansag ng
kilusang propaganda. Si Marcelo H. Del Pilar ay gumamit sa kanyang panulat para
tuligsain ang mga prayleng sa paniniwala niya’y puno’t dahilan ng mga kasawian
ng kanyang bayan noon. Isang abogado, si Del Pilar na kilala rin sa sagisag na
Plaridel at sumulat nang buong tapang na Tagalog at Kastila, ngunit higit siyang
naging mabisa at kapani-paniwala palibahasa’y matapat, sa paggamit ng sariling
wika. Ang mga sumusunod ang kanyang akda;
1. Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
2. Kaiingatan Kayo
3. Dasalan at Tocsohan
4. Ang Cadaquilaan ng Dios
5. Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas
6. Aba Guinoong Baria

GRACIANO LOPEZ-JAENA
1856-1896
Siya ang ipinagmamalaking anak ng Jaro, Iloilo ay isang dakilang orador at
walang takot na mamamahayag. Siya’y kilala hindi lamang ng kanyang mga
kababayan kundi ng mga Kastila man. Sinasabing lahat ay nabighani sa ganda ng
kanyang mga talumpati at pananalita na kalimita’y tungkol sa abang kalagayan ng
Pilipinas, pagtatanggol sa mga Pilipino laban sa paninirang puri sa mga Pilipino
laban sa mga banyaga at sa pagsasamantala ng mga prayle. Isa sa mga
pangunahing repormista; hinangad niya ang pagbabago sa pamamalakad ng
pamahalaan at simbahan sa ating bayan. Siya ang naging patnugot ng La
Solidaridad. Ang dahilan ng kanyang daglian at palihim na pag-alis sa Pilipinas ay
ang pag-uusig ng mga prayle, na kanyang tinutuligsa sa isa niyang akda.
“FRAY BOTOD” – isang maikling nobelang tumutuligsa sa kamangmangan,
immoralidad, at pagmamalabis ng mga prayle. Ang “botod” sa Hiligaynon ay
nangangahulugan ng malaking tiyan. Nakita ng mga pari ang kanilang mga sarili sa
paglalarawan ng may-akda kay Fray Botod.
MARIANO PONCE
Ang tagapamahalang patnugot, mananalambuhay at mananaliksik ng
Kilusang Propaganda, ay nagkubli sa mga sagisag na Tikbalang, Kalipulako, at
Naning. Nagbigay-diin ang kanyang mga sanaysay sa kahalagahan ng edukasyon;
ipinagtanggol ang kanyang mga kababayan sap ag-aalsa sa mga banyaga at
inilahad ang mga karaingan ng bayan.
HENEREL ANTONIO LUNA
1868-1899
Isinilang sa Urbiztondo, Maynila noong Oktubre 29, 1868. Siya ay
tagapagtanggol ng naaaping Pilipino at isang parmasyotiko at nagtapos ng
pagkamanggagamot sa Unibersidad Central de Madrid. Naging heneral siya hukbo
sa ilalim ng panunungkulan ni Emilio Aguinaldo. May sagisag panulat na Taga-ilog
at siya ay sumanib sa Kilusang Propaganda at nag-ambag ng kanyang mga sinulat
sa La Solidaridad at isa sa patnugot ng pahayagang La Independencia.
DR. PEDRO PATERNO
1865-1895
Isang iskolar, mananaliksik, drama turgo at nobelista ng pangkat ay sumapi
rin sa kapatiran ng mga Mason at sa Asociacion Hispano-Pilipino upang itaguyod
ang layunin ng repormista. Ang karamihan sa sinulat niya ay tungkol sa paksang
panrelihiyon at panlipunan. Siya ang unang manunulat ng Pilipinong nakalaya sa
sensura sa panitikan noong mga huling panahon ng Kastila. Siya ang sumulat sa
kauna-unahang nobelang orihinal na Pilipino sa wikang Kastila na may pamagat na
Ninay.
PASCUAL POBLETE
Isang nobelista, makata, mananalaysay at “Ama ng Pahayagan”. Nagtatag at
namatnugot sa pahayagang “El Resumen” pagkatapos na magkahiwalay sila ni
Marcelo H. del Pilar sa pagsulat sa “Diaryong Tagalog”. Tinuligsa niya ang mga
pang-aapi at katiwaliang ginagawa ng mga maykapangyarihang Kastila kaya’t
siya’y ipinatapon sa Aprika.

Nagbalik siya sa Pilipinas noong dumating ang Amerikano at siya’y nagtatag


ng pahayagang “El Grito del Pueblo” at “Ang Tinig ng Bayan”. Sa dalawang wika’y
ipinaabot niya ang hangaring nagsariling mga Pilipino. Siya ang kauna-unahang
nagsalin sa Tagalog ng Noli Me Tangere ni Rizal.
ANDRES BONIFACIO
Ang nagtatag ng Katipunan, isang karaniwan ngunit magiting at dakilang
mamamayan ng bansang Pilipino, ay nagkubli sa mga sagisag na Agap-ito,
Bagumbayan, at May pag-asa. Ang kanyang mga sinulat ay malinaw na
nagpapahayag ng kanyang mga adhikain para sa bayan. Ilan sa mga akda ni
Bonifacio ay ang mga sumusunod:
1. “Katapusang Hibik ng Pilipinas”
2. “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”
3. “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”
4. “Katipunan Mararahas ng mga Anak ng Bayan”
5. “Tapunan ng Lingap”
EMILIO JACINTO
Ang utak ng Katipunan ay siya ring patnugot ng Kalayaan, pahayagan na
nasabing samahan. Ito’y naglalaman ng mga pagtuligsa sa pamahalaan at
simbahan, panawagan sa mga Pilipino upang magkaisa at magmithi ng kasarinlan,
ng pahayag o manipesto upang ipaglaban ang Kalayaan, at mga tulang
naghahandog ng buhay para sa bayan. Kaniyang sinulat sa sagisag na Dimas-Ilaw
ang mga sumusunod:
1. “Sa May Nasang Makasanib sa Katipunang Ito”
2. “Mga Aral ng Katipunan ng mga A. N. B.”
3. “Liwanag at Dilim”
4. Sa Anak ng Bayan
5. Pahayag

APOLINARIO MABINI
Ang dating kasapi sa La Liga na palihim na gumagawa upang magkaroon ng
pagbabago sa pamahalaan, ay siyang naging “Utak ng Himagsikan” at
pinakakanang-kamay ni Emilio Aguinaldo sa ikalawang bugso ng himagsikan. Ang
marami sa kanyang sinulat ay pawang tungkol sa pulitika, sa pamahalaan, at sa
pagpapalaganap ng damdaming makabayan.

 PANITIKANG PILIPINO SA PANAHON NG AMERIKANO


Kung relihiyon ang pamana sa mga Pilipino ng mga Kastila, edukasyon naman
ang naging pangunahing kontribusyon ng mga Amerikano. Isinaalang-alang din sa
panahong ito na dumami ang mga mamamayang marunong sumulat at magbasa
sapagkat produkto na sila ng Sistema ng edukasyon na pinapalaganap ng mga
Amerikano.
Sa panahong ito’y nanaig ang damdaming makabayan na nakapaloob sa
mga iba’t ibang akda ng mga manunulat. Isa pang mahalagang pangyayari sa
panahong ito’y ang mabilis na pagdami ng mga babasahin, ang pagkakaroon ng
kalayaan sa pagsasalita, sa pahayagan, sa paniniwala at sa mga samahan na ipinag-
uutos sa panahon ng Amerikano. Ang pagkakaroon ng kalayaan ay malaking bagay
sa kalinangan ng ating panitikan. Ang totoo’y maraming naniniwalang higit na
maraming nalimbag mula sa pagdating ng mga Amerikano kaysa sa mahigit na
tatlung daang taong pagkasakop ng Kastila.
Ang moro-moro at senakulo noong panahon ng Kastila ay unti-unting
pinalitan ng mga makabagong dula at sarswela. Ang lahat ng larangan ng
panitikan ay pinasok ng lahat ng mga manunulat na Pilipino tulad ng mga tula,
sanaysay, talumpati, lathalain, kuwento, dula at iba pa. Naisulat ito sa iba’t ibang
wikain sa kapuluan.
Noong 1910 lamang umusbong ang mga Panitikan sa Ingles at dito sumibol
ang mga bagong silang na manunulat. Kabilang sa mga ito sina:
1. Cecilio Apostol na sumulat ng oda para kay Rizal.
2. Claro M. Recto na naging tanyag sa kanyang mga talumpati.
3. Lope K. Santos na sumulat ng obra-maestra niyang Banaag at Sikat at
nagpauso ng panitikang sosyalista.
4. Jose Corazon de Jesus na sumulat ng maraming tula ng pag-ibig.
5. Jose dela Cruz na may sagisag na Huseng Sisiw dahil sa sisiw ang ibinabayad
kapag nagpagawa ka sa kanyang tula ng pag-ibig;
6. Severino Reyes na sumulat ng walang kamatayang dulang Walang sugat at
itinuturing na Ama ng Dulang Tagalog;
7. Zoilo Galang na pinakaunang nobelista (A Child of Sorrow) Pilipino at Ingles
at marami pang iba.
MGA NOBELANG NAILIMBAG
1. Banaag at Sikat – obra-maestra ni Lope K. Santos na naging isa sa
pinakatanyag ng panahong iyon.
2. Sampaguitang Walang Bango – isinulat ni Iñigo Ed. Regalado
3. Anino ng Kahapon – isinulat ni Francisco D. Laksamana
4. Isang Punongkahoy – obra-maestra ni Jose Corazon de Jesus

 PANITIKANG PILIPINO SA PANAHON NG HAPON


Sinakop ng mga Hapones ang Pilipinas noong taong 1941 hanggang 1945. Sa
pagkakasakop na ito’y nangulimlim ang umuunlad na panitikang Pilipino.
Tinabangan ang mga manunulat na Pilipino nang mapasailalim tayo ng mga
Hapones.
Ang lingguhang liwayway ay inilagay sa mahigpit na pagmamatyag ng mga
Hapones. Ang mga manunulat ay sandaling nahinto sa kanilang pagsulat ay
nagkaroon muli ng pagkakataong makapaglathala ng mga kuwento at tula sa
Liwayway.
Sumunod ang Taliba sa Liwayway na nabigyan ng pagkakataon na
makapaglathala ng mga tula at kuwento. Dahil dito kung kaya nabuhayan ng loob
ang mga manunulat.
Sa panahong ito natutong gayahin ang Haiku ng mga Hapon. Maiikling
tulang lalabimpituhing pantig lamang at binubuo ng tatlong taludtod. Ang unang
taludtod ay lima, ang gitna ay pito, at ang huli ay lima rin. Ang kagandahan ng uri
ng tulang ito ay nakasalalay sa mga ipinahihiwatig na imahen nito at sa malalim na
kagulugang taglay ng talinghaga.

 PANITIKANG PILIPINO SA PANAHON NG BAGONG


REPUBLIKA
Sa simula’y nagbabalak na itayo muli ang nawasak na moog. Ang mga nasira at
nasalanta sa panahon ng digmaan at ang alaala ng mga nasawing mahal sa buhay.
Sa panahon ng dekada 50 nagkaroon ng patimpalak sa pagsulat ng tula at iba
pang akdang pampanitikan. Tumaas ang kalidad ng panlasa sa pagsulat ng mga
obra. Kaakibat nito ang pagtaas rin ng panitik dahil ito ay pinag –uukulan ng
masusing pag-aaral at panunuri ng mga kritiko. Naging maingat rin ang paglalahad
at lalong naging masining. Ang lahat ng ito ay utang sa mga alagad ng wika na
walang sawang nagpapaunlad ng Wikang Filipino.
Sa panahon ng dekada 60 naman ay panahon ng pagkabagabag at aktibismo.
Naging marumi ang lipunan at naging magulo ang kapaligiran. Sa panahon na ito
ang tao ay naghahanap ng identidad at ito ay makikita sa pagsulpot ng tinatawag
na “Hippie”, isang uri ng pagrerebelde ng mga tao sa kinalakhan niyang
kumbensyon. Ngunit patuloy pa rin ang mga naghahari-harian sa Kongreso.
Maging ang simbahan at relihiyon ay nagkaroon na rin ng gatla.
Ang dekada 70 naman ay dumating na puno ng karahasan. Maraming
nagkabuhol-buhol na braso, maraming kamay ang humawak ng pulang plakard. Di-
mahulugang karayom na tao sa Mendiola at mga taong humandusay sa kalsada.
Ang lahat ay bunga ng bulok na Sistema sa pulitika.
GAWAIN 1

Panuto: Basahin ang mga katanungan at sagutan sa nakalaang espasyo sa ibaba. Tiyaking
may kaisahan, maayos na paliwanag, at hindi paligoy-ligoy ang sagot.

1. Bigyan ng pinakamabuting Katuturan ang panitikan.

2. Ipaliwanag kung bakit ang panitikan ay salamin ng kultura ng alinmang bansa?

3. Patunayan ang Pilipinas ay mayaman na sa kanyang patinikan bago dumating ang


mga Kastila?

4. Anong magagandang impluwensya ang dala sa atin ng mga Amerikano?

5. Bakit kailangan ang pag-aaral ng Panitikang Pilipino at maging bahagi ng aralin ng


lahat ng mga mag-aaral sa kolehiyo?

6. Ilarawan ang naging kalagayan ng Pilipinas matapos ang digmaan sa panahon ng


pananakop ng Hapon.
7. Ipaliwanag ang naging ugnayan ng kasaysayan at panitikan sa paraan at uri ng
pamumuhay ng mga Pilipino sa Panahon ng Bagong Republika.

8. Paano ginamit ng mga manunulat ang Kasaysayan bilang lunsaran upang


paghanguan ng mga Paksang Pampanitikan? Ipaliwanag.

9. Kung ikaw ay bibigyan ng pagkakataon na baguhin ang istilo ng pagsulat ng mga


Akadang Pampanitikan ano ang iyong gagawin? Bakit?

10.

Panahon ng Panahon ng

Panahon ng
Bagong

*Ipaliwanag

You might also like